2 ~ Susanne ~

Dalawang araw na lang pala at Pebrero na kaya naman pagdating ko pa lang sa shop ay dumiretso na ako kaagad sa opisina. Kailangan ko na gumawa ng schedule ng mga staff ko para sa buwan ng Pebrero. Kailangan ko na rin simulan ang paglilipat ng attendance nila sa Microsoft Excel para sa ngayong buwan dahil sa katapusan ay magiging abala na ako para sa 'Moving at Not moving items' dito sa shop.

Abala ako sa ginagawa nang mag-ring ang telepono. Sinilip ko ang screen na nasa bandang kaliwa ko. Nang masigurong hindi customer ang tumatawag ay saka ko lamang ito sinagot.

"Yes, Jenny?" sabi ko pagkaangat ko sa telepono.

"Ate, dumating na po ang delivery."

"Gano'n ba? Sige, papunta na ako riyan." Ibinaba ko ang telepono saka muling tumingin sa screen. Isa-isa ng ipinapasok ang mga stock. Humigop na muna ako ulit ng kape saka lumabas ng opisina.

Nakasalubong ko si Emman sa paglalakad papuntang counter. Iniabot niya sa akin ang delivery paper. Bago siya tuluyang tumalikod ay nagpasalamat ako.

Si Jenny at Emman ang naka-schedule ngayon sa umaga. Si Jenny ang bantay sa counter kapag abala ako sa loob ng opisina pero siya talaga ang bantay sa damit ng mga babae. At si Emman naman ang bantay para sa damit ng mga lalaki.

Nang makarating sa counter ay lumabas na si Jenny. Tinawag niya si Emman para buksan isa-isa ang mga karton. Siya na muna ang pumalit sa paga-assist sa customer na iniwan ni Emman.

Kadalasan kapag ganitong mayroong delivery ay pinaghihiwalay ni Emman ang karton na may lamang damit pambabae at ang karton na may lamang damit panglalaki. Mas mabilis kasi namin machi-check ang mga items na dumating. Mula sa bilang hanggang sa pagtingin kung may damage ang mga ito.

Matapos maibaba lahat ng karton ay nagpaalam na ang nagdeliver. Lumabas na rin ako ng counter at lumapit kay Emman.

"Ano'ng article niyang hawak mo, Emman?" tanong ko.

"CH-165 po, Ate." Tinignan ko sa papel ang sinabi niya. Nang masigurong naroon nga sa papel ang article na sinabi niya ay hinintay ko ang susunod niyang sasabihin. "36 pieces po ito, Ate."

"Okay. Sige, kumpleto. Susunod na karton naman," sabi ko saka sinulyapan si Jenny. Abala pa rin siya sa pagaasikaso sa customer ni Emman.

Napansin kong huminto sa pagbibilang si Emman. Tinignan ko siya. "Bakit? May problema sa items?"

"Wala naman po, Ate. Nakagawa na po ba kayo ng schedule?" nahihiya niyang tanong.

"Bakit mo natanong?" nakangiti kong sagot.

"Hihilingin ko po sana kung puwedeng mag-off po ako sa 14? Kung nakagawa na po kayo ay ayos lang," sagot niya kasunod ng pilit nitong pagtawa.

"Ikaw talaga! O, sige titignan ko. Trabaho na tayo ulit."

Buong maghapon kaming nagcheck ng items na dumating. Hindi ko na naharap pang muli ang paggawa ng mga gawain ko sa opisina. Masyadong nakakapagod ang araw na ito kaya maaga kaming nagsara ng shop.

HAPONG-HAPO ako ng makababa ng tricycle. Naglalakad na ako papasok sa amin ng muli kong marinig ang kantang 'yon.

'How can something so wrong

Feel so right all along

Catch me, I'm falling for you...'

Napasimangot ako at hindi ko naiwasang mapapikit. Simula pa lamang kaninang umaga paggising ko hanggang sa pagbabantay ko sa store ay naririnig ko na ang kantang iyon.

At hanggang sa pag-uwi ba naman ay maririnig ko pa rin ang nakaririnding kanta na iyon mula sa batang nakasalubong ko. Oo nga at malapit na ang araw ng mga puso pero hindi naman kailangan na halos araw-araw magpatugtog ng mga love songs.

"Ano ba't hindi maipinta 'yang mukha mo," puna ng kuya ko nang makapasok ako sa loob ng bahay. Prente itong nakaupo sa sofa habang ang mga paa pa ay nakapatong sa lamesa.

"Pagod ako ngayon dahil may delivery kanina tapos halos araw-araw ko na lang naririnig iyang mga kantang iyan. Mula paggising hanggang sa pag-uwi ko galing sa trabaho. Hindi ba sila nagsasawa?" nakasimangot kong sagot. Lumapit ako at tumabi sa kanya sa sofa.

"Ang sabihin mo bitter ka lang dahil wala ka pa ring boyfriend hanggang ngayon," pang-aasar nito at bigla na lang akong akbayan.

"Hindi ako bitter!"

"Hay naku, kapatid. Kaya hindi ka nagkaka-boyfriend kasi lagi kang masungit. Daig mo pa may period araw-araw, e."

"Ewan ko sa 'yo!" naiinis na sigaw ko sabay tanggal sa braso nitong nakapatong sa mga balikat ko at mabilis na tumayo para magtungo sa sarili kong kwarto. Narinig ko na lang ang malakas na halakhak ng kuya ko bago ko tuluyang maisara ang pinto. "Nakakainis! Makikita mo magkaka-boyfriend din ako," sigaw ko pa rito.

Nagdadabog na umupo ako sa gilid ng aking kama at dinampot ang cellphone na nasa loob ng bag ko. Mula ng matanggap ang deliver ng mga damit kanina ay hindi na ako nakapagbukas sa Facebook. Pabagsak akong nahiga sa kama. Hindi pa ako nagtatagal sa pag-i-scroll ay bigla na lang may nag-pop-up na ads at kahit anong pindot ang gawin ko ay ayaw nitong ma-exit. Ilalapag ko na lang sana ulit ang cellphone ko ng mahagip ng mga mata ko ang nakasulat dito sa malalaking letra.

'WAYS TO FIND YOUR ONE TRUE LOVE'

"Ano naman 'to? Mga pakulo talaga," bulong ko. "Bakit ayaw? Sapilitan sa pagbabasa, gano'n? Sus! Totoo naman kaya 'to?" Wala sa sariling mabilis na pinasadahan ng basa ang iba pang mga nakasulat. Wala naman akong magawa dahil hindi ko naman maalis ang ads na ito. Nagdududa man ay ini-screenshot ko pa rin ang ads para masubukan dahil wala naman sigurong mawawala kong gagawin ko ang mga nakasulat dito. Matapos kong mai-save ang mga pictures ay bigla na lang nawala ang ads at na-exit ang Facebook app ko.

"Ano'ng nangyari? Ayos 'to, ah!"

"Susanne! Kakain na." Bahagya pa akong nagulat sa sigaw ng kuya ko mula sa kusina. Inilapag ko na muna ang cellphone ko sa kama saka tumayo.

"Oo, nariyan na."

Pagdating sa hapag-kainan ay pinaupo na kaagad ako ni Mama. Pagkaupo ay sinimulan na niyang magdasal. Nang matapos ay iniabot ko kay Mama ang kanin.

"'Ma kumusta po sa store? Dumating na po ang delivery sa amin kanina. Dinagsa ba kayo ngayon?" tanong ko saka kinuha ang iniaabot ni Mama na kanin.

"Wala kami masyadong customer ngayon. Bukas ba ay dadaan ka sa store?"

"Titignan ko po. Baka rito lang ako sa bahay bukas, tatapusin ko ang paggawa ng schedule ng mga staff," sagot ko habang nilalagyan ng ulam si Mama.

"May delivery ba kayo bukas, 'Ma? Pupunta na lang ako sa store mo bukas, tulungan kita," singit ni Kuya sa usapan.

"Bukas ko nga inaasahan ang pagdating dahil inuna pala nila ang pag-deliver sa store ng kapatid mo. Kung tutulong ka ay sumama ka na sa akin sa pagbubukas. May mga ipapagawa rin pala ako sa iyo sa tindahan."

"Sige, 'Ma."

Tahimik akong kumakain ng lingunin ako ni Mama. Hindi ko tuloy naiwasan na lingunin din siya pabalik.

"Malapit na ang araw ng mga puso, wala ka pa rin bang ipapakilala sa amin Susanne?"

Halos mabilaukan ako sa itinanong ni Mama. Uminom muna ako ng tubig saka siya sinagot. "Mama, naman."

Hindi naman napigilan ni Kuya na matawa. Kaya tinadyakan ko siya sa paa. Hindi naman naging mahirap sa akin dahil nasa harap ko lang siya.

"Aba! Ilang taon ka na at ni isa ay wala ka pang pinapakilala. Ang mga manliligaw mo, nasaan na?"

"Bakit si Kuya? May pinakilala na ba siya sa 'yo, 'Ma? Siya na muna po ang hanapan mo 'Ma dahil mas matanda siya sa akin. At saka abala ako sa negosyo natin," pagdadahilan ko.

"Hoy! Bakit sa akin mo pinapasa? Masyado ka kasing masungit kaya walang nagkakagusto sa 'yo. Nagkakaedad ka na kasi kaya ganyan. Mukhang tatanda ka ngang dalaga," pang-aasar ni Kuya saka tumawa.

"Ano ba naman itong mga anak ko? Matanda na ako, kailan niyo ba ako balak bigyan ng apo?" Natigil sa kakatawa si Kuya dahil sa sinabi ni Mama. Ako naman tuloy ang hindi napigilang matawa.

"Pressure ka? Mas matanda ka sa akin kaya ikaw ang magbigay ng apo kay Mama. Wala pa sa isip ko 'yan," nakangiti kong sabi.

"Paanong sasagi sa isip mo, e wala ka naman kasing boyfriend. Hanap ka muna boyfriend kapatid." Hindi ko talaga maiwasan ang mainis kapag si Kuya na ang kausap ko. Alam na alam niya kasi talaga kung paano ako inisin.

"Tama na 'yan. Kayo talagang dalawa. Hala, sige at kumain na," sabi ni Mama.

Hindi na lamang ako nagsalita at tinapos na ang pagkain.

avataravatar
Next chapter