webnovel

Ang Pagtatagpo

Ano ba ang tadhana? Ito ba iyong nakilala mo siya sa tamang panahon lang? Sa tamang lugar lang? o sa tamang panahon at sa tamang lugar?

Mula sa malayo ay tanaw ang isang matangkad na binatang may dala-dalang mga papeles. Katamtaman ang kulay ng balat nito. Bilog ang mukha, may pagka mestiso, at katamtaman ang laki ng nagniningning nitong mga mata. Sa kanan niyang kamay ay hawak-hawak nito ang kanyang cellphone at panay ang tingin niya rito. Sa kabila nama'y nandiyan ang folder ng mga papeles na makikita mong higpit ang hawak niya.

Ang paisa-isang hakbang sa may hagdanan ay ginawa na niyang tatluhan sapagkat kung naisin niya'y mangyari pa't liparin na lamang ito. Palabas na ito mula sa kompanyang pinagtatrabahoan niya at papunta sa nakaparadang itim na kotse. Limang hakbang na lamang ay abot na niya ang pinto ng kotse nang sumalpok siya sa isang dilag.

"Ay, maryusep!", gulat na bungad ng dilag. Tumilapon ang bitbit niyang pagkain, gayundin ang dala-dalang papeles ng binata. Wasak.

"Sorry, Miss! Hindi kita napa...." natigilan ang binata nang makita niya ang magandang mukha ng dilag na kanyang binangga. Feeling niya, huminto saglit ang kanyang mundo.

"Walang hiya ka! Hindi ka ba marunong tumingin sa dinadaan mo? Natapon tuloy lahat ng pagkain na dala ko." galit na wika ng dilag.

" Sorry po Miss. Marunong naman akong tumingin. May pagtingin nga ako sayo eh... ay este.. babayaran ko nalang ang pagkain mo." tugon niya sa dilag.

"Wag na." maikling tugon nito't umalis na at naiwan siyang pinulot ang nagkalat na papeles.

"Patay ako nito." nakailing at napabuntong hininga pa. "Paano ko ipepresent ito, eh, ang gusot na?"

Padabog siyang naglakad papunta sa kotse at umalis.