webnovel

Chapter 30

30

NANG sumunod na araw, hindi ako sumama kay 'Nay Lourdes patungong mansiyon. Nag-aya kasi si Andeng sa kanilang bahay para ipakilala sa akin nang personal ang kanyang nobyo na si Jerome na bumiyahe pa galing Maynila.

Ayaw ko sanang paunlakan ang anyayang ito ni Andeng dahil may usapan kami ngayon ni Sir Rod kaso mapilit ang kababata ko dahil uuwi rin daw kaagad ang nobyo niya kinabukasan. Gustung-gusto niya pa namang ibida sa akin ang lalaking nagpasabog daw ng kaligayahan sa loob niya.

Pinakiusapan ko na lang tuloy si 'Nay Lourdes na ipagbigay-alam iyon kay Sir Rod nang sa ganoon ay hindi na ito maghintay sa akin.

Suot ang lumang t-shirt at shorts, binagtas ko ang daan papuntang kanto kung saan nakatayo ang tindahan at ang bahay mismo nina Andeng. Sa labas pa lamang ay nakabalandara na ang magarang kulay pulang auto. Mukhang big-time nga talaga ang nabingwit ni Andeng!

Si Aling Petring ang nagbukas sa akin ng pinto na mukhang galak na galak din sa pagbisita ng nobyo ng anak. "Pasok ka, Kriselda. Nasa sala sina Andeng." Iginiya ako nito sa kanilang tanggapan kung saan naroroon sina Andeng at ang nobyo nito.

"Kriseldaaa! Buti naman at pumunta ka, kanina ka pa namin hinihintay." Tumayo si Andeng para yakapin ako. Tumayo rin iyong lalaking katabi niya saka binigyan ako ng ngiti.

"Jerome pala, boyfriend ni Andrea," pagpapakilala nito sabay lahad ng kamay. Tinanggap ko iyon saka nagpakilala rin.

Pagkatapos ng maikling introduksiyon ay naupo kaming tatlo sa sofa. Nagpatuloy kami sa pagkukwentuhan ngunit hindi ako masyadong makapagpokus dahil sa kamay ni Jerome na kanina pa humihimas sa exposed na hita ni Andeng. Mukhang sayang-saya naman ang kaibigan ko roon kaya hinayaan ko na lang.

Gwapo at mabait si Jerome. Ngayon malinaw na sa akin kung bakit baliw na baliw dito si Andeng. Halata rin na mahal na mahal nila ang isa't isa. Napapangiti na lang nga ako sa tuwing pupunasan ni Andeng ang pawis ng nobyo tapos mauuwi sa halikan ang dalawa na para bang walang ibang tao roon.

"Ay sorry Krisel, na-carried away ako. Kakagigil kasi itong lalaking ito, ang sarap masyado!" Nagtawanan kami roon nang walang hiyang hinimas ni Andeng ang dibdib at tiyan ng nobyo. Ang hilig nilang maghimasan! Hmm... Ano kaya ang pakiramdam nang mahimas din ang dibdib at tiyan ni Sir Rod?

Marahan akong umiling sa naisip. Pagkakuwa'y nakisali na rin si Aling Petring sa usapan.

"Ang gwapo ng nobyo ng anak ko Krisel, ano? Bagay na bagay sila ni Andeng." Tumango-tango ako. "Ikaw ba, kailan ka magnonobyo? Pinagbabawalan ka pa ba ni Lourdes? Naku sayang naman iyang ganda mo kung walang makikinabang."

Tipid akong ngumiti kay Aling Petring, "Hindi naman po ako pinagbabawalan ni 'Nay Lourdes. Sa totoo nga po, mayroon na akong—"

"Ay naku mama, 'wag kayong maniwala diyan kay Kriselda! Baliw na yata iyan para akalaing nobyo niya iyong gwapong anak ng mga Tuangco. E mas madali pa nga yatang manalo sa lotto kaysa maging jowa iyon, ano?"

Tiningnan ako ni Aling Petring na halatang nagpipigil ng tawa. "Totoo ba 'yun, Kriselda?"

Marahan akong tumango na naging sanhi ng pagbunghalit nila sa tawa. "Susmayosep kang bata ka! Ang tayog ng pangarap mo!" hagalpak ni Aling Petring. "Alam mo hija, maganda ka naman. Hindi ako magtataka kung magkakanobyo ka ng gwapo at may sinasabi sa buhay katulad nitong nobyo ng anak ko. Pero iyong anak na lalaki ng mga Tuangco..." Napuno muli ng halakhak ang maliit na sala na para bang isang malaking biro ang maging nobyo ko si Sir Rod.

Yumuko ako, pilit kong tinago ang mukha kong namula sa kahihiyan. Sobrang nanliit ako sa aking sarili. Sobra bang nakakatawa ang ideyang nobyo ko si Sir Rod at nobya niya ako? Bakit hindi sila naniniwala? Totoo naman ang sinasabi ko ah.

Wala pa ring humpay ang tawanan nila. Kahit si Jerome na hindi alam ang pinag-uusapan ay nakisali na rin sa mag-ina. Mabuti na lang at may kumatok sa pinto kaya medyo nalihis ang kanilang atensiyon sa akin.

"Ako na, ako na," ani Aling Petring na hindi pa rin nakakabawi sa kakatawa. Tumayo ito para pagbuksan ang kumakatok.

Sinundan ko ang galaw ni Aling Petring hanggang sa manigas ito pagkabukas niya ng kanilang pinto. Hindi kita mula rito sa aming pwesto kung sino iyong tao sa labas kaya nagtanong si Andeng.

"'Ma, sino 'yan?"

"S-si... si..."

"Magandang araw po, nandito po ba si Krisel?"

Napatayo ako nang sumungaw ang mukha ni Sir Rod sa nakabukas na pinto. Hindi pa rin makagalaw si Aling Petring sa harap ni Sir Rod kaya kumaripas si Andeng sa gawi nila.

"I-ikaw 'yung anak ng mga T-Tuangco, diba? A-anong ginagawa mo rito?" Pahapyaw akong tinapunan ng tingin ni Andeng na tila nagtatanong kung bakit naparito sa kanilang bahay ang lalaking anak ng pinakamayamang pamilya sa buong lalawigan.

"Sinusundo ko si Krisel."

"B-bakit... b-bakit mo sinusundo ang kaibigan ko?" Saglit akong tiningnan ni Sir Rod nang dahil sa inaasal ni Andeng. Tumikhim siya saka nakangiting bumaling sa mag-ina.

"Sinusundo ko ang girlfriend ko." Nanlaki ang mga mata ni Andeng. Ang kaninang nanigas na si Aling Petring ay napakapit sa kanyang anak at agad na nagpakuha ng tubig kay Jerome.

"B-bakit 'di mo sinabing—"

"Sinabi ko Andeng, hindi lang kayo naniwala," huling wika ko bago ako sumakay sa dalang kotse ni Sir Rod.

Nächstes Kapitel