3 He

November 3, 2018

Araw na para magsibalikan ang mga tao nang malinis ang kalat na ginawa nila mula kahapon at noong isang araw. Mabuti kaming mga patay, gumagala lang at kung saan saan bumibisita pero hindi nagkakalat.

"Tingin mo makikita pa ulit natin yung lalaki kahapon?" Tanong ni Sandra habang nagmamasid sa mga taong naglilinis.

"Sundan mo sya nang matahimik ka." Sagot ko. Mula sa bubong ng isang dalawang palapag na museleo, tanaw namin ang buong sementeryo. Ang maganda sa pagiging patay ay hindi kami natatakot kahit "nakamamatay" ang kinalalagyan namin.

"Sungit mo lalo habang nagtatagal, no?" Irap pa ni Sandra ngunit nananatiling nasa tabi ko. Minsan hindi ko maintindihan ang pag-iisip ni Sandra. Madalas kasi umaakto syang parang tao pa rin, tuloy naiisip ko, ganyan din kaya siya noon buhay pa? Kahit ba noon nabubuhay si Sandra, hindi maintindihan ang utak nya?

"Sandra, may naaalala ka ba sa buhay mo noon?" Tanong ko. Mula sa malayo tanaw namin ang isang puntod na malinis at tila hindi dinalaw kahapon o noong isang araw. Tila katulad ng puntod na pinaggisingan ko ay wala ring naka-alala sa taong iyon.

"Wala." Ang maiksing sagot ni Sandra.

Madalas ay naiisip ko kung bakit kami hinayaang manatili sa mundo bilang multo gayong wala naman kaming naaalala at walang magawa upang "makatawid."

Sa di kalayuan din ay makikita ang dalawang babaeng malayo ang agwat sa edad at isang batang lalaki. Marahil ay isa silang pamilya, at ang puntod na kanilang nililinis ay sa kanilang ama. May nakapaskil na litrato ng ama sa itaas ng nitso, hindi namin nakikita ang kaluluwa ng tao kahit saan. Baka "nakatawid" na ito. Natapos na kaya niya ang "misyon" nya sa buhay noon? Kaya ba sya nakatawid na ay dahil masaya syang namayapa? Dahil ba pinagdasal siya ng pamilya nya kaya siya "nakapasok"?

Saan nga ba dapat mapunta ang kaluluwa ng taong namayapa?

"Oy tignan mo, si pogi oh!" Turo ni Sandra sa baba. Isang grupo ng kabataan ang naglalakad at maingay, tila nagkakatuwaan. Kasama sa grupo na iyo yung lalaking nakakakita sa amin.

Tila ba narinig nya si Sandra ay tumingin sa amin ang lalaki.

"Hi pogiii!" Parang baliw na kaway ni Sandra sa lalaki. Nginitian naman ng lalaki si Sandra.

"Love, ano ba yung tinitignan mo dyan? Maganda ba sikat ng araw?" Tinawag ang lalaki ng babaeng naka-kapit sa kanya kanina pang pagdating nila. May mahabang buhok at maiksing shorts ang babae. Nakasuot din siya ng salamin at gray na tshirt na tila ba kinulang sa tela. Nakikita na ang pusod nya at yakap na yakap ang damit sa katawan nya.

"Ay may epal." Komento ni Sandra. "Hmp! Ashley wag kang mag-alala, mas maganda ka sa kanya! Maputla ka nga lang, pero ayos lang yon kahit kaluluwa ka nalang. Mas maganda ka pa rin!"

"Sandra, wala akong pakielam." Sa tingin ba ni Sandra ay may gusto ako sa lalaki? Una sa lahat kaluluwa na lang ako kaya imposibleng magkaroon pa ko ng damdamin. May sariling buhay ang lalaking yon, kahit sino o ilang babae pa ang gusto nyang kumapit sa kanya, bahala na siya ron.

Lumagpas na ang grupo nila at tila didiretso sila sa museleo ng pamilya ng lalaki. Mukhang maglilinis sila ng mga kalat at tulo ng kandila. Ganon naman kadalasan ang lahat dito kapag natapos na ang araw ng mga patay. Hindi naman madalas bumisita ang mga buhay dito kung hindi araw ng mga patay, kung minsa'y kahit araw ng kamatayan ay hindi rin bumibisita ang mga buhay. Nalulungkot si Sandra sa mga ganong panahon dahil may ilan dito na naghihintay para sa mga buhay na dalawin sila, pero hindi sila madadalaw hanggang araw ng mga patay.

"Ashley, tara na."

"Saan tayo pupunta?"

"Magliliwaliw!" Ang gulo ng sagot ni Sandra. Paano makakapagliwaliw ang mga kaluluwa? Ni wala kaming kayang hawakan at iilan lang ang nakakikita sa amin.

"Paano?" Nahihiwagaan ako sa kanya. May kakaibang ngiti si Sandra. Tipong may binabalak na hindi kanais-nais. Noong huli siyang ngumiting ganyan, muntik nang atakihin sa puso ang namamahala sa sementeryo.

"Babatiin lang natin ang lintang nakakapit sa lalaki mo." At hinila na ko ni Sandra papunta sa grupo nila. "Wag kang mag-alala, hindi naman natin sila sasaktan. Babatiin lang natin ang babae. Makikipagkamay lang... hehehe"

"Wag nyo nang subukin silang takutin." Biglang sumulpot ang lalaki sa likod namin. "Hindi nila kayo nakikita pero ako oo. Kaibigan ko lang yung babaeng nakakapit sakin kanina. Gusto nya ko, oo, pero hindi ko sya gusto. Kaya wag nyo nang galawin, baka matakot nang sobra. At masyadong maliwanag ang araw, hindi oras para manakot."

Wala namang masamang balak si Sandra, siguardo ako na hindi naman sasaktan ni Sandra ang babae, "sinusubukan mo bang ipagtanggol yung babae?"

avataravatar