webnovel

Simula

Tahimik akong naglalakad sa hallway ng School. Ramdam ko ang mga titig nila sa akin pero hindi ko iyon pinansin, sana'y na ako sa mga ganyang titig. Kung papansinin ko sila ay magkakaroon lamang ng gulo.

"Hi!" Bati ng lalaking humarang sa harapan ko. Hindi ko maiitangging gwapo siya… nilihis ko iyon sa isipan ko. Bakas sa mukha niya ang hiya dahil medyo namumula siya.

"Hindi iyan papansinin ni, Snow."

"Papansinin iyan, walang makakatanggi sa kakisigan ni Rigo, 'no!"

"Sabagay… tsaka balita ko ay wala na si Klaire at Rigo, 'no!"

Rinig ko ang mga bulungan sa paligid. Hindi ko alam kung bulong pa bang maitatawag doon, eh rinig na rinig ko naman sila. Agaw pansin dahil kaharap ko ngayon ay basketball captain dito sa University namin.

"Hello." Malumay na bati ko sa kaniya.

Hindi ko naman siya gustong bastusin at ipahiya siya sa madaming tao. Noong nakaraan ay umugong ang bali-balita na sila na ni Klaire, ang babaeng sikat din dito dahil sa kagandahang taglay niya. Wala naman akong pakialam sa kanila, masyado lang talagang usap usapan iyon dito sa Campus kaya't kahit wala akong pake ay nalalaman ko pa din ang takbo ng buhay nila.

"Ah! Nagmamadali kasi ako, eh. Sa susunod nalang." Tugon ko at akmang aalis na nang hinawakan niya ang braso ko. Nagulat ako sa ginawa niya kaya't nanlaki ang mata ko.

"S-sorry!" Usal niya.

"Okay lang. Sa susunod nalang, ah? Kailangan ko na kasi umalis, eh." Utas ko.

Umalis na ako at hindi pinansin ang bulungan sa paligid, isipin na nila ang gusto nilang isipin. Nang makapasok ako sa room ay napabuntong hininga na lamang ako nang makita ko ang sandamakmak na bulaklak sa aking upuan, mayroon ding mga tsokolate.

"Kailan ba ako masasanay?" Tanong ko sa sarili ko. Inayos ko ang lahat ng iyon at inilagay muna sa isang tabi. Ang mga tsokolate naman ay isinilid ko sa bag ko, ibibigay ko nalang kay Chesca mamaya.

Mahihirapan na naman ako sa pagdadala ng mga ito mamaya pero hayaan na. Palagi din naman akong busog sa mga nagpapadala nito sa akin, idagdag mo pa na mahilig si Ate sa bulaklak kaya pabor din ako dito minsan. Ngunit minsan ay sobrang dami talaga ng mga pinapadala nila kaya nahihirapan akong iuwi lahat kaya pinapamigay ko nalang iyong iba.

Saktong pagtapos ko mag ayos ay dumating na ang aming Proffesor kaya't nagklase na kami. Nakinig naman ako ng mabuti, college na ako at kailangan ay pagbutihin ko ang pag aaral. Gusto kong bigyan ng maganda at maayos na buhay si Ate.

Matapos ang klase ay inayos ko na ang mga gamit ko. Naiihi pa ako, nubayan! Sa bahay nalang siguro ako mag c-cr. Naglakakad na ako papalabas ng School, rinig ko ang mga bati ng mga tao sa akin. Nginingitian ko nalang sila. Hirap na hirap akong buhatin ang mga bulaklak na dala ko. Tumigil muna ako sa may tabi ng kalsada, walang masyadong naglalakad dahil puro nakakotse ang mga nag aaral dito. Nakapasok lang ako dahil sa kagandahan at katalinuhan ko.

"Peste, sino ba naman kasing masisipag ang nag iiwan ng mga ito sa upuan ko? Hindi ba nila alam na nahihirapan akong mag uwi?!" Bulong ko sa sarili habang nakatingin sa mga bulaklak na binaba ko muna sandali.

"Itapon mo na lahat iyan." Napatalon ako nang bahagya nang marinig ko ang boses na iyon. Siya iyong lalaki kanina. Nakatayo siya sa di kalayuan at pinapanood ako.

"Ginulat mo naman ako." Utas ko. Narinig ko ang mahina niyang tawa at lumapit siya sa akin.

"Tulungan na kita?" Tanong niya sa akin. Tumango naman ako. Hindi na ako umangal dahil ayoko din namang mahirapan sa pagdadala ng mga ito sa pag uwi. Sanay na sanay na naman si Ate na araw araw ay may dala akong bulaklak, hindi na siya nagtatakha dahil maganda naman talaga ako. Well.

Binuhat niya lahat ang bulaklak. Akma ko na siyang tutulungan nang humakbang siya paatras sa akin kaya't napatigil ako.

"Ako na."

Tumango ako. Mukhang hindi naman siya nahihirapang magdala ng mga iyon, eh. Kaya hinayaan ko na. Habang naglalakad kami ay tsaka ko lang naisip kung wala ba siyang sundo o ano.

"Baka gabihin ka niyan? Okay na pala ako dito, lakad na." Usal ko kahit na malayo pa talaga ang bahay namin. Sanay naman akong maglakad at wala ding masasamang tao dito, hindi kagaya sa ibang bayan.

"Hahatid na kita hanggang sa bahay niyo. Ayos lang naman, eh. Taga doon ako sa kulay puting bahay, malapit sa bahay mo." Utas niya.

"Ah." Nasabi ko na lamang.

Kung ganoon ay mayaman nga talaga siya. Hindi na nakakapagtaka sa postura at itsura niya.

"Araw araw kang nag uuwi ng ganito, 'no? Lagi kitang nakikita, eh."

"Oo nga, eh."

Tumingin siya sa gawi ko kaya't napatingin din ako sa kaniya habang naglalakad kami. Nasa parteng madilim na kami, hindi pa naaayos ang mga poste dito sa parteng ito dahil madalas umulan. Basa pa ang kalsada at malamig ang simoy ng hangin.

"Hindi ka ba natatakot?" Tanong niya.

"Saan?"

"Lagi kang naglalakad dito, malay mo may masamang mangyari sayo. Babae ka pa naman." Utas niya.

Napatawa ako ng bahagya sa kaniya. Kung ano ano talaga ang iniisip ng lalaking ito.

"What? Anong nakakatawa? Totoo naman, ah!" Sambit niya kaya't lalo akong natawa sa kanya.

"Haler. Kung may mangyayare man sa aking masama, eh di sana ay dati pa!"

Napailing nalang siya sa sinagot ko. Tumingin na ako ng diretso sa nilalakaran namin. Baka mamaya ay madapa ako sa kakatawa ko dito.

"Sasabay ako palagi sayong umuwi, ha?"

Napatingin ako sa kaniya. Hindi ko alam kung takot ba siyang umuwi mag isa o ano. Tsaka nakita ko dati sa mansyon nila ang mga sasakyan, ano iyon, ididisplay lang nila?

"May sasakyan ka naman, ah. Kawawang mga sasakyan di nagagamit. Kayo talagang mayayaman, nako!" Napailing ako. Hindi talaga nila mapahalagahan ang isang bagay porket madami sila niyon, madaming mga tao ang naghahangad ng sasakyan tapos siya ay pipiliing maglakad kesa maayos at mabilis makauwi sa kanila.

"Hindi naman sa ganoon. Pero gusto mo sumabay ka sa akin?" Tanong niya. "Dali na! Kung ayaw mong sumabay sa akin, edi ako ang sasabay saiyo!"

Para namang may pagpipilian pa ako, e no?

"Sasabay ako sayo minsan, tapos sabay ka din sa akin." Usal ko. Medyo napatigil pa ako dahil kahit ako ay naguluhan sa mga sinasabi ko. Napatawa naman siya sa naging reaksyon ko.

Nang makarating na kami sa may gate ng bahay namin ay kinuha ko na sa kanya ang mga bulaklak. Medyo makapal ang mukha ko sa parteng hinayaan ko siyang dalhin ang lahat ng iyon hanggang dito pero siya naman ang nag presinta, eh! Kaya wala akong kasalanan sa kaniya.

"By the way, Rigo." Inilahad niya sa akin ang kamay niya.

Inirapan ko naman siya kaya't napatawa ulit siya. "Sorry!" Pagpapaumanhi niya at tumawa pa din. Paano ba naman kasi ako makikipag kamay sa kaniya kung may hawak ako, hindi ba? Mukhang may saltik ang isang ito.

"Tss. Snowleigh. Pero Snow nalang itawag mo sa akin."

"Okay, Snow. Mauna na ako, ah? Bukas aantayin kita sa gate, ah. Tsaka para may katulong ka sa pagdadala niyang mga bigay ng mga nagkakagusto sayo." Tumawa pa siya ng mahina, tumango ako sa kanya at pinanood siyang maglakad papalayo. Nang makita kong nasa tapat na siya ng gate nila ay humarap na ako sa gate namin.

Muntik ng matanggal ang puso ko sa gulat ng makita ko si Ate na nakatingin kay Rigo.

"Kakagulat ka naman, te!" Natatawang singhal ko sa kaniya. Bumaling naman siya sa akin at binuksan ng malaki ang gate para makapasok ako. Hindi ko man lang napansin na nandito na pala siya, ganoon ba ako ka-okupado kanina?

"Sino iyon?" Tanong niya nang makapasok na kami sa bahay.

"Kaibigan ko lang. Wag kang mag alala, te! May mga uwi ulit ako saiyo, oh. Tambak na naman ang upuan ko kanina." Natatawa kong saad.

Inilapag ko sa lamesa ang mga bulaklak na natanggap ko ngayong araw. Hinarap ko si Ate na nag pupunas ng vase, dahil nga araw araw akong may dalang bulaklak ay ginagawa ni Ate itong pang display sa bahay namin. Hindi naman tumatagal ang mga bulaklak na ito kaya pinapalitan namin ang mga bulok na.

"Ate, asan si Chesca?" Tanong ko sa kaniya habang nakuha ng tubig sa ref. Nagsalin ako sa baso ko at uminom at bumaling sa kaniya. Tapos na siyang magpunas ng vase at ngayon ay pinipilian ang mga bulaklak.

"Nahanap ko na ang pamilya niya kaya ayun." Tugon niya habang nasa bulaklak pa din ang atensyon niya.

"Sayang naman. Buti naibabalik mo sila sa mga magulang nila agad, 'no?" Tugon ko at umupo sa upuan habang siya ay nasa harapan ko. Tumingin siya sa akin.

"Oo naman. Iyong mga magulang nila ay walang mga pag aaruga sa mga bata. Sana ay hindi na nila pabayaan ang mga batang iyon." Usal niya. Nakakakainis nga naman iyong mga magulang na anak ng anak tapos hindi man lang inaalagaan ang mga anak nila. Ayun, sa lansangan tuloy ang mga bagsak ng mga batang iyon, buti nalang ay nandito si Ate para tulungan sila at bigyan sila ng magandang buhay. Tumango tango naman ako sa sinabi niya, nakaramdam na ako ng gutom.

Tumayo na ulit ako at akmang kukuha na ng pinggan upang mag ahin pero nahagip ng mata ko ang isang pulang likido sa lapag. Tumingin naman ako kay Ate na busy pa din sa ginagawa niya.

"Ate, nasugatan ka ba?" Lumingon siya sa gawi ko at umiling. Napunta ang tingin niya sa pulang likido sa labag kaya napailing siya.

"Punasan mo nga iyan, nagkalat na naman ang isa pang peste." Tugon niya at pinagpatuloy ang ginagawa niya.

"Ha, sino?" Tanong ko sa kanya.

"Iyong mga pusang pagala gala diyan sa labas, napasok dito at hinuhuli iyong mga daga diyan sa may sulok sulok." Pahayag niya.

Tumango naman ako at pinunasan na ang dugo sa sahig, kaunti lang naman iyon. Makakatulong din iyang mga pusang iyan kahit nagkakalat dahil mababawasan ang mga bwiset na daga dito sa kusina namin.

Matapos kong mag ahin ay tinabi niya muna ang mga ginagawa niya para sabayan ako. Habang nakain ay naisip ko lahat ng mga ginagawa ni Ate.

"Ate, gusto kong maging kagaya mo." Utas ko. Napatigil siya sa pagkain at bumaling sa akin. Ginaya ko siya habang nginunguya ang pagkain sa loob ng bibig ko.

"Wag, mas malayo ang mararating mo sa akin." Iling niya. Napangiti ako sa sinabi niya. Tumayo at yumakap sa kaniya kahit nakaupo siya.

"Pinapangako ko sayo na magiging katulad kita at aabutin ko iyong mga pangarap ko habang kasama ka." Sambit ko.

Proud na proud ako kay Ate. Oo nga't hindi kami ganoong kayaman ngunit tumutulong siya sa iba. Palagi siyang nagluluto ng marami sa umaga at ipapamigay iyon sa mga taong lansangan. Pag may nakita siyang bata ay iuuwi niya sa bahay at hahanapin ang mga magulang na iyon o kaya naman ay dadalhin niya sa bahay ampunan para mabigyan ng magandang buhay.

Kaya pinapangako ko sa sarili ko na balang araw ay tutulad ako sa kanya, pinapangako ko din iyon sa kanya.

"Gusto ko naman iyong ginagawa ko, Snow. At isa pa, masaya ako dahil natutulungan din kita." Saad niya. Nagkakapera din siya sa ginagawa niya dahil ang ibang nakakakita sa kanya ay nagdodonate ng pera para naman madagdagan ang kanyang kabuhayan at makatulong din sa iba. Ang kalahati sa kanyang mga niluluto ay tinitinda niya kaya kumikita din siya, at iyong kalahati ay pinapakain sa mga taong lansangan.

Ang swerte ko sa Ate ko.

Humiwalay ako sa pagkakayakap ko sa kaniya bago umupo sa harapan niya. Nakangiti siya sa akin, napakatamis ng mga ngiting iyon, hinding hindi ko iyon pag sasawaan. Idagdag mo pa ang kagandang taglay ni Ate, hindi nakakapagtaka na magkapatid kami. Sayang nga lang dahil hindi ko nakilala ang mga magulang ko, ang sabi ni Ate ay bata palang ako noong mamatay ang mga magulang namin.

Ngumiti ako sa kanya. Pilit sinusuklian ang matamis na ngiti niya. Hinawakan ko ang kamay niyang nasa ibabaw ng mesa.

"Proud na proud ako sayo, Ate. Ang swerte swerte ko sayo."

Next chapter