webnovel

CHAPTER 10

Halos maubusan kami ng hininga ni Lucy nang makarating sa bakateng lote kung saan itinayo ang circus house. Hawak niya ang dibdib at hingal na hingal samantalang ako ay napaupo sa makapal na yelo.

Nakita kami ni Lucas na noo'y binubuhat ang mga maliliit na ilaw.

''Anong nangyari sa inyong dalawa?'' Pagtataka niya.

''S-si ama, nasaan si ama Lucas?!'' Masyado yatang napalakas ang pagtatanong ko sa kanya nang biglang lumitaw si ama mula sa likuran ng karwahe.

''Bakit anak?''

Napatayo ako at tumakbo palapit sa kanya, yayakapin ko sana siya pero wala nga pala akong suot na gwantes. Baka magyelo rin siya kung mahawakan ko siya. Kaya naman tumayo na lamang ako sa kanyang harapan.

''P-patawarin niyo ako ama!'' Nangingilid ang luha ko, sigurado akong magagalit si ama.

''Ano ba ang nangyari Elsa?'' Napakagat ako sa aking labi dahil sa kanyang tanong.

''K-kasi-''

''Hulihin ang babaeng iyan!'' Hindi ko na naituloy pa ang sasabihin ko dahil sa dumating si Don Miguel kasama ang napakaraming guardia.

Lalapit na sana ang mga guardia nang...

''Huwag niyo siyang lalapitan o hahawakan!'' Napatingin ako sa lalaking dumating. Habol niya ang kaniyang hininga. Napagod siguro siya sa pagtakbo. Wala rin siyang sapin sa paa. Nakapanlamig lamang siya ng kulay asul na may malaking hood, manipis na pantalong kulay tsokolate at wala ang mga karaniwan niyang sinusuot sa tuwing lumalabas siya, scarf, pantakip sa tainga at gwantes.

''Jack...'' Bulong ko.

Tumakbo siya palapit sa akin at ihinarang ang sarili.

''Ano ba ang nangyayari Elsa? Wala akong maintindihan!'' Sigaw ni ama.

''Ang anak mo ginoo ay halimaw! Ginawa niyang yelo ang itaas na bahagi ng katawan ng mahal kong anak na si Matilde!'' Galit na sabi ni Don Miguel.

''Hindi ko po sinasadya ang nangyari ama! Nadala lamang ako sa bugso ng damdamin sapagkat... iniinsulto niya ang pagkatao natin!'' Tiningnan ko si ama na ngayo'y nakakuyom ang mga palad. Halatang dismayado siya sa naagyayari. Kung kailan paalis na kami'y saka ito nangyari. Kasalanan ko ito.

''Patawad Jack, hindi ko sinasadya.'' Tumulo na nga ng tuluyan ang mga luha ko.

Humarap siya sa akin at ipinatong niya ang kamay sa ulo ko.

''Alam mo bang nagmadali akong puntahan ka nang marinig ko ang balita... at para tiyaking hindi ka nila masasaktan. Huwag kang humingi ng tawad sa akin, alam kong napuno ka lang dahil sa ugali ng kapatid ko.'' Nakangiti pa siya sa akin. Imbes na magalit siya ay nakukuha pa niya akong ngitian. Mas lalo tuloy akong naiyak.

Muli naman siyang humarap sa kaniyang ama.

''Ipinagtatanggol mo pa ang babaeng iyan?! Umalis ka riyan Jack! Sige na mga guardia, hulihin niyo na ang halimaw at maparusahan!'' Kung duruin ako ng kaniyang ama ay tila napakababa kong nilalang.

''Diyan lang kayo!'' Huminto naman ang mga guardia sa utos ni Jack. Nilingon uli niya ako't hinawakan ang aking mga kamay. Agad ko itong binabawi dahil magiging yelo rin ang mga kamay niya ngunit mas lalo pa niya itong hinawakan ng mahigpit.

''Bitiwan mo ang kamay ko Jack!''

''Ayoko! Pabayaan mo akong hawakan ko ang iyong kamay... pagbilang ko ng tatlo, tatakbo tayo.'' sabi pa niya.

''Nasisiraan ka na ba-''

''Isa.'' Pilit ko la ring hinahatak ang kamay ko. Pati si ama ay nakiusap na kay Jack na bitiwan ako dahil nag-uumpisa na ngang magyelo ang dulo ng kaniyang daliri.

''Dalawa.''

''Ang tigas ng ulo mo, Jack!''

''Wala na akong magagawa pa, hulihin niyo na rin pati ang suwail kong anak!'' Utos naman ni Don Miguel.

''Tatlo!'' Mabilis na dumakot ng yelo si Jack saka ibinato sa mga papalapit na guardiang may dala-dalang mahahabang baril sabay hatak niya sa akin para tumakbo. Wala akong nagawa kundi ang mapasunod sa kaniya.

"Ingatan mo ang aking anak Jack!" Nilingon ko si ama nang isigaw niya iyon. May mga guardia ring nagkumpulan palapit sa kanila at isa-isang nilagyan ng panali ang kanilang mga palapulsuhan. Nakatingin lang sa akin si ama at tumango. Hindi ko kaya na sila ang magsasakripisyo dahil sa nagawa ko!

''Sandali Jack!'' Huminto ako kahit pa hindi siya papayag.

''Malapit na nila tayong maabutan! Sinabi na ng iyong ama na ingatan kita, ibig sabihin lang noon huwag kitang ibibigay sa kanila!''

''Hindi mo naiintindihan Jack, ayokong isakripisyo nila ang kaligtasan nila para sa akin! Ako, ako! Ako ang kailangang maparusahan!'' sabi ko sa kanya sabay pahid ng luha ko.

''At isa pa, halos sakupin na ng yelo ang bandang siko mo... Hayaan mo na Jack-''

''Patawarin mo ko Elsa subalit...'' Walang kahirap hirap lang niya akong binuhat at pinasan sa kanyang balikat na parang sako. Hindi man niya maigalaw na ang kaniyang kaliwang kamay ay nakaya niya akong buhatin.

''Hindi ko hahayaang makuha nila...'' dagdag pa niya sabay takbo.

Ipinangako ko sa sarili kong babalikan ko si ama at sina Lucas. Ang tanging magagawa ko na lang muna ngayon ay ang sumama kay Jack. Nakatingin lang ako sa kinaroroonan nina ama habang unti-unti na silang nawawala sa aking tanaw. Malapit na rin ang mga guardia sa amin. Umihip ako sa hangin, makapal na hamog ang nagawa ko. Natanaw kong napahinto ang mga humahabol sa amin dahil na rin sa makapal na hamog kung kaya't hindi na nila kami masusundan sa ngayon.

Nakarating kami ni Jack malapit sa may paanan ng bundok ng Saxondale. May mahabang tuloy rito bago makarating sa kabilang ibayo. Mataas ang kinalalagyan nito't sa ibaba'y nagyelong ilog na.

Hindi ko mawari kung saan siya humuhugot ng lakas para makatagal sa lamig kahit na puno na ng malalaking pulang pantal ang buong katawan niya. Ang labi niya'y namumuti na rin. Maiikli na rin ang kanyang paghinga, ako ang nakararamdam ng hirap sa tuwingcpinagmamasdan ko siya.

''Alam mo ba, may lumang bahay sa kabilang ibayo nadiskubre ko iyon noong nakaraang taon.'' sabi niya habang naglalakad kami sa tulay na may nyebeng bumabalot sa paligid nito.

''Huwag ka ng magsalita pa Jack-''

''H-hindi ko na maramdaman ang kaliwang kamay ko...'' sabi niya kaya't hindi ko naituloy ang sasabihin ko. May kung anong kirot ang naramdaman ko sa aking puso.

Nasa kalahati na kami ng tulay nang mapaluhod siya. Nakita ako ang mga paa niyang halos mamuti na kahit na puno ito ng makakapal, malalaki at mapupulang pantal. Hindi na niyaanagawang magsuot ng sapin sa paa makapunta lang sa akin. Nakagat ko ang ibaba ng labi ko. Naluluha rin ako pero hindi ko dapat ipakita sa kanya. Nanginginig ang labi ko hindi ko mapigilan. Tumalikod ako't pinunasan ang aking mga mata at muling humarap sa kanya.

''K-Konti na lang Jack...'' Tumango lang siya at ngumiti. Pumunta ako sa kanyang harapan at sinabihang kumapit sa aking balikat. Ako na muna ang magiging saklay niya. Naninikip ang dibdib ko. Kung hindi na sana niya ako tinakas ay hindi siya magkakaganito.

''Sana'y nakalilipad ako sa hangin, gaya ng mumunting snowflakes tuwing tag-lamig.'' sabi niya kaya nakinig ako.

''Sana'y gaya mo maaari akong magtagal sa malamig na lugar... Naiinis ako sa sarili ko, bakit ako pa ang minalas na magkaroon ng ganitong sakit!'' Ramdam ko ang galit sa tono ng kaniyang pananalita. Hindi ko siya matitigan dahil sa ngayo'y umiiyak na ako.

Nang makarating kami sa luma at maliit na bahay ay agad akong naghanap ng lumang gwantes kung mayroon man. Mayroon nga akong nakita ngunit maliit ito, hindi na ako namili pa at pinagkasya na lang isuot ito. Mabuti na lamang at may nakaimbak na mga putol na kahoy rito. May posporo ring tatlo na lang ang laman.

Nagpasindi ako sa may maliit na pogon. Inalalayan si Jack maupo malapit doon, pinagmasdan ko muna ang nagyelo niyang kamay, halos ang buong braso na niya ang nababalutan ng yelo. Pagkatapos ay binalot ko sa kanya ang lumang kumot.

Naupo ako sa gilid ng sirang kama. Sira na ang paligid ng bahay mukhang malapit naring bumagsak ang kisame. Makapal ang yelong nasa gilid ng sirang bintana. Tiningnan ko ang aking kamay. Sinulyapan ko si Jack na nakapikit. Naikuyom ko ang aking palad at naalala ang aking naging panaginip.

Ako at si Jack, ang bagong Snow Queen at kanyang sinta. Ano ba ang ibig biyang ipahiwatig sa panaginip ko, paano ko babaguhin ang tadhana kung ito mismo ang gumagawa ng paraan upang hindi ito matupad. Kung talagang hindi sila para sa isa't isa'y... hindi talaga. Ngunit napakalaki nang ngiti ng Snow Queen sa aking panaginip na tila naniniwalang mapagtatagumpayan ko ito.

Hindi pa man kami nagtatagal sa lugar na ito'y may biglang kumatok. Napatingin ako sa pintuan, sinulyapan ko uli si Jack na nagising. Tumayo siya at nang mahulog ang kumot na ibinalot ko sa kaniya'y halos nasa kaliwang balikat na ang yelong bumalot sa kanya. Natutop ko ang aking bibig.

''Diyan ka lang Elsa...'' sabi niya at lumapit sa pinto. Hindi pa rin nawawala ang mga pantal niya, maging sa mukha niya'y kumalat na rin ito.

Sumilip siya sa bintana. Napabuntong hininga ito tila kilala ang nasa labas. Binuksan niya ang pinto. Pumasok ang malamig na hanging may kasama pang nyebe.

''Ginoong Maximus...'' Nakangiting sabi ni Jack, ngunit nawala ang ngiti niyang iyon nang may magpakita pang mga kasama ang ginoo.

''Patawarin mo ako master, ngunit hawak ng iyong ama ang aking pamilya.'' Nakatungong sabi niya.

Nanlaki ang mga mata ni Jack nang makita ang ama. Umatras siya at hinarang ang sarili upang itago ako. Nakatutok ang mahahabang baril nila sa amin. Naghihintay na lang sila ng utos kung kailan magpapaputok.

''Masakit sa aking makita kang ganyan anak... Ipinagtatanggol mo pa ang babaeng iyan! Nagyeyelo na rin iyang balikat mo gaya ng sa iyong kapatid!'' Nanggagalaiting sabi ni Don Miguel. Ngunit bago pa man nakasagot si Jack ay napaluhod ito. Nanlaki ang aking mga mata at natutop ang bibig. Para siyang naghahabol ng hininga.

Sumenyas ang kanyang ama sa mga guardia para kunin siya. Inalalayan nila ito habang ang dalawa pang guardia'y nakatutok ang baril sa akin.

''Hulihin nang buhay ang babae nang sa ganoo'y maparusahan sa harap ng mga mamamayan ng Saxondale! Hindi ko akalaing may inaalagaang halimaw ang mga taga Neevern.'' Halos ipagdiinan pa niya ang salitang halimaw.

''T-Takbo Elsa!... Bilisan mo!'' Nanghihinang sabi ni Jack. Sinulyapan niya ako't ngumiti. Nakagat ko ang ibabang bahagi ng aking labi.

''B-balikan mo na ang i-iyong mga kasama...'' sabi niya habang inaalalayan siya palabas ng bahay.

''Jack!'' Bulyaw ng kanyang ama.

''Takbo na!'' Tumango ako. Sa kanyang hiling ay susunod ako. Pero bago iyon ay kinuha ko muna ang nakasabit na mahabang tungkod sa tuktok ng pogon. Tinanggal ko ang suot kong gwantes at hinawakan ang lumang dingding ng bahay saka mayamaya ay kumakalat na ang yelo rito.

▪▪▪

Next chapter