webnovel

Ika-pitong Yugto

Tulad nga ng sinabi ni Jay ay unti-unti akong napalapit sa kaniya. Hindi ko maitatanging gusto ko ang bawat oras na magkasama kami.

"Sayang," Buntong hininga ko isang gabi kasama siya. Nanunuod ako noon habang siya naman ay nagbabasa sa tabi ko.

Ibinaba niya ang librong hawak at tumingin sa akin, "Alin ang sayang?"

"Sana noon pa man ay nagkalapit na tayo." Sagot ko sa kaniya ng hindi inaalis ang tingin sa telibisyon.

Gamit ang kaniyang kanang braso ay kinabig niya ako papalapit sa kaniya, "Gaano kalapit?" Nanunukso niyang tanong.

Nilingon ko siya at lalong idinikit ang aking sarili sa kaniya, na ultimo hangin ay walang mamagitan sa aming dalawa. "May mas lalapit pa ba dito?" Pabulong kong tanong sa kaniya.

Kapwa naming tinitigan ang isa't-isa, naramdaman ko ng humigpit ang pagkakakapit niya sa aking balikat at unti-unti niyang ilapit ang mukha niya sa akin. "Meron." Bulong niya sa labi ko bago niya tawirin ang natitirang pagitan sa aming dalawa.

Komportable kong ipinatong ang aking kanang palad sa kaniyang dib-dib. Doon dama ko ang pintig ng kaniyang puso na tila tinutumbasan ang bilis ng sa akin. At dahil doon napagtanto kong mahal ko siya. Hindi man ako sigurado noon, na akala ko ay isa lamang pag-hanga ang nadadarama, subalit iba na ngayon, mahal ko si Jay, mahal na mahal ko na siya.

Tinugon ko ang labi niyang nangungusap, buong kapusukan kong kinabig ang batok niya bilang paanyaya. Hindi naman siya nagdalawang isip pa ng palalimin niya ang halik na namamagitan sa amin. Kapwa kami habol hininga ng bahagya siyang lumayo, ipinatong ko ang ulo ko na parang bang nasa alapaap, sa kanyang balikat habang yakap-yakap siya.

Tila ba nasa ilalim ako ng hipnotismo unti-unting inabot ng kamay ko kanyang mukha. Nilakbay nito ang magaspang niyang baba. Dinama-dama ang kaniyang panga sa aking palad. Pinaglaruan ang mga sumisibol na buhok doon. "Mahal kita." Buong sinseridad kong pahayag.

Ilang sandali ang lumipas bago niya hawakan ang kamay ko at dalhin ito sa labi niya. Tumingin siya sa akin at tinitigan ako sa aking mata, hindi ko na kinailangan pang marinig ang sasabihin niya, doon pa lamang sa mga mata niyang iyon alam ko na ang sasabihin niya. Buong ingat niyang hinawakan ang likod ng aking ulo, "Mahal na mahal din kita" sambit niya at buong pagmamahal na hinalikan ang aking nuo.

"Mas mahal kita." Wika ko habang muling ibinalik ang ulo ko sa pagitan ng kanyang leeg at balikat.

"Mas mahal kita, kasi mahigit sampong taon na kitang mahal." Sagot niya na nasa tono na hindi magpapatalo.

"Mas mahal kita, kasi sandali pa lang tayong magkakilala mahal na kita katumbas ng mahigit sampong taon." Nangingiti kong sagot habang lalong isinisik-sik ang sarili sa kaniya.

Napatawa na lamang siya sa aking sinabi, "Sige, ganito na lang parehas na lang nating mahal na mahal ang isa't isa."

"Pero mas mahal pa din kita." Nagmamaktol kong sabi.

"Bakit naman?"

"Kasi gusto kong hilahin pabalik ang panahon para masabi kong ako ang kapiling mo mula noon hanggang ngayon. Kahit sabihin ko mang ang nararamdaman ko sayo ay katumbas ng mahigit sampong taong magkahiwalay tayo, iba pa din na meron tayong babalikang ala-ala sa mga panahong iyon."

"Magkasama na tayo ngayon, hindi ba't sapat na iyon?" Seryosong tanong niya sa akin.

"Basta ba hindi ka mawawala sa piling ko, sapat na iyon sa ngayon." Sagot ko sa kaniya ng may ngiti sa labi at ipinikit ang aking mata.

***

Ilanga raw ko ng hindi nakikita si Jay. Sinusubukan ko siyang tawagan ngunit hindi man lang tumutunog ang kaniyang telepono. Wala rin siya sa kaniyang kwarto, may ilang araw na din itong bakante. Para siyang bula na naglaho. Puno ako nang pag-aalala sa kaniya ng mga oras na iyon. Tatlong araw na siyang wala at wala akong alam kung nasaan siya. Buo ang loob kong binuksan ang kaniyang silid gamit ang susing ibinigay niya sa akin.

Naghanap ako ng maaring magturo sa akin kung nasaan siya. Tinungo ko ang kaniyang lamesa naghahanap ng hindi ko alam kung ano ang hinahanap. Isang papel ang nakatawag pansin sa akin. Doon nakasulat ang numero na may nakalagay, 'Mama'

Nagbabaka sakali kong itinipa ang numero sa aking telepono, kumakabog ang dib-dib kong hinintay na may sumagot sa kabilang linya.

"Hello?" Isang garalgal na boses ng babae ang aking naulinigan.

Lalong dinayo ng kaba ang dib-dib ko ng marinig ko sa tono niya ang pag-iyak, "Mama po kayo ni Jay?" Lakas loob kong tanong, bahala na.

"Sino ito?" Tanong niya sa pagitan ng pagsinghot.

"Nobya po ni Jay si Maki." Kagat labi kong sagot. May kung anong pwersa ang nagtutulak sa akin na ibaba ang telepono, ngunit tinatagan ko ang loob ko. "Ilang araw na po kasi siyang hindi bumabalik sa kaniyang lugar, at hindi ko rin matawagan, nag-aalala lang po ako. Alam niyo po kaya kung nasaan siya?"

Matagal na hindi sumagot ang mama ni Jay sa kabilang linya, sa aking kaba ay kinagat kagat ko ang dulo ng aking kuko, hangang sa marinig kong muli ang tinig sa kabilang linya. Sa aking pagkagulat ay isang nanghihinang Jay ang aking narinig, "Maki…."

"Jay? Jay, asan ka?" Parang tinatambol ang aking dib-dib ng marinig ko siya.

"Maki… pata-"

"Sagutin mo ako asan ka?" Sigaw ko sa kaniya. Isa lang ang importante ngayon, gusto ko lang siyang makita.

"Ospital" Mahina niyang sagot.

"Aling ospital? Saang ospital?" Hindi ko mapakaling tanong.

Nang sabihin niya kung nasaan siya ay mabilis akong lumabas ng silid at tinungo ang pangalan ng ospital na kaniyang sinabi. Pagkababa ko pa lamang ng sasakyan ay tinakbo ko na agad ang sinabi niyang silid na kaniyang tinutuluyan.

Sa pinto pa lamang ay nasilayan ko na siya. Parang dinudurog ang puso ko sa aking nakita. Humpak na humpak ang kaniyang katawan, at tila ba kahit ang pag-upo ay isang parusa sa kaniya. Pigil ang emosyon na lumapit ako sa kaniya, hindi alintana ang ibang mata na nakatingin sa akin. Para sa akin siya lamang at ako ang nasa silid na iyon.

Tikom ang mga labi kong pinagmasdan siya. Naroroon pa din ang mga ngiti sa kaniyang labi. Ngunit banag dito ang lungkot at panghihina. Hindi katulad ng dati na punong-puno ng buhay. Dahil dito ay hindi ko na napigilan ang pag-agos ng emosyon sa aking dib-dib. Napaluhod ako at umob-ob sa kaniyang kama. Hindi ko na kailangan tanungin pa siya. Tanging ang malakas kong hagulgol ang maririnig sa kwartong iyon. Bakit parang kay lupit sa amin ng tadhana?

Nang kumalma ako ay nagpaalam ako sandali sa kaniya. Nangakong babalik nais kong sumagap ng sariwang hangin. Hindi ko kayang makita ang kaniyang katayuan at hindi umiyak. Kanser sa atay? At wala nang magawa pa ang doktor kung hindi ang taningan ang buhay niya? Marahas kong pinahid ang luha na walang patid kung umagos sa aking mukha.

Hindi ko na namalayan kung nasaan ako, kung hindi dahil sa malakas na busina ng sasakyan ay hindi ko makikita ang mabilis na paglapit nito. Ngunit parang bato akong hindi tuminag sa kinatatayuan ko. Mas mabuti na siguro ito.

Next chapter