webnovel

Kabanata Apat [2]

Kumikirot ang ulo ni Lily nang magising siya; nanlalabo ang kaniyang paningin at ramdam niya rin ang pananakit sa tagiliran. Hindi siya kumilos, sa halip ay nanatili siyang nakahiga sa matigas at malamig na lapag. Ilang saglit pa ay nasanay na rin siya't nagbalik sa normal ang kaniyang paningin, sa tulong ng mga nagkalat na sulo ay unti-unti niyang naaninagan ang paligid; maraming makalumang bahay ang nakahanay sa bandang kaliwa niya't sa kanan naman ay purong kadiliman lamang.

Nagimbal na lamang siya nang mapagtanto niyang nasa isang kwadradong lalagyan siya. Nagmistula siyang isang hayop na nakakulong sa isang kahon na gawa sa pinagbigkis na mga kahoy. Naalarma siya, bigla siyang dali-dali siyang gumapang paluhod. Malakas niyang tinulak ang harang na nakapaligid sa kaniya at napadaing siya sa biglaang pananakit ng tagiliran.

Dahan-dahang inilapat ni Lily ang sariling kamay sa bahaging kumikirot habang binabantayan ang paligid. Marahan niyang pinisil ang tagiliran at napangiwi't napaungol siya nang maramdaman ang matinding pananakit nito. Sa puntong 'yun ay naalala niya ang pangyayari bago siya nawalan ng ulirat, sa ikalawang pagkakataon ay para siyang binuhusan ng malamig na tubig nang maalala niyang may humahabol nga sa kaniya at iniisa-isa sila nito.

At para siyang tinamaan ng kidlat nang may mapagtanto siya habang masusing sinusuri ang paligid. Kahit madilim ay napansin niyang itong mga bahay na nakahanay ay pamilyar sa kaniya, kung nasa tamang wisyo pa siya ay nasisiguro niyang itong mga bahay ay kapareho ang estilo sa mga bahay na pinuri niya no'ng unang araw nila sa isla. Ibig sabihin, isa sa mga taong naninirahan dito sa Sitio Delano ang salarin ng lahat ng ito. Pero isang malaking palaisipan sa kaniya kung bakit pinaslang si Jorros gayong taga-rito raman ito.

Pinilit niyang iwaksi ang kaba at sinubukang mag-isip ng plano papaano makakatakas. Ininda niya ang pananakit ng ulo at tagiliran at masusing sinuri ang kinalalagyan niya. Kinapa-kapa niya ito hanggang sa mapuna niyang may kagaspangan at medyo makapal din ang taling ginamit na parang hango mula sa abaka.

Muli ay sinubukan niyang yugyugin ang kwadradong kinalalagyan at ininda ang pananakit na nadarama. Mariin siyang napakagat ng labi at napasigaw, gamit ang natitira niyang lakas ay ibinuhos niya ito sa pagyanig ng kulungan, umaasang sana'y mababali niya ang kahoy nito o kaya'y mapatid ang tali.

Pero hindi talaga, sadyang wala siyang sapat na lakas upang biyakin ang mga nakatindig na mga kahoy na nakapaligid sa kaniya, at batid niya ring mali ang paraan niya. Napasandal na lamang siya't sandaling pinahinga ang sarili habang binabantayan ang paligid at nag-iisip ng plano.

Napatingin siya sa gawing kanan at roon nakita niya ang isang may kalakihang bato na sa tingin niya'y malaki ng konti sa kamao niya. Malabo man ay hindi niya pinalagpas ang pagkakataon, dali-dali siyang gumapang at inabot ang bato. Maingat at dahan-dahang hinila niya ito at saka binuhat papasok ng kulungan.

Walang inaksayang oras pa si Lily at agad na pinukpok ang taling nakabigkis sa kulungan. Wala na siyang pakialam pa kung magdudulot ito ng malakas na tunog na maaaring kukuha ng atensyon ng iba, basta't makakaalis kaagad siya. Kalaunan, matapos ang mangilan-ngilang pukpok ay saglit siyang tumitigil upang ipahinga ang nangangalay na braso, malakas siyang napasinghap ng hangin saka pinahid ang tumatagaktak na pawis.

Muli ay nagpatuloy siya't pinaghahampas ng bato ang pinupuntiryang bahagi. Paulit-ulit niya itong pinagdidikdik hanggang sa kalaunan ay napansin niyang wala talagang epekto ang pinaggagawa niya. Sa pagod niya ay naibaba niya ang bato at napabuntong-hininga saka hinawakan sandali ang labis na kumikirot na tagiliran.

Muli, sa pangatlong subok ay pinuntirya niya ang kahoy. Pinili niya ang bahaging hindi gaanong makapal na batid niyang marupok. Paulit-ulit, walang habas niyang pinaghahampas ito at inilabas ang namumuong galit at takot sa katawan, hindi na alintana pa ang pananakit ng kamay, braso, at tagiliran. Desperadong-desperado na talaga siyang makatakas.

Hanggang sa kabuting-palad ay nabiyak ang kahoy. Narinig niya ang malutong nitong tunog matapos ang sagarang paghampas. Nang kapain niya ito ay lubos siyang nabuhayan ng loob dahil sa resulta, ang puso niya'y malakas na kumakabog at mas tumindi ang pagtagaktak ng kaniyang pawis, at labis na umiinit ang kaniyang katawan.

Sa 'di maipaliwanag na dahilan ay nagawa niyang indahin ang lahat habang patuloy na pinagpupukpok ang isa pang kahoy na nakaharang. Kumpara kanina ay mas lalong lumakas ang hampas niya kung kaya't matapos ang siyam na pukpok ay agad na nabiyak ang katabing kahoy.

Umayos siya sa pagkaupo at saka binaliktad ang pwesto, sumandal siya sa kabilang bahagi at doon kumapit upang kumuha ng pwersa. Bumwelo siya't sinimulang sipain ang dalawang kahoy na nabiyak at pawang nakaharang; paulit-ulit niyang pinagsisipa ito sa kabila ng pananakit ng tagiliran. Ilang sipaan ay tuluyan bumigay ito at nahiwalay, naalis niya ang dalawang nakaharang na kahoy. Hindi naman siya nag-aksaya ng oras at dali-daling umikot.

Sinubukan niyang isiksik ang ulo palabas at laking-tuwa niya nang masakto ang ulo niya sa espasyong nagawa, ngunit nang magpatuloy siya ay hirap naman siyang ilabas ang sariling balikat. Umikot siya't dali-daling humiga patagilid, hindi na alintana pa ang kumikirot na tagiliran at ang pagkiskis ng mga matutis na bahagi ng sanga sa kaniyang balat, basta't makakalabas lamang siya sa kulungang kinalalagyan.

Next chapter