webnovel

Chapter 39

39

"AYAN, tingnan ko lang kung hindi ka pa pansinin niyang nobyo mo."

Sinipat ko ang sarili kong repleksiyon sa malaking salamin nina Andeng. Nagmukha akong mas matanda sa tunay kong edad dahil sa maikling damit at mga koloreteng pinasuot niya sa akin. Dagdagan pa ng light make up na inilagay niya.

Ang totoo, sa mansiyon ba talaga ng mga Tuangco ang punta ko sa ayos kong ito? Para naman akong kalahok sa amateur dance contest nito, e.

"Wala ka na bang mas mahaba pang short diyan?" untag ko habang pilit na ibinababa ang suot kong short na kinulang yata sa tela sa sobrang ikli. Pakiramdam ko nakahubo ako, hindi ako komportable.

"Iyan na ang pinakamahaba kong short, Krisel. Ano ka ba? Hindi naman maikli ah. Ganyan talaga pag-first time mong magsuot ng ganyan. Don't worry, masasanay ka rin. Katulad lang 'yan ng sex, sa una aayaw ka kasi masakit, pero 'di mo mamamalayang nahihibang ka na pala sa sarap habang tumatagal."

Hindi ko alam kung tama bang kinuwento ko rito kay Andeng ang estado ng relasyon namin ni Sir Rod, e. Ito tuloy at napuwersa pa akong magsuot ng kapiranggot na tela. Naniniwala raw kasi siya na nasa mga mata ang kahinaan ng mga lalaki.

"Krisel, hainan mo ng pulutan iyang mga lalaki, tiyak na papapakin ng mga iyan," ani pa nitong tila siguradong-sigurado sa kinukuda.

Daming alam, ano? Minsan din talaga naiintriga ako kung saan napupulot ng babaeng ito ang mga nalalaman niya. 'Di ko maabot, e. Ang lalim!

"Go, Krisel! Kaya mo 'yan! Always remember to smile and have confidence. Ewan ko na lang kung iwasan ka pa niyang maarte mong jowa."

Nang bumukas ang malaking tarangkahan ng mga Tuangco ay kaagad na tumakbo ang lokaret na si Andeng para magtago. Naiwan naman akong kabado at hindi mapakali habang tanaw ang papalabas na kotse ni Sir Rod.

Nag-effort talaga kami ni Andeng na abangan ang paglabas ni Sir Rod ng mansiyon. Ayaw ko naman kasing pumasok sa loob dahil baka singhalan ako ni 'Nay Lourdes kapag nakita nito ang ayos ko. Isa pa, hindi makakapasok si Andeng. Gusto pa naman nitong masaksihan ang mga mangyayari.

Tumayo ako nang maayos nang lumiko na sa direksyon ko ang sasakyan. Sigurado akong sa puntong ito ay nakita na niya ako.

"Kalma, Krisel, kalma..." bulong ko sa aking sarili ngunit kahit anong gawin ko ay hindi ako mapakali. Kinakabahan ako. Tila ba bumalik ako sa unang beses naming paghaharap.

Lalo pang humataw ang kaba sa aking dibdib nang huminto na ang kotse malapit sa aking pwesto. Mahigpit kong nilamukot ang suot kong shorts nang dahan-dahang bumaba bintana ng kotse.

"Krisel?" Halos mapasinghap ako nang maulinagan ko ang gwapong mukha ni Sir Rod sa loob.

Gusto kong umiyak. Miss na miss ko siya. Parang ilang buwan kaming hindi nagkita, iyon ang pakiramdam ko ngayon. Ngunit gaano ko mang kagustong sunggaban siya ng yakap ay pinigilan ko ang sarili ko. Marami pa kaming dapat pag-usapan.

"Sir—"

"Krisel, what are you doing here? Ba't 'di ka pumasok ng bahay?"

Natameme ako nang ilang saglit. Kahit ang boses niya ay sobra kong na-miss.

"Ah... h-hinintay po talaga kita rito," sinikap kong sabihin.

Lumamlam ang tingin niya sa akin. Ilang minuto kaming nagkatitigan. Walang nagsasalita. Tila ng mga sandaling 'yun ay ang mga mata lang namin ang nag-uusap at nagkakaintindihan.

"P-pwede po ba tayong mag-usap?" pagkakuwa'y basag ko sa katahimikan.

Imbes na sumagot ay umiwas siya ng tingin. Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya na nagbigay sa akin ng sangkatutak na ibig sabihin. Maraming bagay ang tumatakbo sa isip ko ngayon ngunit pinilit kong maging matapang.

Kailangan.

Magtapang-tapangan.

"Krisel... you know, as much as I want to talk with you right now... I can't. I'm quite busy today, I have a lot of things to deal with it," pagkasabi nun ay binalingan niya ako ng tingin.

Sinikap kong itago ang pagkabigo sa aking mukha. Kahit naiiyak ay pinilit kong bigyan siya ng ngiti. "A-ah... ganun ba? S-sige... p-pasensya na." Bahagya akong humakbang patalikod, pinapahiwatig na maaari na siyang umalis.

Ngunit nanatili pa ng ilang segundo ang kanyang tingin sa akin... bago niya inangat muli ang bintana at tuluyang binuhay ang makina ng sasakyan.

"I-ingat ka..." halos pabulong kong usal, umaasang kahit imposible ay marinig niya.

Tumingala ako sa kalangitan. Kasabay ng pagharurot ng kanyang sasakyan, ang pagsuko kong pigilan ang mga luha kong nag-uunahang magsilabasan.

Nächstes Kapitel