1 01 | Death, O Death

"Mommy, saan ko ilalagay 'tong mga gamit mo?" tanong ko.

Dala-dala ko sa dalawang kamay ko ang malalaking maleta na puno ng mga damit at mga gamit. Ibinababa ko muna ito sandali at pinunasan ang pawis na unti-unti nang tumutulo sa mukha ko.

Bagong lipat kami rito. Well, hindi naman talaga bago dahil bahay naman talaga 'to ng Tita ko at madalas na rin naman kami magbakasyon dito noon. Bigla nga lang siya umalis isang taon na ang nakakaraan at sinabing hindi muna siya makakauwi. Napagdesisyunan namin na dito na muna tumigil dahil dito malapit ang university na pinapasukan ko. Matagal na rin iyon naisip ni Tita. At ngayon, nagkatotoo na. Ang pagkakaiba lang ay, ngayon, siya naman ang wala.

"Mommy! Saan ko po 'to ilalagay?" tanong ko sa pangalawang beses. At sa pagkakataong ito, sa wakas ay sumagot na siya.

"Ilagay mo na lang dyan sa tabi!" sigaw niya.

Iniwan ko ang mga maleta sa gilid, katabi ng isang malaking aparador. Pagkatapos ay lumabas na ako ng kwarto. Hindi ko na kasi kinakaya ang init sa loob. Para na akong hihimatayin.

Bababa na sana ako nang bigla kong makita ang isang tagong kwarto na katapat ng hagdanan. Walang ilaw sa tapat at may isang ipis pang pabalik-balik. Naku, kung hindi lang ako takot sa ipis baka napuntahan ko na ang kwartong 'yon. Sa ngayon, inalis ko na lang muna sa isip ko.

Lumipas ang buong araw nang wala kaming ginawa kung hindi ang maglinis at mag-ayos. Mabuti na lang ay pinagwalis lang ako ni Mommy at nag-hire na lang siya ng mga taong pwedeng magbuhat ng mga mabibigat na bagay. Nakaiwas ako sa pagod at sa sakit ng katawan. Mabilis akong nakatulog noong gabing iyon at mahimbing din ang naging tulog ko. Sa isang iglap ay tumunog na ang alarm ko na hudyat na umaga na at kailangan ko nang bumangon.

"Mommy, may balita na ba kung kailan ang uwi ni Tita?" tanong ko habang kumakain kami ng almusal.

"Wala pa eh. Pero nag-text na 'ko kahapon. Nagbilin lang. Hindi pa rin daw sigurado sa araw ng uwi." sagot ni Mommy.

"Anong bilin?"

"Huwag daw bubuksan yung kwarto sa taas. Nakikita mo ba 'yon? Yung medyo tagong kwarto doon."

"Hmm," tumango ako bilang pagsang-ayon.

Tahimik kaming kumain nang ilang sandali bago ako nagsalita ulit. Hindi ko na kasi napigilan ang kuryosidad ko.

"Pero, why? Anong meron sa kwartong 'yon?"

Napatingin sakin si Mommy na para bang alam na niyang itatanong ko iyon. Kilalang kilala na ako eh.

"Sabi kasi ng tita mo . . ." tumigil siya na para bang pa-suspense effect ang tono nito. Nakatitig lang ako sa kaniya habang hinihintay ang kasunod.

"May . . . multo daw doon."

Napatigil ako sa pagnguya at nabitawan ko ang hawak kong tinidor. Tumayo ang lahat ng balahibo ko sa katawan at nakaramdam ako ng panlalamig. Bumilis ang tibok ng puso ko at para bang kating-kati na ang mga binti kong tumakbo.

Nawala ang tensyon sa paligid nang biglang tumawa si Mommy. Kulang na lang ay lumaglag ang pancake na nasa bibig niya sa sobrang lakas ng tawa niya.

"Sabi ko na nga ba matatakot ka eh," sabi niya sa pagitan ng paghalakhak.

Bigla akong natauhan. Naloko na naman ako ng nanay ko. Pang-ilang beses na ba 'to? Hindi pa rin ako natuto.

"Tumingin ka sa salamin. Nakakatawa 'yang mukha mo," dagdag niya.

"Grabe, Mommy. Hindi ka pa ba nagsawa sa panloloko sakin?"

Hindi siya sumagot at nagpatuloy lang sa pagtawa.

Umiling-iling na lang ako at hindi na nakipagtalo. Bumalik ang katahimikan ngunit hindi rin ito nagtagal. Bigla kaming may narinig na galabog sa kusina. Napatingin kami ni Mommy sa direksyon kung saan 'yon nanggaling bago tumingin sa isa't isa. Alam ko na yata kung anong sunod niyang sasabihin.

"Tingnan mo nga! Baka may pusa na naman!" inis niyang utos sa 'kin.

"Bakit ako?" inis ko ring sagot na may kasamang pagkunot pa ng noo.

Tiningnan niya lang ako ng masama. Napa-irap ako sabay tayo dahil alam kong hindi naman ako mananalo sa kaniya.

Lumakad ako papuntang kusina ngunit pagdating ko roon ay wala namang tao. Wala ring pusa gaya ng sabi ni Mommy. Ngunit, nasa lapag na ang isang kaldero. Noong una ay nagtaka ako kung paano iyon nahulog. Kalaunan ay naisip kong aksidente lang siguro.

Lumapit na ako at yumuko para pulutin 'yon at ilagay sa kinalalagyan nito kanina. Pero hindi pa man ako tuluyang nakakatayo ulit, biglang bumukas ang sprinkler na ikinagulat ko naman.

Dahil sa gulat na 'yon, nawala ako sa balanse at napaupo sa sahig. Sobrang sakit ng pwet ko at hindi ako makatayo. Sumigaw ako at tinawag si Mommy dahil sa sobrang pagkataranta. Ilang segundo pa lang ang lumilipas ngunit basang basa na agad ako.

Habang sinusubukan ko ulit makatayo, biglang naramdaman kong may tubig na muntikan nang pumasok sa kanang mata ko. Mabilis ko itong pinunasan ngunit laking gulat ko nang makitang kulay pula ito. Tumingin ako sa taas kung nasaan sprinkler.

Lumabas ang isang napakalakas na sigaw mula sa 'kin. Hindi na tubig ang lumalabas sa sprinkler. Kulay pula na ito. Malapot ng bahagya at may amoy na katulad ng bakal. Hindi ako pwedeng magkamali. Dugo iyon.

Bumabaha na ng dugo sa kusina. Maya-maya ay dumating na rin ang nanay ko. Napasigaw rin siya sa kaniyang naabutan.

"Audrey!" tawag niya sa akin.

Nakaupo pa rin ako sa sahig at pilit tinatanggal ang dugong nasa katawan ko. Pero hindi ito natatanggal. Lalo lang itong kumakalat.

Mabilis na tumakbo si Mommy papunta sa kung nasaan ako. Hinawakan niya ako sa magkabilang braso at tinulungan akong makatayo. Nanghihina na ang mga tuhod ko at parang bumibigay na ito.

Inalalayan ako ng nanay ko hanggang sa makalabas kami ng kusina. Napadaan kami sa sala at nakita ko ang itsura ko sa isang malaking salamin na nandoon. Para akong naligo sa dugo. Nakakatakot.

Mas kinilabutan pa ako nang biglang lumitaw ang isang pamilyar na babaeng nakasunod sa amin. Nanginig ang buo kong katawan. Lalong nanghina ang mga tuhod ko. Matutumba na sana ulit ako ngunit lalong hinigpitan ni Mommy ang hawak niya sa akin. Kasabay nito ay ang pagkawala ng babae at ang pagsara ng sprinkler.

"Ito, tubig. Uminom ka muna," sabi ni Mommy matapos niya akong tulungang maligo at dalhin sa kwarto ko.

Kinuha ko ang baso ng tubig mula sa kaniya at dahan-dahan ko 'yong ininom. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako tuluyang kumakalma. Paulit-ulit pa ring pumapasok sa isip ko ang nangyari kanina sa kusina. Tulala lang ako at hindi nagsasalita.

"Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong niya.

Napatingin ako sa kaniya. Tumulo ang mga luha ko. Humagulgol ako at nabitawan ko ang basong hawak ko.

"Aalis na 'ko. Gusto kong ng umalis dito," sabi ko sa pagitan ng mga iyak ko.

Niyakap ako ni Mommy sabay haplos sa ulo ko.

"Tahan na, Audrey. Wala na 'yon. Hindi na 'yon mauulit."

Tumigil na ako sa pag-iyak ngunit hindi pa rin tumitigil ang katawan ko sa panginginig. Nanlalamig pa rin iyon at hindi pa rin ako mapakali.

Mabagal na sumapit ang gabi. At pagsapit nito, tila mas lumamig ang paligid. Nakatingin lang ako sa pintuan ko dahil pakiramdam ko ay may papasok dito maya-maya lang.

Ilang minuto rin akong ganoon hanggang sa nagbukas nga ito ng bahagya. Ngunit walang tao sa labas. At bigla akong may narinig na mahinang tinig.

"Audrey . . ." tawag nito sa akin.

Napatayo ako mula sa hinihigaan ko. Paulit-ulit akong tinatawag ng tinig na 'yon. At para bang hinihikayat ako nitong lumabas.

Sa isang iglap ay nasa pintuan na ako ng bahay. Binuksan ko ito at naglakad palabas, sinusundan ang tinig na tumatawag sa pangalan ko. Gusto kong tumigil ngunit hindi ko makontrol ang katawan ko. Kusa itong gumagalaw.

Palabas na sana siya ng kanilang gate nang biglang may humatak sa braso niya. Pagharap niya ay nakita niyang nanay niya pala ito. Halata sa mukha nito ang pagkataranta.

"Audrey, anak! Saan ka naman pupunta?" tanong nito.

"Mo . . . Mommy?" mahinang tanong ko.

"Jusko! Kung hindi pa ako bumaba para uminom ay hindi kita makikita!"

Niyakap niya ako at hinila pabalik sa loob ng bahay. Ngunit hindi parin ako natahimik. Sa pangalawang pagkakataon ay gumalaw na naman mag-isa ang mga paa ko. Natagpuan ko ang sarili ko sa tagong kwarto sa tapat ng hagdanan. Muli kong narinig ang mahinang tinig.

"Audrey . . ."

Sa loob nanggagaling ang tinig na iyon. Dahan-dahan kong pinihit ang hawakan ng pinto at bumungad sa akin ang isang madumi at magulong kwarto. Madilim ito kaya naman pinindot ko ang switch ng ilaw upang lumiwanag.

Tumambad sa akin ang isang malaking sulat sa dingding. Sinulat ito gamit ang dugo. At ang nakasulat ay . . . Odette.

Si Odette . . . ay ang Tita ko. Siya ang may ari ng bahay na 'to.

Biglang umalingawngaw ang isang iyak. Makalipas ang ilang segundo ay sinamahan ito ng isa pa. Ang kwarto ay napuno ng iyak ng dalawang babae. At kilalang kilala ko kung kanino ang mga 'yon.

"Audrey . . ." narinig kong tawag sakin ng isang tinig mula sa aking likuran. Si Tita Odette.

Pagtingin ko ay nakita ko siyang nakasuot ng isang puting bestida na maraming marka ng dugo. Unti-unti siyang lumapit sa akin . . . at hinaplos ang pisngi ko.

Umihip ang malakas na hangin at biglang bumukas ang pinto ng banyo. Doon ay nakita ko ang isang naagnas na buto ng tao. Napatingin ako sa tita ko at bumuhos ang luha sa mga mata ko.

"Audrey . . . tumakbo ka na," sabi ni Tita Odette.

Kasabay ng paghakbang ko ay ang pagbukas ng pintuan ng kwarto. Mabilis na pumasok si Mommy at sumigaw ito.

"Audrey! Hindi ba't sinabi kong wag kang pupunta rito?!" sambit niya habang may hawak na kutsilyo.

Bago pa man ako makatakbo ay sinugod na niya ako at tinadtad ng saksak. Kung kanina ay naligo sa dugo na galing sa sprinkler, ngayon naman ay naliligo na ako sa sarili kong dugo.

"Mamatay ka na! Mamatay ka na!" paulit-ulit niyang sigaw habang hindi tumitigil sa pagsaksak. Pagkatapos ay itinaas niya ang kutsilyong hawak niya at ginilitan ang leeg ko.

Bumagsak ang katawan ko sa sahig. Pagbaling ng ulo ko sa kanan, nakita ko ang sariwa pang bangkay ni Mommy. Mulat ang mga mata nito at puno rin ng saksak ang katawan. Ang ulo niya ay nakahiwalay na.

Tumulo ang luha ko. Mabilis na dumilim ang paningin ko.

Sabi ko na nga ba. Si Mommy ang nakita ko sa salamin na nakasunod sa amin kanina. Si Tita Odette naman ang dahilan ng paglabas ko sa bahay. Sinusubukan niya akong paalisin. Sinusubukan niya akong iligtas.

Hindi ko alam kung sino ba talaga ang nagpanggap na nanay ko. Pero isa lang ang sigurado ko. Hindi pa tapos ang lahat.

fin.

avataravatar
Next chapter