3 Chapter CPH4-1028-02

Pagkarating nila sa Physics Lab ay nandoon nga ang ilan pa nilang mga kaklase—nakaupo at nakatunganga, nakikinig ng music, naglalaro ng kung anu-ano sa computer, nagseselpon, at may iba ring nag-aaral.

"Saan ba kayo galing?" bungad na tanong ni Gerald, isang BS Physics student at kaklase nila sa University Physics na asignatura.

"Sa canteen lang. Bakit hindi kayo sumama kanina?" Umupo si Athena sa tabi ni Gerald.

"May tinatapos lang kaming gawain sa Computational Physics," sagot naman ni Gerald habang isinisilid sa lalagyan ang kaniyang laptop.

"Ang sipag niyo naman." Tumawa lang si Gerald sa sinabi ni Athena.

"Hoy, Vincent Brian Indac at Sheina Mae Labiste! Pwede bang ihinto niyo na muna 'yang PDA niyo? Kasi nakakaumay nang tingnan," pagsaway ni Bruce sa dalawa na kanina pa sweet na sweet sa isa't isa.

"Bruce, pagbigyan mo na lang sila. Hindi nila alam ang kanilang mga ginagawa," natatawang pagpigil ni Ervin habang itinutulak si Bruce sa pwesto ni Athena.

"Gerald, inimbitahan din ba kayo ni ate Lance sa kaniyang pa-party?" usisa ni Athena.

"Ah, oo. Nagpunta siya rito kanina at personal na nag-imbita."

"Bukas na 'yun ng gabi, hindi ba?" tanong ni Bruce na mababakas ang pananabik. "Sinong pupunta?"

"Ako! Pupunta ako kasama si April," sigaw ni Bryan na nasa kabilang dulo ng silid katabi ang kasintahan nito.

Nagsabi na ang lahat na pupunta sa party maliban kay Ervin.

"Ervin? Hindi ka ba sasama?" untag ni Gerald.

"Sasabihan ko pa sina mama at papa tungkol diyan. Huwag kayong mag-alala malalaman niyo rin bukas." Gusto talaga sana ni Ervin na pumunta sa party subalit hindi pa niya alam kung paano sasabihin upang mapapayag ang mga magulang.

"Before I forget pala, guys. Nag-message sa akin 'yung teacher natin sa Inorganic Chemistry na may gagawin siyang importante kaya hindi siya makakapasok sa klase ngayon. Ipapasa na lang daw 'yung assignments natin," anunsiyo ni Bruce na siyang ikinasaya ng lahat.

+ + + + +

Isa-isang silang nasidatingan sa boarding house ni Gerald. Dito sila magtitipun-tipon bago sabay na magpunta sa bahay ni Lance.

"Sino pa ba ang kulang sa atin?" tanong ni Gerald sa mga kasama.

"Nag-chat 'yung iba na hindi sila matutuloy kasi may gagawin at emergency daw," saad ni Bruce habang nakatingin sa kaniyang cellphone.

"Guys, nag-chat si ate Lance kung ilan at sinu-sino ba tayong pupunta," sambit ni Sheina.

"Sabihin mo 11," ani Athena matapos niyang bilangin ang mga kasama. "Dictate ko sa'yo 'yung names. Okay?" Tumango lamang si Sheina. "Gerald, Bruce, Vince, Bryan, April, Vincent, Aries, Romeo, Melody, Athena, Sheina—"

"Ervin." Nagulat sila nang may nagsalita. "Count me in." Nasiyahan sila nang dumating si Ervin.

��Mabuti at pinayagan ka," sabi ni Athena.

"Eh, sinabi ko kasing sleep over para sa project natin." Napakamot na lamang sa ulo si Ervin nang napagtanto kung anong kasinungalingan ang kaniyang nasabi sa mga magulang para lang makapunta. Tumawa na lamang sila sa narinig mula rito.

Nang makarating sila sa bahay ni Lance ay agad silang pinagbuksan ng gate nito.

"Sumunod kayo sa akin. Nasa likod 'yung mga kaklase ko."

Tumambad sa kanila ang pool area na pinaganda ng iba't ibang mga kulay na sumasayaw.

"Kumuha lang kayo ng pagkain sa buffet table. Huwag kayong mahiya. Feel at home. Pupuntahan ko lang mga kaklase ko," nakangiting sabi ni Lance.

Matapos ang kainan ay umupo sila malapit sa pool at nagkwentuhan hanggang nagkayayaan na maligo. Hindi sana maliligo si Ervin subalit napilit siya ng kaniyang mga kaibigan.

Ilang sandali ay dumating si Lance na may dalang cake. "Guys, kain muna kayo ng cake. Bigay ��to ni Ms. Urbano kanina noong dumaan siya. 'Di ba siya 'yung teacher niyo sa Inorganic Chemistry? Siya rin kasi 'yung research adviser ko."

Umahon muna sila sa tubig at kumain ng cake.

"Guys, dito na lang kayo matulog sa amin kasi gabing-gabi na." Hindi pa rin nawawala ang ngiti niya sa kaniyang mga labi.

Natutuwa lamang si Lance dahil kahit minsan ay magkaroon ng maraming tao sa kanilang bahay. Sila lamang ng kaniyang ina ang nakatira sa malaki nilang bahay. Ang kaniyang ama ay nasa ibang bansa para magtrabaho.

Nang matapos ang gabi ay nagsitulog na ang lahat dahil sa pagod kakalangoy sa pool.

Kinabukasan ay unang nagising si Bruce. "Guys, gising na. Tanghali na. Tirik na tirik na 'yung araw." Niyugyog niya isa-isa ang mga kaibigan.

"Huwag ka maingay, Bruce. Inaantok pa ako, eh," sabi ni Gerald habang nakasalampak ang mukha sa unan.

"Bahala nga kayo diyan. Mauuna na akong mag-ayos sa inyo." Iniwan niya ang mga kaibigan at lumabas ng kwarto. Napagdesisyunan niyang puntahan ang mga babae sa kabilang kwarto para gisingin subalit huli na siya. Gising na gising na sila at nakaayos na.

"Kayo na 'yung gumising sa mga tao doon sa kabilang kwarto. Ang hirap gisingin ng mga 'yun," saad ni Bruce. Agad naman nagpunta ang mga babae sa kwarto ng mga lalaki upang mambulabog at manggising.

Matapos maligo ni Bruce at makapag-ayos ay lumabas siya ng bahay at pumunta sa hardin. Nalilibang siya sa mga halaman at insektong naroon. Nakakita siya ng pusa at kaniya iyong nilapitan.

"Hi, mingming. What's your name?" Sigurado siyang pusa ito nina Lance. Nahuhumaling siya rito dahil sa puti nitong balahibo at asul na bilugang mga mata.

"I'm Charlotte." Nagulat si Bruce sa kaniyang narinig. Lumingun-lingon siya sa kaniyang paligid upang tingnan kung may tao. "Sinong nandiyan? Athena? Vince? Lumabas nga kayo diyan."

"Sino 'yang mga tinatawag mo?" Tumingin siya sa pusa na nasa kaniyang paanan.

Hindi siya makapagsalita dahil sa kaniyang nakita't narinig. Hindi siya makapaniwala na nagsasalita ang pusang kaharap niya ngayon. Tumakbo siya sa kaniyang mga kaibigan at sinabing may nagsasalitang pusa sa may hardin.

"Anong nagsasalitang pusa?" Tinawanan lamang siya ng mga kaibigan.

"Sumama ka sa akin doon, Athena, upang maniwala ka." Hinila ni Bruce si Athena patungong hardin at nakita ang pusa na nakaupo lamang sa kaniyang kinalulugaran bago umalis si Bruce.

"Ayan!" Turo pa niya sa pusang walang kamuwang-muwang at dinidilaan lamang ang mga binti nito.

"Ang cute!" Lumapit si Athena rito at agad na kinarga.

"Huwag mong hawakan 'yan. May sa demonyo ang pusang 'yan." Takot na sambit ni Bruce subalit hindi nagpatinag si Athena sa pagkahumaling sa pusa. "Hoy, pusa! Magsalita ka."

"Huwag mo akong utusan, bakla ka!" singhal ng pusang nagpakilalang si Charlotte.

"Uy, Athena! Narinig mo 'yun?" tarantang saad ni Bruce.

"Ang ano? Guni-guni mo lang siguro 'yun." Ibinaba ni Athena ang pusa sa lupa.

"Pero—"

"Nabagok ka siguro kagabi, ano? Kaya pati pusa pinapatulan mo." Tumawa lamang si Athena. "Tara na nga. Naghihintay na 'yung iba nating kasama para umuwi." Umalis sila at pilit kalimutan ni Bruce ang kaniyang mga narinig.

"Siguro nga, guni-guni ko lang 'yun."

avataravatar
Next chapter