Ang sabi ng iba, hindi nababase sa tagal ng pinagsamahan ang tadhana ng
dalawang tao at ang tunay na pagmamahal ay hindi kailangan ng maraming
salita.
Kagaya ni Lu Jinnian, labintatlong taon din itong minahal ni Qiao Anhao, pero
bakit pakiramdam niya ay walang wala ang kaya niyang ibigay sa mga
naibigay nito sakanya.
Ang lalaking 'yun… na laging mukhang suplado at parang bayad palagi ang
salita. Kahit gaano pa kasaya ang kwento, sasagot lang ito ng "Mm" o di
naman kaya "Mabuti". Kaya minsan nakakapikon na kasi mararamdaman
mong hindi siya interesado.
Pero sa tuwing magsasalita ang lalaking ito, laging tagos sa puso.
Ano ba talagang ginawa niya para biyayaan siya ng langit ng isang Lu Jinnian
na handang patigilin ang mundo para sakanya?
-
Pagkatapos ng interview, dumiretso si Lu Jinnian sa backstage para silipin
ang kanyang phone at noong nakita niyang ilang beses na tumawag sakanya
Qiao Anhao, hindi na siya nagdalawang isip na tawagan ito pabalik. Wala
siyang ideya kung anong ginagawa nito pero medyo matagal bago nasagot
ang tawag at noong sandaling magsalita ito, sumalubong sakanya ang
umiiyak nitong boses.
Bigla siyang natigilan at nagaalalang nagtanong, "Qiao Qiao? Anong
nangyari?"
"Ah…" Kanina pa umiiyak si Qiao Anhao kaya noong sandaling tawagan siya
ni Lu Jinnian, hindi siya masyadong makapagsalita.
Dahil sa kakaibang kilos ng asawa, biglang kinabahan si Lu Jinnian kaya dali-
dali niyang nilapitan ang may-ari ng TV station, na niyaya niyang magdinner,
para magpaalam at humingi ng paumanhin, "Chief Fang, pasensya ka na. May
nangyari lang sa asawa ko kaya kailangan kong magmadaling umuwi. Babawi
nalang ako ng dinner sayo sa ibang araw."
"Walang problema, Chief Lu. Sige lang, marami pa namang ibang araw."
Muling humingi ng tawad si Lu Jinnian bago niya utusan ang kanyang
assistant, Biliisan mo na, ihanda mo na ang sasakyan, uuwi na tayo sa Mian
Xiu Garden."
Sinubukan ni Qiao Anhao na kumalma pero noong narinig niya kung paano
magmadaling umuwi si Lu Jinnian sa sobrang pagaalala para sakanya, hindi
niya nanaman napigilan ang sarili niyang maiyak.
Noong narinig ni Lu Jinnian na umiiyak si Qiao Anhao, hindi siya mapalagay
kaya nagmadali siyang umalis sa TV station. Pagkasakay niya sa sasakyan,
wala siyang ibang ginawa kundi madaliin ng madaliin ng madaliin ang
kanyang assistant at maya't-mayang pakalmahin si Qiao Anhao, na nasa
kabilang linya.
Imposibleng makauwi ng maaga si Lu Jinnian sa Mian Xiu Garden dahil bukod
sa nasa sentro ng siyudad ang TV station, saktong rush hour na rin noong
nakalabas ito, kaya dagsa na ang mga sasakyan sa kahit saang ruta. Sa
tuwing magpepreno ang assistant, maririnig ni Qiao Anhao na pinapagalitan
niya ang kanyang assistant.
"Diba sinabi ko namang bilisan mo?!"
"Hindi ka ba marunong magmaneho?!"
"Oh! Bakit hindi ka umaante?!"
"Ihinto mo na nga! Ako na magmamaneho!"
Kahit na hindi siya ang pinapagalitan ni Lu Jinnian, medyo natakot pa rin si
Qiao Anhao dahil sumisigaw ito. Hindi niya naman intensyon na takutin ito,
pero ngayong sobrang nagaalala na ito sakanya, hindi niya na alam kung
anong gagawin niya, kaya bigla siyang napahimas sakanyang tyan at
nahihiyang nagsalita, "Lu Jinnian…"
Bubuksan na sana ni Lu Jinnian ang pintuan at handang-handa na siyang
palitan ang assistant sa pagmamaneho nang saktong marinig niya ang boses
ni Qiao Anhao, kaya bigla siyang natigilan at nagaalalang nagtanong, "Anong
nangyari? Qiao Qiao, malapit na ako."
"Ah… ah.. ayos lang ako…" Hindi rin alam ni Qiao Anhao kung bakit hindi
niya maawat ang sarili niya sa kakaiyak kaya tuloy pautal-utal siyang
magsalita, pero bandang huli, natawa nalang siya sa sarili niya sa sobrang
kadramahan niya kaya habang pinupunasan ang kanyang mga luha, naiinis
siyang nagpatuloy, "Kasalanan mo… Kung hindi dahil sayo, bakit naman ako
iiyak?"
"Ako?" Takot na takot na tanong ni Lu Jinnian dahil hindi niya maintindihan
kung bakit siya sinisisi ni Qiao Anhao. Teka, Ano bang ginawa ko?