webnovel

Isang Maliit na Payo

Redakteur: LiberReverieGroup

Tumingin sa malayo si Xinghe at sinabi sa karaniwang kalmado niyang paraan, "Huwag mag-alala, susunod na sila. Tara na, may mga bagay pa tayong gagawin."

Ang totoo, may mga bagay pa silang dapat gawin.

Kailangan kumilos ni Xinghe habang maaga.

Sinabi na ni Xinghe sa kanyang sarili na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya para maparusahan ang bawat isa sa kanila at hindi siya makakapayag na hindi matupad ang mga sinumpaan niya.

Hindi na nakakabigla, inakong lahat ni Wu Rong ang mga bintang.

Iginiit ni Wushuang na wala siyang alam at kinalaman sa pagtatangka sa mga buhay at, dahil may nakuha na silang pag-amin mula kay Wu Rong, wala ng magagawa pa ang mga pulis laban sa kanya.

Matapos maibigay ang kanyang salaysay, ninais ng makauwi ni Wushuang para hanapin si Chui Ming.

Tanging si Chui Ming na lamang ang makakasagip sa nanay niya.

Kung hindi ay mawawala ang lahat sa kanya.

Kahit ang kanyang karapatan sa kayamanan ng Xia Family…

"Xia Wushuang," biglang tawag ni Xinghe sa kanyang likuran. Hinarap ito ni Wushuang, ang kanyang mga mata ay puno ng galit at takot kay Xinghe.

Sa wakas, natutunan na niya na si Xinghe ay hindi niya madaling matatalo.

Malamig siyang tiningnan ni Xinghe pero ang mga salita nito ay nagpabigla kay Wushuang. "Dahil sa dati tayong magkapatid, gusto kitang bigyan ng kaunting payo. Ito lamang ang paraan mo para makaligtas, gusto mo bang marinig ito o hindi?"

"Ganyan ka ba kabait?" Tuya ni Wushuang.

"Oo naman."

Napuno ng pagdududa ang puso ni Wushuang. Ano na naman kayang panloloko ang sinasabi ni Xia Xinghe?

Ngunit, ang mga pulubi ay walang karapatang mamili. Handa na siyang tanggapin ang payo ng kung sinuman.

"…Anong payo?"

"Simple lang. Bumalik ka doon para sumuko at tanggapin ang iyong kaparusahan," sabi ni Xinghe.

"Sa mga panaginip mo lang, b*tch!" Galit na mura ni Wushuang; dapat ay alam na niyang walang magandang maipapayo si Xinghe.

Gusto ni Xia Xinghe na malunod siya kasama ng papalubog na barko? Nananaginip siya!

"Xia Xinghe, huwag kang masyadong magsaya. Hindi pa ito tapos!" At tumalikod na si Wushuang para umalis. Sumumpa siya na pagbabayarin si Xia Xinghe kahit na ibigay pa niya ang lahat ng mayroon siya!

Sa ngayon, ang natitira niyang pwedeng asahan ay si Chui Ming.

Kasal naman na sila at mayroon silang iisang kalaban. Naniniwala siya na tutulungan siya nito na kalabanin si Xia Xinghe.

Galit na galit na umalis si Wushuang. Nag-aalalang nagsalita si Xia Zhi, "Ate, mukhang handang mamatay si Xia Wushuang kasama natin. Sinadya mo bang galitin ito ngayon?"

"Hindi ko sinadya."

"Ang ibig mong sabihin tunay ang payo mo?"

"Oo. Sa kasamaang palad, mas pinili niya ang kapalaran niyang mas masahol pa sa kaparusahan niya."

"Bakit hindi ko maintindihan ang mga sinasabi mo?" Napakamot sa ulo si Xia Zhi. Gayunman, nasasanay na siya sa misteryosong paraan ng pagsasalita ng kanyang kapatid.

Sa sandaling pumasok si Wushuang sa kanilang bahay, nakaramdam na siya na may mali doon.

Ang maganda at malaki nilang villa ay tahimik na tila sementeryo.

Sa normal na pagkakataon, may apat o limang katulong na nag-aasikaso sa bahay pero kahit ni isa ay wala. Ang pintuan sa sala ay bukas na bukas pero nagdadalawang-isip si Wushuang na pumasok dahil nagbibigay ito ng pakiramdam na isa itong entrada patungo sa yungib ng isang halimaw.

Gayunpaman, tinatagan niya ang sarili at naglakad papasok. Natagpuan niya si Chui Ming na nakaupo sa bar counter.

Binuksan nito ang isang bote ng alak at nagsasalin sa isang baso para sa sarili. Ang tunog ng rumaragasang likido ay pumailanlang sa mga tainga ni Wushuang.

Pinaikot ni Chui Ming ang baso sa kanyang kamay na tila ba wala siyang alalahanin sa mundo.

Napahinga ng maluwag si Wushuang ng mapansin ang mahinahong kondisyon ni Chui Ming. "Honey, bakit nag-iisa ka dito sa bahay, nasaan ang mga katulong?" Lumapit siya at mahinang nagtanong.

Tumingin si Chui Ming sa kanya at nagtanong din, "Saan ka nanggaling?"

Nächstes Kapitel