webnovel

Kabanata 1

k a b a n a t a 1

Maureen

"Bili na kayo! Masarap 'to!" halos mapaos-paos nang sigaw ni Danica. Ganito kami tuwing hapon. Naglalako kami ng kamote cue at banana cue. Kapwa kami tumigil na sa pag-aaral dahil sa hirap. Kapos ang aming mga magulang. Kaya heto, para makatulong, e, nagtitinda nalang kami.

"Manong, bili na ho kayo, mainit pa ho ito," magiliw kong sabi sa lalaking nagdaan. Iling lamang ang isinagot niya at saka nagmamadaling lumakad paalis. Napasimangot naman ako. Kahit pa sanay na ako dito dahil matagal na naming ginagawa ito, hindi ko maikakailang nahihirapan pa rin ako.

"Hay! Nakakapagod! Mga ayaw magsibili!" reklamo naman ni Danica habang nagpupunas ng pawis gamit ang bimpong nakasabit sa balikat niya. "Maupo nga muna tayo, Mau!"

"Danica naman, parang hindi natin ito ginagawa araw-araw ah? Paano tayo makakaubos niyan kung puro pahinga nasa isip mo?" sermon ko sa kanya. Akala ba niya'y siya lang ang nahihirapan dito? Napaismid siya at tumayo na lamang sa kinauupuan niya.

"Hay naku! Bakit naman kasi naging mahirap pa tayo eh," sambit pa niya. "Balang araw talaga mag-aasawa ako ng mayaman. 'Yung maiaahon kami sa hirap!"

"Naku, Danica, magpursige ka nalang kaysa umasa sa iba," sabi ko. Nabaling naman ang atensyon ko sa aleng bumili ng dalawang stick ng banana cue.

"Nagbabaka-sakali lang naman, Mau," sabi ni Danica nang matapos kong mapagbilhan ang ale.

"Tabi, Danica!" kaagad kong sambit nang may kotseng humaharurot ang nagdaan sa harapan naming dalawa. Dumiretso ito sa parking lot ng parke kung nasaan kami ngayon.

"Ang hambog naman no'n! Porque ba mayaman, gaganon na siya?" inis na sambit ni Danica.

"Yan ang sinasabi ko sa''yo, Danica. Madalas kung sino pa ang mayaman ay siya ang masama ang ugali," paliwanag ko sa kanya. Para akong nanay ngayon na pinagagalitan ang isang anak.

"Teka-ang gwapo naman pala ng driver!" impit na tili niya habang nakamasid sa itim na kotseng iyon. Lumabas mula roon ang apat na kalalakihang halatang mayayaman.

"O, kanina lang, e, inis na inis ka d'yan. Ngayon naman, para kang naengkanto," sabi ko sa kanya. Si Danica talaga. Likas na sa kanya ang pagkahilig sa mga kalalakihan, lalo na sa mga mukhang may kaya. Masyadoo siyang nagpapadala sa mga teleseryeng madalas naming mapanood sa telebisyon.

"Kasi naman, Maureen, ang popogi nila oh! Mga fafa!" tuwang-tuwang sabi niya. Inilabas ng mga lalaking iyon ang kanya-kanyang mga skateboard at nagsimulang gumawa ng mga tricks.

"Sige, Danica, mawili ka d'yan at nang wala kang maibenta. Sigurado, pagagalitan ka ni Tita Maricar," sabi ko sa kanya. Kaagad naman siyang umayos ng tayo.

"Heto na nga! Magtitinda na."

Nang magsilabasan ang mga estudyante mula sa isang unibersidad ay marami-rami na rin ang naging mamimili namin. Maya-maya pa ay bigla akong kinurot sa braso ni Danica. Mabuti na lamang at mahigpit ang kapit ko sa pinaglalagyan ng banana cue namin!

"Mau! Papalapit sila dito!" impit na tili niya.

Napatingin naman ako sa direksyong tinitignan niya. Napailing na lamang ako nang makita ang apat na binatang papalapit sa amin. Bitbit pa rin nila ang mga skateboard nila. Ang isa pa nga ay nakasakay pa roon.

"Banana cue?" tanong ng isang lalaki sa amin. May suot pa siyang sumbrero sa ulohan niya. Nakaputing T-shit siya at may iilang butil ng pawis ang tumutulo mula sa kanyang noo. Ngunit kahit ganoon ang porma'y hindi maikakaila ang ganda ng hitsura nito.

"Ah, oo! Tsaka ito pa, kamote cue," magiliw na sagot ni Danica sa kanya.

"P're, masarap ba 'yan?" tanong ng isang kaibigan ng lalaki.

"Oo naman! Alam mo, doon sa province nila Abuela, palagi niyang pinapaluto 'to sa mga maids," sagot ng lalaki. Dahil sa sinabi niya ay nakumpirma kong mga may kaya nga sila.

"Gusto niyong tikman?" maya-maya pa'y tanong ng lalaki sa kanyang mga kaibigan.

"Ge. Basta ba libre mo," sagot ng isa.

"Kayo talaga," napailing ang lalaki at saka tumawa. "Mas mayaman pa nga kayo sa'kin, e."

Humarap naman siyang muli kay Danica, na kanina pa nakangiti't tulala sa kanya. "Apat na banana cue nga."

"Huy! Apat na banana cue daw." Siniko ko pa si Danica para matauhan siya.

"Ah, o-oo! Heto!" Nagmadali naman siyang ibalot ang apat na banana cue na 'yon.

"Magkano?" tanong ng lalaki.

"Forty pesos lang," sagot naman ng kaibigan ko. Inabot na ng lalaki sa kanya ang bayad na dalawang malutong na bente pesos.

Bahagyang lumayo ang mga lalaki sa amin na abala na sa pagkain ng banana cue habang nagkukwentuhan. Ngunit dinig na dinig pa rin namin dito ang palitan nila ng mga salita.

"Oo nga pala, Marvin, uuwi na raw sila Zeus?" tanong ng isang kaibigan nung bumili ng banana cue.

"Hindi ko alam," sagot ng lalaking tinawag nilang Marvin. "Sabi ba?"

"Sabi ni Kits, e," sabi no'ng nagtanong sa kanya.

"Diba close ang mother mo at mother niya?" tanong ng isa pa.

"But that doesn't mean close na kami," inis na sabi niya. "Tanungin niyo 'yang si Blake-" itinuro pa niya ito gamit ang stick na may banana cue pa "-childhood friends sila eh."

"Ang pogi niya talaga, Mau," bulong sa akin ni Danica na nakatanaw pa rin sa mga lalaking 'yon.

"Naku, Danica, ngayon palang ay sinasabihan na kita. 'Wag ka nang magpantasya sa mga lalaking ganyan. Tatapakan lang nila ang pagkatao natin," mariing sabi ko sa kanya.

"Ayan na nga, Mau. Nahawa ka na sa tatay mo. Bitter sa mayayaman," may halong inis na sabi sa akin ni Danica.

"Naiintindihan ko naman kasi si Itay, Danica. Pinag-iingat lang naman niya ako, at ikaw rin," sabi ko sa kanya.

"Wala namang masama sa paghanga, Mau," sabi pa niya sa akin. Hindi nalang ako umimik pa.

* * *

"May magandang balita ako sa inyo," nakangiting pahayag ni Jacob, kaibigan namin. Kauuwi lang namin ni Danica mula sa pagtitinda ng banana cue at kamote cue. Humahangos pa nga kami dala ng kapaguran sa paglalakad.

"Teka lang, Jacob, ha. Pagpahingahin mo muna kami," sabi ni Danica sabay upo sa bangko na nasa harap ng bahay namin. Ibinaba ko ang mga dala namin at tumabi rin sa kanya.

"Soft drinks? Gusto niyo?" alok naman ni Jacob sa amin.

"Kahit tubig nalang sa akin," sagot ko.

"Syempre, alam mo na, soft drinks sa akin," sagot naman ni Danica.

"Sandali at kukuha ako," sabi ni Jacob. Pumasok muna siya sa bahay at ikinuha ako ng malamig na tubig. "Teka lang, Danica."

Tango lang ang isinagot ni Danica sa kanya.

"Grabe, mas mukhang pagod pa nga siya sa atin, e," sabi sa akin ni Danica nang makalayo-layo siya. Kung pagmamasdan nga ay mukhang kakagaling lang din ni Jacob sa mansyon na siyang pinagtatrabahuhan niya.

Katulad namin ay hanggang elementary lang ang natapos ni Jacob, kaya't sa murang edad, e, nagtatrabaho na siya. Nauna siyang magtrabaho bilang kargador sa isang hacienda. Ngayon naman ay mapalad nga siyang makapasok bilang isang hardinero sa isang mansyon.

"Oh, eto na 'yung soft drinks mo." Inabutan niya si Danica ng soft drinks na nasa supot.

"Salamat," saad ni Danica at sinimulan nang sipsipin iyon. Maya-maya'y nagsalita siya. "Ano nga pala 'yung good news mo kamo?"

"Darating na kasi 'yung mga anak ni Ma'am Helen galing sa Maynila. Naghahanap sila ng mga bagong katulong," pagbabalita niya sa amin. "Nirekomenda ko kayo!"

"Talaga?" tuwang sambit namin ni Danica.

"Oo! Kung matatanggap kayo, hindi niyo na kakailanganin pang maglako ng banana cue!" sagot ni Jacob.

"Mabuti 'yan!" komento ni Danica.

"Bukas na bukas din ay dadalhin ko kayo doon sa mansyon at ipakikilala kay Ma'am Helen," dagdag pa ni Jacob.

"Maraming salamat, Jacob," nakangiting sambit ko sa kanya.

"Oo nga! Salamat," segunda naman ni Maureen. "Sa wakas at hindi ko na kailangang magbabad sa init."

Natawa nalang kaming dalawa ni Jacob kay Danica.

"Sa lahat ng dukha, ikaw ang maarte," komento ni Jacob.

"Bakit ba?" nakanguso namang sambit ni Maureen.

"Oh siya." Tumayo na ako at binitbit ang pinaglagyan ng mga binenta namin. "Maghahanda pa 'ko ng hapunan namin ni Itay."

Iniwan ko nalang silang dalawa doon sa labas. Dire-diretso na akong pumasok sa loob ng maliit naming bahay. Ang laman lang nito ay ang papag na tulugan namin, ang banyo at kusina namin, at ang mesa at bangkong nagsisilbing kainan namin. May TV kami, pero lumang-luma na 'yon. Isa ring lumang stand fan ang nasa paanan ng papag namin.

Ibinaba ko nalang sa sahig malapit sa pintuan ang pinaglagyan ng banana cue at kamote cue. Pagkatapos naman noon ay inilagay ko na sa lata ng biscuit ang pinagbentahan ko sa araw na 'yon.

"Mapupuno rin kita," sabi ko doon sa lata na para naming maririnig ako nito.

Napangiti pa ako bago ako tumungo sa kusina para magluto.

Dalawa nalang kaming magkasama ni Itay dahil namatay si Inay noong ipinanganak niya ako. Dahil doon ay ni hindi ko man lang siya nakita pa. Dumagdag tuloy iyon sa pagiging miserable ng buhay namin ni Itay. . . Siguro kung kumpleto kami, hindi ganito kalungkot ang buhay ko kahit papaano.

* * *

Saktong pagkaluto ko ng ulam naming tuyo ay narinig ko ang tunog ng tricycle ni Itay. Maya-maya nga rin ay narinig ko na ang pagpasok niya sa bahay namin.

"Tay!" bati ko sa kanya.

Sinuklian naman niya ako ng isang ngiti, ngunit halata sa mukha niya ang pagod. May katandaan na ang itay ko, at mas dumagdag pa sa pagkatanda ng hitsura niya ang pagiging payat. Kung minsan, hindi ko maiwasan ang maawa kapag nakikita ko ang kalagayan niya.

Pagkahubad ng kanyang sombrero ay dumiretso na siya sa hapag-kainan. Nagsimula na rin siyang sumandok ng kanin, kaya't umupo na rin ako sa katapat na bangko.

"Oh, magkano naman ang napagbentahan mo?" tanong niya sa'kin.

"600," nakangiti kong sagot. Tinawanan naman niya ako.

"Wag nga ako, Maureen. Hindi ba't kahati niyo pa riyan si Aling Adoria?"

Natawa rin ako dahil doon. Tama si Itay. Bagamat may kalakihan ang kinikita namin ni Danica sa isang araw, maliit pa rin naman ang naiuuwi namin. Si Aling Adoria kasi ang gumagawa ng banana cue na 'yon. Kumbaga siya ang talagang namumuhunan. Kami ay tagalako lang.

"Ano? Tama ako, ano?" paninigurado pa niya.

"Tay naman, ayaw makisakay e," kunwari'y nagtatampong sabi ko, ngunit tinawanan lang naman niya ako.

Kumain na lamang kami nang tahimik hanggang sa maalala ko ang sinabi sa amin ni Jacob kanina. Sasabihin ko ba kay Itay? Nagdadalawang-isip kasi ako. Tingin ko ay hindi niya magugustuhan ang ideya na 'yon.

Sa pagdadalawang-isip ko ay tinignan ko lang siya ng ilang minuto. Tahimik lang naman siyang kumakain, ngunit mukhang may iniisip. Humugot ako ng lakas ng loob upang magsalita.

"Ah, Itay. . ."

"Hmm?"

"Diba nagta-trabaho po si Jacob sa mansyon?" panimula ko.

"Hmm." Ngumuya pa muna siya bago bumaling sa'kin. "Oo nga. Ano'ng meron?"

"Kasi darating daw po 'yung mga anak ng amo nila. Galing daw pong Maynila. N-Naghahanap ng bagong katulong. . ." Habang patagal nang patagal ay pahina nang pahina ang boses ko. Kinakabahan kasi ako dahil naging istrikto ang tingin niya.

"Ano? Ilakas mo'ng boses mo. 'Di ko marinig," kunot ang noong sabi niya sa'kin.

"A, k-kasi, Itay, nirekomenda raw ho kami ni Jacob. Bukas daw po ipapakilala niya kami sa amo niya." Nakagat ko ang labi ko matapos kong sabihin iyon. Labis-labis na ang kaba ko ngayon.

"Wag ka nang sumama sa kanila. Ayos ka na sa paglalako," mariing sambit niya sa'kin.

"A-Ano naman po'ng masama do'n, Itay? Sabi sa amin ni Jacob, maganda raw magpasweldo si Mrs. Lorenzino," sabi ko pa kay Itay. Sinusubukan kong maging kalmado at kausapin siya nang malumanay.

"Oh sige, kung napapagod ka na sa paglalako ng meryenda, papayag akong 'wag ka nang magtrabaho. Basta 'wag ka lang sumama d'yan,"sagot naman sa akin ni Itay, na bahagyang ikinagulat ko.

"Tay, hindi pwede! Gusto ko pong makaipon para magpatuloy ng pag-aaral. Kung 'di na ako magtatrabaho, paano na po 'yon?" tanong ko pa. Hindi ko na napigilan ang emosyon ko't napagtaasan ko na siya ng boses.

Sa susunod na taon sana ay balak naming ipagpatuloy ni Danica ang pag-aaral sa high school. Para sana kahit high school man lang, e, matapos ko.

"Masama ang palagay ko d'yan, Maureen. Tiyak na aabusuhin ka lang ng mga mayayaman na 'yan," sagot naman ni Tatay sa akin.

Mula pagkabata ko ay wala na yata akong narinig sa kanya kung hindi puro masasamang salita tungkol sa mga mayayaman. Hindi ko rin naman siya masisisi. Sa trabaho niyang pamamasahe ng tricycle ay natitiyak kong minsan na siyang nahusgahan ng mga mayayaman.

Tsaka minsan na rin daw siyang namasukan bilang driver sa isang mayaman na pamilya. Wala na raw siyang naranasan doon kung hindi pangungutya at kaapihan.

"Tay, isantabi niyo nalang po muna 'yang galit niyo sa mga mayayaman. Kailangan ko po talaga ito," pakiusap ko sa kanya.

"Patawad, Anak, pero hindi kita mapagbibigyan sa hiling mong 'yan," malamig niyang sabi sa akin.

Wala na akong nagawa nang tumayo siya at walang imik na binitbit ang plato hanggang sa banggerahan. Naiwan ako doong tahimik lang at nakatulala sa pagkain ko.

Bakit ba galit na galit ang itay sa mga mayayaman? Naiintindihan kong natatakot siya dahil sa naranasan niya noon. Pero sa kalagayan namin ngayon, kailangang-kailangan ko ang oportunidad na ito. Naninowala rin naman akong may iba namang mayayamang may mga busilak na puso.

Tsaka, kung makatutol naman si Itay, akala mong iibig na ako sa isang mayaman. Hinding-hindi ko hahayaang mangyari iyon. Magtatrabaho lamang ako doon para sa pag-iipon ko.

Itutuloy. . .

Next chapter