webnovel

Patak

Lumalamig ang simoy ng hangin pero lagatak pa din ang pawis na tumutulo sa aking noo. Uulan na rin naman, papawiin ang init at huhugasan ang dungis ng lansangan. Malakas ang dagundong ng musika na dulot ng kapitbahay; linggo nga pala. Araw ng kasiyahan at inuman. Siguradong nagiinuman na naman sa labas sila Mang Dado, mangungutang ng alak. Maya maya maririnig ko uli ang palahaw ng lasing na drayber at isisigaw ang mga hinaing sa buhay. Yung mga hindi kayang hugasan ng ulan.

Binuklat ko ang aking kwaderno, hindi ako makapag aral ng mabuti gayong naririnig ang kantang 'bluer than blue' na pilit inaawit ni Mimay kahit na parang kinakaskas na pinggan ang boses. Hayaan na, uulan na din naman. Pagkayari ay isa isang magtatakbuhan ang mga tao patungo sa kanilang mga tahanan. Ang maririnig na lang ay ang malakas na patak sa aming yerong bubong. Sana ay pumatak na ang ulan upang makapag ipon na rin si tatang ng tubig panghugas ng pinggan. Iaabang nya lamang ang isang malaking drum sa estero at kapag napuno'y hindi na namin kailangan problemahin ang pagpila sa rasyon o sa poso na binakuran ni Aling Minda dahil nasa tapat daw ng kanilang lupa. Sabi ng aking guro sa agham, pitompung porsyento daw ng mundo ay tubig. Napakarami talagang tubig, yun din siguro ang dahilan kung bakit ang sabi ng inay ay may tubig daw sa baga si tatang. Wala na sigurong mapagsisidlan sa lupa kaya't pati ang tatang ay nabiyayaan ng tubig. Sana ay umulan, lalo na't pag bumaha ay may mga taong namimigay ng pagkain at damit. Ginugutom na ako at kadalasang pag may malakas na ulan ay makakakain ako ng masarap na ulam kadalasahan ay sinabawan na kaysarap nga namang higupin kapag malamig.

Wala na kong naririnig na ingay sa labas, malamang ay napansin na rin ng mga tao ang nagbabadyang pag ulan. Binuklat ko muli ang aking kwaderno at dahan dahang gumuhit. Bahagya akong nangiti ng may patak na tumulo at magmarka sa aking papel. Ayan! uulan na. Agad akong nagtaka. Tumingala ako at nakita si inay na nakangiti habang tinitignan ang aking ginagawa. Kailan kaya uulan?