1 teaser

ISA AKO SA malaking populasyon ng No Boyfriend Since Birth, pero hindi ibig sabihin no'n ay nangangati akong bawasan ang lumalaking populasyon na 'yon. Sapat na sakin yung crush-crush lang. Kahit nga puppy love, hindi ko naranasan.

Grade 6 ako nung ma-realize ko na for the first time, tunay yung feelings ko sa crush ko. Kaibigan ko ang naging girlfriend niya, at kaibigan ko rin ang crush ko. Marami sa batchmates namin ang nagsasabing bagay sila, perfect match at iba pa. Hindi ko alam pero sumakit yung puso ko nang narinig ko ang mga yon.

Na-realize ko na na-iinggit ako kasi parang ang saya pala magkaroon ng jowa. Pero mabilis ko rin namang nakalimutan ang bagay na 'yon kasi mas nagfocus na ako sa pagpapalago ng teks, pogs, at jolens. Pati kisses, inalagaan ko. Sabi kasi ni lola manganganak sila at dadami eventually.

Tumuntong ako sa high school na nagt-ten twenty pa rin. Masaya dahil pinipili ako palagi na mother kahit maliit ako. Ang weak point ko lang ay ang chinese garter. Ayoko talaga doon lalo na pag number six na, luksong baka mas kaya ko pa.

Hindi rin nagtagal, mas nagseryoso ako. Sa isang science high school kasi ako nag-aral kaya kailangan i-maintain ang grades. Doon ko nakilala ang tatlo kong bestfriends na hanggang ngayon ay kasama ko pa rin.

Akala ko masama na ko, pero sa loob ng anim na taon naming pagkakaibigan, na-realize ko na 'di hamak na mabait na pala ako sa lagay na 'to.

Dahil sa edad siguro kaya curious ang karamihan sa amin tungkol sa love. Ang daming isyu roon, umaabot pa nga sa social media lalo na sa Twitter ang parinigan. Hindi na nakuntento sa classroom. Si Anon. Madalas ma-isyu, ipokrito at warfreak. Buti pala hindi ako addict sa social media.

Pero bumalik tayo sa topic. Sa edad namin na 'to, maraming curious sa iba't ibang uri ng pagmamahal. Iyong tatlo kong kaibigan, may sari-sariling version kung pano i-kkwento ang sa kanila.

Ako? NBSB. Single for life. Wala akong interes kasi wala akong oras at hindi kasama sa bucketlist ko ang ma-inlove. Mahilig ako sa libro, anime at movies na may halong romance ang genre pero... na-realize ko na iba kapag totoong buhay na.

Naalala ko pa ang pangako ko sa pamilya ko. Hindi ako magbo-boyfriend sa high school. College, baka. Pero sana, gumraduate ako nang hindi pa nagkakaboyfriend. Gusto ko kasi, yung first ko ay last na rin. Si mama at papa kasi first ang isa't isa, mula high school 'yon. Astig 'no?

Takot ako sa risks. May plano na ako sa buhay ko at ayoko masira iyon. Panganay ako at hindi naman talaga kami mahirap pero hindi rin kami mayaman. Gusto kong magdoctor at alam kong mahirap at magastos. Kaya ayoko ng distractions. Kung mahirap bumagsak sa isang subject, mas mahirap lalo kapag sa buhay.

Kaya takot ako sa love. Ang daming possibilities na hindi ko naman kontrolado, at ayoko talaga sa risk. Ayoko rin ng malaking pagbabago.

Pero ang hirap pala iwasan ang isang bagay na hindi mo naman alam kung kailan dadating. Magugulat ka na lang na biglang babagsak sayo, sasabog at guguluhin ang buhay mo...

Sa kahit na anong paraan, mapamaganda man o pangit.

Ang hirap pumili. Bawal ang all of the above o none of the above, hindi applicable. Kaya siguro iniisip ko pa rin kung paano pag mali ang pinili ko?

Paano kung binigyan kita ng pagkakataon? May magbabago kaya?

Tayo siguro ngayon.

avataravatar
Next chapter