This book is a work of fiction. Names, characters, places and incidents are products of the author's imagination or are used fictitiously. Any resemblance to actual events or locales or persons, living or dead, is entirely coincidental. ELLAINE DE GUIA Isang babae na nagmula sa mahirap na pamilya. Simula pagkabata ay dumanas na ng matinding hirap o pasakit sa buhay. Pinagkaitan ng pagmamahal ng mga taong ang akala niya ay totoong nagmamahal sa kanya. Kaya naman sabik siya sa tunay na pagmamahal. Pangarap na makatagpo ng isang totoong pag-ibig na pangmatagalan. TIMOTHY SANTILLIAN Isang mayaman na lalaki na iibig kay Ellaine. Sa una ay hindi seryosong magmahal. Para sa kanya ang pag-ibig ay isang laro. Sa una lang kapana-panabik at masayang laruin pero darating din ang oras o panahon na magsasawa ka at maghahanap ka rin ng iba. Ngunit nagbago ang kanyang pananaw simula ng makilala niya si Ellaine. Dalawang magkaibang tao na pagtatagpuin ng tadhana ng dahil sa pag-ibig. Sila na nga kaya hanggang dulo?
Main Character Introduction
ELLAINE'S POV
Ako nga pala si Ellaine De Guia. Dalawampu't-tatlong taong gulang na ako ngayon.
Puwede ninyo rin akong tawagin sa palayaw na EL.
Maniniwala ba kayong sa murang edad ko pa lamang ay ilan na ang naranasan kong mapapait na pangyayari sa aking buhay?
Akala ko nga wala ng katapusan ang mga hamon sa buhay ko pero heto ako masaya at kuntentong-kuntento na sa kung anong mayroon ako ngayon sa buhay ko.
Itatanong ninyo siguro kung paano ko nalagpasan ang mga pagsubok na dumating sa aking buhay?
Mahabang kuwento kaya mag-uumpisa muna tayo mula sa umpisa.
Handa na ba kayong makinig sa kuwento ko?
Negros Occidental.
Ang bayan kung saan ako ipinanganak at lumaki.
Hanggang sa ngayon dito pa rin ako naninirahan kasama ang mga mahal ko sa buhay.
Ito din ang lugar kung saan nangyari ang lahat ng mga magaganda o masasaya at malulungkot na mga alaala na baon-baon ko pa rin hanggang sa kasalukuyan.
Nagmula ako sa isang mahirap lamang na pamilya, iyong tinatawag ng iba na "Isang kahig isang tuka" kapag inihalintulad mo sa manok ang pamumuhay namin.
Ang pamumuhay na kahit nagkakandakuba ka na ng dahil sa pagtatrabaho sa araw-araw ngunit parang hindi sapat ang isang trabaho para kumita ka ng pera kaya doble kayod ka at papasukin mo ang kahit na anong trabaho. Hindi ka maaaring mamili lalo na kung hindi ka naman nakapagtapos ng pag-aaral.
Pero kapag nakatapos ka sa kolehiyo sabi ng iba mas madali ka nang makakahanap ng magandang trabaho na mas malaki ang magiging suweldo.
Iyon ay kung may kakayahan na mapag-aral ka o makapag-aral ka.
Kahit ang pag-aaral ay importante din sa buhay ng tao, pero kung mahirap ka suwerte na kung makatungtong ka pa sa High School.
Importante rin sa isang magulang na matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya kaya kahit anong trabaho ay kakayanin at papasukin para lang matustusan ang pangaraw-araw na mga pangangailangan ng isang pamilya, pero kadalasan mas marami pa rin ang pamilya na parang hindi halos makaahon sa hirap ng buhay.
Isa ang pamilya ko doon sa hikahos pa rin kahit anong kayod at sipag sa pagtatrabaho.
At isa ang Mama ko sa mga tao na gagawin ang lahat para sa pamilya.
Noon dahil bata pa nga ako hindi ko pa masyadong naiintindihan ang ilang mga bagay o pangyayari na nangyayari sa buhay ko.
Wala pang kamuwang-muwang kumbaga pero kapag sinubok ka nga pala ng mapaglarong tadhana kahit ano pa ang edad mo, maagang mamumulat ang mga mata mo sa katotohanan na may mga ilang nangyayari sa buhay na kahit hindi mo gustong mangyari ngunit wala kang magawa para pigilan o kuntrolin ito.
Pitong taong gulang pa lamang ako noon ng magkahiwalay ang aking ama at ina.
Mahirap na noon ang pamumuhay namin dahil si Mama ay isang labandera, kung minsan ay nangangatulong sa ibang tao.
Ang Papa ko naman ay isang karpintero na paextra-extra lang sa pag-gawa dahil mas madalas na walang kumukuha kay Papa para mag-pagawa ng mga bagong itatayong bahay dahil na rin sa hindi magandang reputasyon ni Papa na noong una ay hindi namin pinaniniwalaan ni Mama.
At dahil hindi rin naman lahat ng nakatira sa aming barangay ay mayaman dahil karamihan ay mga hirap din sa buhay na katulad ng pamilya ko kaya kung sino ang may kakayahang magbayad para sa paglilinis ng bahay, paglalabada at pagluluto ay pinapasok ng Mama ko para lamang kumita ng pera na magagamit sa pangaraw-araw namin gastusin.
Pero kahit ilang bahay na ang pinagtatrabahuhan ni Mama noon kakaunti pa rin ang kinikita niya mula sa paglalabada o pagextra-extra sa paglilinis sa bahay ng ibang tao ganoon din ang sa Papa ko na sapat lamang para sa pangaraw-araw na gastusin sa bahay.
Lalo lamang kaming naghirap ng bigla na lang magbago si Papa.
Nagsimulang mangbabae ang Papa ko.
Ang akala ng Mama ko gusto lang siraan ng ibang tao si Papa ngunit mismong si Mama na ang nakasaksi sa ginagawang kabalbalan ni Papa ngunit mas pinili ng Mama ko ang manahimik na lang at hindi bigyang atensiyon ang ginagawa ni Papa dahil para kay Mama ang mahalaga kasama pa rin niya si Papa at sa amin pa rin umuuwi si Papa.
Paano ko nalaman samantalang bata pa ako noon?
Sa susunod ikukuwento ko sa inyo.
Dahil nga sa pambababae ni Papa noon ang perang kinikita niya mula sa pagkakarpintero sa halip na gamitin para sa pangaraw-araw na gastusin ngunit hindi dahil nauubos lamang ito sapagkat nilulustay lang ng Papa ko o ginagamit sa pangbababae at sa halos gabi-gabing pagliliwaliw.
Bukod sa pambababae, naging sugarol din si Papa.
Ang perang dapat sana ay pambili ng pagkain ay napupunta lang sa mga utang ng Papa ko mula sa ibang tao ng dahil sa pagsusugal, dahil kung hindi babayaran ng Mama ko ay maaaring makulong si Papa ng dahil sa utang.
Halos magmakaawa na raw ang Mama ko noon sa mga pinagkakautangan ni Papa para lang mabigyan ng palugit ang pagbabayad sa mga utang.
Naging lasenggo rin ang Papa ko at palagi kaming pinagdidiskitahan lalong-lalo na ang Mama ko kapag ito ay lango na sa alak.
Sa ngayon hindi ko muna gustong alalahanin ang mga naranasan kong ilang pisikal na pananakit sa akin ni Papa noon medyo lumalaki na ako at nagkakaisip.
Sa una natiis ng Mama ko ang lahat ng pananakit at pambababae ni Papa noon nang dahil sa pagmamahal niya kay Papa at nanatiling bulag at bingi sa mga nangyayari sa aming pamilya sa kagustuhang mapanatiling buo pa rin kami kahit madalas mapag-usapan na ng ibang tao ang pamilya namin.
Ngunit dumating ang araw na umabot na sa sukdulan ang pagtitiis o pagtitimpi ng Mama ko dahil sa mga ginagawang kawalangyahan ng Papa ko.
Noon dumating pa sa puntong halos magdilim ang paningin ni Mama ng minsang madatnan ang isang hindi kaaya-ayang eksena na nangyari pa mismo sa sariling pamamahay namin.
Hindi na rin ako nagulat noong muntik ng makagawa si Mama ng isang krimen sana, na ipinagpapasalamat ko na naudlot kasi kung sakaling natuloy iyon kawawa ang Mama ko dahil maaari siyang makulong.
Kilala ko si Papa, may ginagawa siyang hindi kaaya-aya kapag wala si Mama kasi madalas naman niyang ginagawa iyon at dahil bata pa ako noon wala akong bibig para makapagsalita.
Kailangan kong magpanggap na pipi, bingi at bulag.
Dahil sa matinding galit na nadama ni Mama para kay Papa, may namuong masamang kaisipan na tumakbo sa isipan ni Mama noon.
Ngunit tila may isang anghel na bumulong sa tenga ni Mama noon na nagsasabing huwag ituloy ang hindi magandang iniisip na gagawin kay Papa.
Kung nakita ko lang ang mga pangyayari, mararamdaman ko rin ang pagkamuhi ni Mama kay Papa pero dahil inisip din ni Mama noon ang maaaring mangyari sa amin ng kapatid ko kung sakaling may nagawa si Mama na hindi maganda kay Papa kaya naudlot ang balak ni Mama noon.
Ngunit sa halip na maayos ang problema, sa huli mas pinili ng Papa ko na sumama sa kalaguyo niya at iniwan niya kami at tuluyang tinapos ni Papa ang ugnayan niya sa amin.
Paano ko naikukuwento kung hindi ko nga halos maalala ang ibang mga pangyayari dahil musmos pa ako noon?
Sikreto muna.....
Totoo halos hindi ko na maalala ang ibang mga pangyayari noong bata pa ako, pero malay ninyo may magpaalala.
Nang maghiwalay sina Mama at Papa, nagdesisyon ang Mama ko na bumalik kami sa bahay ng Lola ko.
Doon daw muna kami pansamantalang titira ng kapatid kong lalaki na noon ay apat na taong gulang pa lamang.
Noon si Mama tuwing Linggo lang namin nakikita at nakakasama.
Sa pinakabayan kasi piniling maghanap ni Mama ng bagong trabaho.
Nakahanap si Mama ng trabaho ngunit stay-in siya sa pinapasukang trabaho at tuwing Linggo lang ang pahinga ni Mama mula sa pagtatrabaho.
Bukod doon malayo ang lugar na pinagtatrabahuhan ni Mama.
Malayo sa lugar kung saan kami nakatira ng kapatid ko.
Kaya ako lang at ang kapatid ko ang kasama ni Lola sa bahay na tinitirahan namin.
Hindi namin kasama sa bahay si Mama.
At hindi na rin kami bumalik sa dati naming tinitirahan.
Hanggang sa ngayon sa bahay pa rin ni Lola-Mama kami nakatira ng kapatid ko.
Simula ng umalis si Papa, hanggang ngayon wala pa kaming balita kung nasaan na siya ngayon?
Kung ano na ang nangyari sa kanya?
Noon una madalas namin tanungin ng kapatid ko si Mama kung nasaan na si Papa at kung kailan siya babalik?
Ang palaging sinasabi lang ni Mama noon sa amin, nasa malayong lugar si Papa kaya hindi kaagad ito makabalik sa amin.
Kaya iyon ang pinaniwalaan ng bunso kong kapatid.
Pero alam ko ang totoo, kahit bata pa ako noon, nararamdaman ko na hindi okay si Mama simula ng iwanan kami ni Papa, kahit na sinasabi niya sa amin na okay siya, na huwag kaming mag-alala sa kanya.
At nauunawaan ko naman kung bakit ganoon ang palagi niyang sinasabi at ipinapakita kapag kaharap na niya kaming magkapatid.
Noon una bilang anak naghihintay ako sa pagbabalik ni Papa, pero sa katagalan nasanay na rin ako na hindi na namin siya makakasama.
Ang nangyaring paghihiwalay ng mga magulang ko ay masakit para sa akin bilang anak.
Pero mas masakit at mas mahirap na desisyon para sa Mama ko, lalo pa at nawala na ang katuwang ng Mama ko para lamang mapalaki kaming dalawang magkapatid ng maayos.
Lalo pa at hikahos na hikahos kami sa buhay noon at alam kong nahihirapan na ang Mama ko pero ginagawa pa rin niya ang lahat para lamang kami ay buhayin lalo pa at ang klase ng pamumuhay na mayroon kami noon ay katulad sa isang kahig isang tuka.