webnovel

Ika-walong Yugto

Ang sumunod ko ng malaman ay ang pag-gising ko sa puting kwarto habang may maingay na aparato akong nauulinigan. Kahit hirapan pinilit kong imulat ang aking mata, bakit tila kay bigat ng aking pakiramdam. Dinama ko ang aking braso at binti, bahagya ko lamang itong naikikilos, pero mas masakit ang aking sasapnan at likuran. Maya-maya pa ay isang nakaputing lalaki ang aking nakita.

"Maki, mabuti at gising ka na." Pagbati niya. Nais ko sanang tumugon ngunit parang sinisilaban ang lalamunan ko sa pagkatuyo.

"Tu…big." Hirapan akong bulalas sa hindi kilalang lalaki.

Saka ko lamang nakita si Mama ng lumapit siya sa akin at tinulungan akong makainom. Sa kabila ng sakit ng katawan kinaya kong makaupo. Nang mapawi ang luha ko ay ibinalik ko pansin sa aking kapaligiran. Ang swero sa aking kamay. Ang mga hindi maitagong gasgas sa aking braso. Ang naka semento kong kanang paa. Hindi maitatangging nasa ospital ako.

"Anong ginagawa ko dito?" Tanong ko sa doktor na kaharap ko.

"Hindi mo ba natatandaan ang tungkol sa aksidente?" Balik tanong niya?

"Aksidente?" Lito akong tumingin sa kaniya. "Ang huli ko lang natatandaan ay nagpunta akong ospital upang puntahan-" napatigil ako, si Jay, kailangan ako ni Jay. "Asan ako? Anong ospital ito? May Jay Ramirez ba sa ospital na ito? Gaano katagal akong walang malay?" Naluluha akong tumingin sa doktor na aking kaharap.

"May apat na araw kang walang malay." Sagot ni mama. "Pero Maki, ikinalulungkot kong sabihin ngunit pumanaw na si Jay ng gabing maaksidente ka."

Hindi ko na narinig pa ang sumunod niyang sinabi. Hindi ko na rin alam kung alin ba ang masakit sa akin. Ang braso ko? Binti ko ba? Likod ko ba? Sasapnan ko? O puso? Humagulgul ako ng iyak, ramdam ko ang pitak sa aking puso. Bakit? Hindi pa sapat ang ilang buwan naming pinagsamahan. Kulang pa iyon. Marami pa kaming gagawin. Marami pa akong hindi alam tungkol sa kaniya. Bakit ngayon pa? Sandali lang kaming nagsama. Susuklian ko pa ng sobra-sobra ang pagmamahal niya. Paano ko gagawin iyon kung wala na siya? Kung alam ko lang, kung alam ko lang noon pa man minahal ko na siya. Kung maibabalik ko lang ang panahon, gusto kong mahalin siya sa mas mahabang panahon.

***

"Maki, pag hindi ka pa bumangon malamig na tubig na ang gigising sayo." Boses iyon ni mama. Bakit parang bumata ang boses niya, nawala ang hingal na tila ba naging permanente na sa kanya simula noong umabot siya ng singkwenta. At teka bakit parang napaka-higpit naman ni mama? Hindi ba niya nakikita ang mga sugat ko? Nang umalat ko ang aking mata ay napansin kong hindi na iyon ganoon ka bigat. Mukhang mabilis na nakakabawi ang aking katawan. Bigla akong napabangon at hindi ko mapaniwalaan ang bumungad sa aking mata. Isang malaking poster ni Taylor Swift? Teka siya yung mang-aawit na naging paborito ng nakaaraang dekada. Pero hindi iyon ang kataka-taka. Paanong nasa lumang silid ko ako at wala sa ospital?

Napakunot ang aking nuo, bakit ako naririto? Sa aking pg-iisip ay bumukas ang pinto ng kwarto. Doon isang babae na kahawig ni mama ang sumilip. Kahawig niya ito ngunit mas bata, "Ano na Maki mahuhuli ka na sa eskwela!", may panggigigil na sabi niya.

Napatulala ako, nilunok ang laway na nakabikig sa aking lalamunan, "Mama?" halos pabulong kong bigkas. "Kelan ka pa bumata mama? Umepekto na ba yung mga pinapahid mong produkto sa balat mo? Parang sampong taon ang ibinata mo?" Sunod-sunod kong tanong sa kabila ng aking pagkalito.

Hindi lumipas ang segundo ay nasa tabi ko na siya at pak! "Puro ka kalokohan, bumangon ka na, at maghilamos, may pasok ka pa."

"Pasok? Ayaw kong pumasok. Wala akong gana. Isa pa…" Akma kong itataas ang kanang braso ko upang ipakita sa kaniya ang pagkakabenda nito. Ngunit laking gulat ko ng wala man lang itong kagalos-galos. Tiningnan ko ang aking binti ngunit wala din itong kahit ano mang sugat. Iginalaw-galaw ko ang aking katawan iniintay ang pagsakit nito, ngunit wala akong madama. Tumingin ako kay mama na puno ng pagtataka.

Umiling-iling siya, "Puro ka dahilan. Bumaba ka na at mag-almusal." Utos niya sabay labas ng silid.

Napatulala na lamang ako sa aking kinauupuan. Maya-maya pa ay isang musika ang pumukaw sa aking pansin. Isang awitin ni Taylor Swift ang umalingaw-ngaw sa kwarto. Hinanap ko kung saan nag mumula ang tunog hanggang sa makita ko ang isang lumang bersyon ng Blackberry phone sa baba ng aking kama.

'Gema'… ang pangalan ng tumatawag sa telepono. Gema? Hindi ba't nasa ibang bansa siya ngayon? Kailan pa siya nakabalik ng Pilipinas? Lalong lumalim ang kunot ko sa aking nuo, habang sinasagot ko ang tawag.

"Ano, tulog ka pa?" bungad sa akin ng nasa kabilang linya.

"Ano?"

"Sinasabi ko na nga ba eh, malapit na ako sa bahay niyo. Sabay na tayong pumasok."

"Pumasok? Kelan pa kita naging katrabaho?"

"Katrabaho?" Nanahimik si Gema sa kabilang linya. Maya-maya pa'y isang malakas na tawa ang aking narinig. "Mak, nanaginip ka pa ano? Haha- malapit na ako. Pag di ka pa gumising ng maayos iiwan kita."

"Teka kung hindi sa trabaho, saan tayo pupunta?" Hindi ko alam kung anong nakakatawa.

Kahit hindi ko siya kaharap naramdaman ko nag pagtirik ng kanyang mata sa aking tanong, "Saan pa? Pasukan na po ulit. May pasok na po tayo."

"Ano?" Kasabay ng aking pagtatanong ay ang pag-ikot ng aking paningin sa kabuuan ng aking paligid. Ang aparador na puro larawan nina Deither Ocampo at Derek Ramsay. Ang mga nagkalat na libro. Ang larawan ni Taylor Swift sa ding-ding at higit sa lahat ang nakasabit na uniporme sa pinto. Bakit nasa luma ko akong kwarto?

Tumingin ako sa labas ng bintana, nadagdagan ang aking pagkalito ng makita ko ang lumang tindahan ni Nanay Sita, matagal na itong wala, hindi ba't nasunog ito walong taon na ang nakakalipas? Ngunit bakit naririto pa ito? Ibinalik ko aking pansin sa loob ng aking kwarto, nahagilap ko ang kalendaryo sa ibabaw ng luma kong lamiseta.

August 2009

"2009? Hindi ba't…" Anong nangyayare? Bakit ako naririto sa panahong ito?

***

Umupo ako sa silya ng hindi ko namamalayan. Hindi pa rin ako makapaniwala kung bakit ako naririto sa silid na ito, sa panahong ito. Nanaginip ba ako? Sinuri ko ang bawat mukha sa aking paligid. May ilan na aking pang natatandaan ang pangalan ngunit karamihan ay mukha na lamang sa aking alaala.

"Kyaa… Mak alam mo ba? Alam mo ba?" Patiling lumapit sa akin si Carla o sa pagkakatanda ko ay Carlos ang kaniyang tunay na pangalan.

Kunot noo ko sa kaniyang binaling ang aking paningin. "Na nananaginip pa rin ako? At panahon na para gumising?"

"Baliw" Pabiro niyang hinampas ang aking balikat at iniangklang tuluyan ang kanyang kamay sa aking braso. "May bagong dayo." Pabulonong niyang wika sa akin.

"Dayo?" Halos hindi ko na mauniligan ang aking tinig. Bumilis ang pintig ng aking dib-dib. Kung bumalik ang panahon ng labing isang taon-

Hindi ko na napansin ang pag-alis ni Carla sa aking tabi, ang sumunod na tagpo ang nagpatigil ng aking mundo.

Si Jay! Siya iyon hindi ko maaaring pagkamalian ang aking nakikita. Siya iyon! Pinanuod ko lamang siya habang nag-papakilala sa buong klase at hangang sa makaupo siya sa isang silya na itinuro ng maestro.

Dininig ba ng langit ang aking hinagpis? Tinupad ba niya ang kahilingan kong makasama ng mas mahaba si Jay? Kung gayon ay hindi na dapat pa ako mag-aksaya ng oras. Pikit mata kong tinanggap ang sitwasyon na aking namulatan. Sa panahong ito, ako ang unang magmamahal sa ating dalawa.

Next chapter