57 Gusto Ko Talaga Siya

Hindi naglaon ay nagsimula na ang kanilang promotional events.

Magkasamang umattend ng event sina Gu Jingyu at Lin Che. Sa pagtitipong iyon ay napansin ni Lin Che na nandoon din si Lin Li. Lumapit ito sa kanila. Maraming mga assistants at staff ang nakasunod sa likuran nito at masasabing may sinabi nga ito sa kanilang industriya.

Nakaupo si Lin Che sa dressing room ng karamihan. Napansin niya si Lin Li na umalis kaya hindi niya napigilang magtanong, "Hindi siya mag-aayos ng kanyang make-up? Bakit siya umalis?"

Narinig ito ng isang make-up artist at tumingin sa direksiyon ni Lin Li. Ngumiti ito sa kanya at sumagot, "Pupunta siya sa pribadong dressing room. May sarili siyang make-up artist para magpaganda sa kanya. Bakit niya pa kami kakailanganin dito?"

"ah..." Noon lang naunawaan ni Lin Che. Kilala rin si Lin Li bilang isang artista; kaya malamang ay naiiba ito sa kanila-- na mga baguhan at di-kilala.

Sa likod niya ay nayayamot na nagsalita ang isang di-kilalang artista. "Hindi naman siya gaanong sikat ah. Pero bakit mukhang pareho lang ang pagtrato sa kanya at kay Mu Feiran?"

Habang inaayos ang mukha ni Lin Che, sumagot ang make-up artist. "Kung sabagay, naiiba naman talaga si Lin Li. Kilala ang kanyang pamilya at fiance niya ang tagapagmana ng mga Qin. Mayaman siya kaya malamang ay mataas ang tingin niya sa kanyang sarili."

Gustong matawa ni Lin Che sa sarili. Magkapatid sila ni Lin Li at walang dudang kabilang sa iisang pamilya, pero hindi ito alam ng lahat.

Hanggang ngayon ay iniiwasan pa rin ng mga Lin na malaman ng mga tao na mayroon silang anak sa labas. Ikinahihiya rin siya ng mga ito at halos isuka kapag nakikita siya ng mga ito. Kaya, naiintindihan niya rin kung bakit hindi alam ng mga tao ang tungkol sa kaniyang family background.

Ganoon pa man, hindi na ito masiyadong pinapansin ni Lin Che.

Sa palagay niya ay mas kasuka-kasuka pa kung magsasama sila sa iisang promotional event ni Lin Li at tatawagin sila ng mga tao na magkapatid.

Ipinalagay na ni Lin Che ang kanyang loob habang inaayusan siya ng make-up artist. Kasabay nito ay binuksan niya ang kanyang Weibo account.

Inilabas na ang unang batch ng kanilang mga promotional pictures. Maayos at maganda ang pagkakagawa ng posters ng bawat characters at ini-upload ang mga ito sa iba't-ibang news portals at Weibo pages para sa pag-aadvertise ng kanilang palabas.

Binasa ni Lin Che ang mga comments sa ibaba. Talagang iba-iba ang opinyon ng mga tao. Nang makita ng mga ito ang kanyang poster, may ilan na nagsasabing napakaganda niya. Pero may ilan din talagang walang magandang sasabihin; lantarang sinabi ng mga ito sa ibaba ng larawan, "Nakakasuka naman ang mukhang iyan." Ang iba naman ay ganito ang mga comment: "Hindi nababagay sa kanya ang kanyang character," "Hindi tunay ang kaniyang ilong," "Saang hospital kaya siya nagpaayos ng kanyang mata? Bakit parang kapareho ni ano? Marahil ay iisa lang ang doktor nila."

Nagsimulang kumulo ang kanyang dugo habang binabasa ang mga comments na iyon. Hawak ang kanyang cellphone, nayayamot na nagsalita siya, "Bakit ba sinasabi nila na nagparetoke ako? Natural lang ang mukha ko, ano!"

Itinaas niya ang ulo at tinanong ang make-up artist, "Mukha ba akong retokada? Oo pangarap ko talagang magparetoke, pero unang-una kailangan ko munang magkaroon ng maraming pera. Ngayon pa nga lang ako ng nagkakaroon ng magandang role. So, saan naman ako kumuha ng pera kung talagang nagparetoke ako?"

Kaagad namang napatawa nang malakas ang make-up artist, iniisip nito na nakakatuwa talaga itong si Lin Che.

Samantala, nakaupo lang sa isang gilid si Yu Minmin at hinihintay na matapos siya. Sumagot ito sa kanya. "Hay nako, sino ba namang baguhan ang hindi muna nakatanggap ng ganiyang klaseng mga komento? Isa pa, napakadali na lang magparetoke sa panahon ngayon. Pero hindi ko talaga maintindihan kung bakit iniisip ng mga tao na hindi tunay iyang ilong mo. Napakapango ng ilong mo na kung talagang nagwaldas ka ng pera para maging ganiyan iyan, ibig sabihin ay hindi maganda ang serbisyo ng hospital na pinagawan mo."

Lumingon si Lin Che at nagreklamo, "Hindi naman flat ang ilong ko ah..."

Hindi na siya pinansin pa ni Yu Minmin at kinausap ang make-up artist, "Dagdagan mo pa ang make-up sa kanyang ilong. Napaka-flat. Ang pangit tingnan."

Habang masayang nagbibiruan ang mga tao doon, pumasok si Gu Jingyu sa dressing room at napansin ang kasayahan doon.

"Ano'ng meron dito?" Tinanong ni Gu Jingyu ang isang nandoon.

"Si Lin Che kasi", sabi ng manager na iyon, "Kahit saan talaga siya magpunta ay lagi siyang nakikipagdaldalan. Okay naman kasi talaga siya. Madali siyang pakisamahan at napakasimple niyang mag-isip, pero hindi naman masama ang kanyang personalidad. Napakadali lang sa kanya ang makipag-usap sa kahit kanino at kahit minsan ay hindi siya nagmamataas sa ibang tao."

Ngumiti si Gu Jingyu at tumingin sa direksiyon ni Lin Che. Makahulugan ang kanyang tingin dito bago humakbang palapit sa kanya.

"Hi, mukhang masaya ang inyong usapan ah?" Tanong ni Gu Jingyu.

Kaagad namang umatras nang bahagya ang ilang make-up artists at maliliit na artistang nandoon. Pero, napansin nila na mukha maganda din ang mood ni Gu Jingyu. Direkta itong umupo kaya naging komportable na rin ang kanilang pakiramdam.

Tiningnan ni Gu Jingyu si Lin Che, "Narinig kitang tumatawa kanina. Ang lakas-lakas ng boses mo."

Makaraan ang ilang beses na nakasama niya si Gu Jingyu, hindi na siya gaanong naaasiwasa dito katulad ng sinasabi ng iba. Alam niyang hindi ito nagkukunwari sa pakikipagkaibigan sa kanya kaya naging kaswal na lang din siya kapag nakikipag-usap dito. "Ayaw mo ng ingay? Kung hindi mo ito gusto, then, umalis ka dito at pumunta sa iyong private room. Bakit naman pupunta ang isang isang sikat na aktor dito at makikihalubilo sa amin?"

"Hoy, bakit parang hindi ako welcome dito para sa'yo? Hindi mo ba napansin kung paano ako asikasuhin ng ibang naririto?"

Habang pinagmamasdan silang dalawa na masayang nagbabangayan, hindi mapigilan ng mga taong nandoon na mamangha sa nakikita.

Sino'ng nagsabi na ayaw ni Gu Jingyu na makipagtalastasan sa ibang mga artista sa kanilang cast? Kung titingnang maiigi ay parang masaya naman itong kasama.

Ngunit kahit ang mga taong nasanay na sa pagka-snob ni Gu JIngyu ay nagtataka rin. Alam nila na maganda ang relasyon ni Gu Jingyu kay Lin Che kung kaya ganoon ang paraan ng pag-uusap ng dalawa.

Nang lumabas si Lin Li ay napansin niya kaagad ang dalawang masayang nag-uusap sa gitna. Napapalibutan ang mga ito ng iba pang cast. Hindi niya alam kung ano ang pinag-uusapan ng mga ito kung bakit ganoon na lang kasaya ang buong dressing room.

Naiiritang suminghal si Lin Li. "Papansin talaga itong Lin Cheng ito!"

Sa tabi niya ay nagsalita ang isang assistant. "Hindi lahat ng artista ay katulad mo Miss Lin Li. Ang Lin Cheng iyan ay walang kapangyarihan, pera, mayamang pamilya, at lalong-lalo na ay wala siyang mayaman at gwapong fiance na katulad ni Sir Qin Qing. Kaya malamang ay aasa na lang siya sa pang-aakit sa kahit sinong lalaki para lang makaakyat sa itaas."

Nang marinig ito ni Lin Li ay nakaramdam siya ng kasiyahan.

"Tama ka! Bakit naman ako makikihalubilo sa mga ganitong mababang uri ng tao?" Sa isip niya ay hindi sila karapat-dapat ng kanyang pansin.

Pero kapag nakikita niya si Gu Jingyu na masayang nakikipagkwentuhan kay Lin Che, hindi niya mapigilang mainggit.

Hindi nagtagal ay nagsimula na silang maghanda para sa kanilang interview.

Ngunit hindi inaasahan ng lahat nang pumunta si Gu Jingyu sa interview nito ay bigla nitong hinila si Lin Che.

Nang una ay nag-aalangan pa si Lin Che, pero natuwa naman ang mga reporters dahil doon at kaagad na pinilit silang dalawa na tanggapin ang interview.

Nakatayo lang si Lin Che sa tabi ni Gu Jingyu. Habang tinitingnan ang naglilinyahang mga mikropono sa kanyang harapan ay parang mahihilo na siya sa sobrang kaba.

Sa loob ng ilang buwan bago ang araw na ito, kahit isang beses ay hindi sumagi sa kanyang isipan na haharap siya sa mga reporters at papalibutan nang ganoon.

Ngunit makalipas lang ang ilang buwan ay hindi niya maikakailang napakarami ng nangyari sa kanyang buhay.

Ang mga reporters na nandoon ay talagang agresibo na tanungin silang dalawa. Isa sa mga ito ay lumapit kay Lin Che at tinanong siya, "Lin Che, ano'ng masasabi mo na na-isyu kayong dalawa ni Gu Jingyu bilang mag-nobyo?"

Hindi naman inaasahan ni Lin Che na ganoon kaagad ang itatanong sa kanya ng reporter. Sa oras na iyon ay hindi siya makapagsalita.

Samantala, sa tabi niya ay mabilis na inagaw ni Gu Jingyu ang mikropono at sumagot, "Marahil ay nasisiyahan siya sa balitang iyon. Isa pa, sino ba ang aayaw na masangkot sa isyu kasama ang gwapong lalaki na tulad ko?"

Nagpapasalamat ang tinging nilingon ni Lin Che si Gu Jingyu. Ngumiti naman sa kanya si Gu Jingyu na para bang sinasabi nito sa kanya na maaasahan siya nito sa lahat ng oras.

Nagtanong naman ang isa pang reporter. "Lin Che, nagkikita pa rin ba kayo sa labas?"

Muling kinuha ni Gu Jingyu ang mikropono. "Paano naman kami magkikita? Salamat at dahil sa inyo ay wala kaming pagkakataong magkasama kahit bilang magkaibigan lang. Alam niyo bang nahirapan akong makipagkaibigan sa kanya. Kaya please, guys, huwag niyo ng dagdagan pa ang mga pagpapahirap sa akin."

Sa sandaling iyon ay napuno ng tawa ang room na iyon dahil sa sinabi ni Gu Jingyu.

Naisip naman ni Lin Che na talagang magaling si Gu Jingyu sa ganitong trabaho. Sa tuwing may itatanong ang mga reporters ay mabilis nitong naiiba ang topic. Nagawa nitong pasayahin ang interview at kasabay din nito'y naiwasan niyang sagutin ang mga tanong na ayaw niyang sagutin.

avataravatar
Next chapter