4 CHAPTER 4: HAVE FAITH AND BELIEVE

Madilim ang kalangitan. Tila nakikiluksa rin ang mga ulap sa pagkamatay ng libo-libong kawal at mandirigma sa gitna ng isang malaking digmaan. Ang tinawag na Battle of Hydaspes. Ito ang digmaan sa pagitan ng grupo ng hari ng Macedonia na si Alexander at ng haring si Porus, mula sa kaharian ng Paurava. Naganap ang digmaang ito sa tabi ng ilog ng Hydaspes, na ngayon ay kilala na bilang probinsya ng Punjab ng bansang Pakistan.

Ang mga buhanging nakikisayaw sa hangin ay nakakadagdag pa sa pagkahapo at iritasyon ng mga mandirigma. Nagdudulot din ito nang hapdi sa bukas na mga sugat-mga hiwa ng espada na tila kagat na lamang ng langgam para sa mga ito. Sinanay sila sa digmaan. Sinanay na huwag matakot sa kamatayan. Sinanay na pumatay, at mamatay para sa tungkulin. Mamatay para sa Hari, at para sa bayan.

Malaki na ang bilang ng mga kawal na nalagas sa pangkat ng mga mandirigma ng Macedonia. Ngunit hindi maitatanggi ang kakaibang lakas ng kanilang pangkat sa pangunguna ni Alexander o mas kilala sa bansag na 'Alexander The Great.'

Ngunit, katulad ng ibang mga kawal, si Adonis ay isa lamang sa mga matapat na mandirigmang handang salubungin ang mga sibat at espada upang protektahan ang kanyang hari. Isa siya sa pangkat ng mga tauhang nakatokang mag-espiya sa mga karatig bansa, upang pag-aralan ang mga susunod na bansang sasakupin. Halos narating na niya't naikot ang buong Asya, bago pa man ito mapuntahan ni Alexander The Great. Ito ang kanyang tungkulin. Matapos mag-espiya'y babalik siya sa kutang kinaroroonan ng kanyang hari upang gumawa ng plano sa pagsalakay. At saka naman siya makikiisang muli sa digmaan.

Buong buhay na niyang ginagawa ang bagay na ito. Ang pangkat na kanyang kinabibilangan ay ang siyang sandata, mga paa, at utak ng Macedonia upang magtagumpay ang kanilang hari sa lahat nang pagsalakay at pananakop na isinasagawa. Napakalaking karangalan para sa isang kawal o tauhan ang maging isa sa pangkat na kanyang kinabibilangan. Dahil ito ay may kaakibat na napakabigat na obligasyon at taos pusong pagtitiwala ng hari. Ngunit isa rin itong sumpa. Sumpang kapalit ng kalayaan at pansariling kaligayahan.

Sa edad na tatlumpo't dalawa, ay hindi na siya nakapagpundar pa ng sariling pamilya. Nawalan na siya ng pagkakataong magmahal ng isang babae, at magkaroon ng anak na magdadala ng kanyang pangalan sa paglipas ng panahon. Ang buong buhay niya't katapatan ay ibinigay na niya sa hari, kapalit ng karangalan at kalungkutan. Hindi pa naman huli para sa kanya ang magkaroon ng pamilya, ngunit tila hindi na niya mahaharap pa ang pagpapamilya gayong tirahan na niya ang paglalakbay at lugar ng mga digmaan.

May mga pagkakataon na naiinggit na lamang siya sa mga kasamahan niyang maagang nakapagpundar ng pamilya. Kahit papaano'y may dahilan ang mga itong mabuhay, at may papawi ng kanilang pagod matapos ang madugong digmaan. Tanggap na niya ang kanyang kapalaran. Kung mamamatay siya nang walang asawa't anak na magdarasal para sa kanyang kaluluwa, ay buong puso niya itong tatanggapin.

"Ahhh!" Isang malalim na saksak mula sa likuran ang bumulaga sa kanya habang nakikipagbuno sa kalabang nasa harapan. Naramdaman niya ang pagkahiwa ng kanyang laman sa pagitan ng mga buto. Kasunod niyon ang tila bukal na pagsirit ng mga dugo nang mabilis na hinugot ng kalaban ang espadang bumaon at tumagos hanggang sa kanyang tiyan.

Nasilayan pa niya ang kawal na iyon bago siya tuluyang bumagsak sa lupa. Nakangisi ito't nakipagsalo pa nang halakhak sa una niyang katunggali.

Ito na ang kanyang katapusan. Sadyang huli na nga para sa kanya ang lahat.

"Ginoo, kapag dumating ang panahong malagay ka sa pagitan ng buhay at kamatayan... Humingi ka ng isang hiling. Hiling na mula sa puso... at ito'y mapagbibigyan."

"Marahil ang paghiling sa kawalan ay maaaring walang katuturan. Ngunit ito'y isang simbolo ng pag-asa, pananalig, at paniniwala."

Ang mga salitang ito ang paulit-ulit na bumubulong sa gunita ni Adonis habang siya'y nag-aagaw buhay. Ang mga salitang iyon ay mula sa matandang babaeng mangangalakal na nakilala niya sa bansang India noong mag-espiya siya sa bansang iyon.

Noong una'y tinawanan lamang niya ang sinabi nito't hindi na pinansin pa. Ngunit sa mga sandaling ito'y naisip niyang wala naman nang mawawala sa kanya kung hihingi siya ng isang hiling. Mamamatay na rin naman siya.

BIHIS NA BIHIS si Celina nang umagang iyon at dahan-dahan ang ginagawang pagbaba sa hagdanan. Ingat na ingat na huwag makagagawa ng anumang ingay upang hindi siya mahuli ng asawa. Bahagya ring nanginginig ang kanyang mga tuhod sa takot, ngunit hindi dahil sa posibilidad na mahuli siya ni Ashton, kundi sa kalagayan ng kanyang ina.

Maaga siyang ginising ng isa sa mga katulong nila sa mansyon dahil sa tawag ng kanyang ama. Bigla raw kasing nagkaroon ng kumplikasyon sa kalagayan ng kanyang ina. Hindi na rin siya naghintay pa nang paliwanag dahil sa pagmamadaling makatakas sa asawa upang pumunta sa ospital. Palihim siyang nakikigamit ng telepono sa mga ito upang magkaroon ng balita mula sa kanyang mga magulang, dahil mahigpit itong ipinagbabawal sa kanya ng asawa.

Nasa huling baitang na sana siya ng hagdanan nang biglang may nagsalita mula sa kanyang likuran. "And where are you planing to go?" Hindi na niya kailangan pang lumingon upang kilalanin ang nagmamay-ari ng tinig dahil kilalang-kilala na niya iyon.

Inis siyang napapikit at napamura nang mahina. Si Ashton.

Mayamaya pa'y narinig na niya ang mabibigat nitong mga yabag na pababa ng hagdan. Mas lalo pang bumilis ang tibok ng kanyang puso sa pangambang hindi siya nito payagang umalis at kung ano na naman ang gawin sa kanya. Napakapit siya bigla nang mahigpit sa railings ng hagdanan nang makaramdam ng panghihina. Pagkuwa'y dahan-dahan siyang humarap sa asawa.

Nakita niya ang madilim na eksprisyon sa mukha nito. Maging ang matatalim na titig nito'y hindi niya magawang salubungin, dahil tila nakakapaso ang mga iyon.

"Aalis ka nang hindi nagpapaalam sa'kin. Alam mong hindi ako papayag kaya tatakasan mo 'ko."

"A-ashton..." Ilang hakbang na lang ang pagitan nilang dalawa. Kaya napaatras siya hanggang sa marating niya ang ibaba ng hagdan. Ngunit nagpatuloy pa rin sa paglapit ang kanyang asawa.

"Ang lakas na ng loob mo!" bulyaw nito. Kasunod ang isang malakas na sampal na pinakawalan nito sa pisngi ni Celina.

Nagdurugo ang labi na hinarap ni Celina ang asawa. "Kailangan kong pumunta sa ospital, Ashton! Nasa kritikal na kalagayan ngayon ang Mommy ko!" Sapo pa rin niya ang pisnging dinapuan ng sampal nito.

"Ah! So... hindi lang pala ang pagtakas sa bahay na 'to ang sinuway mo. At may secret communication ka pa sa parents mo! Sino ang nagpapahiram sa 'yo?"

"A-ah..." Lalo siyang natakot. Hindi maaaring madamay pa ang iba sa mga problema niya.

"Hindi ka magsasalita? Natatakot ka ba sa maaari kong gawin sa kanila, ha?" muli nitong bulyaw sa kanya.

"A-ashton... K-kasi..." Hindi siya makaisip ng idadahilan. Hindi niya hawak ang sariling telepono dahil kinumpiska nito iyon matapos ang kanilang honeymoon.

"Aling Marthaaa!" Nainip na ang lalaki sa kahihintay ng kanyang sagot kaya naman isinigaw na nito ang pangalan ng mayordoma. Ang malakas at baritinong boses nito'y bumulabog sa buong kabahayan, dahilan nang pagkukumahog ng matanda na lumapit sa salang kinaroroonan nila.

"S-sir... B-bakit ho?" nanginginig na tanong ng matanda. Todo-todo ang pagkakayuko nito't hindi maitago ang labis na takot.

"Call the maids. Now!"

"Opo. Opo." Agad itong tumalima sa utos ni Ashton. Kahit nangangatog ang mga tuhod ay nagawa pa rin nitong tumakbo ng mabilis.

Ilang sandali pa'y naroon na nga ang lahat sa harapan nila. Lahat ay mga nakayuko at pawang pinanginginigan ng mga tuhod sa labis na takot. Pangsampu sa bilang ang matandang mayordomang si Aling Martha.

"A-anong gagawin mo, Ashton?" baling niya sa asawa. Mukhang alam na niya ang gagawin nito ngunit ayaw pa rin niyang paniwalaan ang kutob niya.

"Sino sa inyo ang nagpapahiram ng cellphone kay Celina?" Baling nito sa mga katulong sa halip na sagutin ang tanong niya.

Ngunit nanatiling walang imik ang mga ito. Naroon kasi ang takot sa kaparusahan kung aamin sila o hindi.

"Walang aamin? Kung gano'n ay sinusuway niyo na ako, ha?!" Muling dumagundong ang boses ni Ashton sa buong paligid. "Kung kakampihan niyo ang babaeng ito..." Dinuro-duro siya nito bago nagpatuloy sa pagsasalita. "All of you... are fired!"

Doon na tuluyang napaiyak ang mga ito.

"Sir, hindi niyo po kami maaaring tanggalin sa trabaho... Wala po talaga kaming alam! Parang awa niyo na po..."

"Sir, sa akin po umaasa ang pamilya't mga kapatid ko. Sa basurahan na po kami pupulutin nito kapag tinanggal niyo 'ko sa trabaho."

"May sakit ang anak ko, Sir Ashton. Parang awa niyo na po... Huwag niyo pong gawin 'to. Wala po talaga kaming alam..."

Pagmamakaawa ng ilan.

"If so, si Aling Martha na lang ang tatanggalin ko," mariing turan ni Ashton. Matalim din nitong tinitigan ang matanda, na noo'y tahimik lamang sa isang tabi. Ngunit hindi naman magawang itago ng matanda ang kanyang labis na takot at pagkabalisa dahil sa narinig.

"Ashton!" bulalas ni Celina. "Alam mong wala ng pamilya si Aling Martha. Wala siyang ibang mapupuntahan kapag senisante mo siya! Maawa ka naman... matanda na siya. Isa pa, siya na ang nag-alaga sa 'yo simula nang ipanganak ka. Maaatim ba ng kunsensya mong pabayaan siya, ha?"

Walompu't limang taong gulang na si Aling Martha. Hindi na rin ito nakapag-asawa pa magmula nang manilbihan sa pamilya ng mga Gamara. Ang buong buhay nito'y inilaan na sa pag-aalaga't pagpapalaki kay Alfred, at maging sa bunso nitong anak na si Ashton. Ang hindi lang maintindihan ni Celina'y kung bakit ganito kasama ang ugali ng kanyang asawa, samantalang napakabuting tao ni Aling Martha. Pamilya na rin ang turing dito ng lahat at sa isang pagkakamali lang niya'y basta-basta na lamang itong mapapalayas sa mansyon. Hindi niya iyon mapapayagan.

"Kung naaawa ka sa kanya, edi ituro mo kung kanino ka sa kanila nakikihiram ng cellphone!"

Sandaling sinulyapan ni Celina ang dalagang si Monica. Ito ang pinakabata sa lahat ng mga katulong dito sa mansyon. Namasukan na ito sa edad na labin'walo upang tustusan ang pagpapagamot ng ina sa rehab. Nabaliw ang ina ni Monica nang masentensyahan ng bitay ang ama dahil sa kasalanang hindi naman nito ginawa. Ang dalaga ring ito ang lihim na nagpapagamit sa kanya ng telepono. Kaya kailangan niya rin itong pagtakpan.

"Ang babae bang ito, Celina?" Walang anu-ano'y biglang sinampal nang malakas ni Ashton ang dalaga.

"Sir Ashton, maawa po kayo sa'kin... Hindi po ako dapat na mawalan ng trabaho. Kailangan na kailangan ko po ng pera para sa pagpapagamot sa nanay ko. Parang awa niyo na po... S-sir Ashton..." Gumagaralgal sa pag-iyak ang dalaga. Lumuhod din ito sa harapan ni Ashton upang paulit-ulit na magmakaawa.

Mabilis namang lumapit si Celina sa dalaga at mahigpit na hinawakan ang braso nito. "Tumayo ka d'yan, Monica! 'Wag kang lumuhod sa harapan niya dahil wala kang kasalanan!" Pagkuwa'y hinila niya ito patayo.

"Aling Martha, at ikaw..." Galit na dinuro ni Ashton ang dalaga. "Lumayas na kayo sa pamamahay ko, ngayon din!"

Napuno nang iyakan at magmamakaawa ang sala ng mansyon. Nananatiling matigas ang puso ni Ashton at walang balak na pakinggan ang ni isa man sa mga naroroon.

"Ashton, hindi mo sila puweding paalisin nang gano'n-gano'n na lang!" Hinarap na niya ang asawa't matapang na sinalubong ang mga titig nito. "Tama ka. Si Monica nga ang may-ari ng cellphone na ginagamit ko para ma-contact ang dad ko. Pero ako ang may kasalanan. Ako! Dahil kapag nasa trabaho si Monica, palihim akong pumapasok sa kuwarto niya para gamitin ang kanyang cellphone! Wala siyang alam, Ashton! Kaya walang ibang dapat na masisi dito kundi ako lang!"

"So, anong gusto mong gawin ko? Matuwa ako sa pag-amin mo, at palampasin ko na lang 'to? Alam mong hindi ako gano'n, Celina."

"Edi, gawin mo ang lahat nang gusto mong gawin! O bugbugin mo 'ko hanggang sa magsawa ka!" umiiyak na bulyaw niya.

"'Di ba, sinabi ko naman sa 'yong wala akong mapapala kung sasaktan kita? Kaya ang gagawin ko na lang, I will cut all of your mom's medical support!" mariin nitong turan. Pagkuwa'y sarkastikong ngumiti. "Bahala na ang dad mong magpakamatay sa pagtatrabaho para suportahan ang pagpapagamot ng mommy mo!"

"Ano? Hindi mo puweding gawin 'yan, Ashton! Nagmamakaawa ako sa 'yo... Parang awa mo na..." At siya naman ngayon ang naglumuhod sa harapan nito para magsumamong bawiin ang sinabi nito.

"Gusto mong umalis, 'di ba? Umalis ka na! Hinihintay ka na ng mga magulang mo. At may permission ka na mula sa'kin." Nakakaloko itong ngumiti bago siya tuluyang tinalikuran habang nakaluhod.

...to be continued

avataravatar
Next chapter