Pagkarating ni Lu Jinnian sa isang intersection, hindi niya maintindihan ang sarili niya at wala siyang ideya kung saan siya pupunta.
Muli nanaman siyang magisa ngayon.
Ayaw sakanya ng sarili niyang ama, samantalang ang kanyang ina naman ay maagang namatay, at ngayon, pati ang babaeng mahal niya ay iniwan na rin siya. Bumalik nanaman siya sa dati na magisang mamumuhay.
Matagal na noong huling beses siyang nakaramdam ng kalungkutan at sa isang iglap lang muli nanaman itong nanumbalik at ngayon ay parang binabaon na siya nito.
Hindi na namalayan ni Lu Jinnian kung ilang oras na siyang paikot ikot na nagmaneho, pero bandang huli, umuwi rin siya sa Mian Xiu Garden.
Nasisinagan ng palubog na araw ang kulay puting mansyon na may pulang bubong kaya napakaganda nito sa paningin. Ininhinto niya ang kanyang sasakyan at naglakad papasok sa mansyon. Pinagmasdan niya itong mabuti at wala siyang nakitang kahit anong kakaiba bukod sa pakiramdam na parang wala itong laman.
Nakabukas ang pintuan ng dining room at nasa lamesa pa rin ang umagahan na niluto ni Qiao Anhao dahil pa ito naililigpit. Pinagmasdan niya ito at wala siyang ibang nakikita kundi silang dalawa na kumakain ng umagahan.
Naging mangiyak-ngiyak ang mga mata ni Lu Jinnian, at dali-dali siyang umakyat sa taas. Pagkabukas niya ng pintuan ng kwarto nila, agad niyang nakita ang dressing table ni Qiao Anhao. Nakasanayan niya itong makita na punog-puno ng make-up products pero ngayon, wala na itong laman kaya lalo pang tumindi ang sakit na nararamdaman niya.
Nagmamadali niya ring sinilip ang CR at nakita niya na wala na rin ang face cleanser, shower gel, shampoo at conditioner na ginagamit ni Qiao Anhao. Maging ang toothbrush, ang baso at ang toothpaste nito ay hindi niya na rin makita. Isa pa, pati ang aparador sa changing room ay wala na ring laman ang kalahati at tanging mga damit panlalaki nalang ang naiwan.
Umalis na nga si Qiao Anhao, ng ganun ganun nalang…na para bang hindi talaga ito totoong dumating sa buhay niya…na para bang ang walong buwan na nakalipas ay panaginip lamang… Ang realidad na sumalubong sakanya ngayon ay tunay na napakalupit.
Hindi makahinga ng maayos si Lu Jinnian. Nagmamadali siyang lumabas ng kwarto nila at kumaripas siya ng takbo pababa ng hagdanan, at dumiretso sa labas ng mansyon. Sumakay siya sa kanyang sasakyan at desidido siya sa kanyang nararamdaman.
Eksaktong tatlumpu't pitong minuto at apatnapu't walong segundo palang silang magkahiwalay pero sobrang nanabik na siyang makita si Qiao Anhao muli.
Hindi niya kayang manatili lang ng mag-isa sa mansyon dahil pag ginawa niya 'yun, lalo lang siyang malulungkot habang iniisip niya ito.
Nanghihina si Lu Jinnian habang binubuksan ang makina ng kanyang sasakyan pero hindi niya ito naging hadlang hanggang sa tuluyan siyang makaalis. Ilang oras siyang nagpaikot-ikot at nang duminilim na, naisipan niyang huminto sa isang bilihan ng bulaklak para bumili ng isang piling ng chrysanthemums. Bumalik siya kaagad sa kanyang sasakyan at magmaneho palabas ng siyudad.
Makalipas ang halos dalawang oras, nakarating siya sa isang sementeryo pero kinailangan niya pang dumaan sa isang liko-likong kalsada bago siya makarating sa kalagitnaan ng bundok kung saan siya tuluyang huminto. Lumabas siya ng kanyang sasakyan at naglakad papunta sa isang malungkot na puntod. Inilapag niya rito ang chrysanthemums na binili niya lumuhod sa harap nito. Medyo matagal din siyang nakatingin sa isang black and white na litrato na nasa ibabaw ng lapida bago siya magsalita, "Ma….nandito ako para bisitahin ka."
Tila may sumagot sakanya sa papagitan ng pagsipol ng hangin na nanggaling sa kabundukan. Iniangat niya ang kanyang kamay para abutin at dahan-dahang himasin ang black and white na litrato na nasa harapan niya, at muli siyang nagsalita ng mahina, "Ma…alam mo ba…mahal ko talaga ag babaeng 'yun…naikwento ko na siya sayo dati. Qiao Anhao ang pangalan niya. Ang ibig sabihin ng 'Qiao' ay arbor tree, at ang 'Anhao' naman ay kapayapaan. Ang gandang pangalan diba?
"Mayroon siyang magandang ngiti. Siguro hindi mo alam…bukod sayo, siya lang ang nagiisang babae sa mundo na binati ako noong kaarawan ko…Pero, Ma…siya ang fiancé ni Jiamu…Sigurado sasabihin mo sa akin na huwag kong hayaang masaktan si Jiamu, tama?
"Kaya, Ma…ngayon, magisa nanaman ako."
Matapos magsalita ni Lu Jinnian, bigla niyang itinaas ang kanyang kamay para takpan ang mukha niya at nanatili lang siyang tahimik na nakaluhod sa harap ng puntod kanyang ina. Hindi nagtagal, hindi niya na napigilan ang kanyang sarili at unti-unti na siyang humikbi.
Matapos ang dalawang daan at limapu't isang araw na pagsasama nila ni Qiao Anhao, kinailagan nanaman nilang maghiwalay at ang pangungulila na kanyang nararamdaman ay di hamak na higit sa inaasahan niya.