53
"ANO, Krisel? Ayos na ba ang hitsura ko?"
Tinaasan ko ng kilay ang pusturang-pusturang si Andeng. Mula sa buhok nitong halatang sinuklay nang pagkatagal-tagal, hanggang sa kolorete at plantsadong-plantsadong bestidang suot nito, animo'y dadalo ng piging ang bruha.
"Ang totoo, Andeng, saan ang punta mo?" ngiwing tanong ko sa kaibigan.
"Sa bahay ng kuya mo na soon to be jowa ko," tila kinikiliting tugon nito. Sinimangutan ko siya at napapalatak naman ang loka. "Ay mali! Let me correct myself. Bahay mo na rin pala 'yun ngayon. So, sa bahay niyo tayo pupuntaaaa! Sorry ka! Yayamanin na ang ignorante kong friend!"
Lalo ko siyang sinimangutan. Hindi ako sanay na sinasabihan akong mayaman dahil hindi naman 'yun totoo. Kung ano mang kayamanang mayroon sina Sir Fred, sa kanila 'yun. Sila ang mayaman at hindi ako. Anak lang naman ako sa labas ni 'Nay Helen, e.
Hmm? Bakit kaya nauso ang panganganak sa labas kung pwede naman sa loob? Naghihirap ba noon sina 'Nay Helen at ang tatay ko nang ipinapanganak pa lang ako?
Ilang sandali pa ang lumipas ay nakarinig na kami ng busina ng kotse sa labas, kaya naman itong si Andeng ay hindi na magkamayaw sa paglagay ulit ng make-up sa kanyang mukha. Retouch daw ang tawag doon, aniya. Inabot pa ng limang minuto bago siya matapos kaya naman humingi kaagad ako ng paumanhin sa pagpapahintay namin kay Sir Fred pagkalabas namin ng barong-barong.
"Ayos lang, Krisel. Sakay na kayo."
Walang patumpik-tumpik pa, ura-uradang pumasok ng kotse ang walang kahiya-hiya kong kaibigan para maupo sa tabi ni Sir Fred. Wala tuloy akong nagawa kundi ang maupo sa likod at pagmasdan ang mga pagpapapansin ni Andeng kay Sir Frederick.
"No doubt po na kuya kayo ni Krisel. Ang gwapo niyo po, sobra," ani Andeng habang titig na titig sa nagmamanehong si Sir Frederick. "Grabe Krisel, ang ganda ng lahi niyo, kainggit," baling naman nito sa akin.
Sa sinabing iyon ni Andeng ay napatingin sa kanya si Sir Frederick. At kitang-kita ko kung paano mamula ang kanyang mukha nang dahil lang sa tingin na iyon.
Hala sige, Andeng, harutin mo pa 'yang kapatid ko para maging kapatid na rin kita!
"Ilang taon na po kayo?" tanong ni Andeng na tila nag-iinterbyu.
"24."
"Uhm... do you gym po, kuya?" Halos matawa na lang ako nang sundutin ng walanghiya kong kaibigan ang muscles ni Sir Fred.
Kita ko ang pagpuslit ng ngiti sa labi ni Sir Fred sa inasal ng kababata ko. "Yes, once or twice a week lang. Masyado kasing busy sa work."
"Oh... pero ang laki po ah!" Tumikwas ang kilay ko sa tinuran ng kaibigan. Mahina namang natawa si Sir Fred. "Ay shet! Ang dudumi ng utak niyong magkapatid ah. What I meant is yung muscles, ang laki. Pasundot nga po ulit."
Pailing-iling ko na lang na pinagmasdan ang tuwang-tuwang si Andeng sa pagsundot sa braso ni Sir Fred. Ang lakas ng tama ng babaeng 'to!
Pero mabuti na lang at nandito itong si Andeng. Nang dahil sa kanya ay may mga nalaman ako tungkol sa kapatid ko. Sigurado kasi akong kung kami lang ang nandito ni Sir Frederick ay pihadong mabuburyo kaming dalawa sa sobrang katahimikan.
"We're here," ilang sandali pa ay hayag ni Sir Frederick. Awtomatiko akong napatingin sa labas para pasadahan ng tingin ang malaking bahay na hinintuan namin.
"Wow! Ang sosyal ng bahay niyo, Krisel," manghang anas ni Andeng na nakatingala na rin sa mansiyon sa labas ng sasakyan.
"Bahay nina Sir Fred, Andeng," pagtatama ko rito. Hindi naman iyon narinig ni Sir Fred dahil lumabas na ito para pagbuksan kami ng pinto.
"Whatever, Krisel."
Panay ang puri ni Andeng sa mga nakikita niya habang iginigiya kami ni Sir Frederick papasok ng malaking bahay. Hindi ko naman masisisi si Andeng kung ganoon na lang ang kanyang pagkamangha kahit sa pinakamaliit na detalye ng mansiyon dahil ubod talaga ito ng rangya. Halatang pinaglaanan ng napakalaking halaga ng salapi katulad ng mansiyon ng mga Tuangco.
"Come in, make yourselves feel at home."
"Wow!" ang naibulalas na lamang namin ni Andeng nang buksan ni Sir Fred ang malaking pinto na magdadala sa amin sa loob ng mansiyon.
Katulad sa labas ay walang tulak-kabigin din ang ganda ng disenyo sa loob. Wala akong masyadong alam sa arkitektura pero hula ko ay galing sa ibang bansa ang inspirasyon ng mansiyon na ito.
Kumikinang ang mga muwebles na bumagay sa puting kulay ng dingding. Halos nakakatakot na ngang gumalaw at baka makabasag kami ng gamit.
Nang makapirmi kami ng upo sa malaki nilang tanggapan ay nagsilapitan na ang ilang katulong para maghain ng juice at pagkaing sosyal na hindi ko mapangalanan. Habang ngumunguya ay patuloy pa rin ang pagsuyod namin ni Andeng ng tingin sa kalawakan ng sala.
Hindi ko sukat akalaing ganito karangya ang pamilya ng tunay kong ina.
"Kamukha mo siya, diba?" Napatingin ako kay Sir Fred nang magsalita ito. Nakatingin na siya sa malaking litratong nakasabit sa dingding na pinagmamasdan ko kanina. Ang litratong iyon ay litrato niya kasama si 'Nay Helen at ang kanyang papa. Litrato ng pamilya, hindi ko lubos maisip na nariyan ako at kasama nila. Parang hindi bagay.
"Pareho kayong maganda ni mama. At katulad ko, namana mo rin 'yung kulay kahel niyang mga mata." Ngayon ko lang napansing pareho nga kami ng kulay ng mata.
"Uh, kuya Fred, 'yung daddy mo, nandito siya?" pagtatanong ni Andeng na hindi na yata nakayanang hindi makisawsaw sa usapan namin. Mabuti na rin dahil iyon din naman ang gusto kong malaman.
"Simula nang mamatay si mama, bihira na lang umuwi si dad dito. Nasa States siya para lunurin ang sarili sa trabaho, siguro para hindi niya masyadong maisip ang pagkamatay ni mama. Biglaan kasi ang lahat, e. Lahat kami rito sa bahay, hindi talaga nakapaghanda sa pagkawala ni mama."
Kahit wala ako sa mga sandaling nag-aagaw buhay si 'Nay Helen ay damang-dama ko ang kirot sa aking dibdib. Pakiramdam ko ay nandito rin ako nun at nakikiiyak sa kanila.
"A-ano ang ikinamatay ni 'Nay Helen?" sa wakas ay may naitanong ako.
Humugot ng malalim na hininga si Sir Fred bago siya sumagot. "Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap na isang masamang panaginip lang ang kumitil kay mama. That night she slept peacefully, but we never thought that it'll be forever. Hindi na siya nagising. Sabi ng doctor, nagkabangungot daw si mama dahil daw sa stress at matinding pagod. Ito rin 'yung rason kung bakit hindi rin mapatawad ni dad ang kanyang sarili. Nung gabing yun kasi ay nasa business trip siya. He wasn't there to wake her up. Kung nandoon lang daw sana siya nang gabing 'yun, 'di sana'y kapiling pa namin ngayon si mama."
Pinalis ko ang tuloy-tuloy na pagtulo ng aking mga luha. Hindi ko man nakasama si 'Nay Helen ay parang ilang parte ng puso ko ang nawala.
Hindi ko lang alam kung ano ang mas masakit. 'Yung mawala ang taong mahalaga sayo pero hindi mo pa nakakasama o 'yung mawala ang taong mahalaga sayo na ilang taon mo nang nakasama?
Ang alam ko lang, alin man doon sa dalawa ang mas masakit, pareho kaming nasasaktan ngayon ni Sir Fred, dahil pareho kaming nawalan ng ina. Parehong napundi ang ilaw na nagbibigay ng liwanag sa aming tahanan at mga puso.
Tumayo si Sir Frederick para lapitan ako at yakapin. "I was so lonely when mom died, dahil nang mamatay si mama ay para na rin akong namatayan ng ama. I thought I was all alone not until I found you, Krisel. Kaya please... dito na kayo tumira ni Nanay Lourdes"