webnovel

Kabanata Walo [1]

Handang-handa na ang lahat at siya na lang ang hinihintay, kung kaya't wala nang pinatagal pa si Calisto at sinimulan ang seremonya ng taong ito. Agad naman niyang tinanggap ang inilaang lumang libro at ito'y mahigpit na hinawakan at inilapag sa lalagyan nito sa ibabaw ng plataporma; napatitig siya rito at saka taimtim na nagdasal, inuusal ang mga dalanging siya lang ang nakakarinig.

At matapos ang mahabang dasal ay walang pag-aalinlangan niyang hiniwa ang sariling palad gamit ang patalim na hinugot sa tagiliran, ipinatak at ibinuhos niya ang sariling dugo sa makapal at gawa sa balat ng tao na pabalat ng libro.

"Omnis Ave, Vashiya nostrorum Dominos!" Sigaw niya.

MADILIM, PAGDILAT NG MGA mata ni Lily ay unang bumungad sa kaniya ang kumikinang na mga bituwin sa kalangitan. Kasunod nito ay naramdaman niya ang biglaang panhahapdi ng binti at braso na buhat ng napilas na balat sa mahigpit na tali.

Hinang-hina na siya, bahagya na siyang nahihilo at labis na nananakit ang kaniyang ulo. Gusto niyang gumalaw ngunit hindi niya magawa sapagkat saktong-sakto lang ang rektanggulong kinalalagyan niya, isa pa ay hindi rin lumuluwag ang tali niya at konting galaw lang ay mapapadaing talaga siya sa sakit.

At kalaunan ay narinig niyang umaalingawngaw sa paligid ang mga salitang hindi niya lubos maintindihan; parang may kinakanta ang mga tao sapagkat nakalapat ang tono sa inuusal ng lahat kasabay ng malakas na ritmo.

Ngunit, sa kabila ng nakakapanindig-balahibong kanta ay mas nangibabaw pa rin ang sigaw ng mga pamilyar na boses. Pinilit niyang dinggin ito ng maayos sa takot na baka isang guni-guni lang ito, pero makalipas ang ilang saglit ng masusing pakikinig ay nakumpirma niyang mga kaibigan niya nga itong sumisigaw.

Gusto niyang tawagin ito at sabihing naroon siya sa hukay, ngunit tanging ungol lang ang nagagawa niya dahil sa makapal na busal. Ang marinig ang takot na takot na boses ng kaniyang mga kaibigan ay nagpaiyak sa kaniya dahil sa awa, gusto niyang tulungan ito kung ano man ang kasalukuyang kinalalagyan ng mga kaibigan, ngunit nakakapanlumong pati siya ay nangangailangan din ng tulong.

Sa malakas na isang bagsak ng tunog ng kampana mula kung saan ay nagulantang si Lily nang biglang hinila ang binti niya paangat. Napagtanto niyang may lubid palang nakapulupot sa kaniyang pinagbigkis na binti na ngayon ay ginagamit upang siya ay hilain paangat, binibitin patiwarik.

Nagpumiglas siya, nanlalaban sa puwersang humihila sa kaniya nang makalabas siya sa hukay; binalot ulit siya ng matinding lamig nang haplusin ng malakas na simoy ng hangin ang katawan hubad niya, wala ring silbi ang kaniyang pagpupumiglas sapagkat tuloy-tuloy pa rin ang ang pag-angat niya sa ere hanggang sa tumambad sa kaniyang paningin ang nakakagimbal na tanawin.

Kahit nakabitin siya patiwarik ay kitang-kita sa ere ang mga kaibigan na kaniya-kaniyang nakatali sa trosong nakapaligid sa kaniyang pinagmulang hukay, lahat sila'y wala ring saplot-lahat sila'y nasa kalunos-lunos na sitwasyon.

Sa tulong ng naglalagablab na apoy ng mga sulo ay naaninagan niya ang kawawang mga hitsura nito na pilit nagmamakaawa; iyak nang iyak ang mga ito habang sinisigaw ang takot at hinanakit na namumuo sa loob at nagpupumiglas na rin.

At mas lalong nakapanindig-balahibong tanawin ang mga nakapaligid na taong nakahubad din; nakaluhod ang mga ito, nakayuko na halos dumapa na sa lupa at hindi gumagalaw animo'y may sinasamba dahil sa walang-tigil na pagkanta nila ng 'di matukoy na idyoma. Ang boses nila ay nakakakilabot na para bang nagmula sa ilalim ng lupa, pareho lang ang tono at walang naiiba.

"...Vashiya, aming panginoon! Mula sa kailaliman ng lupa'y bumangon ka't tanggapin ang aming alay!" Sigaw ni Calisto matapos hiwain ang sariling palad at ibinuhos ang dugo sa kauna-unahang pahinam

"Resurgemus nostrorum Dominos,"

Parang tinamaan ng kidlat si Lily sa narinig. Hindi man siya makapaniwala sa pinagsasabi ni Calisto roon sa kinalulugaran niyang plataporma ay labis pa rin siyang natatakot sa katotohanang may sakripisyong nagaganap, lalo na't silang magkakaibigan ang naroon-nakatali sa troso, habang siya ay nakabitin.

Ang sumunod na pangyayari ay naghatid sa kaniya ng sindak. Mabilis na bumaba si Calisto sa plataporma habang bitbit ang isang patalim-punyal. Kahit baliktad ang paningin ni Lily ay saksi siya paglapit ng lalake sa kinalulugaran ng isa sa mga kaibigan niya, si Keith. Inatake siya ng kaba at matinding takot nang makitang itinutok ng lalake ang talim ng punyal sa dibdib ng kaibigan at naghihintay lamang ng hudyat.

Nagpumiglas siya sa kagustuhang makawala at mailigtas ang kaibigan, pilit din niyang isinisigaw ang mga pagmamakaawa na 'di niya magawa dahil sa busal. Gaya niya ay takot na takot din ang iba pa niyang kaibigan na nakatali, labis silang nangangamba para sa sarili nang maisip ang mga susunod pang mangyayari. Walang magawa si Lily kung hindi ang maiyak na lang at mariing napapikit upang 'di masaksihan ang susunod na mangyayari, labis siyang binabagabag na wala man lang magawa para sa kaligtasan nilang lahat.

MAHIGPIT ANG HAWAK NI Calisto sa punyal habang nakatutok ito sa dibdib ng nanginginig ng lalake. Nakipagtitigan siya rito at wala siyang ibang nakikita kung hindi ang pagmamakaawa at takot sa kasalukuyang kalagayan. Ngunit, hindi ito tumalab sa kaniya, matigas ang loob niya at kahit ito ang kauna-unahang pagkakataon na siya ang nangulo sa seremonya ay hindi na mahirap pa sa kaniya ang pagsasakripisyo. Basta't mangingibabaw lang ang katotohanang sa ikabubuti nila ito ay walang pag-aalinlangan niyang gagawin ito.

"Vashiya, panginoon. Tanggapin mo ang aming unang alay." Sabi niya habang titig na titig sa lalake, "Sanguis quia anima mea, sanguis quia vita."

"Resurgemus nostrorum Dominos!" Sabay-sabay na sigaw ng mga taong sumasamba't nakadapa pa rin sa lupa.

Bilang hudyat at agad niyang itinarak ang punyal sa dibdib ng lalake, isang tulakan lang ay narinig niyang napunit ang laman nito sa loob at diretsong tumama sa puso ng lalake. Gulat na gulat ito at nanginginig na napatitig sa kaniya habang nakabaon pa rin ang patalim; hindi ito nakasigaw dahil sa busal sa bibig, namumutla ito at labis na pinagpapawisan, hindi man sinasabi pero alam niyang nahihirapan ang lalake sa paghinga ng maayos habang iniinda nito ang 'di mawaring sakit. Sa kabila nito ay narinig niya ang iyak ng mga kasamahan ng lalake, tahimik na lang siyang napangiti dahil sa pagdadalamhati nito sa sinapit ng kawawang kaibigan.

Isang hatak ng patalim ay bumulwak kaagad ang dugo, gumapang ito pababa sa kaniyang sikmura patungo sa sariling hita. Manghang-mangha si Calisto nang sundan niya ng tingin ang dugong gumagapang patungo sa sangkahan o makipot na kanal sa lupa. Binalot ito ng luwad nang sa gayon ay 'di masipsip ang dugo sa lupa, kung kaya't dire-diretso lang ang pag-agos ng dugo ng lalake patungo sa gitnang hukay na balot din luwad.

Hindi maipaliwanag na galak ng lalake nang makitang tuloy-tuloy ang agos ng dugo. Hindi niya inaakalang na ganito pala ang pakiramdam ng kaniyang ama sa tuwing pinangungunahan nito ang seremonya. Saglit niyang inobserbahan ang lalake at malakas na ang paghinga nito habang inuubo kasama ang dugo, napapikit na ito at kumawala ang mga butil ng luha. Hanggang sa hindi na nagtagal pa ay binawian kaagad ito ng buhay.

Iniwanan niya ito at hinayaan ang bangkay ng lalake sa poste. Dala-dala ang punyal ay sunod na tinungo ni Calisto ang kinalulugaran ng babaeng umiiyak; napakagulo ng maitim at mahabang buhok nito na tumatakip sa mukha ng babae, panay rin ito sa pagpupumiglas sa takot at ungol nang ungol dahil sa makapal na busal na nakasaksak sa sariling bibig.

Nang makalapit siya ay hinawi niya ang buhok na humaharang sa mukha nito, doon ay tumambad sa kaniyang paningin ang kawawang mukha ng babae; namumugto ang mata nito sa labis na pag-iyak at mababakas pa ang iilang pasa. Hinaplos niya ito pababa, dinadama ang makinis na balat ng babae sa leeg patungo sa dibdib nito, animo'y sinasamba ang taglay na ganda.

"Vashiya, panginoon. Tanggapin mo ang aming pangalawang alay." Sabi niya sa harapan ng babae, "Sanguis quia anima mea, sanguis quia vita!"

"Resurgemus nostrorum Dominos!"