webnovel

KABANATA 0

PAALALA : Ang nilalaman ng kuwentong ito ay kathang-isip lamang.

***

The brain is wider than the sky

***

Palagi kong iniisip kung paano nga ba nakakagawa ng isang masterpiece ang mga pintor. Saan o paano sila nagsisimula? Sino o ano ang kanilang inspirasyon? Ilang araw, linggo, buwan at taon ang ginugugol nila para lang matapos nila ito. Ilang beses na pagdampi ng brush sa blangkong canvas para malikha nila ang nasa kanilang isipan. Lubos akong humahanga sa taong katulad nila dahil sa simpleng pagiging malikhain ay nabibigyan nila ng buhay ang mga bagay, maliit man ito o malaki.

Pinakawalan ko ang hininga na kanina ko pa pinipigilan. Ano nga bang ginagawa ko dito? Inilibot ko ang paningin sa apat na sulok ng silid, napatingin ako sa batang babae na nakatingala sa isang painting. Kulay lila ang suot niyang bestida, pares sa kanyang doll shoes na may maliit na ribbon sa bawat gilid at nakatali sa magkabilang gilid Ang kanyang buhok. Tumaas ang sulok ng aking labi dahil kung makatingin ang batang babae sa painting ay parang naiintindihan niya ito.

Nandito ako ngayon sa art museum, sa araw ng aking pahinga na mula sa sakit ng nakaraan ay dito ako dinala ng aking isipan. Suot Ang komportableng damit at itim na converse. Maraming painting na nakasabit sa puting pader, may malaki at maliit. Sa liwanag ng mga ilaw ay makikita mo ang mga detalye sa painting. Naipanganak kaya silang marunong na at maging malikhain o nakamit nila ito sa pagtitiis at pasensya mula sa kanilang pag aaral? Dahil hindi ito madaling gawin, ang paghahalo halo ng mga pintura para maging tama ang kalalabasang kulay.

Inihakbang ko ang aking mga paa para makasimulang libutin ang kabuuan nito. Hindi ako nadismaya sa mga nakikita ko, kabaliktaran nito dahil mas lalo akong humahanga at mas lalong lumalaki ang respeto ko sa kanila. Ang iba sa mga painting ay tungkol sa mundo at ang iba ay may malalim na kahulugan pero sa mata ng iba ay mukha itong hindi inayos at magulo na gawa. Hindi ko maintindihan ang sarili kung bakit mas gusto ko ang mga painting na mahirap intindihin kumpara sa mga painting na sa unang tingin pa lang ay alam ko na kung ano ang mensahe nito.

Napako ang paningin ko sa isang painting na hindi malaki at hindi maliit, sakto Lang, lumapit ako dito dahil parang may humihila sa akin na lapitan ko ito. Bawal hawakan ang mga painting kasi may likido ang ating kamay na pweding ikasira ng mga kulay. Hindi man ito komplikado tulad ng sa iba pero pakiramdam ko napaka espesyal nito. Nakaguhit dito ang mukha ng isang babae, may itim na buhok na nakaayos na parang alon sa dagat. Ang kulay ng balat ay tulad ng kalangitan kapag natatakpan ito ng mga puting ulap. Mga matang makikita mo sa kagubatan kapag ang araw ay papalubog. Ang ilong na katulad sa bundok at ang labi na hindi man kasing pula ng mansanas pero kasing ganda nito ang palaso ni kupido.

Isang tao lang ang kilala kong kayang gumuhit ng ganito. Bumalik sa aking alaala Ang nakaraang pilit kong kinakalimutan. Ang yakap niya kung saan pakiramdam ko ligtas ako at sa mga salitang binitawan niya na labis kong ikinasaya. Tuwing titingin ako sa kalangitan kapag gabi na puno ng mga nagkikislapang mga bituin ay naaalala ko ang kanyang mga mata na kasing dilim nito pero walang mga bituin. Wika niya ay ako lang ang nakakapagbigay ng kislap sa kanyang mga mata at liwanag sa kanyang daraanan.

Katulad siya ng mga taong hinahangaan ko, magaling siyang magpinta. Isang gabi tinuruan niya akong magpinta, hawak ang aking kamay ay hinayaan ko lang siya. Ang gabing iyon hindi lang ang pagpinta ang itinuro niya sa akin, may iba pa at iyon ang bagay na hindi ko pinagsisisihan ngunit patuloy akong nasasaktan. Habang nakatingin sa painting ay para lang akong nananalamin dahil nakikita ko ang aking sariling mukha. Hindi ko ito kamukha dahil siya at ako ay iisa.

__________________________________

You can't go back and change the beginning but you can start where you are and change the ending.

Next chapter