1 Ang Itinakwil na Battle God

Translator: LiberReverieGroup Editor: LiberReverieGroup

Click click, tap tap…

Isang pares ng maliksing mga kamay ang masiglang tumatapik sa keyboard at mouse na naglikha ng isang tunog na para bang galing sa isang kanta.

Kasunod nito ay kumurap ang screen na nasa harapan niya at natumba ang kaniyang kalaban kasabay ang pagdanak ng dugo sa lupa.

"Hehe," Maikling tawa ni Ye Qiu habang itinataas niya ang kamay niya para kunin ang sigarilyong nasa kaniyang bibig. Nagpatuloy pa rin si Ye Qiu sa paglalaro ng hindi na gagambala ng usok na pumalibot sa katawan niya.

Sa mga sandaling may sasabihin sana siya sa kaniyang kalaban ay biglang bumukas ang pintuan ng kaniyang kwarto.

Hindi man lang nilingon ni Ye Qiu ang taong nasa pinto na para bang inaasahan niya na darating ang sandaling ito. Tanging sinabi lamang niya "Nandito ka na pala."

"Oo, nandito na ako." Sumagot naman si Su Mucheng.

"Edi tara na!" Tinanggihan ni Ye Qiu ang mungkahi ng kaniyang kalaban na maglaban silang muli. Tinanggal niya ang kaniyang account card mula sa dedicated log-in device ng Glory at tumayo kasabay ng kuha niya sa kaniyang balabal bago umalis.

Malalim na ang gabi pero maliwanag pa rin sa loob ng Club Excellent Era. Magkasamang naglakad si Ye Qiu at Su Mucheng hanggang sa narating nila ang dulo ng pasilyo.

Sa dulo ng pasilyo ay makikita ang isang malawak na espasyo na maraming nakapaskil sa dingding na kung saan, makikita mo ang ranggo ng bawat Clubs na kasama sa Glory Professional Alliance, at ilan pang mga teknikal na impormasyon.

Ranking: Team Excellent Era, number 19 – second to last place.

Para sa isang pambatong team na minsan nang nanalo ng tatlong sunod-sunod na championship titles sa league, nakakahiyang tingnan ang score na ito. Maliwanag itong nakasabit sa dingding na para bang walang pusong inaasar sila.

Pero hindi ganoon kabigat ang pakiramdam sa loob ng silid. Sa katunayan, medyo masigla pa nga ito.

Nagtipon-tipon ang mga miyembro ng Excellent Era sa paligid ng isang tao na para bang mga bituing nakapaligid sa buwan. Walang reaksyon ang karamihan sa kanila noong dumating si Ye Qiu at kung meron man ay bakas sa kanilang mukha ang panghahamak.

"Nakapagdesisyon na ang club na palitan ka na Ye Qiu. Mula ngayon, ang bagong lipat na si Sun Xiang ang papalit sayo bilang team captain. Siya na rin ang hahawak sa account mo na One Autumn Leaf."

Walang emosyong sabi ng Club Manager na hindi na nagpaligoy-ligoy pa sa pagsabi sa pagdating ni Ye Qiu. Ni walang kahit na anong respeto ang maririnig mo sa kaniyang boses na para bang si Ye Qiu ay isang basurang karapat-dapat lang na itapon.

Magsasalita sana si Su Mucheng tungkol sa pangyayaring ito pero hinila ni Ye Qiu ang damit niya, at ngumiti nang bahagya at umiling na nagsasaad na hindi siya apektado sa mga nangyayari sa kaniya.

"Pasensya na kung nakuha ko ang posisyon mo sa pagdating ko rito, Kuya Ye."

Ang upuang nasa kaliwa ng lamesa ay ang upuan na para lamang sa Team Captain ng Excellent Era.

Ang upuang iyon ay kay Ye Qiu sana, pero kaswal na umupo si Sun Xiang sa upuang iyon at hindi man lang sinulyapan ng kahit isang beses si Ye Qiu habang sinasabi ang mga katagang iyon.

Malinaw na sa kaniyang aksyon na hindi niya iniintindi ang presensya ni Ye Qiu. Dahil imbis na kay Ye Qiu ay dumapo ang kaniyang mga mata sa babaeng nasa tabi niya, si Su Mucheng.

Sa totoo lang ay mas mainam talaga sa mata kung tingnan si Su Mucheng kaysa kay Ye Qiu. Dahil siya ay itinanghal bilang ang numero unong binibini ng buong Glory Professional Alliance. Kahit na itanghal siya sa isang beauty pageant na kung saan maraming magaganda, magiging isa pa rin siyang pambihirang ganda.

Kahit na ang mga miyembro ng Excellent Era na nasisilayan siya araw-araw ay nagulat at natigilan dahil sa kaniyang pagdating. Pero syempre, kaagad naman silang bumalik sa kanilang sarili dahil may importanteng tao silang kasama.

"Sa mga sinabi mo Kuya Xiang, bumabagay ka na talaga sa posisyon mo!" Ang lahat ay kaagad na naghanap ng mga katagang magagamit nila para bolahin siya.

"Tama! May mga ibang tao kasi diyan na matanda na at wala nang kwenta!"

"Karapat-dapat lang na si Kuya Xiang talaga ang gumamit ng One Autumn Leaf, tanging siya lang ang makakapaglabas sa totoong lakas ng Battle God!'

Si Sun Xiang, isang baguhang manlalaro sa Glory Professional Alliance na itinanghal bilang isa sa pinakamalakas na manlalaro nung naipanalo niya ang titulo na Best Newcomer dahil sa pambihirang lakas na ipinamalas niya sa laro.

Kahit na masama ang kasalukuyang katayuan ng Excellent Era ay lumipat pa rin dito si Sun Xiang mula sa orihinal niyang grupo dahil sa nasa Excellent Era ang karakter na itinanghal bilang ang Battle God ng Glory: Battle Mage One Autumn Leaf.

"Ye Qiu, ibigay mo na ang account card mong One Autumn Leaf kay Sun Xiang!" Sabi ng Club Manager kay Ye Qiu.

Kahit na hindi siya nagambala sa mga naunang nangyari ay hindi pa rin niya mapigilang manginig sa mga sandaling ito. Ye Qiu, at One Autumn Leaf, malinaw ang koneksyon ng dalawang pangalan na ito, dahil ang pangalang ito ang ginamit niya sa unang pagsabak niya sa mundo ng Glory.

Sampung taon… Sampung taon rin nakasama ni Ye Qiu ang account na ito. Sa loob ng sampung taon na iyon ay naging kilalang eksperto sa Glory ang baguhang sumabak noon sa laro ng walang nalalamang kahit na ano.

Ang walang puwang na Battle Mage ay naging dakilang Battle God sa Glory. Pero sa kasamaang-palad, nung pinasok niya ang mundo ng mga propesyonal ay pumirma siya ng kontrata sa Club Excellent Era, na nagsasabing mapupunta sa Club ang lahat ng kaniyang karapatan sa One Autumn Leaf.

Dahil dito ay matagal nang alam ni Ye Qiu na darating rin ang araw na mahihiwalay siya sa karakter na naging kasama niya sa hirap at ginhawa, at ngayon nga ay dumating na ang panahong iyon.

Bahagyang nanginig ang mga kamay ni Ye Qiu, para sa isang propesyonal na manlalarong kagaya niya ay kinakailangan ang matayog at matibay na kamay na hindi nanginginig sa kahit na anong sitwasyon.

Bilang isang beterano ay matagal nang nalinang ni Ye Qiu ang kakayahang iyon. Pero sa mga sandaling ito ay hindi inaasahang manginginig ang kaniyang mga kamay.

Si Su Mucheng na nasa tabi niya ay binaling ang kaniyang ulo sa kabilang direksyon, kahit sa kaniyang panaginip ay ayaw niyang masilayan ang eksenang ito, pero sa kasamaang-palad ay wala siyang magagawa para tulungan si Ye Qiu.

Sa kalagitnaan ng mapanghamak na tingin ng lahat ay ibinigay niya ang One Autumn Leaf, ang mala-pilak na account card na iyon kay Sun Xiang.

Bakas sa pagmumukha ni Sun Xiang ang saya at pagkagahaman nung mahawakan niya ang account card. Sa mga nagdaang taon ay tunay na humina nga ang Excellent Era, kaya ang tanging dahilan kung bakit siya lumipat rito ay para mahawakan niya ang Battle God One Autumn Leaf.

Ang naunang may-ari ng One Autumn Leaf ay humina na rin dahil siguro sa kaniyang katandaan. Hindi lang iyan, mga ilang beses pa siyang nakipaglaban sa mga kasamahan niya sa Club kaya kampante siyang mapapalitan niya ang pwesto ni Ye Qiu.

"Akin na!" Sa mga sandaling hinatak ni Sun Xiang ang account card ay nakaramdam siya ng pwersang nagpatigil sa paghatak niya.

Naramdaman ni Sun Xiang ang pagaalinlangang ipinamalas ni Ye Qiu kaya hindi niya mapigilang tumawa.

"Ibigay mo na sa akin ang account card, Kuya Ye. Tingnan mo ang mga kamay mong nanginginig! Papaanong maipapamalas mo pa ang tunay na lakas ng isang Battle God kung ganiyan na ang mga kamay mo?"

"Mas mabuti pang hayaan mo nalang ako! Pinapangako kong muling aalingawngaw sa buong mundo ng Glory ang pangalang Battle God One Autumn Leaf!"

"At saka ikaw? Mas mabuti pang mag-retiro ka na!"

Sa simula pa lang nung pumasok si Ye Qiu ay wala siyang ginawang kahit na ano at hindi man lang umimik sa mga malinaw na panghahamak na ginawa ng mga kasamahan niya sa kaniya. Pero sa mga sandaling ito ay isang matalas na liwanag lumitaw sa mga mata ni Ye Qiu.

Siya rin ay nagulantang matapos matuklasang naging matayog na naman ang mga kamay ni Ye Qiu at hindi na nanginginig pa.

"Mahal mo ba ang larong ito?" Biglang tanong ni Ye Qiu habang tinititigan ang mga mata ni Sun Xiang.

"Anong sinabi mo?" Nabigla si Sun Xiang sa pagbabagong ito.

"Kung mahal mo ang larong ito ay ituring mong karangalan ang mahawakan ang account na ito, at huwag na huwag mong ipagyayabang ang mga naabot mo."

"Ano naman ang pakialam mo sa kung ano ang gagawin ko?"

Biglang nawala sa sarili si Sun Xiang. Sa mga sandaling ito ay hindi niya mapigilang maramdaman na mas mababa pa siya kaysa kay Ye Qiu, na pinuntahan niya para mapalitan at mapasakamay ang inaasam-asam niyang One Autumn Leaf.

"Alagaan mo iyan." Sa mga sandaling mapapaaway na sana si Sun Xiang ay binitawan na ni Ye Qiu ang account card at tumalikod para umalis.

"Ye Qiu!" Biglang napasigaw ang Club Manager.

Napatigil sa kaniyang paglalakad si Ye Qiu at bahagyang ibinaling niya ang kaniyang ulo para makinig sa sinasabi ng Club Manager sa likuran niya.

"Wala nang mainam na account cards para sa iyo ang Club kaya mas mabuti pang maging training partner ka muna!"

Training Partner… Ang isang tao na nagtatag ng kaniyang sariling kaharian sa Glory, ang taong nakamit ang lahat ng maaring makamit sa mundo ng Glory ay naging isang hamak na Training Partner.

Malinaw na nasiyahan si Sun Xiang sa nangyaring ito kaya kaagad siyang napatawa ng malakas: "Sa husay at galing ni Kuya Ye, hindi magiging problema sa kaniya ang maging numero unong training partner sa buong Glory Professional Alliance!"

"Hahaha," Napatawa na lamang si Ye Qiu sa natanggap niyang pang-iinsulto. Ibinaling niya ang kaniyang tingin sa Club Manager bago sinabing.

"Gagawin niyo akong Training Partner? Hindi na kailangan iyan, kanselahin niyo nalang ang kontrata!"

"Kanselahin ang kontrata? Gusto mong kanselahin ang kontrata?" Parang biglang napaisip ang Club Manager.

"Tama, gusto kong kanselahin ang kontrata."

"Kalma lang!"

Kaagad na lumakad si Su Mucheng para pigilan si Ye Qiu. Ang Alliance ay may mga itinakdang patakaran tungkol dito. Lahat ng mga manlalarong gustong kanselahin ang kanilang kontrata ay kinakailangang magbayad ng isang multa bilang parusa.

Malinaw na kapag kinansela niya ang kaniyang kontrata sa Excellent Era ay malaki-laki rin ang babayaran niya. Hindi lang iyan, natatakot rin si Su Mucheng sa nakaamban pag-alis ni Ye Xiu.

"Wala pa ang amo natin dito, hintayin muna natin siya bago ka gumawa ng desisyon!"

Matagal-tagal na ring namalayan ni Ye Qiu ang panghahamak na ngiting bakas sa mga labi ng Club Manager. Napailing na lamang siya at mapait na tumawa.

"Su Mucheng, hindi mo naiintindihan. Ang pag-alis ko ang hangad ng ating amo, wala na akong kahit na anong halaga para sa Club, tanging palamunin nalang ako rito."

"Anong sinabi mo? Bakit mo sinasabing palamunin ka? Malakas ka pa naman at walang kahit na sino rito ang may kakayahang talunin ka." Sumagot si Su Mucheng.

"Hindi ito tungkol sa kung malakas ba ako o mahina, ito rin ay dahil sa negosyo." Dagdag pa ni Ye Qiu, "At ako? Matagal nang wala akong halaga kung iyan ang pag-uusapan."

"May halaga ka noon, Ye Qiu. Isinuko mo lang ang halagang iyon." Sa mga sandaling ito ay biglang sumabat ang Club Manager.

"Tama, ito ang pinili kong landas." Tugon ni Ye Qiu.

Dahil sa masagana ang kasalukuyang Glory Professional Alliance, maraming kumpanya rin ang lumapit sa mga sikat na manlalaro para bigyan sila ng pera kapalit ang pag-eendorso ng mga manlalaro sa kanilang mga produkto.

Pero kahit na si Ye Qiu ay isa sa mga pinakasikat at pinakamalakas na manlalaro ay tinanggihan niya ang mga alok na ito, kahit gaano pa man kataas ang halagang maaring ibigay ng mga kumpanyang nag-alok ay tinanggihan silang lahat ni Ye Qiu.

Dahil dito ay naging masama ang kanilang pakikitungo kay Ye Qiu. Pero noon, kinakailangan pa nila ang tulong niya para makamit ang kanilang mga hangarin dahil na rin sa likas na lakas ni Ye Qiu.

Pero ngayon?

Ang lahat ng iyon ay tanging nasa nakaraan na lamang.

"Ang ginawang commercialization ng Alliance ang naging dahilan kung bakit tayo nakatagal ng ganito katagal, pero ngayon." Wala nang masasabi pa si Ye Qiu.

Ang kasalukuyang Alliance ay punong-puno ng mga taong ang pangunahing inuuna ay makakuha ng pera gamit ang kanilang mga manlalaro.

Ang mahalin ang laro at magsikap para maabot ang kaniyang mga hangarin, naalala ni Ye Qiu ang mga nangyari noon na para bang kahapon lang iyon nangyari. Iyon ang mga panahon na pinakamamahal ni Ye Qiu.

Pero ngayon?

Tanging ang iniisip ng mga taong nasa rurok ng Alliance ay kung paano sila kikita o makikinabang gamit ang kanilang mga manlalaro.

Hindi na siya pinigilan pa ni Su Mucheng. Sa simula pa lang ay katabi na niya si Ye Qiu sa landas na kaniyang tinatahak. Siya rin ay isang beterano na nasaksihan ang lahat ng ito sa nagdaang mga taon.

Alam niyang tunay na gustong lumisan ni Ye Qiu. At para pigilan siya ay mas lalong magiging masakit lang para sa kaniya ang lumisan.

"Kung ganito lang ang mangyayari ay…"

"Hindi na kailangan pa…" Ngumiti si Ye Qiu at pinigilan sa pagsasalita si Su Mucheng. Alam niya kung ano ang gusto niyang sabihin, kaya sinabi niya sa kaniya.

"Huwag kang mag-alala, hindi pa ako nawawalan ng pag-asa. Babalik ako."

"Iyan… Iyan ang ambisyosong Ye Qiu na nakikilala ko! Kung nakapagdesisyon ka na nga ay pag-usapan na natin ang multang kailangan mong bayaran. Sa totoo lang ay dahil sa matagal-tagal ka rin naming nakasama, hindi ka na namin pababayarin."

"Pero dapat mong sundin ang isang kondisyon namin."

"Sabihin mo na sakin ng deretsahan, ano ang kondisyong hinihingi mo?"

"Simple lang ang kondisyon, ianunsyo mo na magreretiro ka na." Sumagot ang Manager.

"Pagreretiro? Kondisyon pa ang tawag mo diyan?!"

Nagalit si Su Mucheng. Kahit na dalawampu't taong gulang na si Ye Qiu at siya ay na nasa edad na ng pagreretir, sinabi niyang hindi pa siya susuko kaya ang kondisyong ibinigay ng Team Excellent Era ay malinaw na isang parusa para sa kaniya.

Ang mga retiradong propesyonal na manlalaro ng Alliance ay hindi maaring lumahok sa kahit na anong paligsahan.

Kahit na maari naman silang bumalik sa Alliance, nakasaad sa batas ng Alliance na ang mga nag-retirong manlalaro ay maaring bumalik lamang pagkatapos ng isang taon mula sa araw ng kaniyang pagreretiro.

Ginawa ang batas na ito para mapigilan ang mga manlalarong balimbing na kunwari'y magreretiro pero agad namang babalik kasama ang ibang team.

Dahil sa matanda na si Ye Qiu, ang bawat araw ay mahalaga para sa kaniya, pero ngayon ay gusto nilang pigilan siya sa loob ng isang taon.

Paglipas ng isang taon, kahit gusto pa niyang bumalik ay matanda na rin siya. At kung idagdag pa ang kaniyang pag-uugaling hindi pagtanggap ng kahit na anong suporta mula sa mga kumpanya ay marahil na wala nang tumanggap pa sa kaniya.

Ang kondisyong ibinigay ng Team Excellent Era ay parang isang kondisyon na hindi niya maaring tanggapin para sa kaniyang kinabukasan.

Pero hindi nila inasahang tatango si Ye Qiu at sasabihing, "Sige, papayag ako."

"Nawawala ka na ba sa sarili mo?!" Napasigaw si Su Mucheng.

"Matagal-tagal na rin akong naglalaro, ano bang meron kung magpahinga ako ng isang taon?" Sa mga labi ni Ye Qiu ay makikita ang isang ngiti.

"Ano… Ano ba talaga ang gusto mong gawin?" Hindi naintindihan ni Su Mucheng ang ginawanag pag sang-ayon ni Ye Qiu.

"Wala lang, gusto ko lang magpahinga…" Ibinaling ni Ye Qiu ang kaniyang ulo sa Club Manager na may iniabot na mga papeles. Pagkatapos matingnan ang mga papeles ay mapait na napatawa si Ye Qiu.

Matagal na rin pala nilang pinaghahandaan ang araw na ito! Kinuha niya ang lapis at pinirmahan ang mga papeles.

Sa mga sandaling papaalis na siya ay…

Tiningnan muli ni Ye Qiu ang naging bahay niya sa nakaraang pitong taon. Wala na siyang sinabing kahit na ano pa sa mga naging kasamahan niya at tahimik siyang umalis.

"Ihahatid na kita…" Tanging si Su Mucheng lang ang sumunod sa kaniya papalabas.

(TLNote: Ye Qiu literally translates to Autumn Leaf.)

avataravatar
Next chapter