2 Ang Simula

"Sa mundong likas ang mabilis, kakayanin mo ba kayang magdahan-dahan? o isa ka din sa mga taong matumal at hindi na gagalaw pa ang pansariling orasan?"

Sa bawat araw na dumaraan, tila ba ay napakabilis ng lahat ng mga kaganapan. Lahat may pinagkakaabalahan, lahat may pinaglalaanan at lahat may patutunguhan. At minsan, sa di inaasahang panahon, daraan ang araw na para bang mistulang tumigil ang lahat. Mabagal, Matumal, Mahina, Marahan, hanggang sa bumalot ang katahimikan sa iyong kapaligiran.

Sa mundong ito na batas ay 'Matira ang Matibay', isa ata ako sa mga taong kinulang ang tibay. Isang bagay na bago para sa akin, ang maging mahina at walang magawa. Madalas kong naitatanong sa sarili kung naging sapat ba ang mga ginawa ko o di naman kaya ay ako.

Ginawa ko ang lahat para mabuhay, nilabanan ang mga mikrobyo noong sanggol pa lamang ng sandaling itinapon ako ng aking ina sa basurahan. Nakipagtagisan ng lakas laban sa mga kabataang naghari-harian sa ampunan at mga mapang-abuso at mapanakit na matatanda. Nakipagkompetensya sa mga kaklaseng matino at mandaraya, pati na rin sa parehong aplikante sa trabahong ninais pasukan. Ininda ang panlalait ng katrabaho, pangmomolestya ng mga ibang nasa mataas na pwesto. Ninakawan ng mga mapagsmantalang tao at lokohin ng taong minahal mo.

Madami na ang nangyari sa buhay ko, nagpursigeng mabuhay, mag-aral, magtrabaho para kumita ng pera at kasuhan ang mga taong ako ay tinangkang pagsamantalahan gaya nalang ng boss ko sa nakaraang trabaho na pinilit na maging kabit ako at ng Jowa kong ninakaw ang mga ipon ko para ipanglustay sa kabit niyang gusto ko mang sabihing mukhang hipon pero mas maganda nga naman talaga kesa sa'kin kahit sa tingin ko ay hindi naman ako kapangitan.

At dahil sa kanya, nagkautang din ako, nang napakalaki. Napilitan akong iwan ang trabahong pinaghirapan kong makuha, pinasok ko ang iba't ibang trabaho na malayo sa pinag-aralan ko at nagtinda ng kung anu-ano mabayaran lang utang na nilaan ko sana para sa negosyong gusto kong itayo pero hindi pa tumatagal sa loob ng pitaka ko naglaho na dahil sa kumag na 'yon.

Tinalo ko ang lahat, nanatiling positibo kahit mahirap at piniling magpakatatag. Ngayon, tuwang-tuwa ako dahil huling gabi na ng pagkakakautang ko at bukas mababayaran ko na ang lahat. Maghahating-gabi na kaya maingat akong naglalakad sa tabing daan. Napadaan ako sa Jones Bridge, maluwag na ang daan at napakasarap sa pakiramdam ng malamig na ihip ng hangin, kahit pagod sa trabaho at inaantok, ninamnam ko ang bawat yabag na ginawa ko pauwi sa inuupahan kong bahay. Kung ang tanong ninyo ay kung bakit hindi ako sumakay ng jeep, taxi, grab at kung ano pa man, sa totoo lang, tinitipid ko bawat sentimo at wala akong extrang pera pampamasahe.

Siguro dahil sabik akong makalaya sa pagkakautang kaya ayokong magkulang at maextend pa yung deadline ko. Isa pa, sa mga nakalipas na taon, para bang napakabilis ng oras at panahon, na sa isang kurap lang ng mg mata mo nagbago na ulit ang panahon. At ng gabing ito, naisipan kong, bakit hindi muna ako magdahan-dahan? magmuni-muni? Masyado na akong nagpaalila sa oras, parating tumatakbo at nakatanaw sa hinaharap at napabayaan ko na ang kasalukuyan. Bakit nga naman hindi? Pero sana sa ibang araw ko ginawa at kahit sampung piso man lang nagtabi ako para sa pamasahe.

Ano ba naman ang isang araw? isang tulog lang yan, matatapos din, ang mahalaga may bukas pa. Kaso hindi e, nagmatigas ako, kaya nang mistulang nilipad ng malamig na hangin yung antok ko habang papalapit sakin yung isang pagewang-gewang na sasakyan, hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan ko, hanggang sa nagtagpo kaming dalawa at naipit ako sa pagitan ng sasakyan at barandilya ng Jones Bridge na humandusay sa umuusok na harapan ng sasakyan.

Akalain mo nga naman, pati sa sasakyan kailangan kong makipagbuno. Minsan, naiisip ko kung paano ba ako napunta sa sitwasyong ganito. Saan ba ako nagkulang? Bakit ba ganito ang buhay? Bakit kung magbagsak ng pahirap mas mabigat pa sa dami ng biyaya? ito na ba ang huling hininga ko? Lord naman, sana inantay niyo muna akong yumaman kahit saglit lang, maranasan ko man lang magbuhay donya kahit minsan. Hindi pa ba sapat ang lahat? Kung alam ko lang sana nagpadespedida muna ako, matikman ko man lang ang perang pinaghirapan ko, Bakit? Bakit? Bakit....?

Haaaa... Ewan, napakabigat na ng katawan ko, wala akong marinig kahit mukhang nagsisigawan at nagkakagulo na ang mga tao. Mabagal ang galaw ng lahat at dahan-dahang nanlalabo ang paningin ko na para bang tinatawag na ng antok. Ah, Oo nga pala, pagod nga ako, siguro naman pwede na muna akong magpahinga kahit saglit lang.

avataravatar