webnovel

Chapter 1

Nung natapos kong hulugan ang binili kong bahay, pakiramdam ko nabunutan ako ng tinik. Siyempre, nawalan ka na ng kargo't may maipagmamalaki ka nang pinagpaguran mo matapos ang matagal na pagtatrabaho. Pero di ko maiwasang maramdamang parang kadena 'tong bahay sa akin, considering kung ano ang plano ko dito noon – hindi, plano pala naming dalawa na di rin naman natuloy.

Tatlong oras ang biyahe mula sa bahay ng parents ko papunta sa Bulacan. Corner lot sa socialized housing lang naman iyon pero hindi birong hulugan kung wala kang matinong sweldo. Kahit ilang beses kong sinabing sila na ang tumira roon ayaw nila, lalo na ang nanay ko dahil di daw niya mabibisita mga amiga niya.

Akala ko isang ghost town ang lugar pagdating ko. Nag-iisa lang ang subdivision na iyon sa gitna ng talahiban, walang pinagbago ang paligid simula nang tinayo iyon 10 years ago. Karamihan sa mga bahay ay merong may-ari pero walang nakatira, madalas dahil nasa ibang bansa sila't pinapabayaran lang sa mga kamag-anak ang mga iyon.

"Nandyan ka na ba, anak?" Tanong ng nanay ko matapos sagutin ang biglang tawag niya. Tinitignan ko noon ang mga furniture na binili niya - lahat mukhang sosyal para sa isang hamak na row house, balot pa sa plastik at halatang walang gumalaw.

"Nandito na po ako." Magalang kong sagot. Masaya man akong maganda ang taste niya, di ko napigilang isiping di ata bagay sa personality ko yung mga gamit. Para bang...napaka-macho't boring. Kung nandito lang sana ako noon, kinulit ko mga kaibigan kong pinturahan ang mga pader ng inspirational quotes o kaya nagpagawa ako ng bookshelf abot kisame hanggang sahig, para bang kung paano namin inisip ang magiging itsura ng bahay na 'to noon.

Pero wala naman na siya kaya kaya kung anumang balak kong gawin sa bahay, sa akin na lang iyon.

"Ayan ha, di mo masasabing tinipid namin iyang bahay mo. Kumpleto lahat ng gamit diyan." Pagmamalaki niya habang binubuting-ting ko ang mga appliances sa kusina. Kung nandito lang siya, mapagluluto kaya niya ako habang sinasabay ang pagkanta gaya ng dati?

"Grabe naman ma, sana ginastos mo na lang sa bahay yung pinambili mo kaysa dito sa akin." Yung bahay niya sa Fairview ang tinutukoy ko. "Ayos lang naman sa aking simple, eh."

"Umiiral na naman pagka-kuripot mo! Nag-abroad ka pa kung titipirin mo sarili mo. Ayaw mo pang bumili ng kotse, wala ka namang anak. Saan mo balak ilagay pera mo niyan?"

"Hindi ko rin sigurado kung titira ako dito..." Magulong isip ko.

"Anak, ilang beses ko nang sinabi sa iyo, di ako interesadong lumipat diyan. Di ko maiwan 'tong negosyo." Yung sub-con ng mga garments ang tinutukoy niya, na pinondohan gamit ang remittances ko noon. "Saka sa iyo nakapangalan iyan, kaya ikaw ang may karapatang gumamit. Akala ko ba pinangako mo sa aking di ka na babalik abroad ngayong tapos na iyang bahay?"

"Sayang naman kasi ang opportunity, ma."

Alam kong pinangako ko sa kanya iyon, pero hindi ko matanggihan ang opportunity na mag-abroad ulit. Nakakahinayang ding iwan ko yung maganda ko nang trabaho abroad para lang magpalipat sa Pilipinas. Mukhang umaayos naman ang mga bagay-bagay sa bagong gobyerno pero kapag nasa gitna ka ng traffic, di mo pa rin maiwasang mawalan ng gana. Sa bagay, mas mahirap ang buhay sa ibang bansa kahit malaki ang sweldo. Imposibleng makabili ng bahay na wala pang isang milyon abroad.

"Puro na lang trabaho ang iniisip mo; wala ka bang balak mag-settle down? Mag-asawa, magka-anak, ganun?" Sabay tawa ng kausap ko sa kabilang linya. Alam kong biro lang iyon dahil simula nang makilala ko siya, alam ng nanay kong di niya ako mapipilit maghanap ng babae. O kahit sino siguro.

Heto nga, mukhang pinapamukha niya iyon sa akin dahil sa picture frame na nakalagay sa kusina. Picture naming dalawa, nung pumasa ako sa board exam dalawang taon matapos niya. Panahong di pa namin sigurado anong meron sa amin at ang alam lang ng nanay ko'y masyado lang kaming close.

"Nakita mo na ba yung kusina?"

"Ah, oo...maganda." Sabi ko tungkol sa mga appliances. O baka tungkol sa picture na iyon. "Dito siguro muna ako matutulog ngayon, ma."

Next chapter