46
"IT's time for you to learn some stuffs..."
Mapait na ngiti ang sumilay sa aking labi habang pinapasadahan ko ng tingin ang librong naging parte ng pinagsamahan namin ni Sir Rod.
3 Ways to Heaven...
Natawa ako nang mapakla. Bakit sa halip na sa langit ay sa impyerno niya ako dinala? Bakit imbes na kasiyahan ay puro pighati na lang ang iniwan niya sa puso ko?
Tanan ang mabigat na loob ay isinilid ko ang libro sa kailaliman ng karton na pinaglalagyan ko ng mga gamit na hindi na mahalaga sa akin. Wala nang halaga, katulad ng pagmamahal ko sa kanya.
"Krisel, may dumi ba ako sa mukha? Bakit parang kanina pa tayo pinagtitinginan ng mga tao?"
Inilibot ko ang tingin ko sa kalawakan ng palengke kung saan naglalakad kami ni Andeng para bumili ng ilang rikadong gagamitin ni Aling Petring sa maliit nitong karenderya. Halata ang mabilis na pagbubulung-bulungan ng mga tao sa tuwing tumatama ang mga mata ko sa kanila.
"Mga adik! Gandang-ganda yata sa atin," ani Andeng na mukhang 'di naman gaanong kaapektado, hindi katulad ko na hindi na mapakali sa mga titig na natatanggap namin.
"Saglit Krisel, hinto muna tayo rito sa pwesto ni Aling Guya, may bibilhin ako."
"Oh Andeng, ano sayo?" bati ng nakangiting tindera. Nang dumako ang tingin nito sa akin ay lalo pang lumapad ang ngiti nito sa labi.
"Uy Kriselda, kumusta? Balita ko ay naka-jackpot ka at nobyo mo ang binatang Tuangco." Nagkatinginan kami ni Andeng sa sinabi ni Aling Guya. "Baka naman pupwede mo 'kong balatuhan diyan. Magkano ba nakukuha mo sa anak ni Señor Cristobal?"
"Excuse me?" Hinawakan ko sa balikat si Andeng dahil mukhang ano mang oras ay susugurin na nito ang nanunuyang ale. "Mawalang galang na po, pero sino ang nagsabi sa inyong binibigyan ng pera si Kriselda ng lalaking iyon?"
"Bakit, hindi ba? Naku ineng, kalat na sa bayan ang ginawa niyang kaibigan mo." Umiling-iling ito na animo'y sobrang nadismaya sa akin. "Akala ko mabait itong alaga ni Lourdes. Maganda lang pala, manggagamit din."
"Aba, teka po! 'Wag kang magsalita na parang alam mo ang lahat. Ako po, hindi ako pumapatol sa matatanda pero sumusobra na kayo. Ang kaibigan ko ang biktima rito. Hindi niya deserve ang mga panghuhusgang natatanggap niya sa mga makikitid ang utak na katulad niyo!"
Hinatak ako ni Andeng palayo roon. Panay ang mahihinang pagmumura niya habang tinatahak namin ang daan palabas ng palengke. Randam ko ang paggigigil niya lalo na nang mapansin nito ang mga pares ng matang nakasunod sa mabibilis naming hakbang.
"Punyeta! Bakit kasi nakipagrelasyon ka pa sa Ponchio Pilatong iyon? Iyan tuloy, pati ang maganda mong reputasyon, wasak na."
Tila umurong ang dila ko habang pinapangaralan ako ni Andeng. Hindi ako makapagsalita. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin. Hindi ko alam kung paano ko ipagtatanggol ang sarili ko.
"S-saan tayo pupunta?" untag ko nang pumara ng tricycle si Andeng at mabilis na sumakay dito. Nanatili naman akong nakatayo sa labas habang hinihintay ang isasagot niya.
"Sa mansiyon ho ng mga Tuangco, manong," anito sa driver saka ako tinapunan ng tingin. "Ano pang hinihintay mo, Krisel? Sakay na."
"Ano? Nababaliw ka na ba? Ba't tayo pupunta roon? Ayoko nang bumalik doon."
"Kailangan na itong matuldakan, Krisel. Kailangang malinis ang pangalan mo at ang ex-jowa mo lang ang makakagawa nun dahil siya naman ang puno't dulo nito. Kausapin mo siya bago pa ako mawalan ng pasensya sa Tuangco'ng iyon."
Labag man sa aking kalooban ay wala akong nagawa kundi ang sumakay na rin sa tricycle. Hindi ko alam kung kaya ko nang harapin si Sir Rod ngayon. Simula nung birthday niya ay hindi ko pa siya nakikita.
Kinakabahan ako. At lalo pang humataw ang kaba sa aking dibdib pagkababa namin ng tricycle. Nasa harapan na namin ngayon ang malaking tarangkahan ng mga Tuangco na ilang araw ko na ring hindi nakita.
"Krisel, may karapatan kang magalit. Ikaw ang biktima rito. Ipagtanggol mo naman ang sarili mo."
Paano ko ipagtatanggol ang sarili ko kung alam kong sa huli ay ako pa rin ang talo?
"Pumasok ka na, Krisel. Nandiyan naman si Aling Lourdes, diba?" Gusto ko sanang sabihing bukod kay 'Nay Lourdes ay wala na akong iba pang kakampi riyan sa mansiyon. Kapag pumasok ako, nasisiguro kong may hindi magandang mangyayari.