webnovel

You and Me and the Karaoke

"We did everything to keep you in this program but there are still students that couldn't make it. Sana ginawa n'yo agad 'yong best n'yo noong una palang para hindi na nangyari ito," sabi ng prof namin habang nakahalukipkip sa harap ng klase. Pakiramdam ko'y pinapagalitan niya pa kami ngayon kaysa i-comfort man lang. Kasalanan ba namin na napakataas ng standards nila? Inaalis lang talaga nila 'yong mga medyo matalino at tinitira 'yong mga matatalino talaga para 100% sila pagdating sa board exam.

Sa kasamaang palad, parte ako ng mga medyo matalino. Medyo matalino na medyo bobo, basta 'yong ganoon. Hindi ako 'yong tipo ng estudyante na nakikipagtalo sa ibang estudyante tungkol sa sagot nila. Ang layo nga ng mga sagot ko sa kanila e. Hindi ko rin alam kung saan ko ba nakukuha ang mga sagot na 'yon. Basta masaya na ako na may sagot ako, kahit hula lang, tumatama rin naman minsan e. Siguro nga'y sinuwerte lang din ako at nakapasa ako noong first year.

Tumingin-tingin ako sa aking paligid, umiiyak na 'yong iba kong kaklase na natanggal din sa program. Masasabi ko na napakarami na naming napagdaanan pero sa ganito rin pala hahantong ito. Nakatapos nga ng accountancy ng unang taon, laglag naman pagdating ng second year. Gaanong kasakit 'yon? Kung kailan ka nakakalhati na sa laban, saka ka pa natalo.

Gusto kong magmura at umiyak katulad ng iba pero madadagdagan ba ng luha ko ang grades ko? Hindi, magmumukha lang akong nakakaawa. Ayaw kong ipakita sa mga prof ko na mahina ako, gusto kong iparamdam na hindi kawalan 'tong nangyari sa'kin, na kaya kong magpatuloy kahit sipain pa nila ako palabas ng paaralang ito. Kung pwede nga lang ay ako na mismo ang umalis dito e, pero hindi pwede. Ito ang dream school ng mga magulang ko sa'kin, at ito rin naman ang dream program ko na kuhanin pero 'yon nga, pumalpak ako.

"You could go to the registrar para makapag-reserve na agad kayo ng slots sa other programs. You are lucky because may mga program na sasalo sa inyo. Don't lose hope," sabi niya saka lumabas ng pintuan. Hindi naman nakaka-encourage 'yong pagsasalita niya e. Lalo lang nakakawala ng gana.

Kinuha ko na rin ang bag ko at lumabas na. Bakit ba kasi sila nagtatanggalan ng midterms? Pwede naman sa end of the year na a? Ang hirap na namang mag-adjust sa next sem kapag ganito.

Nanlalambot akong naglakad palabas ng hinayupak na school na ito. Ayaw ko munang umuwi at ibalita sa mga magulang ko ang nangyari. Sobra silang madidisappoint sa'kin. Naplano pa naman naming lahat ang mangyayari sa congratulatory party ko kapag nakapasa na ako sa CPA board exam tapos ganito lang ang ibabalita ko sa kanila. Hay, jusko! Ang sakit sa puso.

Dahil nga ayaw ko pang umuwi, naisipan ko munang mag-isaw para naman may laman ang tiyan ko, at hindi ito mapagaya sa utak ko. Naka-pitong sticks na ata ako pero ayaw ko pang tumigil sa pagkain. Sige lang hanggang sa magka-hepa! Bwiset na buhay 'yan, oo!

Umiinom ako ng palamig nang may biglang kumulbit sa'kin, "Miss, pasok ka na sa One Night Karaoke Bar! Sabado na naman bukas so it's time to party! TGIF!" masayang sabi niya habang ako naman ay hindi makangiti sa kanya. Ipagdiriwang ko ba ang pagbagsak ko?

"Sorry ate ha. Wala akong ganang magparty ngayon." Tinuloy ko ang pag-inom ng palamig at hindi ko na lang siya pinansin.

Nakita ko naman siya na dismayadong umalis at naghanap na ng ibang tao na mauuto.

Tinapos ko na ang pagkain ng isaw at nagpunta na sa sakayan ng bus. Nag-vibrate naman ang phone ko at tinignan kung sinong nag-text.

From: Mommy

Totoo ba ang sinabi ni Grace? Naalis ka rin daw sa program? Ano ba naman 'yan, Toni?

Pagkabasa ko ng text ay nag-ring na nga ang phone ko, natawag na si mommy. Hinintay kong tumigil ito saka ko pinatay ang phone ko.

Ang bwiset naman ni Grace, inunahan pa akong magsabi sa nanay ko. Friends ba kami para makipagkwentuhan siya sa nanay ko? Bwiset na fake friend. Hay, kumukulo na ang dugo ko!

Napatingin naman ako sa karaoke bar sa 'di kalayuan at sa ibat't ibang kulay ng mga ilaw na nanggagaling mula rito. Madalim na kaya lalong napansin ang mga naggagandang ilaw na ito. Tinitignan ko lang ito hanggang sa 'di ko namalayang naglalakad na pala ako papaunta rito.

"Uy, miss!" bati ng babaeng nagsales talk sa'kin kanina habang nag-iisaw ako. "Sakto may bakante pa kaming isang room!" masayang saad niya sa'kin habang itinuturo 'yong kwarto.

Parang gumaan ang pakiramdam ko nang makita ko 'yong loob. Nakabukas kasi ang pinto since hindi pa nga siya narereserve. Ang komportableng tignan ng mga sofa at ang sarap pa sa mata n'yong mga iba't ibang ilaw. Tama nga sigurong dito muna ako, kahit tumambay lang ako sa loob. Kailangan ko muna ng time mag-isa at makapag isip-isip tungkol sa buhay ko.

"Magkano b--"

"Isang room nga, ate." Napatingin naman ako sa lalaking sumingit sa harapan ko. Tinignan ko siya ng masama at napatingin din naman siya sa'kin.

"Hoy kuya, ako ang nauna dito," mataray na sabi ko sa kanya.

Napakunot siya at napahalukipkip. "Nakapagpareserve ka na ba?" tanong niya.

Napatahimik naman ako. Kahit na, ako pa rin ang naunang dumating no!

"Nauna ako dito," nakapamewang na sabi ko.

"Pero hin--"

"Hep hep!" Inawat kami ni ateng receptionist ng karaoke bar na ito. "Pwede naman pong mauna muna 'yong isa sa inyo."

"Okay, so ako na muna," singit naman nitong si kuyang mang-aagaw.

"No!" malakas na bulalas ko. "Hindi rin ako pwedeng magtagal dito kaya ako na ang mauuna!" nagtatakbo ako papunta sa bakanteng kwarto at hinarangan ang pinto nito.

"Kating-kati ka na bang magkaraoke ha?" naiinis na tanong niya sa'kin habang pinipilit makapasok sa loob dahil hinaharangan ko 'yong pintuan.

"Eh bakit ikaw? Kating-kati ka na rin bang kumanta?" tanong ko habang pinoprotektahan pa rin ang base ko.

Napamasahe na lang ng ulo si ate at pinukpok sa amin 'yong brochure na hawak n'ya. "'Wag nga po kayong maingay," mahinahon na sabi niya ngunit halata na rin ang pagkainis sa tono ng boses niya. "Baka po maistorbo pa 'yong ibang customers e."

Napayuko naman ako at narealize ang pinaggagawa ko. Ano bang nangyayari sa'kin?

Napabuntong-hininga naman si kuya at tumingin kay ate. "Sige, sabay na kami."

Nanlaki naman ang aking mga mata at napanganga dahil sa sinabi niya. Anong sabay? Gusto ko ngang mapag-isa muna!

"Ate, hindi ako papay--"

"Miss, kung manggugulo lang po kayo dito, mas mabuti po kung umuwi na lang po kayo." Napakuyom na lang ang aking mga kamay sa sinabi niya at marahas na napasandal sa pader. Ano ba 'tong araw na 'to? Akala ko maaayos ko man lang ang sarili ko pero lalo lang nagulo ang buhay ko. Bwisit naman kasi 'tong lalaking 'to e, singit ng singit.

"Pasok na." Nagulat naman ako sa sinabi ni kuya.

Umatras ako palayo sa kanya. "Kung ano man ang

binabalak mo sa--"

"I'm a seminarian." Napahinto naman ako sa sinabi niya. Napatingin naman ako sa t-shirt niya, may saint na naka-print dito. Sa baba naman ay may nakasulat na "I am a seminarian." Seminarista nga.

Bakit naman kaya atat na ata na magkaraoke si kuya?

Hindi na ako nagsalita pa at pumasok na nga sa loob. Pwede ba 'to sa kanila? Seminarista tapos may kasamang babae sa isang karaoke room. Nako, tignan n'yo po itong lalaking ito.

Hinayaan n'ya muna akong pumasok dahil magfifill-up pa siya doon sa reception table. Kukuhanin n'ya rin 'yong song book at libreng snacks. Ayos pala dito e.

Umupo ako sa sofa at napatingin sa tv screen, may mga nagsasayaw na sexy na mga babae. Agad ko namang kinuha ang remote at pinaltan ito, baka pa magkasala si kuyang seminarian 'pag nakita niya ito. Ayoko ring maging awkward ang atmosphere nang dahil dito.

Inantay ko lang siya ng saglit at dala n'ya na nga 'yong mga kailangan pagpasok n'ya. Inabot n'ya sa'kin 'yong song book at nilapag n'ya naman sa table 'yong mga libreng meryenda.

"Ako na ang nagbayad kaya hindi mo na talaga ako mapapaalis dito," nakangising sabi niya at umupo sa tabi ko ngunit malaki ang space namin sa isa't isa.

"Bakit mo naman binayaran lahat? Pwede mo naman akong singilin e. Magkano ba?" Binuklat ko ang wallet ko at binilang ang baryang-barya kong pera nang dahil sa pag-iisaw.

"'Wag na, libre ko na 'yon," sabi niya saka kinuha ang remote at nagtype na ng number.

"Wow, saulo mo na a?" Hindi na talaga siya tumingin sa song book. Mukhang regular na siya dito.

Napatawa naman siya ng mahina at tumigin sa'kin. Umiwas naman ako ng tingin dahil umiinit ang mukha ko kapag nagkakatinginan kami. "Regular ako dito. Every month actually, tuwing lalabas ng seminaryo."

"Bakit naman?" tanong ko habang iniiwasan na maging awkward ang face expression ko.

Ibinuka niya ang kaniyang mga braso at nilagay ito sa sofa, nagcross-legs pa talaga siya. Mukhang at home na at home na talaga siya dito. "Wala lang." Ngumiti na naman siya. "Ang komportable dito e tapos ang sarap pang magrelease ng stress 'pag nakanta." Inabot niya naman sa'kin 'yong mic. "Try mo, mukhang stressed na stressed ka e." Tumawa pa siya talaga.

Inirapan ko siya at nilayo ang mic sa akin. "Hindi talaga ako nakanta."

"Oh 'yon naman pala e! Bakit ka nandito?" nagtatakang wika niya.

Napabuntong-hininga ako at umayos ng upo. "Gusto kong mapag-isa muna."

Tumahimik siya at tumingin sa tv screen. "Ayan, nagsisimula na pala kanta ko."

Nilagay niya ang mic sa tapat ng bibig niya at nagsimula na nga siyang kumanta.

"Sa'n nagkamali? P'wede bang bumawi?

Teka lang, teka lang, teka lang muna."

Sa halip na madala ako sa kanta ay napatawa ako. Hindi ganong kaganda ang boses niya pero feel na feel niya ang pagkanta. Ayoko sanang ipakitang pinagtatawanan ko lang siya pero hindi ko talaga mapigilan. Lalo niya namang ginalingan nang makita niyang tumatawa lang ako. Tumayo pa siya at pumunta sa unahan. Hindi na niya binabasa ang mga lyrics dahil sa palagay ko'y saulo na n'ya ito.

"Tahan, pwede ko bang malaman?

Laman ng iyong isipan

Para walang maling akala"

Napatigil naman ako sa pagtawa dahil sa linyang 'yon. Nagtagpo pa talaga ang aming mga mata. Pakiramdam ko'y nadarama niya rin ang lungkot na nararamdaman ko ngayon. Gusto kong umiyak at sumabay sa pagkanta niya ngunit wala akong lakas para ibuka ang mga bibig ko. Naalala kong nalaglag nga pala ako sa program ko, at dahil dito'y pakiramdam ko'y nalaglag na rin lahat ng mga pangarap ko. Kaya ko bang magsimulang muli kahit na ang buong buhay ko'y naplano ko na bago sumapit ang sakuna?

"Masyado pang maaga

Para mawala ka

Masyado ba akong naniwala sa iyong pinangako

Na minahal kita higit pa sa sarili ko?"

Pagkatapos n'yang kumanta ay nagbow pa siya. Pumalakpak naman ako. Lumapit na ulit siya sa akin at umupo sa sofa. This time, mas malapit na sa akin ang pagkakaupo n'ya. 

"Ang lalim ng hugot n'on a!" biro ko sa kanya.

Napailing siya at ngumiti. "Favorite ko lang talaga ang mga kanta ng Ben&Ben. Lakas nilang makadala e." Kasama pa talaga ang paggalaw ng mga kamay niya sa reaksyon niya. Mukhang big fan nga siya ng Ben & Ben. Ang cute naman ni father.

"Oh, ikaw naman!" Binigay niya sa akin ang song book at mic pero tinignan ko lang ang mga ito. "Bilis na, isang oras lang ang pina-reserve ko. Sayang oras," pamimilit n'ya.

Wala na nga akong nagawa at inabot na ang song book at mic. Medyo natagalan pa ako sa paghahanap ng kanta pero nakita ko ang kanta na swak talaga sa pinagdadaanan ko ngayon. Kinopya ko ang code nito at tinype sa remote control. Nang lumabas ang title sa screen ay narinig ko ang reaksyon ni kuyang seminarian, napa-wow siya.

Tumayo na ako at pumunta sa harapan.

"At first I was afraid, I was petrified

Kept thinking I could never live without you my side

But then I spent so many nights thinking how you did me wrong

And I grew strong

And I learned how to get along"

Napasayaw na ako habang kumakanta ng dahil sa beat at sa malakas na sound ng karaoke machine. Ang sarap nga sa pakiramdam ng magrelease ng stress habang kumakanta. Sinamahan niya pa talaga ako sa unahan at nakisayaw din. May hawak pa siyang tambourine na nalimot niya sa sofa at sinasabayan niya ang bawat beat ng kanta. Tumama sa kanya ang iba't ibang kulay ng mga ilaw at narealize ko kung gaano siya ka-attractive. Nakakagat-labi pa siya habang gumigiling. Hindi nga siya magaling kumanta pero ang groovy naman niyang sumayaw. Ang cute n'ya lang talagang tignan ngayon.

"Oh no, not, I will survive

Oh, as long as I know how to love, I know I'll stay alive

I've got all my life to live

And I've got all my love to give and I'll survive

I will survive, hey, hey"

Sabay pa talaga kaming kumanta sa chorus at mas tinodo niya pa ang pagsayaw. Nag-dance showdown pa kami pagsapit ng instrumental at nakalimutan ko na ang galit at inis ko sa kaniya kanina. Hindi ako nagsisisi na pumasok ako sa karaoke bar na ito at nakipag-agawan sa kanya. Ngayon, hindi ko naramdaman na ako'y nag-iisa, sa totoo lamang ay napaka-komportable ko na sa piling niya.

"Oh no, not, I will survive

Oh, as long as I know how to love, I know I'll stay alive

I've got all my life to live

And I've got all my love to give and I'll survive

I will survive

I will survive"

Nakataas ang kanang kamay ko habang naka-pose nang matapos ang kanta. Siya naman ay naka-dab at hindi talaga gumagalaw. Sa makatuwid, parehas kaming mukhang ewan.

Hiningal ako pagkatapos ng kanta at nagtawanan naman kami dahil sa kalokohan namin. Inabutan niya agad ako ng softdrinks in can nang makabalik kami sa sofa. Napatingin naman siya sa orasan niya. "Hala 30 minutes na lang!" saad niya.

Hindi ko alam kung bakit ako nalungkot nang narinig ko 'yon. Siguro dahil ngayon lang ako naging ganitong kasaya at kailangan kong tanggapin na ito ay panandalian lamang. Pagkatapos ng isang oras, ay lalabas na kami dito at maghihiwalay. Siguro nga ay hindi na muli kami magkikita.

"Bakit ka nga pala napadaan dito?" tanong niya naman sa'kin habang inaalok 'yong chips na hawak niya. "Bakit mo gustong mapag-isa?"

Inaabot ko naman 'yong inaalok niya, kumuha ako ng isang piraso nito at sinubo. "Gusto kong mag-isip-isip kung ano na bang mangyayari sa buhay ko." Kumain ulit ako ng isa pang piraso bago magsalita muli. "BSA kasi ako tapos hindi na ako nakaabot sa quota na grade. So 'yon, laglag na ako sa program, wala na akong kinabukasan."

"Ay grabe naman 'yon! P'wede naming mag-shift ah!" tugon niya.

"Oo nga." Napayuko ako. "Pero hindi ganoong kadali 'yon. Pangarap ko talagang maging CPA e, 'yon din ang gusto ng mga magulang ko para sa'kin."

"Edi ipagpatuloy mo," sabi niya, "pwede ka naman ulit mag-BSA kapag natapos mo 'yong program na nilipatan mo a?"

Napakamot naman ako ng ulo. "Edi ang tagal pa?"

"Patience is a virtue." Iyan na naman ang mga kamay n'ya na kasama sa pag-eexplain. "P'wede ka rin naming lumipat ng school. Tandaan mo, laging mag pag-asa."

Napa-iling naman ako. "You don't understand."

"I understand. Actually, BSA din ako dati. Bumagsak ako noong second year, at ito na nga, nasa seminaryo na ako. Fourth year na ako ngayon doon." Nagulat naman ako sa lahat ng sinabi niya. Ano ba 'yan? Dapat pumili na lang siya ng ibang program para p'wede siyang majowa. Hay, pero hindi ko na siya aagawin kay God. Gift nga siguro siya sa mga tao at naniniwala akong magiging successful siya sa path na tinahak n'ya.

Siguro nga hindi pa huli ang lahat. Hindi ko 'to pinagdadaanan ngayon para sumuko na lang. Pinapalakas lang ako ng tadhana para kapag naabot ko na ang mga pangarap ko, mas matamis at mas masarap ito.

"Oh, bakit ka umiiyak?" tanong n'ya sa'kin. Napahawak naman ako sa aking pisngi at may luha nga na pumatak dito. Nakaka-inspire naman kasi itong si brother e.

Tinawanan niya ako at ni-pat ang ulo ko. "Tara na lang ulit magkantahan." Tumayo siya at kinuha ulit ang mic. "Sipunin ka pa d'yan, sige ka, " nakangiting saad n'ya sa'kin.

"Teka." Napaupo naman ulit siya at napatingin sa akin. "Ano ba talagang kwento mo? Bakit ka pa nakipag-agawan sa akin? Hindi ako naniniwala na dahil lang sa Ben&Ben ang lahat." Tumawa ako ng mahina saka ngumiti sa kan'ya.

Napangiti naman siya at yumuko. "Nakita kasi kita sa isawan, tapos may naalala ako sa'yo," tumingin na siya sa'kin ng diretso, "'si Mary, ex-girlfriend ko."

Napahinga naman ako ng malalim. Sabi ko na nga ba at may mas malalim pang kwento sa ilalim ng kanta n'yang 'yon. Umayos naman ako ng upo at ipinakitang handa akong makinig sa kan'ya.

Tumikhim s'ya at nagpatuloy sa pagkukuwento. "Parehas kaming nasa program ng BSA. Kitang-kita ko kung gaano s'yang kapursigido sa pangarap n'ya, sa program. Lagi siyang puyat kapag may mga quizzes at exams para makapasa lang. Gustong-gusto n'ya talagang maging CPA kagaya mo," napahinto bigla siya sa pagsasalita at huminga muli ng malalim. "Ngunit kasama ko siyang naalis sa program noong second year kami."

Inabutan ko siya ng canned softdrinks dahil napapansin kong nahihirapan na siyang magkwento. Tinapik-tapik ko naman ang kaniyang likuran at s'ya ay nagpatuloy pa rin sa pagkk'wento. "Ginawa ko ang lahat para mapasaya siya sa kabila ng nangyari, pero isang araw ay hindi ko na pala siya makikita." Nakita kong palihim n'yang pinunasan ang luhang nanggigilid sa kaniyang mata. "She took her own life."

Nagkaroon ng katahimikan sa loob ng kwarto, hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin. Wala akong kaide-ideya na ganito pala ang pinagdadaanan n'ya. Ang tanging nagawa ko na lamang ay hawakan ang likod niya habang nakatingin sa kan'yang mga mata.

Umayos naman siya ng upo at tumingin sa akin. Inalis ko naman ang aking kamay sa kaniyang likuran at inabot ang mic na nasa table, para hindi ko likutin ang aking sariling mga daliri.

"Kaya ayon," pagpapatuloy n'ya, "sinabi ko sa sarili ko na hindi ko kayang magpatuloy kung hindi ko na rin naman siya kasama, kaya naisip kong pumasok sa seminaryo at hindi na lang ipagpatuloy ang program." Bigla naman siyang ngumiti sa akin. "Pero ikaw, ang laki pa ng potensiyal mo. Kayang-kaya mo 'yon kaya sinasabi ko sa'yo, magpatuloy ka lang." Kinalibutan ako sa mga sinasabi n'ya, naramdaman ko bigla ang pag-asa, ang pag-asa mula sa kan'yang mga mata.

Inabutan n'ya ulit ako ng chips at tinanggap ko ito. "Nalaman ko sa mga kaklase ko dati na nagtanggalan daw ulit ngayon ng mga estudyante sa program kaya noong nakita kita sa isawan, alam kong isa ka sa kanila. Nakita ko na dati ang ganoong klaseng mga mata na tila ba naubusan na ng pag-asa."

"Pero bakit mo naman ako sinundan dito?" tanong ko sa kan'ya habang nilalaro-laro ang mic na hawak ko.

Ngumiti siya at nagkamot ng ulo. "Natakot ako na baka gawin mo rin 'yong ginawa n'ya, ni Mary. Nag-iisa ka pa naman. Ayokong may isang buhay na naman ang masayang dahil sa labis na pag-iisip at pagkalumbay."

Hindi ko alam kung bakit biglang sumaya ang damdamin ko nang nalaman ko ang mga dahilan n'ya. Kung alam ko lang siguro ang mga ito noong una ay bukas-loob ko na siyang pinasama sa loob. Siguro kung nag-iisa nga ako ngayon ay kung anu-ano na ang pumasok sa isip ko. Napaisip tuloy ako na napaka-swerte ko naman dahil ipinagkaloob s'ya sa'kin ngayon para makasamang mag-karaoke.

Napansin ko naman na nagpupunas pa rin siya ng kaniyang luha. Hindi n'ya pa rin siguro maiwasan ang pagluha kapag naaalala n'ya ang pinagdaanan nila ni Mary. Hanga naman ako sa kaniya dahil nalampasan n'ya lahat ng iyon, at ngayo'y patuloy lamang siya sa kan'yang buhay kahit naiwan siya nitong mag-isa.

Siniko ko siya ng marahan sa kaniyang tagilidan. "Oh, baka ikaw naman ang sipunin d'yan," biro ko sa kan'ya. "Tara na ngang kumanta at sayang ang ating oras."

Nakangiti naman siyang sumang-ayon. Dali-dali siyang tumayo habang hawak-hawak ang mic. Tumayo na rin ako at sinamahan siya sa unahan. Nag-dial na ulit ng number si future father sa karaoke at nagsimula na ulit itong tumugtog.

"'Di mo ba alam nandito lang ako

Sa iyong tabi

'Di kita pababayaan kailan man

At kung ikaw ay mahulog sa bangin

Ay sasaluhin kita"

Nagsimula na nga siyang kumanta. Napa-make face naman ako dahil ang cheesy ng lyrics at hindi naman talaga kami close kung tutuusin. Pinagtagpo lang talaga kami ng tadhana kung kailan kailangan namin ang isa't isa.

Nilayo n'ya ang mic sa bibig niya at tumingin ng masama sa akin. "'Wag ka ng KJ," saad niya. Napatawa naman ako at sinamahan na lang din s'ya sa pagkanta.

"Huwag kang matakot, huwag kang matakot

'Di kita pababayaan kailan man."

Kahit kanta lang ito, feeling ko totoo ang bawat salitang nagmumula sa kaniya. Nakahanap nga ata ako ng bagong kaibigan ngayong gabi, kaibigan na biglang sumulpot sa buhay ko at pinapanalangin kong hindi na maglaho.

Natapos na kanta at ang ilang kanta pa pati ang isang oras namin. Kung pwede nga lang mag-extend, kaso hinahanap na ako ng mga magulang ko at siguradong patay ako pag-uwi. Ngunit kailangan ko silang harapin, ang mga magulang ko at ang nag-aabang na bagong yugto ng buhay ko. Nakakalungkot ang katotohanan, ngunit baka hindi na ako makasabay sa agos ng buhay kung habang buhay na lamang akong malulungkot. Tama si kuyang seminarista, laging may pag-sa.

Sabay kamaing lumabas ng karaoke room at dumiretso sa lobby.

"Ano nga palang pangalan mo?" Akala ko'y hindi n'ya na ito itatanong sa akin.

"Antonette Cruz," walang alinlangan kong pagpapakilala.

Ngumiti siya sa akin at nilahad ang kaniyang kanang kamay. "Peter Santos."

Inabot ko agad ang kanyang kamay at nakipag-kamay sa kanya.

"See you again, CPA." Napangiti naman ako sa sinabi n'ya.

"God bless you, Father Peter. See you again." Tinawanan niya lang ako at pinagbuksan ako ng pinto.

Hindi ko makakalimutan ang gabing ito kung saan nagkasama ako, siya, at ang karaoke. Hanggang sa muli, karaoke buddy.