webnovel

Her Gangster Attitude

Teenager
Laufend · 571.9K Ansichten
  • 67 Kaps
    Inhalt
  • 4.4
    130 Bewertungen
  • NO.200+
    UNTERSTÜTZEN
Zusammenfassung

Since her grandmother is in a coma, Maria Delaila Magtanggol is willing to do everything, give up her pride and enter a world so new to her. In her struggles and troubles, can she overcomes them using her charm and her gangster attitude? It's a story of friendship, brokenness, family and love.

Tags
6 tags
Chapter 1PROLOGUE

 = P R O L O G U E =          

Malakas ang bawat paghampas ng hangin na sinabayan pa nang walang tigil na pag-ulan. Katatapos lang ng isang bagyo, heto at may panibagong bagyo na naman.

"Ate, naiinip na ako,"

Mula sa pagkakadungaw sa bintana ay lumingon ako sa nagsalita. Hindi ko mapigilang mapangiti pagkakita ko sa tabatsoy na si Trii. Nakapangalumbaba s'ya sa kahoy na lamesa at hindi maipinta ang cute na cute na mukha.

"Ako din. Nakakainip ilang araw na tayong walang pasok," pagsang-ayon ko sa sinabi ng bunso kong kapatid. Dahil sa walang tigil na pag-ulan, binaha na ang maraming lugar sa aming probinsya. Bakit ba kase favorite daanan ng bagyo at tag-ulan ang nananahimik na probinsya namin?

"Anong ulam natin mamayang gabi, ate?" Tanong n'ya at tiningnan ako habang nagniningning ang kanyang mga mata. Tsk. Alas-tres pa lang ng hapon pero pagkain na naman ang iniisip n'ya.

"Tinolang kabute," sabi ko saka umalis sa harapan ng bintana. Kinuha ko ang chess board sa ilalim ng lamesitang kahoy saka iyon inilagay sa ibabaw. Tatlo lang kaming magkasama sa maliit naming bahay. Ako, si Dimitrio o Trii at si Lola Demetria.

"Wow! Masarap 'yun ate, saan mo nakuha?" namimilog ang mga matang tanong pa ng bata.

"Sa may punsong malaki bago makarating ng ilog. Ang dami-dami ko ngang nakuha. Ibinigay ko kila Aling Tinay 'yung kalahati,"

Sumimangot ang anim na taong gulang na si Trii. Masama bang magbigay ako sa kapitbahay? Ilang beses akong napailing saka kinutusan ang kapatid ko ng mahina.

"Huwag ka ngang madamot. Nakalimutan mo na ba noong nilagnat ka? Hindi ba't si Aling Tinay ang nagbigay sa atin ng gamot para gumaling ka?" panenermon ko sa kanya. Nagyuko naman s'ya ng ulo.

"Kase naman ate, peborit ko 'yun eh," naka-pout pa s'ya habang nangangatwiran. Basta pagkain talaga ang dami n'yang alam na palusot.

"Hayaan mo at marami na ulit 'yun bukas. Kapag kumidlat mamaya at kumulog, maglalabasan 'yun," nakangiti kong sabi. Hindi ko rin alam kung ano ang koneksyon ng kulog at kidlat sa mga kabute. Basta nakasanayan na sa probinsya namin na kapag kumulog at kumidlat basta kapanahunan ng kabute, magsusulputan daw ang mga iyon.

"Gisingin mo ako ng maaga ate ha, sasamahan kitang manguha,"

Natatawa akong tumango. Inayos ko ang mga chess pieces sa board.

"Chess tayo,"

Kaagad namang naupo sa harapan ko si Trii. Sa edad sa sais, magaling na s'yang maglaro ng chess. Kagaya ko, kasama rin s'ya sa top five noong first at second grading. Grade 1 pa lang si Trii habang ako naman ay Grade 8. Palagi kaming sabay pumasok. Sinusundo naman s'ya ni lola kapag oras na nang pag-uwi n'ya dahil mas matagal ang uwi ko.

Nasa kalagitnaan na kami ng paglalaro nang bigla na lang sumigaw mula sa labas ng bahay ang lola kong parang nakalunok ng microphone. Nagkatinginan kami ni Trii. Pagkatapos ay sabay din kaming tumayo at tumakbo palabas ng bahay. Naku po naman! Ano na namang ginagawa ng lola kong iyon sa labas?! Alam naman n'yang may bagyo, baka nangahoy na naman ang matanda!

"Sabi ko sa'yo 'te parang may nakita akong lumabas kanina eh,"

Napakagat labi na lamang ako. Hindi ko pinansin ang sinabi ni Trii dahil wala naman akong napansing lumabas kanina. Saka ang pagkakatanda ko, natutulog lang si lola sa papag n'ya.

Sumugod na kami sa ulanan. Bahala na. Maligo na lang ulit mamaya.

"Delaila! Dimitrio!"

Napa-face palm na lang ako. Sa lahat pa naman ng ayokong marinig ay ang buo kong pangalan. Paulit-ulit ko ng pinaalalahanan ang lola ko na 'Iya' ang itawag sa akin, napakatigas talaga ng ulo. Tsk. Saang parte kase ng kagubatan n'ya napulot ang mga pangalan namin? Hindi porke't Demetria ang pangalan n'ya, isusunod n'ya rin sa kanyang pangalan ang mga pangalan namin. Kainaman naman ang lola ko eh, mapapakamot-ulo na lang. Napakahusay. Napangiwi ako saka binilisan pa ang pagtakbo.

"Ate Iya, hayun at nasa sagingan ang lola!"

Parang lalong lumalakas ang buhos ng ulan kaya naman halos pasigaw na ang pagsasalita ng kapatid ko. Kaunti pa lang ang nailalayo namin sa bahay pero basang-basa na kami. Mas lalo naming binilisan ang pagtakbo. Hingal na hingal na kami nang makarating sa kinaroroonan ni lola.

"Lola, bakit po?" Nag-aalalang tanong ni Trii.

Napailing na lang ako. Hindi na nasanay ang batang 'to. Alam naman n'yang kakaiba talaga ang mga trip ni lola sa buhay.

"Tulungan n'yo ako. May nakita akong tao. Punong-puno ng dugo," nag-aalala n'yang wika. Natigilan ako sa narinig ko.

Ano daw ulit 'yun?

Tao?

Panung-puno ng dugo?

Feeling yata ng lola ko s'ya si Tandang Sora na lahat ng makitang duguan ay kasamahan n'ya sa Katipunan. Iyong huling tinulungan namin, nagkunyari lang naman na nawalan ng malay. Natulog lang kami paggising namin kinabukasan limas na lahat ng inipong pera ni lola. Mabuti na lang at iyong napagbentahan lang ng dahon ng saging ang nakuha. Ako talaga ang nagtatago ng perang mula sa pension n'ya at mga pinagbentahan namin ng gulay.

"Lola, baka ginogoyo na naman tayo ng taga-kabilang bayan. Nakalimutan n'yo na ba ang nangyari noong nakaraang buwan?"

Nakakunot-noong tanong ko. Sa aming tatlo, ako ang nagsisilbing protektor ng tahanan. Sobrang mabait ang lola ko kaya naman madalas s'yang mapagsamantalahan. Nagmana din sa kanya si Trii na napakabait na bata. Ako lang talaga ang salbahe at ayoko sa lahat ay ang nakikitang naagrabyado ang pamilya ko. Kaya naman iyong taong nagnakaw sa amin noon ay hindi ko talaga tinantanan hangga't hindi ako nakakabawi. Hmp, kung kaya nilang i-bully ang pamilya ko...kaya ko ring ibalik sa kanila kung ano ang ginawa nila. I may be fourteen years old pero masasabi kong may kakayanan naman ako para proteksyunan ang mga taong mahalaga sa akin.

"Delaila, ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na ang pagtulong sa kapwa ay hindi nababase sa kung mabait ba s'ya o salbahe? Basta may nangangailangan ng tulong, tutulong tayo kung may maitutulong rin lang tayo,"

Seventy years old na si lola pero malakas pa rin at masipag. Sa napakaraming katangian ng lola ko, lahat iyon ay hinangaan ko sa kanya.

"Saan n'yo po ba napulot 'yan?" pinagmasdan ko ang taong kandong-kandong ng lola ko. Base sa katawan n'ya, lalaki s'ya. Matangkad pero hindi namin makita ang hitsura dahil punong-puno ng putik ang buong ulo n'ya. "Humihinga pa po ba 'yan?"

"May pulso pa s'ya. Halika at tulungan mo ako,"

Manghihilot si lola sa lugar namin. Nagpapaanak din s'ya at may alam sa mga halamang gamot. Likas na talaga sa kanya ang tumulong ng hindi humihingi ng kahit na anong kapalit.

Wala akong nagawa kundi ang sumunod sa lola ko. Kahit naman may katigasan ang ulo ko, si lola ang nag-iisang tao sa mundo na hindi ko kayang suwayin. Baby pa lang ako, s'ya na ang nag-alaga sa akin. Iniwanan na ako sa kanya ng magaling kong nanay. Ni hindi man lang ako sinilip nun in my fourteen years of existence. Salamat sa pension ni lola, nakakaraos kami. At isa pa, malaking bagay din ang maliit na lupain na namana ni lolo. Sampung taon ng wala si lolo kaya naman kaming tatlo nila lola at Trii ang matyagang nagtanim ng mga gulay-gulay sa maliit na lupain.

Kalahating oras din yata ang lumipas bago kami nakarating sa bahay. Magkatuwang kami ni lola sa pagdadala sa lalaki at parang kaladkad na nga ang ginagawa namin dahil hindi naman namin s'ya kayang buhatin. Hindi ko nga maintindihan, hindi naman s'ya sobrang taba pero ang bigat n'ya. Lahat ng mga nakaharang na bagay sa unahan ay inalis naman ni Trii para walang sagabal sa ginagawa namin at para hindi na rin madagdagan xx xyang injury nang lalaki.

"Ikuha mo ako ng isang baldeng tubig tapos magpakulo ka sa malaking takure. Ako na ang maglilinis sa kanya. Dimitrio, kumuha ka ng lumang damit ng tatay mo para mapalitan ang suot n'ya,"

Hindi na kami nagtanong o nagreklamo na magkapatid. Kaagad kaming sumunod kay lola. Nagpunta ako sa kusina at naglagay ng maraming kahoy sa saingan. Kung sa mga kaklase ko hindi na uso ang magsaing sa kahoy. Sa aming bahay naman hindi uso ang pagsasaing sa kalan. Iyong ibibili namin ng gasul, isang buwang bigas na naming tatlo iyon. Saka ano bang pinagkaiba ng mga pagkaing niluto sa kahoy na panggatong at pagkaing niluto sa kalan?

Sa lakas ng apoy, kaagad akong nakapagpainit ng tubig. Dinala ko kay lola ang isang balde ng tubig saka ang takure na punong-puno ng kumukulong tubig.

Sa edad ni lola, hindi makikita ang katandaan. Maliksi at mabilis pa rin s'yang kumilos. Nagtimpla s'ya ng tubig sa balde.

"Kuhanin mo nga iyong malaking batya sa labahan, Iya. Isahod mo dito sa ulo ng pasyente. Puro putik pati ang buhok n'ya..."

Hindi ko na tinapos ang sinasabi ni lola. Makapasyente naman akala mo tunay na doktor. Tsk. Tsk. Tsk. Mabilis kong nakuha ang malaking batya at isinahod iyon sa may ulunan ng lalaki. Wala namang problema kung hindi sumahod sa batya ang tubig dahil lupa naman at hindi nakasemento ang aming sahig. Mabilis lang na matutuyo iyon. Pero dahil sa utos ng lola ko, bawal ang hindi sumunod.

Pinagmasdan ko si lola sa ginagawa n'ya. Napasulyap ako ng makita ko ang paparating na si Trii. Aba, at may pa-shampoo pa talaga si Mayora. Hanga na talaga ako sa pagiging generous ng lola ko eh.

"Gusto mo bang makita?"

Napaangat ang kilay ko nang magtanong si lola. Ano naman ang gusto kong makita? Sinundan ko ng tingin ang kamay n'yang nasa zipper na ng pantalon na suot-suot ng lalaki.

"Pero hindi ba gusto mo namang mag-doktor. Wala namang masama kung sasanayin mo na ang mga mata mo ngayon,"

Dagling nag-init ang magkabila kong tenga sa sinabi ng lola ko. Anak ng tokwa, naniwala talaga s'ya sa putcho-putchong kwento ko? Kunyari lang naman na gusto kong mag-doktor eh. Pero ang totoo, wala pa akong naiisip kung ano ba talaga ang gusto ko.

"Magluluto na ako ng hapunan, la,"

Hindi ko na hinintay ang sagot ni lola. Ni hindi ko na nga rin inalam kung ano ba ang itsura ng lalaki nang mawalan ng putik ang mukha n'ya. Halos lakad-takbo na ang ginawa ko para makarating sa kusina. Inayos ko na ang mga lulutuin ko. Pagkaluto na lang saka ako maliligo dahil basang-basa pa rin ako. Nang maisalang ko ang sinaing ay lumabas ako para kumuha ng malunggay na isasahog sa kabute. Kumuha na rin ako ng sayote. Mas gusto ko ang sayote kesa sa papaya kapag nagtitinola.

Nang matapos akong magluto ay dali-dali na akong naligo dahil nanunuot na ang lamig sa buong katawan ko.

"Ate Iya! Ate Iya!"

Kunot-noong lumingon ako sa papasok na si Trii.

"Bakit?"

"Gising na 'yung lalaki. Nahihirapan s'ya maglakad. Tatlong bala ng baril ang nakuha ni lola sa binti n'ya, mabuti na lang daw at may mga antibiotic tayo. Hindi naman s'ya madadala sa ospital dahil wala namang mga sasakyang bumibyahe,"

Tatlong bala? Anong klaseng hoodlum naman kaya ang nasagip namin ngayon? Mabuti sa binti n'ya lang tumama ang mga balang 'yun.

"Mabubuhay daw ba?" Wala sa sariling tanong ko.

"Si ate parang sira. Gising na nga eh. Hindi pa ba 'yun katibayang buhay s'ya?"

Nakakalokong tanong ni Trii at tiningnan ako habang pinasisingkit ang mga mata n'ya. Aba, lokong 'to ah.

"Anong tinitingin-tingin mo?" nakataas ang kilay na tanong ko.

"Nalamigan yata iyang ulo mo 'te eh. Ikaw na lang kaya ang uminom ng antibiotic?"

Aba, loko talaga 'tong batang 'to ah.

Bago ko pa s'ya mahagip ng nakakuyom kong kamao ay nakatakbo na s'ya ng mabilis palabas ng kwarto namin.

"Maghain ka na raw sabi ni lola. Kakain na raw tayong apat!" natatawang sigaw ni Trii.

Tahimik na sumunod ako. Maliit lang ang bahay namin. Nakabukod ang kusina naming punong-puno ng mga kahoy. May maliit kaming sala. Maliit na banyo, dalawang kwarto at maliit na sala. Sementado naman ang pader ng bahay dahil pinagsumikapan talaga iyong ayusin nila lolo at lola. Hindi na lang nasemento ang sahig dahil kapos na sa pera. Iyong isang kwarto ay ginagamit ni tatay noong nabubuhay pa s'ya. Noong mamatay si tatay dahil hindi sinasadyang nasagasaan noon sa Syudad, hindi iyon ginamit ni lola dahil nalulungkot daw s'ya kapag naaalala ang nag-iisa n'yang anak. Sa sala natutulog si lola gamit ang papag na si tatay pa ang gumawa noon.

Napahinto ako sa pagmumuni-muni ng marinig ko ang boses ni lola at Trii.

"Dahan-dahan lang. Sinabi ko naman sa'yo, mahiga ka at magpahinga. Pwede ka namang kumain na lang sa higaan,"

Narinig kong sambit ni lola. Lumingon ako sa may pintuan, una kong nakita ang mapuputing mga paa at ang tungkod ni lolo na matagal ng nakatago. At tila huminto ang mundo ko ng makita ko ang itsura ng nilalang na inaalalayan nila lola pagpasok sa hapag-kainan. Ilang beses ko pang ikinurap-kurap ang mga mata ko. Kung ikukumpara ko ang itsura ng lalaking ito sa mga male protagonist sa bawat nobelang binabasa ko, masasabi kong para n'yang binigyan ng buhay ang isa sa mga iyon. Panis na panis sa kanya ang salitang 'gwapo'. Parang hindi s'ya taga-planetang Earth dahil sa napakinis n'yang kutis. Mukhang pangmayaman ang skin complexion n'ya na nakaka-insecure tingnan, walang salitang lumalabas mula sa bibig n'ya ng tingnan ako. Mabilis akong nagyuko ng ulo. Nag-aabnormal ang tibok ng puso ko lalo na ng magtama ang paningin namin kaya naman huminga ako ng malalim at pilit na pinakalma ang sarili ko.

C'mon Iya. Gutom lang iyan kaya nagha-hallucinate ka. At isa pa, mukhang hindi s'ya taga dito sa probinsya kaya natural naninibago ang mga mata mong puro taga-Katahimikan lang ang nakikita.

"Kain na tayo la," sabi ko saka ngumiti pero ewan ko kung ngiti ba o mas lamang na ngiwi ang ginawa ko. Mabilis kong ikinubli ang paghangang naramdaman ko kanina. Eh ano kung mas gwapo pa s'ya kesa sa greek god na si Apollo? O mas lamang rin s'ya ng ilang paligo kay Edward Cullen? O kung kanino pang Kdrama male lead na pinagkakaguluhan ng mga kaklase ko? Hindi ko s'ya kilala at base sa bilang ng balang nakuha sa katawan n'ya, hindi s'ya ordinaryong tao. May ordinaryong tao ba na binabaril?

Iniurong ni Trii ang isang upuan para makaupo ang lalaki. Nang makaupo ito ay saka lang naupo si lola at Trii. Ipinagsandok ko silang tatlo ng kanin. May kanya-kanya na rin kaming mangkok ng tinolang kabute dahil lugi kami ni lola kapag nasa iisang malaking mangkok lang ang ulam. Parang dinadaanan ng malakas na bagyo kapag si Trii na ang kumukuha.

"Hijo, kumain ka na,"

Sinulyapan ko ang lalaki. Wala akong mabasang kahit anong emosyon sa mukha n'ya. Gwapo nga, parang statue naman. Ni hindi ito kumikilos. Nakatitig lang ito sa pagkaing nakahain sa harapan nito.

"Masarap magtinola si Ate ko," proud na wika ni Trii. Paubos na kaagad ang kaning sinandok ko para sa kanya. Kapag pagkain talaga, walang inaatrasan ang isang 'to eh.

"Hijo, kailangan mong kumain ng marami para makabawi ka ng lakas. Ilang oras ka na ba dun sa taniman ng saging? Nalailaglag ko kase doon iyong pangkayas ko ng palapa kaya hinanap ko. Imbes pangkayas ang mahanap ko, ikaw ang natagpuan ko doon,"

Kaya naman pala kahit bagyong-bagyo ay sumugod si lola sa ulanan. Dahil lang pala doon sa pangkayas n'ya ng palapa. Mabilis gumawa ng walis tingting si lola, ibinebenta rin namin iyon sa Syudad kapag nakakaipon na kami ng maraming walis tingting. Kayamanan n'ya ang pangkayas n'yang iyon dahil si tatay ang gumawa noon para sa kanya.

"Kuya, tinatanong ka po ni lola," saglit na huminto sa pagsubo si Trii saka ikinaway-kaway ang tabatsoy nitong palad sa harapan nang mukha ng lalaki.

Hindi lang pala s'ya parang estatwa, hindi rin yata nakakarinig. Hindi ko tuloy mapigilang hindi manghinayang. Hindi pala talaga pwedeng mapunta sa isang tao lahat. Napaka-unfair nga naman kung ang gwapo-gwapo na n'ya, wala pa s'yang kapintasan sa katawan.

"Kuyaaaa,"

Dahan-dahang lumingon ang lalaki kay Trii. Hindi ko gusto ang tingin n'ya dahil para s'yang mangangain ng buo kaya naman hindi ko mapigilang pukpukin ng malinis na sandok ang ulo n'ya.

"Kain na. Kung ayaw mo rito, lumayas ka na pagkakain mo," malamig pa sa panahon na sambit ko. Ayoko sa lahat ay tinitingnan ng masama ang kahit na sino kay lola at kay Trii.

Ako naman ang tiningnan n'ya. Kaya lang, kung matalim ang tinging ibinigay n'ya kay Trii kanina, ngayon naman may kasama pang pag-aalab ang matalim na tinging ipinupukol n'ya sa akin.

"May problema ka? Baka gusto mong dukutin ko 'yang mata mo't isahog ko dito sa kabute," mataray kong sambit.

Nagkatinginan si lola at Trii, pagkuwan ay ako naman ang tiningnan nila.

"Oh? Nagpapakamatay yata talaga 'to eh, bakit tinulungan pa natin?"

Sa lalaki naman sila tumingin. Kitang-kita sa inosente nilang mga mukha ang tanong na gusto nilang sabihin pero hindi nila masabi-sabi.

"I've been there for two days,"

Tila nalunok ko ang aking dila dahil sa narinig ko. Tama bang narinig ko s'yang nagsasalita o dala lang ng pagkairita ko kaya feeling ko narinig ko ang malamig na boses na iyon?

"T-two d-days?!" Nanlalaki ang mga matang tanong ni Trii. Mas nagulat s'ya sa katotohanang nakatagal ng dalawang araw sa malamig at maputik na lugar na iyon ang lalaki kesa sa katotohanang english spokening dollar ito.

"They throw me at the City River. When I woke up...I'm at the river side. I crawled from that place to the place where you've found me,"

Bakit ganun? Bakit kahit ang lamig-lamig ng boses n'ya, ang sarap-sarap pa rin sa pandinig?

"Eh sino nagtapon sa'yo?" Naiintrigang tanong ni Trii. At dahil nakarinig ito ng bago at kakaibang bagay, namimilog na naman ang mga mata nito. Ginagawa nito ang pagtatanong sa pagitan ng pagsubo at pagsasalita.

Sumubo din ako, pero ang totoo nakikinig ako sa lalaki. Hindi ko alam kung sa kwento n'ya ba ako nai-intriga o sa boses n'yang tila musika sa aking tenga.

"No idea. Is this edible?" nanghihina pa rin ang boses n'ya pero iyong talim sa paraan ng pagtingin n'ya, hindi pa rin nawawala.

"Maraming taon na kaming kumakain ng ganitong uri ng kabute. As you can see, heto pa rin kami, so alive and eating. So yes, it's edible," saad ko habang nakataas ang kilay.

Napalingon ako kay Trii ng marinig ko s'yang mapasinghap.

"Problema mo?" Nagtataka kong tanong. Sa akin naman s'ya nakatingin na akala mo'y nakakita ng dyamanteng kumikinang.

"Bangis. English 'yun ate," natatawang sambit ng bata. Inirapan ko lang s'ya.

"Kung gusto mong mahuli ang nagtapon sa'yo sa ilog, kumain ka. Kung nagpapakamatay ka naman, lumayas ka d'yan. Bawal ang maarte dito,"

Walang kaemo-emosyon kong sambit. Ilang beses na tumikhim si lola kaya naman lumingon ako sa kanya.

"Pagpasensyahan mo na ang apo ko, hijo. Hindi lang kase s'ya sanay na may ibang tao dito sa bahay. Sige na, kumain ka na."

Ilang segundo pa ang lumipas bago dinampot ng lalaki ang kutsara at tinidor. Tinitigan nito iyon ng matiim.

"Pinakuluan ko iyan kaya siguradong kasama na ni San Pedro ang bakteryang nanirahan d'yan kung meron man. Anak mayaman ka siguro 'no?"

Hindi ko na naman mapigil ang bibig ko. May normal na tao bang tumitingin sa kutsara at tinidor na akala mo ay microscope ang mga mata?

Tumingin naman sa akin ang lalaki. Nakakunot-noo s'ya at hindi ko masabi kung ano ang iniisip n'ya habang nakatitig sa akin. Hindi na kagaya ng kanina ang paraan nang pagkakatingin n'ya sa akin pero ako naman iyong matalim kung makatingin sa kanya na may kasama pang pagtaas ng kilay. Oh bakit? Bawi-bawi din.

"Di ka naniniwala? Gusto mong kumuha ako ulit ng kumukulong tubig? Ilang drum ba para isama mo na rin 'yang sarili mo?"Seryoso kong tanong.

May kung anong emosyon akong nakita sa mga mata n'ya. Is he amused? Ewan ko, parang hindi naman yata dahil mabilis na bumalik sa normal ang mga mata n'ya. Bigla na namang nawala doon ang emosyong nakita ko kani-kanina. Dahan-dahan s'yang nagsandok ng sabaw. Para akong nagbibilang ng kung ilang dekada na ba bago dumampi sa labi n'ya ang kutsara. Nakita kong tila nagningning ng bahagya ang mga mata n'ya saka sumandok ulit ng sabaw. Hanggang sa hindi na nito napigilan, isinahog na nito iyon sa kanin.

Napatulala ako habang sumusubo s'ya. Napaka-graceful ng bawat pagsubo at pagnguyang ginagawa n'ya. Bigla tuloy akong na-conscious sa bara-bara kong pagkain.

Huminga ako ng malalim saka muling kumain. Mas mabagal pa kumpara sa ginagawa kong pagsubo kanina. Kahiya naman kase, baka mamaya masira ang mood n'ya sa pagkain kapag nakita n'yang ang sagwa ko palang sumubo at ngumuya. Sa tanang buhay ko, ngayon lang ako nahiya sa paraan pa ng pagkain ko.

"Ilang taon ka na kuya?" curious na tanong ni Trii.

Tahimik lang kami ni lola.

"Fifteen,"

What?! Fifteen pa lang s'ya?!

Wala sa sariling napalingon ako sa kanya. Kitang-kita sa mukha ko na hindi ako naniniwala sa sinabi n'ya. Mukha kaya s'yang disi-siete o disi-otso.

"I don't have any identification card," aniya habang nakatingin sa akin.

Nagyuko ako ng ulo. Ano namang paki ko?

"Matanda ka pala ng isang taon kay ate ko. Akala ko mas matanda si ate kesa sa'yo, hehe,"

Tiningnan ko ng masama si Trii. Anong problema ng batang 'to?! Kaagad n'yang inilayo ang mangkok ng ulam n'ya ng mapansing n'yang nakatingin ako doon. Huminga ako ng malalim saka tumayo. Kinuha ko ang natitirang ulam sa kaserola. Nilagyan ko ang mangkok ni lola.

"Ako din,"

"Me too,"

Halos sabay pang inilapit ng dalawang lalaki ang mga mangkok nila. Mabilis kong ibinuhos sa mangkok ko ang natirang ulam sa kaserola. Punong-puno na ang mangkok ko kaya naman sa plato ko ibinuhos ang natira.

"Sorry, ubos na." saad ko habang nakangising-aso sa dalawa. Kinakalaban ako, pwes wala na silang ulam!

Cndy's Note:

So ayun, napahaba masyado ang prologue. Aaaaannd alam kong may 'kabataan' ang mga characters ko dito, pero I'm hoping we can grow together with them guys. Since it's a series, makikita n'yo 'yung pag-grow at pag-i-evolve ng bawat character. Pasensya na sa mga makikita n'yong di kanais-nais. Please, bear with me. Thankie! I love you to the moon and back (~ ̄³ ̄)~

Das könnte Ihnen auch gefallen
Inhaltsverzeichnis
Volumen 1