webnovel

Patawarin mo ako (20)

Redakteur: LiberReverieGroup

Nang mabalot na ng katahimikan ang buong kwarto, unti-unting humupa ang galit niya at napalitan ito ng paninisi sa kanyang sarili at matinding kalungkutan.

Kung hindi niya siguro anak ang batang nasa sinapupunan ni Qiao Anhao, hindi siguro nito kailangang pagdaanan ang ganung klaseng paghihirap.

Kung mas naging mapilit lang sana siya na dalhin ito sa doktor, siguradong mauunahan niya ang mga Xu na malaman ang tungkol sa pagbubuntis nito at magagawa niya sana ang lahat para maproteksyunan ang kanyang magina.

Dahil hindi niya nalaman kaagad, nabigo siyang protektahan si Qiao Anhao at ang kanilang anak. Hinayaan niyang masaktan ito.

Kasalanan niya ang lahat, ang kanyang pagsilang ang nagsilbing umpisa ng lahat ng pagkakamali. Noong tatlong taong gulang siya, nagkaroon siya ng leukemia kaya kinailangang lumuhod ng kanyang ina sa labas ng masyon ng mga Xu para magmakaawang iligtas ang buhay niya at simula nun, naging konektado na ang buong buhay niya sa mga Xu.

Nangako siyang gagawin niya ang lahat para mahalin si Qiao Anhao pero paano niya nagawang ipahamak ito?

Naghahabol na siya kanyang paghinga at lalo pang lumakas ang pagdaloy ng dugo mula sa mga sugat niya. Taglagas palang pero sobrang lamig ng kanyang pakiramdam na para bang nagyeyelo ang buong katawan niya.

Pero lahit gaano pa kasakit ang buong katawan niya, walang wala ito sa sakit na nararamdaman ng kanyang puso…. Dalawang buwan palang ang bata—hindi pa nga ito buo—pero walang kalaban-laban na itong kinuha sa mundo…Simula pagkabata ni Qiao Anhao, kilala na ito ng mga Xu, kaya paano nila nagawang saktan ito?

Ganun na ba talaga sila kasama para gawin ang mga bagay na ito?

Wala ng ibang maramdaman si Lu Jinnian bukod sa malansang nalalasahan niya sa kanyang mga labi na parang gustong lumabas sa mula kanyang bibig. Hindi nagtagal, hindi niya na talaga kinayang pigilan pa at sumuka na siya ng napakaraming dugo.

-

Hindi naka'lock ang pintuan ng study room ni Lu Jinnian kaya nabuksan ito kaagad kahit sa mahinang pagkakatulak lang ni Qiao Anhao.

Tahimik ang buong study room kaya ipinasok niya muna ang kanyang ulo para sumilip ngunit bigla siyang natigilan sa kanyang nakita.

Ibang iba ang itsura ng study room sa nakasanayan niyang makita, malayo ito sa maganda at pang mayaman nitong pagkakaayos noon dahil para itong nasalanta ngayon.

May isang minuto ring natigilan si Qiao Anhao bago siya muling mahimasmasan. Pinilit niya ang kanyang sarili na maglakad papasok sa study room para mas makita ang nangyari. Laking gulat niya nang makita niya si Lu Jinnian na nakahiga sa kaligitnaan ng kwarto. Nakatulala lang ito sa kisame na parang may malalim na iniisip at nababasa niya sa itsura nito ang matinding kalungkutan.

Biglang bumigat ang pakiramdam ni Qiao Anhao. Hindi nagtagal, nakita niyang dumudura si Lu Jinnian ng maraming dugo at namumutla na ang mukha nito.

"Lu Jinnian!" Hindi niya na kinaya at napasigaw na siya habang tumatakbo papasok sa study room.

Habang papalit siya kay Lu Jinnian, bumungad sakanya ang napakarami nitong sugat na nanggaling sa mga bubog na nagkalat sa sahig. Nawasak ang kanyang puso sa nakita niya kaya bigla siyang napahinto bago niya ito tulungang bumangon.

Pero noong sandaling hawakan niya ang braso nito, para itong may kuryente kaya bigla niyang nabitawan ang kamay nito at nalaglag din siya sa sahig.

Wala namang kahit anong bubog sa pinagbagsakan niya pero tumama sa lamp ang kanyang braso kaya nagtamo pa rin siya ng sugat.

Biglang nagbago ang itsura ni Qiao Anhao ngunit hindi niya dinaing ang kanyang sugat at nakatingin lang siya kay Lu Jinnian.

Bakas ang pagkasuplado at pagkailang sa perpektong itsura ni Lu Jinnian, habang ang mga mata naman nito ay nanlilisik sa galit.

Nächstes Kapitel