webnovel

Kabanata 59

Chapter theme song : Kay Tagal by Mark Carpio

Kabanata 59

Matapos ang ilang araw ay natapos din ang pagpipintura nila Jacob sa loob at labas ng bahay ko. Nakadalaw na rin akong muli sa kanila at nagbigay ng kaunting tulong para sa pamilya niya.

Nang isang araw na lang bago sumapit ang kaarawan ko ay dumaan sa bahay si Apollo. Sasamahan niya kasi akong mamili ng panghanda ko at ng mga kailangan ko rin sa bahay.

"Ano naman 'yan?" puna ko sa bouquet na dala-dala niya. Inabot naman niya sa'kin 'yon at mabilis ko naman itong kinuha. "Bakit may pa-flowers ka pa, e, bukas pa naman ang birthday ko?"

"Syempre!" sagot niya sabay pakita na naman ng mapuputi niyang ngipin.

"Pasok ka na nga," sabi ko na lamang at nilawakan ang bukas ng gate. "Pero salamat ha?"

"Halika muna sa loob. Gusto ko ring makita 'yung hitsura," sabi naman ni Apollo nang matapos kong isaradong muli ang gate. Ngayon lang kasi siya tuluyang makakapasok sa bahay ko.

Napangiti naman ako at mas nauna pang maglakad sa kanya papasok ng bahay ko. Nang makapasok kami ay mabilis naman niyang pinasadahan ng tingin ang bahay ko.

"Binili sa'kin 'to ni Daddy. As a birthday gift," sabi ko sa kanya.

"Ayos, a," komento pa niya. "Pati 'tong furnitures?"

"Oo. Kumpleto na nga halos, e," sagot ko sa kanya.

Napatango-tango naman siya at muli pang pinagmasdan ang bahay ko. Habang nakatingin naman sa kanya ay may bigla akong naalala, kaya hinawakan ko ang braso niya.

"Halika, may papakita 'ko sa'yo," tuwang sabi ko at hinila siya papunta sa kwarto ko.

"Maureen, ba't mo 'ko dadalin sa kwarto mo?" gulat na tanong niya sa'kin nang buksan ko ang pintuan no'n.

Napairap naman ako sa kanya. "Kung ano-anong iniisip mo! May papakita nga lang ako sa'yo."

Nasasabik naman akong hinila siya papasok. Pagkatapos ay kaagad ko siyang dinala sa harapan ng isang naka-frame na larawan sa dingding ng kwarto ko. Gulat na gulat naman siya sa nakita, kaya lalo akong napangiti.

"You. . . You kept this?" tanong niya sabay turo pa sa ginawa niyang sketch dati. Pinaayos ko 'yon at pina-frame. Medyo may lukot na nga lang dahil sa pagkakatiklop ko noon dati.

"Well, 'yan kasi 'yung unang gift na natanggap ko bukod sa regalo ng mga kaibigan ko at ni Itay. Kaya, 'yon, itinabi ko. Tapos pina-frame ko," sagot ko naman sa kanya sabay ngiti. Pagkatapos ay napatingin naman ako sa kanya. "Now, I know kung bakit itinabi ko siya."

"Because of me?" tanong niya saka hinawakan ang ilalim ng braso ko at mas lumapit sa'kin.

Imbis na sumagot ay inilagay ko ang mga kamay ko sa batok niya. Pagkatapos ay napayuko ako at napangiti. Ang mga kamay naman niya ay naramdaman kong humawak sa baywang ko, kaya sobrang lapit na namin ngayon.

"Para 'kong nasa langit ngayon, Maureen. I can't believe this is really happening," sabi naman niya sa akin habang diretsong nakatingin sa mga mata ko.

Napatawa naman ako. "Corny, a? Halika na nga! Maubusan pa tayo ng tinda palengke."

Pero hindi pa rin siya natinag at mas hinigpitan ang yakap sa baywang kong. Umiling-iling pa siya habang may ngisi sa mga labi.

"No, let's just stay like this for a while," sabi niya sa akin.

Nagsalubong naman ang mga kilay ko. "Apollo!"

Hindi pa rin niya ako binitawan at tinawanan lang ang pagsinghal ko sa kanya.

"Kapag hindi mo pa 'ko binitawan, 'di ako magkakamaling umuwi sa El Rico! Sige ka!" pananakot ko naman sa kanya, na para bang gagana 'yon.

Inilapit naman niya ang mukha niya sa akin pagkatapos ay bumulong, "E, 'di lalo kitang 'di pakakawalan."

"Apollo naman!" Tinapik ko naman nang malakas ang matipunong braso niya.

"Eto na nga!" pagsuko niya at saka ako tuluyang pinakawalan. "Balang araw hahanap-hanapin mo rin ang yakap ko."

"Hmp!" sagot ko na lamang at dali-daling lumabas ng kwarto ko. Nang makalabas ako ay nakatayo pa rin siya do'n habang nakatawa sa akin. "Halika na!"

Noon lang siya sumunod sa akin. Pagkalabas naman ay iniligpit ko muna saglit ang mga kalat na naiwan ko sa coffee table nang mag-almusal ako kani-kanina lang. Pagkatapos noon ay kinuha ko na ang bag ko na nasa sofa at saka kami umalis ng bahay.

"Ano ba'ng plano mo sa birthday mo?" tanong ni Apollo habang tinatahak namin ang daan patungo sa palengke.

"Hmm. Pagluluto ko sila ng paborito ko," sagot ko sabay ngiti.

"Adobong pusit?"

"Na may puso ng saging," dagdag ko naman.

"Favorite mo talaga 'yon 'no?" natatawang taning naman niya.

"Oo, e. Ang sarap kaya no'n!" sagot ko naman. "Magluluto rin ako ng spaghetti, tsaka ng salad. Hindi naman malakas kumain 'yong mga 'yon, e."

"E, kasi naman, mga artista 'yang pamilya mo," sagot naman niya. "Pero 'yon lang talaga ang plano mo sa birthday mo?"

"Oo!" kumpyansang sagot ko. "Mas gusto ko pa rin 'yung simpleng buhay kaysa sa buhay na marangya."

"Hindi ka pa rin talaga nagbabago," komento naman niya sabay ngiti. Napangiti na lang din ako.

Ilang sandali pa'y nakarating na rin kami sa palengke at maayos na nakapag-park.

"May listahan ka ba ng mga bibilhin mo?" tanong niya habang inaalis ang seat belt niya.

"Oo," sagot ko at kinuha mula sa bag ko ang maliit na papel na pinaglistahan ko ng mga kailangan naming bilhin. "Eto oh."

"Akin na. Ako na lang ang bibili," utos pa niya sa akin.

"Ha? E, bakit naman ikaw lang? Sabi ko samahan mo lang ako," giit ko naman sa kanya.

"E, pa'no ka? 'Pag may nakakilala sa'yo do'n?" may pag-aalalang tanong niya sa'kin, pero medyo tumaas na rin ang boses niya.

Kinuha ko naman mula sa bag ko ang cap kong itim, pati na rin ang salamin ko.

"Kaya nga dala ko 'to, e," sabi ko sa kanya. "Tsaka, wala na sa'kin kung malaman man ng mga tao. May dapat pa ba 'kong ikatakot? Handa na 'kong harapin ang buhay na 'to, kaya sana, hayaan mo na lang ako."

Matagal niya akong tinignan, pagkatapos ay napabuntong-hininga.

"Sige na nga," pagpayag niya at ngumiti.

Dahil doon ay masaya akong bumaba ng kotse niya at ganoon din naman siya. Nang tuluyan kaming makababa ay kumapit pa ako sa braso niya at sabay kaming pumasok sa palengke. Natatawa na lang din ako kay Apollo, dahil ang dami niyang hindi alam sa pamamalengke.

"Tapos gusto mo pa ikaw lang mamalengke, a?" sabi ko at tinawanan siya.

"Sorry," sabi na lang niya at bumuntong-hininga.

Nagulat naman ako nang biglang may humigit sa damit ko. Pagkatapos ay nagtungo pa sa harapan namin ni Apollo. Isang babae na sa tingin ko'y menor de edad pa.

"Oh my gosh!" Napatakip pa ito ng bibig. "Si Maureen nga!"

"A-Ahm. . ." Medyo kinabahan na ako noon at natantang tumingin sa paligid namin. Mukhang iilan lang naman ang napalingon.

"Please, don't be too loud," sabi naman ni Apollo doon sa babae.

"S-Sorry po!" tarantang sabi naman ng babae. "Fan na fan lang po talaga 'ko. Pwede pong pa-picture."

Tumango naman ako at ngumiti. "Oo naman. Akin na 'yang cellphone mo."

Nanginginig pa ang mga kamay nito nang iabot sa akin ang smartphone niya. Tinanggal ko naman ang shades ko para naman kita ang mukha ko sa picture namin. Dahil doon ay nadagdagan pa ang mga nakatingin sa akin, pero wala naman na akong pag-aalala sa ngayon. Sa katanuyan nga ay nginitian ko pa sila.

"M-Maureen. . ." sambit naman ni Apollo.

"Hayaan mo na," sabi ko sabay ngiti. "I don't have to hide myself now."

Pagkatapos noon ay itinaas ko na ang phone ng dalagita at mas lumapit pa sa kanya. Parehas naman kaming ngumiti habang nakatingin doon sa screen. Nang matapos ay isinoli ko na sa kanya ang phone niya.

"Thank you po!" sabi pa nito sa akin.

At syempre, gaya ng inaasahan ay may lumapit pa sa'king mga tao. Lahat sila ay nagpa-picture. Gulat na gulat sila nang makita ako dito sa palengke ng Doña Blanca. Panay din ang tanong nila ng kung ano-ano.

"Ano pong ginagawa mo dito?"

"May next project ka po ba?"

"Nagshu-shooting po kayo dito?"

"Boyfriend n'yo po ba 'to?"

Napangiti na lang ako sa mga tanong nila na 'yon, pero hindi sumagot. Ang tanging pinaunlakan ko lang ay ang pagkamay nila at pakiki-selfie sa akin. At ang sinasabi ko lang sa kanila ay, "Salamat po sa suporta."

Akala ko nga'y 'di na ako makakaalis do'n, pero mayamaya rin ay hinayaan na nila 'ko. Mabuti naman, dahil may mga bibilhin pa kami ni Apollo. May ilang tindera pa nga na libreng ibinigay sa akin ang mga paninda nila, pero tumanggi ako at nagbayad pa rin. Mas kailangan naman nila 'yon.

"Sabi sa'yo, ako na lang dapat namili," sabi ni Apollo nang makapasok na kaming muli sa kotse niya.

"Ano ka ba naman? Ayos lang 'yon," sagot ko sa kanya. "Wag mo nang isipin 'yon. Alam mo kasi, mas masarap 'yung wala kang worries. Kasi alam mo namang wala kang ginagawang mali."

"Dapat sinabi mo sa kanilang boyfriend mo 'ko. Napagkamalan pa tuloy akong driver no'ng isa do'n," may pagtatampo namang tugon niya.

"Manliligaw ka pa lang naman," sagot ko sa kanya. "Gusto mo agad-agad, e."

"Baka lang naman makalusot," sabi pa niya sabay tawa, pagkatapos ay pinaandar na ang sasakyan.

Hindi muna kami dumiretso sa bahay, at bagkus ay nagpunta muna ng sementeryo. Gusto ko kasi, si Itay ang unang makakilala sa kanya. Siya naman talaga dapat, kahit pa wala na siya.

"Itay, kamusta?" tanong ko matapos ilagay ang bulaklak sa puntod niya. Nagtulos na rin ako ng tatlong kandila. "Ako, heto, handa nang humarap sa panibagong simula. Sana masaya ka po sa mga desisyon ko."

Naramdaman ko namang tumabi sa akin si Apollo.

"Maureen, sorry. I knew your father died on that day. Pero, maniwala ka, sinabi ko naman kay Zeus na magkikita kayo kaya lang—"

"Okay lang 'yon," kaagad ko namang sabi habang nakaharap pa rin sa lapida ni Itay.

"—Kaya lang, si Mama, e," pagpapatuloy pa rin niya.

"Apollo. . ." Binaling ko ang tingin ko sa kanya. "Ilang ulit ko bang dapat sabihin na kinalimutan ko na lahat ng masasakit na nangyari noon? Kasi kung hindi, hindi rin ako makakapagsimula ulit."

"I know, I know," tugon naman niya at napayuko nang bahagya. "Sorry."

Napangiti na lang ako at hinawakan ang kanang kamay niya. Pagkatapos noon ay muli akong tumingin sa lapida ni Itay, na para bang siya nga ang kaharap namin.

"Itay, si Apollo nga po pala," pakilala ko kay Apollo. "Siya po 'yung lalaking makakasama ko sa bagong simula ko."

"Uh, hi po?" sambit naman ni Apollo. "Makakaasa po kayong 'di ko pababayaan ang anak n'yo."

"Narinig mo 'yon, 'tay, a? 'Pag sinaktan ako nito, multohin n'yo po, a?" biro ko naman.

"Hindi kita sasaktan, 'no," sagot naman ni Apollo.

Tinaasan ko naman siya ng kilay, pero napangiti rin dahil sa sinabi niyang 'yon. Ganito pala 'yung pakiramdam na may taong talagang nagpapahalaga sa'yo? 'Yun bang hindi mo na kailangang ipagsiksikan sa kanya ang sarili mo, dahil siya na ang kusang magmamahal sa'yo? Napakasarap sa pakiramdam. Hindi ko maipaliwanag kung ga'no kasaya.

* * *

Kinabukasan, maaga akong gumising para iluto ang mga handa ko. Gusto ko kasi, sa birthday ko na 'to, 'yung mga pamilya at ibang mahal sa buhay ko lang ang kasama ko. Of course, I invited Madam Rhonda and Vincen, too. Nagkaro'n din naman kasi sila ng malaking parte sa buhay ko. Lalo pa't sila ang mga nakasama ko no'ng panahong nagdurusa ako.

Napapunas ako ng mga kamay ko sa apron nang marinig kong tumutunog ang phone ko. Kaagad kong kinuha 'yon at sinagot ang tawag.

"Oh, ba't tumawag ka? Miss mo na agad ako?" biro ko kay Apollo na nasa kabilang linya.

"Just wanna greet you a happy, happy birthday," sagot naman niya.

"Well, then, thank you," sagot ko naman.

"Pupunta na ba 'ko d'yan?"

"What?" gulat na tanong ko. "Excited ka naman."

"Baka lang kasi kailangan mo ng tulong," katwiran naman niya.

"Wag na 'no. I can manage," sagot ko naman. "Sige na. See you later na lang. Isama mo si Mama mo, a. Kahit si Zeus."

"Ako ba talaga gusto mong makita o si Zeus?" may himig ng pagtatampong sabi niya.

Natawa naman ako dahil doon. "Nagselos pa siya."

"Di mo 'ko masisisi. Nasaksihan ko lahat 'yon," giit pa niya.

"Alam mo, Apollo, si Zeus, part na lang siya ng past ko. At magiging part na lang siya ng buhay ko dahil sa'yo. Ikaw, you'll be part of my entire life," madamdaming paliwanag ko sa kanya.

"Talaga?"

"Oo! Apollo, para kang bata!"

"What? I'm just asking for an assurance!" giit naman niya.

"Apollo, naloko na 'ko nang minsan. Alam mo 'yan. Ayoko namang gawin 'yon sa iba, 'no," sabi ko naman. "Ay, masyado na tayong nagiging madrama. Mamaya na lang. See you."

"Okay, see you," sagot niya at kunwari'y humalik pa sa'kin kahit nasa kabilang linya naman siya.

Katanghalian naman nang dumating sa bahay ang pamilya ko. Sakay sila ng van ng pamilya namin at pati si Eunice ay isinama rin nila. Ang kauna-unahan namang yumakap sa'kin ay si Celestia.

"We missed you, Ate!" sabi pa niya pa pagkatapos ay humiwalay sa akin.

"Na-miss ko rin kayo," sagot ko naman.

"So, pinapinturahan mo na pala, 'no?" puna nama ni Daddy habang panay ang pagtingin sa paligid.

Tumango-tango naman ako. "Opo, balak ko nga rin pong maglagay ng mga plants d'yan, e."

"Maureen!" Lumapit naman si Mommy at bumeso sa akin. "Oh, kamusta ka naman dito?"

"Okay lang naman po," sagot ko. "Namimiss ko po kayo."

"E, 'di, umuwi ka na lang sa'min, Ate," sabi naman ni Celestia.

"Celestia," suway naman ni Ate Mercedes.

"Ano pa bang tinatayo natin dito?" tanong naman ni Lola Adel. "Halika na sa loob."

Natauhan naman ako kaya nilawakan ko ang bukas ng gate para makapasok sila. Doon kasi ako sa labas naghanda ng pagkain, para mas presko at mas maganda ang atmosphere. Malilim din naman kasi sa bandang 'yon.

"Okay, sandali, ipasok muna natin sa loob 'yung mga regalo," anunsyo nama ni Mommy, kaya nagsipasukan ang iba sa loob. Naiwan naman si Daddy na sinusuri ang bakuran ko.

"Daddy," pagkuha ko ng atensyon niya.

"Hmm?" Kaagad naman siyang napatingin sa'kin.

"Thank you po ulit dito, a? Tsaka sa culinary school," sabi ko sa kanya.

"Tsk. Ano ka ba naman? Wala 'yon. Anak naman kita, e," saad niya pa at lalo naman akong napangiti dahil doon.

Mayamaya rin naman ay nagsilabasan na sila Mommy at dumiretso na ulit dito.

"You prepared this all by yourself?" tanong sa akin ni Lola Adel.

Tumango-tango naman ako. "Opo! Kaya nga po konti lang, e. Pero konti lang din naman po kayo, e."

"What is this black soup over here?" takang tanong naman ni Ate Mercedes at itinuro pa ang adobong pusit na niluto ko.

Natawa naman ako sa kanya. "Adobong pusit 'yan tsaka puso ng saging."

"Puso?" tanong pa niya habang nakangiwi.

"Hindi naman talaga puso," sagot ko naman.

"Pwede palang i-adobo ang pusit, Ate? I thought baboy at manok lang," sabi naman ni Celestia.

"Naku, kayo talaga! Puro kasi mga sosyal ang kinakain n'yo," sabi naman ni Lola Adel.

"Is this really edible?" tanong pa ni Ate Mercedes.

"Mercedes naman, hinand 'yan ng kapatid mo. 'Wag ka namang ganyan," sabi ni Mommy sabay tapik pa sa balikat niya.

"Sorry, Maureen, a? I don't mean to offend you. We're okay na. Alam mo 'yan," sabi naman sa akin ni Ate.

"Oo, Ate. Okay lang," sabi ko naman.

"Ay, nand'yan na raw po si Madam Rhonda, tsaka si Sir Vincent," sabi naman ni Eunice at dali-daling nagtungo sa gate para buksan 'yon.

"Ba't nga po pala 'di n'yo pa sila sinama?" tanong ko naman sa kanila. "Buti nakarating sila dito."

"Di na kami kasya sa van," sagot naman ni Daddy.

"Hi everyone!"

Napatingin kaming lahat sa gate kung sa'n nandoon si Madam Rhonda. Kaagad ko naman siyang sinalubong.

"Madam!" bati ko sa kanya. "Kamusta ka na po?"

"Ikaw dapat ang tinatanong ko n'yan, 'no!" sagot niya at pumameywang. "Look at your house! 'Pag dumami pa ang projects mo, mas maganda pa dito ang mapapagawa mo."

Hindi naman ako kaagad nakasagot dahil binati naman ako ni Vincent.

"Happy birthday, Reen."

"Thank you," sagot ko sabay ngiti at saka ako muling bumaling kay Madam Rhonda. "Madam, okay lang 'yon. Masaya naman na po ako sa buhay ko dito."

Napabuntong-hininga naman si Madam Rhonda. "Ano pa nga ba magagawa ko? Basta, I'm happy for you."

"Ah, halika na dito," sabi ko at iginiya sila papunta doon sa mahabang mesa.

"Tsk," sabi naman ni Cent sabay akbay sa'kin. "Sayang ka talaga. But, yeah, like Tita Rhonds, I'm happy for ya."

Masaya naman akong pinagsilbihan sila at nang magsisimula na sana kaming kumain ay saka naman may nag-doorbell ulit. Alam ko nang si Apollo 'yon dahil sa text niya sa akin na malapit na sila. Kaya nga rin pinigil muna silang kumain, e.

"Wait lang po, a?" sabi ko sa kanila.

"Oh, I think he's here na," narinig ko pang sabi ni Ate Mercedes.

Maagap naman akong nagtungo sa gate para salubungin si Apollo, pero laking gulat ko nang si Ma'am Helen ang tumambad sa akin. Napaawang ang mga labi ko, pero napangiti pa rin ako. Hindi pa rin talaga kumukupas ang ganda niya magpahanggang ngayon.

"It's nice to see you again, Hija," sambit niya nang lumapit siya sa akin. "Finally."

"Oo nga po, e," sagot ko naman sabay ngiti.

Hinawakan naman niya ang dalawang balikat. "I'm very sorry for all the things I did in the past. If only I knew na ginamit ka lang din ng anak ko, hindi ko na sana nasabi lahat ng mga masasamang baga na 'yon sa'yo."

"Ma'am Helen, wala na po 'yun sa'kin. Matagal ko na po kayong napatawad," sinserong sagot ko naman sa kanya.

"Wag mo na rin akong tawaging Ma'am Helen. Kung gusto mo, Mom na lang," biro pa nito sa akin. Napatawa lang naman ako.

"Yeah, Mama's right. Mom na lang," sabi naman ni Apollo na kararating lang at umakbay pa kay Ma'am Helen.

"Ikaw talaga." Tinawanan ko lang naman siya. "Let's go inside?"

Habang papapunta pa lang kami sa mesa ay nakatanaw na silang lahat sa amin. Si Ma'am Rhonda nga ay namilog pa ang mga mata at napanganga. Sa pamilya ko naman ay parang normal lang, dahil nakilala naman na nila ito dati. Iba na nga lang ngayon dahil ipapakilala ko na siya bilang manliligaw ko.

"Bata ka! Sabi mo sa'kin, PA mo lang 'yan?" sabi naman sa'kin ni Madam Rhonda. Natawa lang naman kami doon.

"So, this is the guy, huh?" sabi naman ni Vincent.

"Uh . . . Mommy, Daddy, si Apollo nga po pala," pormal na pagpapakilala ko sa kanya kina Mommy.

"Boyfri—"

"Manliligaw ko po," maagap kong sabi bago pa iba ang sabihin ni Apollo. Aba, ligaw muna! Ano siya? Sinusuwerte?

Nagkamayan naman sila nila Mommy bilamg pormalidad na rin.

"Oh, alam mo na, a? Nag-usap na tayo," sabi ni Daddy sa kanya.

"Alagaan mo sana nang mabuti ang anak namin, a?" sabi naman ni Mommy.

"Hay, naku! Halika na nga po, kumain na tayo," sabi naman ni Celestia, kaya nagtawanan ulit kaming lahat.

Nagsikilos na nga rin kami at kumain. Nang araw na 'yon, naramdaman kong parang simpleng pamilya lang kami. Walang kahit na anong bahid ng sakit mula sa nakaraan. Masaya lang at walang iniintindi kung hindi ang magagandang bahay. Naisip ko, masarap pala talaga ang buhay na ganito; 'yung simple lang, pero totoong masaya ka.

Itutuloy. . .

Next chapter