webnovel

7-Eleven Night Shift

November 12, 2006. Ito ang araw na hindi ko makakalimutan. Napunta ako sa night shift sa trabaho ko bilang isang store crew sa 7 Eleven. Pasado alas-nuwebe na ng gabi. Malakas ang buhos ng ulan sa labas at wala na rin masyadong tao na dumadaan. May panaka-nakang kulog na pumapailanlang sa langit.

Ayoko namang tumunganga lang sa likod ng counter kaya nagpasya ako na mag-ayos ng mga supply sa estante nang biglang tumunog ang door chime. Napalingon ako sa gawi ng pinto. Isang matangkad na lalaki ang pumasok. Sa pagkakatanda ko ay nakasuot siya ng mahabang coat, nakamaluwag na pants at naka-leather shoes siya. Hindi siya isang pangkaraniwang matanda. Para siyang nanggaling sa sinaunang panahon dahil sa paraan ng kanyang pananamit. Sa tingin ko ay nasa singkwenta anyos na siya.

Pinagpag niya ang kanyang basang payong at inilagay iyon sa storage box na nasa gilid.

"Magandang gabi ho," masiglang bati ko sa kanya. Ibinaba ko ang hawak kong mga sitsirya at dumeretso sa counter.

Bahagya niya lang akong nginitian at dumako sa helera ng mga estante. Sa hindi ko malamang dahilan, nagtaasan ang mga balahibo ko sa paraan ng pagkakangiti niya. Pero mabilis ko ring pinalis ang isiping iyon.

Napansin ko rin ang mga naiiwang bakas ng putik sa nilakaran niya. Kailangan kong linisin 'yon mamaya, sabi ko sa sarili ko. Ito ang pinakaayaw ko sa panahon ng tag-ulan. Bawat segundo yata ay kailangan kong i-mop ang sahig.

Mataman ko lang siyang pinagmasdan habang naglalakad siya at pinapasadahan ng tingin ang mga produkto sa estante. Nanatili siya roong nakatayo ng ilang minuto. Dumako ang tingin ko sa bilog na salamin sa corner ng kisame. Nakatitig lang siya a estante at hindi gumagalaw. Napakunot ang noo ko.

Nang naglakad siya patungo sa counter habang sumisipol ng isang hindi pamilyar na tono. Inilapag niya roon ang isang gunting.

"Ito lang ho ba?" napatigil ako sa pagsasalita nang magtaas ako ng tingin sa kanya.

Ngayon ko lang nagawang tingnan nang maigi ang kanyang mukha. May makapal siyang bigote, may ilang mansta ang kanyang suot na polo at may mahabang peklat siya sa kanyang pisngi. Nakaramdam ako ng takot sa paraan ng pagtingin niya sa 'kin. Na tila kilala niya ako. Unti-unting sumilay muli ang isang ngiti sa kanyang labi.

Takot. Tama, iyon ang naramdaman ko.

Kapagkuwa'y nakaramdam ako ng takot, pinilit ko ang sarili kong ngumiti. "B-bale, 45 pesos po," sabi ko at ibinaba na lang ang tingin. Nag-abot siya ng isang papel na pera. Hindi pamilyar ang paper bill na inilagay niya sa counter. Napatitig lang ako roon at nagsimulang manginig ang aking mga kamay. Anong klaseng pera ito? Gusto kong itanong sa kanya.

Kinuha niya lang ang supot at iniwan ang resibo at ang inabot niyang papel na pera.

"T-thank you and have a safe night po," halos pabulong na sabi ko.

Nagtatakang bumaling ako sa kanya. Mabagal siyang naglakad papunta sa pinto habang sumisipol pa rin.

Pinanood ko siyang yumukod para kunin ang kanyang payong. Bahagya akong nakahinga ako ng maluwag ng tuluyan na siyang makalabas. Ang akala ko ay maglalakad na siya palayo, sa halip ay pumihit siya patalikod, nakaharap sa 'kin. Wala na ang ngiti sa kanyang labi. Matamang nakatingin lang siya sa 'kin. Sinakmal ako ng matinding takot.

Halos mapatalon ako nang biglang tumunog ang telepono sa counter. Sa nanginginig na mga kamay, kinuha ko ang telepono para sagutin ang tawag. Pero nang muli akong lumingon sa labas, wala na ang matandang lalaki. Saan siya nagpunta? Nagpalinga-linga ako sa paligid pero wala na siya roon.

"Hello?" sagot ko sa tawag, nakatingin pa rin sa labas.

Walang nagsalita. Naghintay ako ng ilang segundo pero wala pa ring nagsasalita sa kabilang linya.

"Hello?" muli ay sabi ko.

Ibinaba ko na lang ang telepono. Baka may nagprank-call lang, sabi ko sa sarili ko. Sanay na rin ako sa ganito dahil nauuso na naman ang mga ganoong klase ng prank.

Awtomatikong napabaling ako sa direksyon ng storage room, sa dulong bahagi ng store, nang biglang bumagsak pasara ang pinto. Ang una kong naisip ay baka bumalik ang Manager ng store pero bakit naman siya babalik? Baka may naiwan? Hindi ako sigurado.

Dahan-dahan akong nagtungo sa storage room, dala-dala ang susi. Sa pagkakatanda ko, ini-lock ko iyon kanina.

Napansin ko ang mga bakas ng putik papunta sa storage room. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Pinihit ko pabukas ang pinto ng storage room at bumungad lang sa 'kin ang kadiliman. Wala namang tao. Mabilis kong hinila pasara ang pinto at sinigurong naka-lock na iyon.

Naglakad na ako pabalik sa counter. Nadaanan ko ang mga estante at napansin na parang mas dumami ang bakas ng putik sa sahig. Nakakunot ang noo na bumaling ako sa counter.

Naroon ulit ang matandang lalaki, nakatalikod siya sa 'kin, nakaharap sa counter. Sigurado akong siya iyon. Tumutulo ang basa na niyang damit. At ang imaheng hinding-hindi ko makakalimutan ay ang hawak niyang supot. May pulang likidong tumutulo roon.

Dugo.

Next chapter