49
I was afraid this time would come, I wasn't prepared to face this kind of burden from within. I have learned to live my life beside you...
Kusang tumulo na naman ang panibagong pulutong ng mga luha sa aking mga mata nang tumugtog ang kanta ni manay Ella Mae na 'Til My Heartaches End sa karihang tinatambayan namin ni Felix.
Hindi ko alam kung nananadya ba ang nagpapatugtog dito o ano. Sapul na sapul, e. Ang sinasabi ng kanta mismo ang nararamdaman ko ngayon.
Matagal ko nang kinakatakutan itong paghihiwalay naming ito ni Sir Rod magbuhat nang pumasok siya sa aking buhay. Ito 'yung bagay na alam kong mangyayari pero kailanma'y hindi ko napaghandaan. Hindi ko kayang paghandaan dahil hindi ko kayang tanggapin. Katulad ng sinasabi sa kanta, nasanay na akong mabuhay sa tabi niya. Nasanay akong salubungin ang bawat umaga na may ngiti at pananabik sa bawat pagtungtong ko sa mansiyon para makapiling siya. Nasanay ang mga mata ko sa walang tulak-kabiging kakisigan niya. Nasanay ang mga labi ko sa bawat halik niya. Nasanay ang katawan ko sa mga yapos niya. Sa madaling sabi, nasanay ako sa kanya.
Kaya ngayon, ang hirap... ang hirap-hirap niyang burahin sa mundo ko. Paano ko ba siya mabubura sa mundo ko kung siya mismo ang mundo ko? Ang tanga, diba? Ginawa kong mundo ang dapat na tao lang. Kaya ito, imbes na masakit lang, sobrang sakit ang balik sa akin.
"Lift your head..." Napaangat ako ng tingin kay Felix nang bigla itong kumanta. "Baby, don't be scared of the things that could go wrong along the way."
Kinunutan ko siya ng noo. Anong trip nito?
Imbes na tumigil ay tinuloy niya ang pagkanta kasabay ng pagsilay ng ngiti niyang sobrang nakakapanatag ng loob. "You'll get by with a smile, now it's time to kiss away those tears goodbye." Inabot niya ang aking mukha saka marahang pinunasan ang basa kong pisngi.
"He doesn't deserve a single tear from you, Krisel. Smile, you'll get over it all. I'm here to help you."
Hindi ko sukat maisip kung saan ako pupulutin kung wala ngayon sa tabi ko si Felix. Sinikap niyang palitan ng masasayang alaala ang hindi magagandang karanasang inukit nitong mall sa aking puso.
Dinala niya ako sa tinatawag na timezone at doon ay pansamantala kong nakalimutan ang lahat ng sakit na dinadala ko. Sa ilang saglit lang ay natutunan ko muling ngumiti't tumawa.
"Napagod ako," nakangiting wika ni Felix. Kakatapos lang naming maglaro ng basketball at alam kong hindi sa paglalaro siya mismo napagod kundi sa mga panggugulo ko habang tumitira siya.
"Ang galing mo, Felix! Ang dami!" hiyaw ko nang makita ang premyong tickets na nakuha niya. Pumunta kami sa counter at doon ay pinalit niya ang mga napanalunan niyang tickets ng maliit na stuffed toy.
"Ang cute! Papainggitin ko si Andeng nito," nakangiting ani ko ngunit agad ding natigilan. "Teka, nasaan na pala si Andeng? Hala Felix, baka kanina niya pa tayo hinahanap."
"She texted me a while ago. She went home already."
"Ano? Iniwan niya ako?"
"Nandito naman ako. I'll take you home."
Nakakainis naman itong si Andeng oh! Siya itong nagdala sa akin dito tapos mang-iiwan lang. Sobrang nakakahiya na kay Felix kung magpapahatid pa ako pauwi.
"Are you hungry? May gusto ka bang bilhin, Krisel?" Sunod-sunod na pag-iling ang ginagawa ko sa bawat inaalok sa akin ni Felix. Halos kada tindahan kasi ng pagkain at mga bagay-bagay na nadadaanan namin ay nagtatanong siya kung gusto ko nun.
Wala akong gusto ngayon bukod sa kalimutan si Sir Rod. 'Yun ang higit na kailangan ko kaysa sa mga masasarap na pagkain at mamahaling bagay. Kung nabibili lang sana iyon, papakyawin ko.
"Felix, magbabanyo muna ako," wika ko nang makaramdam ng pagkaihi. Medyo malapit lang naman ang banyo kaya hinayaan na niya akong mag-isa.
Mapayapa akong nakarating sa paroroonan. Mapayapa ring nakaihi. Ngunit paglabas ko ng banyo ng mga babae ay biglang nawasak ang kapayapaan sa loob ko nang bumungad sa akin ang lalaking dahilan ng mga kadramahan ko sa buhay.
"Sir—" pinigilan ko ang aking sarili sa pagtawag sa kanyang pangalan. Hindi, Krisel. Baka iba ang hinihintay niya. Baka hindi ko lang napansin na nasa loob din ng banyo si Trina.
Humugot ako ng malalim na hininga bago ko iginalaw ang aking mga paa para lagpasan siya.
"Just like that?" Napahinto ulit ako nang magsalita ito. Saglit kong kinalma ang aking sarili bago ko muling ipinagpatuloy ang paglalakad.
"I'm talking to you, Krisel."
"Ano ba?!" Kaagad kong inalis ang pagkakahawak niya sa aking braso. Ginawaran ko siya ng matatalim na tingin na sinalubong niya naman ng masasamang tingin. Walang'ya! Siya pa ngayon ang galit?
"I saw you with that bastard again." Hindi ako umimik. Ano naman sa kanya kung kasama ko si Felix? Para namang may pakialam siya.
"Aren't you going to say something?" Ramdam ko ang bawat pagkakadiin niya sa mga salita.
"Para saan pa?"
"Damn! Krisel, you changed. Ganyan ba ang itinuturo sayo ng lalaking iyon? Ano, sinagot mo na siya? Kayo na, ano? Dahil hindi mo ako nakuha kaya siya na lang ganon?" Kusang lumipad ang kamay ko sa mukha niya. Nanginginig ako sa halo-halong emosyon — sakit, galit, awa sa aking sarili.
Sinikap kong pigilan ang pagbuhos ng aking mga luha. Buong lakas kong tinagpo ang mga mata niya. "Ano naman sayo kung kami na?! Sir, 'wag kang umasta na parang ako 'yung nagloko. 'Wag ka pong pabiktima. Hindi bagay sayo." Dagli akong tumalikod para itago ang hindi ko na napigilang pagbuhos ng aking mga luha. Mabilis akong tumakbo palayo.
Napakawalanghiya niya! Hindi ko sukat akalaing minahal ko ang lalaking iyon.