1 Prologue

"Kitra! Hindi ikaw to. Itigil mo na 'to!" Hindi ko pinakinggan ang sigaw ng mga kaibigan ko. Pinagpatuloy ko ang aking ginagawa.

"Lalamunin ka lang ng kasamaan Kitra!" Iginuhit ko sa buhangin ang huling marka ng elemento bago tumayo at tumingala. Itinaas ko ang kanang kamay ko at pumikit.

"Pigilan niyo siya!" Pigilan? Hindi niyo na ako mapipigilan. Malapit ko nang matapos ang ritual.

"Monde. Pyra. Era. Agua. Tinatawag ko kayong apat na tagabantay. Kapangyarihan niyo sa akin ay ialay." Sinimulan ko na ang pagtatawag.

"Liwa. Ang sibat!" Napantig ang dalawa kong tenga sa nadinig kong sigaw. Minulat ko ang aking mga mata at pinagmasdan ang paligid. Lahat ng mga mandirigma ng aming tribo ay nakaabang sa akin sa labas ng bilog na aking iginuhit.

Sinubukan nila akong hagisan ng sibat ngunit ito lamang ay nasunog. Napangiti ako. "Huli na kayo. Hindi niyo na ako masasaktan." Itinaas ko ang kaliwa kong kamay at naglabas ng isang bola nang apoy. "Tama na Kitra. Huwag kang magpaalila sa kasamaan. May oras pa para itigil ito." Hinagis ko ang bola ng apoy sa isang puno at ito ay lumiyab.

"Pinili ko ito. Kapangyarihang walang katumbas." Sigaw ko.

Humakbang siya papalapit. "Ikaw yung itinakda. Bakit mo ba ito ginagawa?"

Pinalakas ko ang ihip ng hangin.

"Hindi ako ang itinakda, alam mo yan." Nagulat ang lahat ng taga-tribo sa sinabi ko.

Napatawa ako ng malakas kasabay nang pag-alog ng lupa. "Ikaw ang itinakda. Ikaw ang pinili ng mga Dyosa."

Lumakas ang alon ng dagat.

"Kitra, makinig ka sa akin." Tawag ni Inay.

Ayoko. Nagpailaw ulit ako ng apoy at tinamaan ang isang ka-tribo namin.

"Kitra! Tama na! Hindi ikaw to." Sigaw ni Almira. Napangiti ako.

"Hindi nga ako ito. Kayo ang dahilan kung bakit ko ito ginagawa. Mga traydor kayong lahat!" Mas lalo akong nakaramdam ng galit. "Ginawa namin yun para sa ikabubuti mo!" Sigaw niya. "TAHIMIK!" Sigaw ko. "Lumuhod kayo sa Reyna niyo mga hangal!" Nagpaulan ako ng malalakas na apoy. Ang sarap nilang tignan. Nagmamakaawa para mabuhay. Pero huli na ang lahat para diyan.

Ipinikit ko ulit ang aking mga mata. "Monde. Pyra. Era. Agua. Tinatawag ko kayo. Quatro---"

Hindi ko natapos ang pagtatawag dahil nakaramdam ako nang isang matulis na bagay na tumusok sa dibdib ko. Pagmulat ko, nakita ako ang isang kutsilyo na umiilaw. Napatingin ako sa harap ko at nakita kong naglalakad siya papalapit sakin. Nakatawid siya sa guhit at pumasok sa bilog.

"P-pa... paano ka.. " Lumabas ang dugo sa aking bibig kasabay ng pagkaupo ko sa buhangin. Hinawakan ko ang aking dibdib. Hindi ito maaari.

Lumuhod siya sa harap ko at hinawakan ang mukha ko. "B-Bakit mo ito nagawa?" Tanong ko. Umagos ang mga luha sa kanyang mga mata. "Patawarin mo ako. Ngunit kailangan ko itong gawin para mailigtas ka."

Napakapit ako sa balikat niya. Unti-unti ko nang nararamdaman ang panghihina.

"Hindi dito matatapos ang lahat. Babalik ako at tatapusin ko ang nasimulan ko. Babaguhin ko ang mundo at ako ang magiging Reyna nito." Bulong ko sa kanya. Unti-unti na akong nilalamon ng kadiliman.

Hinawakan ko ang dalawa niyang pisngi at ngumiti. "Mahal na mahal kita Eros." Sambit ko.

"Liwa."

avataravatar