webnovel

Simula

Hapun na nang pauwi ako galing sa selebrasyon namin sa pagtatapos ng senior highschool, may nakita akong dalawang batang naglalaro ng habul-habulan sa hardin ng kanilang bahay malapit lang sa amin. Naalala ko tuloy si Matthew, ang mabait, maalalahanin at malambing kong kaibigan at kababata. Kami ay naglalaro rin ng habul-habulan, pati bahay-bahayan, lutu-lutuan at iba pang mga larong nagpapasaya sa amin noon.

Sa Maynila nagpatuloy ng hayskul si Matthew kaya lumipat sila ng tahanan doon at apat na taon ko na siyang hindi nakikita. Grade 9 siya nung lumipat sila. Nagtetext naman kami palagi pero namimiss ko pa rin siya. Iba naman kasi kapag personal mo na nakikita ang bestfriend mo, hindi ba? Sa nakaraang mga buwan, nagtataka lang ako kasi bihira na lang siyang magtext at tumawag sa akin.

Malapit na akong makarating sa amin nang maisipan ko siyang tawagan ngunit nagulat ako nang may isang taong nakatayo sa may pintuan namin. Nakasuot siya ng pulang jacket at itim na sombrero. Naisip ko na, ang init ng panahon pero naka-jacket ang taong ito. Lumapit ako sa kanya nang bigla siyang humarap sa akin.

"Uy, Lara! Kamusta na?" Natulala ako. Si Matthew! Nandito siya! Bumalik siya! Binalikan niya ako! Niyakap ko siya nang mahigpit.

"Maaaattt!" umiiyak na sabi ko. "Kailan ka pa dumating?"

"Kahapon lang," sagot niya. Hinahaplos niya ang likod ko. Sobrang miss ko na siya kaya hinigpitan ko pa lalo ang yakap ko. "Kamusta na?" tanong niya.

Kumawala na ako sa yakap namin at tsaka sumagot, "Heto, namimiss ka na nang sobra. Ang saya ko na nandito ka. Ikaw? Kamusta ka na?"

"Okay lang." maikling sagot niya. "Ang taas ko na kaysa sa iyo." komento niya niya pagkatapos.

"Halata nga." Tumawa kami. "Doon tayo sa loob ng bahay magkwentuhan, Mat."

"Kalalabas ko lang. Nagkamustahan na kami nina Auntie Norina at Uncle Jonathan." Aw. "Um, Lara, punta tayo sa dating tinatambayan natin." pakiusap niya. "Doon na tayo magkwentuhan." Napangiti ako. Naalala niya pa rin ang lugar na iyon.

Niyakap niya ako bigla. "Mas namiss kita, Lara." bulong niya. Hinahaplos niya ang buhok ko at pakiramdam ko inaamoy niya ito. Hinayaan ko lamang ang bestfriend ko. Sobrang namiss niya talaga ako. Napangiti naman ako sa aking naisip.

Ilang sandali ay hinarap niya na ako sa kanya sabay ngiti. "Tara na."

Napansin ko ang pamumutla ng mukha niya. Pero hindi ko na ito masyado pang pinagtuonan ng pansin. Dumako ang aking tingin sa kanyang magandang ngiti.

"Miss ko na talaga ang mga ngiting iyan." komento ko.

Ngumiti siyang muli. "Tara na nga." Hinawakan niya ang aking kamay at marahan niya akong hinila paalis.

Sumakay kami sa sasakyan nila. Malapit lang naman ang bahay nila sa amin, pwede ng lakarin. Sa likod ng kanilang malaking bahay ay mayroong malaking punongkahoy na ginawan namin ng maliit na bubungan. Kaharap nito ang malawak na dagat. Nandun pa rin kaya iyon hanggang ngayon? Napanaginipan ko kasi na pinutol iyon.

Napansin ko na ang driver nila na mukhang nasa 40's na ay sumunod sa amin papunta sa likod ng bahay at mukhang binabantayan kami.

"Bodyguard mo ba 'yan?" biro ko kay Matt.

"Ewan ko kay Papa." kibit-balikat na sagot niya. So, totoo nga?

Nang makarating kami, laking saya ko na nandito pa rin ang punongkahoy. Naglapag kami ng banig sa tabi nito katulad ng ginagawa namin noon. Pagkatapos ay nagpalitan na kami ng mga kwento sa mga nangyari sa buhay namin sa hayskul, mga kwentong parang walang katapusan sa paulit-ulit. Parang hindi kami nagkukwentuham gamit ang cellphone. Ganito na siguro ang bugso ng aming mga damdamin. Apat na taon ko siyang hindi nahawakan at nayakap.

"Nasaan na yung bodyguard mo?" tanong ko. Pansin ko kasing wala na siya sa likod namin.

"Sinabihan ko na pumasok na sa bahay." sagot niya."Ewan ko ba kay Papa. Kaya ko naman." At bigla siyang nalungkot.

"May sakit ka ba? Lagnat? Naka-jacket ka kasi." tanong ko.

"Sobrang lamig kaya ng simoy ng hangin dito. Pakiramdaman mo." utos niya.

At pinakiramdaman ko nga. Malamig nga naman. Malamig pero hindi sobrang lamig. Siyempre nasa may dagat kami. Dapithapon. At nasa lilim ng isang malaking puno.

Inirapan ko siya. Tumawa naman siya. Pagkatapos ay hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko gamit ang kanyang dalawang kamay. "I miss you, Lara."

"I miss you, rin." Ngumiti ako pero seryoso ang mukha niya. "Oh hala, tayo na nga at magdidilim na. Abutan pa tayo ng mga luha natin."

Tatayo na sana ako ngunit hinila niya ako at niyakap. Namiss nga niya talaga ako. Napangiti ako ulit.

Naglalakad na kami patungo sa bahay nila nang biglang tumigil si Matt at hinihimas ang ulo niya.

"Matt, bakit?" tanong ko.

"Ha?" Nagulat siya. "Uh, wala. Tayo na."

Malapit na kaming makarating nang mapansin ko na may tumutulong dugo mula sa kanyang ilong.

"Matt, dumudugo ang ilong mo!" Tinuro ko ito.

Hinawakan niya ito at siya'y tumingin sa akin. Nakita ko ang takot sa kanyang mga mata. Ilang sandali ay bigla na lamang siyang natumba.

"Matt!" takot na sigaw ko. Niyuyugyog ko siya hanggang sa dumating ang kanyang ama at binuhat siya papasok sa loob ng kanilang bahay.

Nasa loob ng kwarto niya si Matt habang ako'y nasa sala. Hindi ko masyadong narinig ang pinag-uusapan ng doktor at ng papa ni Matthew kanina. Ang tanging narinig ko lang ay napagod lang daw siya na siya namang nakapaglisan ng takot ko.

"Lara." tawag ni Tita Delia, ang mama ni Matthew. Umupo siya sa tabi ko. Malulungkot ang kanyang mga mata na tila anumang oras ay bigla nalang siyang iiyak.

"Bakit po?" tanong ko. Nagsimula na naman akong kabahan.

"Mukhang kailangan ko ng sabihin ang totoong kalagayan ng anak ko sa iyo." Sa pagkakataong ito ay umiiyak na siya.

"Ano...ano po?" nagtatakang tanong ko. Parang hindi ko gustong malaman kung ano man ang sasabihin ni Tita. Ayokong marinig.

"Si Matthew kasi... ang anak ko."

"Ah, Tita, mauuna na po ako. Gabi na rin po kasi." Tatayo na sana ako nang sinabi niya na ang mga salitang gumuho sa aking mundo.

"May taning na ang buhay ng anak ko."

Tinitigan ko lang si Tita, naghihintay na sabihin na nagbibiro lamang siya. Pero ilang sandali na ang nakalipas at hindi niya pa rin ito binabawi.

"Mayroong Leukemia si Matthew. Isang taon na mula nang nalaman namin. At huli na ang lahat."

Wala na akong nararamdaman. Kinuha ng mga salitang ito ang aking buong lakas. Napakabilis ng pagtulo ng mga luha ko.

May malubhang sakit si Matthew, ang bestfriend ko. Bakit? Hindi ko kayang tanggapin. Hindi ako makatayo sa inuupuan ko.

Kaarawan na ni Matthew sa susunod na linggo. Hindi ko sinabi sa kanya na alam ko na ang kalagayan niya. Ginawa namin ang gusto niyang gawin. Ang gusto niyang puntahan, pinuntahan namin. Nagpunta kami sa dati naming paaralan sa gradeschool at naglaro ng mga games sa mall. Binabantayan kami ni Mang Nestor, yung driver/nagbabantay kay Matt. Tumatambay-tambay rin kami sa park malapit sa paaralan namin sa hayskul. Minsan nahihilo at napapagod siya kaya maya't maya kaming tumitigil at nagpapahinga. Kapag ako'y nagtatanong kung kamusta siya, "Okay lang ako" ang palagi niyang sinasagot. Lumipas ang isang linggo, kaarawan niya na kinabukasan.

Nung gabing yun, tinawagan niya ako gamit ang cellphone.

"Punta ka bukas ng gabi ah." sabi niya.

"Oo naman."

"Ayaw ko ngang magcelebrate, eh. Si Papa kasi."

"Hayaan mo na. Nag-iisang anak ka nila, eh. Mahal na mahal ka nila." sabi ko.

Natahimik siya bigla sa kabilang linya kaya nataranta ako.

"Matt? Nandiyan ka pa ba?" Mas nataranta ako nang hindi siya sumagot.

"Matt! Ayos ka lang?"

"Lara, ikaw ba, mahal mo ba 'ko?" Salamat naman at nagsalita na siya.

"Oo naman, Matt." sagot ko. "Mahal kita. Mahal na mahal kita." Kumirot bigla ang puso ko.

Kaarawan na ngayong araw ni Matt. Kakarating ko lang sa bahay nila. Pinasundo ako ng isang driver nila. Kaunti lamang ang mga bisita. Hahanapin ko na sana ang kaibigan ko nang sinalubong ako ng kanyang ina. Malulungkot pa rin ang kanyang mga mata.

"Hello, po." bati ko.

"Hello rin, Lara." walang siglang bati ni Tita Delia. "Pinasasabi ni Matthew na...puntahan mo raw siya sa likod."

"Ah, ganun po ba. Sige, salamat po." sabi ko.

Ano namang ginagawa niya sa labas?

Nagsimula na akong maglakad patungo sa aming tambayan. Nang ako'y makarating, nakita ko si Matt na nakaupo sa ilalim ng puno, at nakita niya rin ako. Batid kong alam niya na alam ko na ang tunay niyang kalagayan.

Nilapitan ko siya. "Bakit ka naman nandito? Birthday party mo ngayon oh." tanong ko.

"Ayoko dun, Lara. Ayoko. Gusto ko dito. Kasama mo. Katabi mo." sabi niya.

"Tsk. Ano ba 'yan." Umupo ako sa tabi niya.

Maya maya nagsalita si Matt. "Napakasarap magpahinga sa lilim ng punong ito, hindi ba? Napakalamig ng simoy ng hangin lalo na ngayon na gabi na." Tumingin siya sa akin at ngumiti. Bumigat ang aking pakiramdam. Ang ganda talaga ng mga ngiti niya. Ilang ngiting ganito ang masisilayan ko pa sa kanya gayong alam kong bilang na ang mga araw niya.

"Oo." tanging sinagot ko. Hindi ko magawang mabuka nang maayos ang aking bibig. Bawat bigkas niya ng kanyang mga salita ay wari'y nabibigatan siya dahil halos binubulong niya na lamang ang mga ito.

"Kaarawan mo nga pala sa susunod na linggo, hindi ba? Parehas tayo ng buwan." sabi niya sabay tawa. Tawang nauwi sa paglukot ng mukha. Mabilis kong hinawakan ang kanyang balikat. Hinihimas niya ang kanyang ulo.

"Matt? Anong nararamdaman mo?" nag-aalalang tanong ko.

"Sumakit lang ulo ko, Lara." mahinang boses na sabi niya. "Huwag kang mag-alala." Kinuha niya ang kamay ko na nasa balikat niya at pinisil.

"Okay." sabi ko. Kinabahan ako bigla.

Naging tahimik ang paligid. Hawak niya pa rin ang kamay ko. At ang lamig ng kamay niya. Nakasuot siya ng asul na jacket, ang paboritong kulay niya. Nakatingin lang ako sa dagat at pinapanuod ang bawat paghampas ng alon sa dalampasigan. Ilang sandali ay nagsalita siya. Binitawan niya na ang kamay ko.

"Napakaganda talaga dito kasi tanaw na tanaw mo ang malawak na dagat at ang langit." bulong niya kaya napatingin ako sa kanya. "Hindi ba, Lara?"

Kahit namumutla siya ay kapansin-pansin pa rin ang magandang hubog ng kanyang mukha. Oo, magandang lalaki ang kaibigan ko at pinagmamalaki ko yon. Napangiti ako sa aking naisip.

Napansin kong nakatitig lang ako sa kanya kaya ibinaling ko kaagad ang aking tingin sa malawak na dagat. "Oo naman. Talagang napakaganda."

"Gaano katagal ko pa kaya ito mamamasdan?" sabi niya sabay tingin sa akin. Biglang sumikip ang aking dibdib sa kanyang sinabi.

Napakatahimik ng gabi. Ang tanging ingay lang ay ang paghampas ng alon sa dalampasigan. Ngunit bakit hindi ko madama ang kapayapaan dito lalo na nung sinabi ni Matthew ang mga salitang iyon. Nararamdam ko ang matinding kalungkutan sa kanyang tinig.

"Ano ba iyang pinagsasabi mo. Masisilayan mo pa ang lahat ng ito nang mas matagal." Naisip ko na sana magkaroon ng himala, na sana isang araw magaling na siya, na wala na siyang nararamdamang sakit sa katawan, na masasaya na ulit ang mga mata niya, na masisigla na ulit ang boses niya.

Hinihimas na naman niya ang ulo niya. Siguro'y napakasakit dahil nakikita kong lumulukot ang kanyang mukha. Nataranta na naman ako.

"Matt, alam kong masakit ang ulo mo kaya bumalik na tayo sa loob para makapagpahinga ka at makainom ng gamot." mahinahong sabi ko.

Biglang tumulo ang kanyang mga luha. Sumikip na naman ang aking dibdib.

"Hindi ba sabi ko na huwag mo na akong alalahanin, Lara." sabi niya habang pinapahiran ang kanyang mga luha.

"Matt, pwede ba sumunod ka sa 'kin. Ayokong nagkakaganyan ka. Ayokong mawalan ng kaibigan kaya tayo na." Pero hindi niya ako pinansin.

Tumingin ulit siya sa dagat. Makalipas ang ilang sandali, sumandal si Matthew sa puno at sinabi niya, "Mukhang hindi ako makakapunta sa birthday mo, Lara."

"Anong ibig mong sabihin? Makakapunta ka. Ang lakas lakas mo kaya." mabilisang sagot ko pero hindi na naman niya pinansin ang sinabi ko sa halip ay may kinuha siya sa bulsa ng kanyang asul na jacket. Inabot niya sa akin ito.

Litrato.

Litrato naming dalawa na nasa Ferris wheel at magkaakbay, apat na taon na ang nakalipas. Abot tainga ang mga ngiti naming dalawa. Tandang tanda ko pa ang panahon na ito. Piyesta sa lugar namin. Gustong gusto kong sumakay noon sa Ferris wheel at sinabi ko iyon sa kanya. Pagkagabi ay inimbitahan niya akong magpunta sa plaza. Nawala ang kopya ko ng litratong ito dahil sa nangyaring sunog sa bahay namin noon.

Uminit ang aking mga mata. Nagbabadyang tumulo ang aking mga luha. Pinigilan ko ito. Ayokong umiyak sa harapan ni Matthew.

"Kung sakaling hindi ako makaabot sa birthday mo, tingnan mo lamang iyan at alalahanin mo ang lahat ng ating pinagsamahan. Ang ating mga masasayang araw, noong naglalaro pa tayo at sabay tayong pumapasok sa skwela, at-"

"Taman na nga yan, Matt!" putol ko sa kanyang mga sinasabi ko. Ayokong pakinggan ang mga ito.

"Lara, mangako kang mananatili kang masaya kahit wala na ako. At sana makahanap ka ng bagong kaibigan."

"Tama na, pakiusap, Matt. Tumigil ka na." pakiusap ko ulit. "Tayo na, bumalik na tayo sa loob. At tsaka, makakasama kita sa birthday ko!" Ayoko nito. Ayoko sa klase ng pag-uusap na ito. Para siyang nagpapaalam.

"Lara," umiiyak siya ngunit nakangiti, "salamat sa lahat at sorry."

"Tayo na." Tatayo na sana ako ngunit hinawakan niya ang kamay ko nang napakahigpit. Tinitigan niya ako at bumulong.

"Naging mabuti ba akong kaibigan?" tanong niya. Mabilis na tumulo ang mga luha ko na kanina ko pa pinipigilan.

Tumango ako. "Napakabuti mo."

Ngumiti siya at panay ang tulo ng luha sa kanyang magandang mukha. "Mahal na mahal kita, Lara."

"Mahal na mahal na mahal din kita, Matthew." umiiyak na sabi ko.

Ngumiti siya sa kahuli-hulihang beses. Tumingin siya sa langit at malalim na nagbuntong-hininga. "Makakapagpahinga na rin ako sa wakas." Tumulo ang huling luha niya at dahan-dahang pumikit ang kanyang mga mata.

"Salamat din sa iyo, Matthew." Lumuwag ang pagkakahawak niya sa kamay ko at kasabay noon ang labis na pag-iyak ko.

This story is also uploaded in Wattpad. I also have other stories there. Kindly check them out. I write different stories, essays, poetry, and other compositions long time ago. I only decided to upload some of them online few weeks ago. Hehe. Please also vote, comment, and share them - here and there! Hehe. It may help. Thanks a lot!

WP: @autummmnnnn

autummnnnncreators' thoughts
Next chapter