575 Ang hindi inaasahang kinalabasan

Translator: LiberReverieGroup Editor: LiberReverieGroup

Tinitigan ni Xu Yi ang umaalis na nilalang na magiging future mistress ng sambahayang Si at napalunok na lamang siya. Matagal siyang nakatameme bago siya humarap sa mga manonood para mag-anunsyo, *cough cough…* "Mag… magpapatuloy ang kompetisyon para sa punong kapitan… ang nanalo sa kaninang laban ay si Yuan Sheng. Ngayon, sino ang gutsong humamon kay Yuan Sheng para sa posisyon ng punong kapitan?"

Bumalik na sa katinuan ang pag-iisip ng mga manonood, pagkatapos nilang mapanood ang madugong laban, nang marinig nila ang anunsyo ni Xu Yi...

Ang ilang mga lider na kwalipikadong makipaglaban kay Yuan Sheng ay tinitigan na lamang siya, tiningnan nila ang isa't isa dahil duguan at sugatan na si Yuan Sheng.

Bugbog sarado na si Yuan Sheng… paano pa siya makakapag-laban niyan?

Hindi ba't, hindi makatarungan ang laban kung ang isa ay talo na kaagad?

At saka… mukha nang t*nga si Yuan Sheng… sino ang magtatangkang makipaglaban pa sa kanya...

Naghihingalo si Yuan Sheng habang nakahiga siya sa lapag, lumalabas ang sariwang dugo sa kanyang bibig at ang mga mata niya ay puno ng galit at poot.

Hindi niya tanggap ang kinalabasan ng laban nila.

Paano nangyari ito?! Bobita!

Wala siyang laban kay Ye Wan Wan sa harap ng mga tao dahil bugbog sarado na siya...

Pero kahit anong mangyari, sa kanya pa rin mapupunta ang posisyon na punong kapitan!

"Okay ka lang?" Dali-dali siyang pinuntahan ni Qin Ruo Xi. Nagpatulong si Qin Ruo Xi kay Liu Ying para tulungang tumayo si Yuan Sheng.

Hindi man tulad ng inasahan niya ang kinalabasan ng kompetisyon, kontrolado niya pa rin ang kinalabasan dahil hawak niya ang taong nakakuha ng posisyon ng punong kapitan...

Perpekto na sana ang mga pangyayari kung hindi lang dahil sa babae na iyon...

Nagtanong muli si Xu Yi ngunit wala nang sumagot.

Kaya napa-ubo si Xu Yi at sinabi, "O sige, dahil wala nang hahamon sa kanya, dinedeklara ko na ang panibagong punong kapitan ng Dark Team ay si…"

"A… a… a… ako gusto… ko…"

May biglang sumagot na isang bulol sa oras na iyon.

Humarap si Xu Yi sa binata at sinabi. "Gusto mo ng ano?"

"Gu...gusto ko… gusto… gusto ko…"

Nairita si Xu Yi at sinabi. "Gusto mo siyang hamunin?"

Tumango si Bulol. "Opo!"

Xu Yi: "...Sigurado ka?"

Nag-usap usap ang lahat ng bodyguards nang marinig nila iyon.

"Hindi ba't parang kalokohan na lang ito? Bugbog sarado na nga si Yuan Sheng pero gusto pa rin siyang hamunin ng lalaking 'yon?"

"Oo nga. 'Di ba't panalo na kaagad ang humamon kapag tinuloy ang laban nila?"

...

Napa 'hmph' si Bulol at tinitigan niya ang lahat ng tao. "B-b-bakit… hindi… ko ba siya pwedeng… hamunin? Kapalaran ang makapagsasabi kung mamamatay o mabubuhay ka sa loob ng ring. Sisihin niya ang walang kwenta niyang pakikipaglaban sa pagka-talo niya… walang kinalaman ang iba sa kagagawan...niya, a-anong… kinalaman ko sa ginawa niya? At saka… galit ako sa mga lalaking… nananakit ng babae…"

Bihira na makapagsalita ng maayos si Bulol.

Ngunit nadismaya ang lahat nang marinig nila ang sinabi ni Bulol.

Nanakit ng babae?

Saang bahagi ng mata niya ang nakakita na binugbog ni Yuan Sheng ang babaeng 'yon?

Si Yuan Sheng kamo ang binugbog ng babae!

Napakasama ng nangyari sa kanya...

Mayabang na tumalon papasok ng ring si Bulol pagkatapos niyang magsalita.

Halos mamatay sa galit si Yuan Sheng, na bugbog sarado na, nang marinig niya ang yabang at kasiguraduhan sa boses ni Bulol. "Ikaw…"

Hindi na kapana-panabik ang resulta ng kompetisyon...

Halos mapilay si Yuan Sheng sa pambubugbog sa kanya ni Ye Wan Wan. Hirap na siyang tumayo pabalik ng ring at nang umatake siya ay bigla siyang sinipa hanggang sa mapa-higa na lamang siya sa lapag.

Pinunasan ni Xu Yi ang kanyang pawis at nag-anunsyo siya, "Bulol… ay, si… Feng Xuan Yi ang panalo! Meron bang may gustong humamon kay Feng Xuan Yi?"

Nagtinginan na lamang ang mga manonood at wala silang intensyon na umakyat sa ring para hamunin pa si Feng Xuan Yi.

Natalo si Liu Ying kay Yuan Sheng at natanggal rin siya sa posisyon na lider kaya hindi siya kwalipikado na hamunin ang punong kapitan.

Pagkatapos matalo ni Eleven kay Yuan Sheng, ayaw na niyang hamunin si Bulol dahil nasa kanya pa naman ang posisyon na team leader.

Ang pinaka magaling na manlalaban ng mga lider ay ang lider ng Dark Team 3, ngunit natalo na siya ni Bulol kanina kaya ang ibang mga lider ay hindi na magmamalaki na magboluntaryo para hamunin pa si bulol...

Kaya ang resulta ng kompetisyon para sa punong kapitan ay...

Nakita ni Xu Yi na wala nang hahamon pa kay Bulol kaya nagdeklara na siya, "At dahil wala nang may gustong humamon sa kanya, ang pinakabagong punong kapitan ay si… Feng Xuan Yi!"

Umalingawngaw sa buong training grounds ang boses ni Xu Yi nang inanunsiyo niya ang hindi inaasahang kinalabasan ng kompetisyon.

avataravatar
Next chapter