webnovel

02 | Happy Birthday, Happy

"Mahal, maligayang kaarawan," bati ko sa aking nobya nang makita ko siyang nakaupo sa may kusina. Hindi siya kumikibo.

Lumapit ako upang humalik sa kaniyang pisngi ngunit mabilis ang naging pag-iwas niya rito. Bumuntong-hininga na lamang ako at pumunta sa tapat ng kalan para magluto.

"Gusto mo ba ng sinangag? Ipagluluto kita," tanong ko sa kaniya. Ngunit sa pangalawang pagkakataon, wala na naman akong natanggap na sagot.

"Mukhang galit ka pa sa 'kin ah."

Ilang segundo kaming nanatiling tahimik at ang tanging ginawa ay magtitigan. Halos puro away na ang nagaganap sa amin nitong mga nakaraang araw. Iisa lang naman ang pinagaawayan namin ngunit hindi namin iyon maayos-ayos.

Huminga ako nang malalim bago naglakad patungong kwarto at nagpalit ng damit. Paglabas ko ay nadatnan ko pa rin si Happy sa parehong pwesto niya kanina.

Lumapit ako sa kaniya at dahan-dahan kong hinila ang mga braso niya. Bihis naman na siya kaya hindi na niya kailangan pang magpalit.

"Dahil kaarawan mo ngayon, mamamasyal tayo sa labas," sabi ko habang sinisiguradong nakakandado na ang pinto ng bahay namin.

Medyo matagal din ang paghihintay namin bago tuluyang makasakay sa bus. Maluwag naman sa loob kaya malaya kaming nakapili ng aming uupuan. Nang makaramdam ako ng kaunting antok, idinantay ko sa balikat niya ang aking ulo.

Matagal na rin mula noong huli kaming mamasyal. Mukhang mas madalas na kami ngayon magbangayan kaysa maglambingan. Pero syempre, gusto ko pa rin isalba ang relasyon namin.

Sa lalim ng mga iniisip ko, hindi ko napansin na nakatulog na pala ako. Kung hindi pa ako nagulat sa isang malakas na busina ay hindi ako magigising.

"Mahal, tara na. Andito na tayo," sambit ko habang hawak pa rin ang kaniyang kamay.

Pagbaba namin ng bus ay tumambad sa amin ang malawak na pasukan ng isang parkeng panlibangan. May istatwa ng maskot sa harapan. Dali-dali ko siyang hinila papunta roon.

"Syempre, ang una nating dapat gawin ay kumuha ng litrato kasama ang maskot na ito. Ganito rin ang ginawa natin noong una nating date, hindi ba?" masaya kong sabi sa kaniya. Inilabas ko ang aking kamera at nagpatulong sa isang lalaking hindi namin kilala. Maganda ang kinalabasan ng litrato. Napakaganda talaga ng nobya ko.

Pagpasok namin sa loob ay nakita namin ang isang malaking carousel na napapalibutan ng magagandang ilaw. Dalawang palapag ito at talaga namang mahiwaga kung titingnan. Mahaba ang pila ngunit tiniis namin iyon dahil hindi namin ito maaaring palagpasin.

"Dito tayo noong unang buwan natin, Mahal. Naaalala mo pa ba? Sobrang saya mo noon dahil paborito mo itong sakyan," sabi ko habang nakaupo sa mala-karwaheng upuan at lamesa sa ikalawang palapag ng carousel.

Ang ikalawa naman naming sinakyan ay ang maliliit na eroplano na sa unang tingin ay aakalain mong pambata. Pero wag kang papaloko dahil isa rin pala itong halimaw.

"Okay ka lang?" tanong ko kay Happy pagbaba namin sa naturang sakayan.

"Noong una kasi nating sakay diyan ay umiyak ka. Akala mo hindi nakakatakot pero grabe ang sigaw mo habang umaandar ang mga eroplano," natatawa kong sabi.

"Tara, kumain muna tayo. Mukhang gutom ka na kasi."

Lumakad kami papuntang parte kung saan maraming nagtitinda ng mga pagkain. Ang unang nakapukaw ng aking atensyon ay ang mga donut sa hindi kalayuan. Dali-dali akong pumunta roon at bumili ng dalawang piraso. Pagkakuha ko noon ay iniabot ko ang isa sa nobya ko.

"Ito, Mahal. Para sa 'yo," sabi ko.

Tiningnan niya lang iyon at umiling.

"Hindi ako gutom," sagot niya.

Hinawakan ko na lang muna ito bago tuluyang naglakad muli.

Maraming tao ang nasa parke ngayon. Marahil ay dahil Linggo at wala silang mga pasok o trabaho. Mahaba na ang pila sa lahat ng pwedeng sakyan. Maging ang mga lugar kainan ay puno na rin. Napansin kong karamihan sa mga namamasyal ngayon ay kasama ang pamilya nila. Napangiti ako at humigpit ang hawak ko sa kamay ni Happy.

"Dati ay ganito rin ang dinatnan natin dito. Napangiti ka at sinabing balang-araw ay gusto mo rin na ganon tayo. Gusto mo na bumalik tayo rito kasama na ang mga magiging anak natin," kwento ko sa kaniya.

Maaaring hindi na niya maalala iyon. Ngunit para sa akin, isa iyon sa pinakamasayang araw sa buhay ko. Ang sarap sa pakiramdam na may isang taong gustong bumuo ng pamilya kasama ka. Ang sarap na may isang taong gusto kang makasama sa hinaharap nila.

Papatak na sana ang mga luha sa mga mata ko ngunit bago pa iyon mangyari, hinila ko na si Happy sa Ferris wheel. Ito lagi ang pinakamahalagang parte sa tuwing pumupunta kami rito.

Nang makasakay na kami sa loob ay naramdaman na namin ang unti-unting pagtaas nito. Hawak ko pa rin ang kamay niya habang nakatingin ako sa magandang tanawin sa labas. Siya naman ay nakatitig lang sa akin.

"Naaalala ko pa noong ika-apat na buwan natin. Pagkarating natin sa tuktok ay tiningnan lang natin ang isa't isa. Hindi ko alam kung dala lang ba iyon ng hangin pero nakaramdam ako ng kapanatagan," sabi ko sa kaniya.

"Para bang siguradong sigurado na tayo sa isa't isa. Parang handa na tayo magsama hanggang sa pagtanda. Kung may singsing lang akong dala noon ay baka niyaya na kita magpakasal," tuloy ko.

Umihip ang malakas na hangin at naramdaman ko ang pagdampi ng isa pa niyang kamay sa braso ko. Tumingin ako sa kaniya at seryoso ang mukha nito.

"Umuwi na tayo, Gil. Gusto ko ng umuwi," aniya.

Hindi ako nagsalita. Sa halip ay tumango lang ako bilang pagsang-ayon sa kaniya. Siguro ay hindi pa rin siya komportable sa matataas na lugar. Napansin ko kasing nitong mga nakaraang buwan ay umiiwas siya sa mga gayon.

Pagdating namin sa bahay ay agad kong ibinaba ang mga dala kong gamit. Si Happy naman ay nakatayo lang tapat ng bintana.

"Mahal, bakit ka nakatayo lang diyan?" tanong ko sa kaniya.

Lumapit siya ng kaunti ngunit nanatili pa rin siyang nakatayo sa tapat nito. Magsasalita na sana akong muli nang bigla niya akong naunahan.

"Gil, itigil na natin 'to," sambit niya.

Napatigil ako sa aking ginagawa at napatingin sa kaniya. Walang bahid ng pagbibiro ang kaniyang mukha ngunit natawa ako ng bahagya. Ito'y hindi dahil nakakatawa ang kaniyang sinabi kung hindi dahil tila araw-araw nang lumalabas sa kaniyang bibig ang mga salitang iyon.

"Happy, ito na naman ba? Pag-aawayan na naman ba natin 'to? Ito na lang lagi ang pinagtatalunan natin," sabi ko sa kaniya sa bahagyang malakas na boses.

"Gil—"

"Hindi! Hindi natin 'to ititigil! Walang titigil! Walang aalis! Walang mang-iiwan! Ayoko ng ganon, Happy! Ayo—"

"GIL!"

Natigilan ako sa pagsigaw niya. Ngayon niya lang 'yon ginawa. Madalas ay kalmado lamang siya.

Dahan-dahan siyang lumapit hanggang sa ilang pulgada na lang ang pagitan naming dalawa. Unti-unting tumulo ang luha mula sa kaniyang mga mata.

"Gil, kailangan mo na 'tong itigil," sabi niya sa pagitan ng kaniyang mga iyak.

"Pero mahal kita," sagot ko habang nagsimula na ring tumulo ang sarili kong mga luha.

"Pero wala na 'ko, Gil. Patay na ko. At kailangan mong tanggapin 'yon," mahina niyang sambit.

Para akong sinampal ng realidad. Bumuhos ang luha sa mga mata ko at napaluhod ako sa harap niya. Hindi ko matanggap na wala na si Happy. Hindi ko matanggap na patay na ang tanging babaeng nagpapasaya sa akin. Ilang ulit ko man itong ipaalala sa sarili ko, tila gumagawa pa rin ng imahe ang isip at puso ko. Imahe kung saan buhay pa siya. Imahe kung saan magkasama parin kami at patuloy na nabubuhay ng masaya.

Ang gusto ko lang naman ay tuparin ang pangarap naming dalawa. Maging mag-asawa, magkaroon ng mga anak, mabuhay ng payapa, at mamatay nang magkasama. Pero bakit ganito? Bakit humantong sa puntong tanging imahe na lang niya ang nakakasama ko? Mga imaheng binuo ko sa isip ko dulot ng lubos na pangungulila sa kaniya.

Paano na lang ako mabubuhay? Paano ako kung wala ang babaeng dahilan ko para kumapit at pagtiisan ang lahat ng hirap? Paano na ko?

Naramdaman ko ang nga kamay niya sa pisngi ko. Pinunasan niya ang mga luhang walang tigil sa pag-agos. Inilapit niya ang mga labi niya sa tainga ko at bumulong.

"Mahal kita."

Unti-unti siyang naglaho. Makalipas ang ilang minutong walang tigil na pag-iyak ay unti-unti na ring nagdilim ang paningin ko.

Marahil ay pagod na rin ako. Pagod na kong gumawa ng imahe sa isip ko. Pagod na kong matulog sa gabing takot na takot dahil baka paggising ko ay wala na naman siya sa tabi ko. Siguro nga ay pagod na ko. Kaya naman oras na siguro para pumunta sa lugar kung nasaan talaga ang puso ko.

[ Kinabukasan ay natagpuan na lang si Gil sa sahig ng kaniyang bahay, duguan ang pulso. Sa tabi niya ay ang mga litrato nila ng kaniyang nobya. Ito ay si Happy, ang babaeng kailan lang ay tumalon mula sa ika-labing tatlong palapag at namatay. ]