webnovel

Chapter 1: Noisy Prey

"Hoy Babae ka!!! Lumabas ka diyan sa kweba mo! Walang hiya ka!!" napakunot noo naman ako sa kaguluhang aking naririnig sa labas ng aking pribadong gusali sa loob ng aming eskwelahan.

"Sino na naman kaya ang maglalakas ng loob na sumigaw sa labas? Hindi na yata natatakot sa atin at sa ating mga professor." Nakangising pahayag ni Frost habang pinapaikot-ikot sa kanyang palad ang hawak-hawak na white knight chess piece na kasing kulay ng kanyang mga buhok. Siya ang laging kalaban ko sa paglalaro ng chess.

"Sinabi mo pa, Frost! Naisip ko madami siyang pagpipilian kung ano ang kanyang kahihinatnan. Maging isang ice statue, maging abo, maging isang barbecue..." Nakangiting sabi ni Summer na nakahiga sa isang mahabang sofa habang pinaglalaruan ang kanyang apoy na kapangyarihan.

"Or pataba ng aking mga tanim." Pagdadagdag ng kanyang kakambal na si Bloom na nakatayo malapit sa bintana habang inaayos ang salamin sa kanyang mga mata.

"Ayun tama!! Hahahaha! 'Diba meron kang bagong halaman na sobrang laki na parang kagaya ng Venus Fly Trap?" Naagaw naman ang atensyon naming dalawa ni Frost sa aming narinig. May bagong halaman si Bloom?

"Tapos ka na sa ginagawa mong experimento, Bloom?" nakangiting tanong ni Frost na agad nagpamula sa mga pisngi ni Bloom.

"Hi..Hindi pa. Madami pang kulang sa aking panibagong experimento." nahihiyang sagot niya habang pinaglalaruan ang kulay tsokolateng mahabang buhok.

"Sabihan mo ko kung may kailangan ka. Tutulungan ka nami-" hindi natuloy ang sinasabi ni Frost ng may sumigaw na naman. At nagpahinto sa paglagay ko ng aking bishop para ma-checkmate ang king ni Frost.

"Hoy Autumn!! Lumabas ka sa pinagtataguan mo!!" galit na galit na sigaw ng babae sa labas. Agad na pumunta sa balkonahe ng gusali si Summer na naiinis. Nandito kami sa ikatlong palapag ng gusali. Dinisenyo na parang isang Mansyon ang gusali kaya hindi nakapagtatakang malaki ito kumpara sa ibang gusali ng eskwelahan.

"Kung sino ka man na babae ka!! Ang ingay ingay mo!! Pwede bang wag kang sumigaw?!! Binibigyan kita ng pagkakataon ngayon na umalis. Wag na wag kang iiyak sa huli dahil binalaan na kita." naiinis na sigaw ni Summer.

Pero tuloy pa rin ang panggugulo ng babae sa labas na parang hindi narinig ang binigay na babala ng babaeng may mahabang buhok na parang kulay ginto na si Summer.

"Lumabas ka sabi!! 'Wag kang magtago sa likuran ng mga taga-peryang mga kaibigan mo!!" napatawa naman sila Bloom at Frost sa narinig. Habang nag-uusok at galit na galit si Summer. Napangisi naman ako.

"Alliah Denis Marquez ang kanyang tunay na pangalan. Grade 11-Quarts." biglang sambit ni Bloom.

"Huh?" nagtatakang tanong ni Summer habang nakatingin sa kanyang kakambal.

"Ginamit niya ang kanyang mga halaman para makakuha ng impormasyon. Tama ba ako, Bloom?" nakangising tanong ko. Agad na ngumiti si Bloom.

"Tama ka. Anong gagawin natin sa babaeng nag-painit ng ulo ng kakambal ko?"

"Papasukin ninyo. Itigil na muna natin ang larong ito, Frost. Panoorin na muna natin ang isang magandang palabas galing sa ating munting bisita." Napaayos naman sa pag-upo si Frost ng marinig ang nakakatakot na tono ng boses ko. At nagkangitian ang kambal ng makahulugan.

Next chapter