1 Pahiram

"Ito lang po ba ma'am?" Tanong sa akin ng cashier habang ipina-punch ang dalawang libro at mga yellow pad.

"At dalawa rin po palang box ng G-Tech, point 4." Napapagastos tuloy ako dahil sa kaibigan kong baliw. Yung walang-hiyang nilalang na yun, nako! Bwisit siya. Nakailang hiram na ng ballpen sa akin, ni-isa wala pang bumalik.

"Thank you, ma'am." Nginitian ko ang cashier habang kinukuha ang mga pinamili ko at nagmadaling bumalik sa school.

"Narinig niyo ba? Nililigawan niya daw si Sophia." Sandali akong natigilan nang marinig ko ang tsismisan ng mga babae sa daraanan ko. Gusto ko pa sanang makinig pero ayaw ko namang maging tsismosa kaya pinili ko na lang na dumiretso ng lakad at puntahan ang walang kwenta kong kaibigan.

Nang makita niya ako ay kaagad niyang kinuha ang plastic bag na hawak ko at kinalkal ang laman nito kahit hindi pa ako nakakaupo.

"Uy! Ballpen! Pahiram akong isa." Agad kong inagaw ang box ng ballpen bago niya pa mabuksan. "Ito naman, para hiram lang. Damot!"

"Ewan ko sayo, Clark! Hiram, hiram ka diyan. Dapat ang sinasabi mo, hingi. Kasi kapag nanghihiram ka naman, wala nang bumabalik." Umupo ako sa tabi niya at nakikain sa chichirya niyang nakapatong sa mesa.

"Ayaw ko ngang humingi. Gusto ko hiram lang. Tsaka, anong hindi ako nagbabalik? Hindi ah! Kailan nangyari yun? Lahat ng hinihiram ko sayo, ibinabalik ko." Nilingon ko siya at kinunutan ng noo.

"Palagi kaya. Yung notebook ko last week, yung yellow pad nung isang araw, yung stapler kahapon, yung flash drive ko last year. Basta, marami pang iba. At ang pinakamalala, halos araw-araw, yung mga ballpen ko!" Ngumiti lang siya sa akin at iniabot ang plastic ng chichirya para bigyan ako.

Ibinato ko sa kanya ang plastic at sinimangutan siya. Kanina pang walang laman yung plastic nung inabot niya sa akin tapos isisisi niya sa akin na ubos na. Kainis!

"Uy, wag ka ngang sumimgangot diyan. Masyado kang cute, hindi ko kinakaya." Sinundot niya ako sa tagiliran kaya natawa ako.

"Tignan mo, ako talaga ang nagpapasaya sayo eh."

Umayos ako ng upo dahil sa sinabi niya at seryoso siyang tinignan.

"Clark, diba gusto mo si Sophia?" Napatigil siya sa pagbubukas ng bagong plastic ng chichirya at nilingon ako nang nakakunot ang noo.

Hindi siya nagsalita kaya ako naman ang sumundot sa tagiliran niya. "Uy!"

"Ha? Oo."

"Hindi mo ba siya liligawan?" Parang biglang may bumara sa lalamunan ko. Hindi ko alam kung bakit ko tinatanong ang mga bagay na to kahit na alam kong masasaktan lang ako.

"Mia, magkaiba ang gusto sa mahal. Kapag mahal ko, saka ko lang liligawan. Bakit?" Hindi ko alam kung dapat bang gumaan ang loob ko dahil sa sagot niya. Kapag mahal niya… Ibig sabihin, hinihintay niya lang na lumalim yung nararamdaman niya.

"Uy!"

"Ha? Ah… Narinig ko kasi kanina na may nanliligaw na sa kanya."

"Kung sinuman yun, bahala siya. Basta ako, dito lang ako. Kakain ng chichirya kasama ang best friend ko." Nginitian niya ako at inabutan pa ng chichirya.

Yes, my life is really cliché. I am in love with my best friend but he doesn't feel the same way. Okay lang naman sa akin na hanggang kaibigan lang ako eh. Pero hindi ba pwedeng wag na lang siya magkagusto sa iba? Natatakot ako na dumating ang araw na maging sila ni Sophia. Natatakot ako na baka mawala na siya ng oras para sa akin. Natatakot ako na baka kapag gusto ko siyang makasama, kailangan ko pa siyang hiramin.

Lumipas ang mga araw at inuulit-ulit pa rin ni Clark na gusto niya si Sophia. Sa bawat araw na yun, kinukulit ko siya na ligawan niya na. At sa bawat araw ring yun, sinasaktan ko lang ang aking sarili.

"Mia, pahiram naman ako ng ballpen!" Patakbo siyang lumapit sa akin at umupo sa tabi ko.

"Ayan ka na naman! Hihiram ka na naman tapos hindi mo na naman ibabalik!" Bago ko pa maibigay ang hinihiram niyang ballpen, nagsidatingan ang iba pa naming mga kaibigan at pinagkaguluhan siya. Ginulo nila ang buhok niya at nagtawanan habang ako, pinapanood lang sila.

"Liligawan mo na raw?"

"Gawan mo kaya ng kanta, pare?"

"Baka naman gusto mo pang sulatan ng love letter?" At mas lalo pa silang nagsitawanan. Para akong nabibingi. Alam kong naiintindihan ko ang nangyayari pero bakit parang ayaw tanggapin ng sistema ko? Bakit parang ayaw iproseso ng utak ko?

"Sandali lang, manghihiram pa nga lang ako ng ballpen eh. Mia—" Natumba ang upuan dahil sa mabilis kong pagtayo kaya natahimik silang lahat.

"ANO? MANGHIHIRAM KA NA NAMAN NG BALLPEN? BAKIT, PARA SAAN? PARA SULATAN NG KUNG ANO YANG LILIGAWAN MO?" Hindi ko na alam kung paano siya iintindihin. Basta galit ako. Galit na galit ako.

"Mia, pahiram lang naman ako ng—" Bago pa niya matapos ang sasabihin niya, sinampal ko na siya.

"WALA! WALA AKONG IPAPAHIRAM SAYO! ANG KAPAL DIN TALAGA NG PAGMUMUKHA MO PARA SA AKIN PA MANGHIRAM. ANONG GUSTO MONG IPARATING, HA?! HINDI KA MAN LANG MARUNONG MAKIRAMDAM, CLARK. WALA KANG KWENTA!" Kaagad na akong tumakbo paalis.

Pagkarating ko sa bahay, walang tigil na tumulo ang luha mula sa mga mata ko. Hindi ako makahinga at naninikip ang dibdib ko. Naglalaban ang galit at sakit. Walang gustong magpatalo. Naiinis ako sa sarili ko. Akala ko, kaya ko siyang suportahan. Ako pa talaga ang naunang magtulak sa kanya para ligawan siya, hindi ko naman pala kaya.

Dumaan ang mga na nasasalubong ko siya pero hindi ko siya pinapansin. Hanggang ngayon galit pa rin ako—galit ako sa sarili ko. Isa pa, hindi ko alam kung paano siya kakausapin. Ngayon pa at malinaw na sa akin kung gaano ko siya gustong panghawakan. Ayaw ko na siyang itulak palapit kay Sophia. Gusto ko, laging nasa tabi ko lang siya. I know it's selfish kaya hindi ko siya magawang kausapin. Kasi baka yung selfishness ko pa ang tuluyang sumira sa amin.

Napabangon ako mula sa pagkakahinga nang dalhin ng ate ko ang telepono sa kwarto. Kinuha ko ito at hinintay na makalabas siya bago magsalita.

"Hello?"

[Mia, hija! Kailan ka ba pupunta ulit dito sa bahay? Namimiss na kita.]

Hindi ko alam kung anong isasagot ko sa nanay ni Clark. Ni-hindi ko rin alam kung paano ko ipapaliwanag ang sitwasyon namin ng anak niya.

[Mia? Nandiyan ka pa ba, hija?]

"Ay, opo, tita."

[Alam mo hija, kung anuman ang nangyari sa inyo ng anak ko, sa inyo na yun. Hindi ko na kayo pakikialaman. Pero kung nag-away man kayo, sinasabi ko na sa iyo, kayong dalawa yun, at hindi tayo. Kaya hija, bisitahin mo naman ako. May bago akong cake recipe. Wala si Clark dito sa bahay kaya kung siya ang pinoproblema mo, pwede kang pumunta dito nang hindi siya kailangang makita.]

"Sige po, tita. Pupunta na po ako diyan. Magpapalit lang po ako."

[Hihintayin kita.]

Ibinaba niya na ang tawag kaya naman tumayo na ako para magbihis. Ginamit ko na rin ang kotse ko para mas mabilis akong makarating sa kanila.

"Tita? Nandito na po ako!"

"Nasa kitchen ako, hija!"

Ibinaba ko ang mga gamit ko at tumungo sa kusina nila.

"Hello po, tita."

"Mia! Namiss kita." Yumakap siya sa akin at bumeso kaya ganun din ang ginawa ko.

"Naihanda ko na yung mga ingredients. Tama na rin ang measurements ng mga yun. Yung recipe notes, nasa mesa. May gagawin lang muna ako sa likod."

"Sige po." Ngumiti siya at umalis na. Naging abala ako sa paghahalo ng ingredients. Lagi ako dito sa bahay nila nun at kapag wala kaming magawa, pagbebake ang pinagkakaabalahan namin ni tita.

"Tapos na ba?" Lumapit siya sa akin at may dalang pan.

"Opo, tita. Ready na po ito para sa oven." Inabot ko ang pan na dala niya at ibubuhos na sana ang naihalong ingredients nang pigilan niya ako.

"Ay, sandali! May nakalimutan pala tayo." Lumapit siya sa bar counter at parang may hinahanap. Susubukan ko sanang tulungan siya pero bigla siyang humarap kaya nagkabanggaan kami at nabuhos sa akin ang citrus juice na laman ng pitcher na hawak niya.

"Nako! Sorry, hija. Magpalit ka't baka magkasakit ka." Hinila niya ako papasok sa guest room at inabutan ako ng damit. Oo, may damit ako dito sa bahay nila. Madalas kasi akong dito sa guest room nila natutulog tuwing nagmu-movie marathon kami ni Clark.

Kinuha ko ang damit at pumasok sa banyo. Pagkatapos kong maligo ay saka ko lang napansin ang damit na ibinigay niya. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Para akong nabato sa kinatatayuan ko.

"Mia, matagal ka pa ba, ija?"

"Palabas na po, tita!" Kaagad kong isinuot ang green na dress at lumabas na.

"Kasya mo pa rin pala!" Nginitian ko lang siya.

"Oh siya! Dumiretso ka na sa likod at ako na bahalang tumapos sa ginagawa natin." Sinunod ko siya habang kinikilatis pa rin ang damit na suot ko.

Ito yung regalo sa akin ni Clark noong 16th birthday ko. Halos tatlong taon na rin ang nakalipas pero hanggang ngayon, ang gaan pa rin ng pakiramdam ko habang suot ito.

Pagkadating ko sa likod ng bahay, ang daming papel na nakasabit. Hindi basta-bastang mga papel dahil may mga sulat ang mga ito. Nagpatuloy ako sa paglalakad habang nakatingala sa mga ito nang may higit na nakaagaw ng atensyon ko.

Napangiti ako habang tinititigan ang tree-house. Dito kami madalas maglaro dati. Matagal-tagal na rin pala akong hindi nakakapunta dito. Sa tuwing yayayain ko kasi si Clark na pumasok sa tree-house, lagi niyang sinasabing hindi pwede kasi hindi pa daw nalilinisan.

Wala sa wisyo akong umakyat sa hagdan. Parang pinangungunahan ako ng mga paa ko. Napatawa na lang ako sa sarili ko nang subukan kong buksan ang pinto. Naka-lock.

Bababa na sana ako nang makita ko ang pot ng Sweet William. Kaagad kong kinapa ang likod ng pot at napangiti nang makapa ko ang isang susi.

Kaagad kong kinuha ito at binuksan ang pinto ng tree-house. Halos walang nagbago. Lumapit ako sa isang shelf at pinagmasdang mabuti ang mga laman nito. Isa-isang nagtuluan ang mga luha mula sa mga mata ko. Mga mug na puno ng ballpen ang laman ng shelf. Mga ballpen ko. Alam ko dahil lahat ng ballpen ko ay nilalagyan ko ng maliit na papel na pangalan ko ang nakasulat.

Akala ko, kaya walang bumabalik sa mga ballpeng hinihiram niya ay dahil nawawala niya ang mga ito. Pero bakit? Kung hindi niya nawala, bakit hindi niya ibinalik at nilagay na lang dito?

Sinimulan kong tumingin sa paligid at lalong tumulo ang mga luha ko. Lahat ng hiniram niya, lahat ng hindi niya ibinalik, lahat ng mga bagay na akala ko ay hindi niya pinahalagahan... nandito.

"Clark naman." Napaluhod na ako sa sobrang panghihina. Hindi ko na rin mapigilan ang pagtulo ng mga luha ko.

"Mia…" Napalingon ako sa likuran ko at naabutan si Clark na nakatayo. No. Ayaw ko muna siyang makita. Not now please.

Lalapitan na sana niya ako pero inipon ko lahat ng lakas ko para makatayo. Iniwan ko siya sa tree-house tuluyang naglakad palayo doon.

Nang malapit na ako sa pintuan ng bahay nila, nahulog ang isa sa mga nakasabit na sulat. Pinulot ko ito at binasa habang patuloy sa paglalakad.

MamaMia, here we go again. Haha Hiniram ko na naman ang ballpen mo at siguradong minumura mo na naman ako habang nakakunot ang noo. I don't know why but I can't help it. For every pen I borrow, I fall deeper, Mia.

Natigilan ako sa paglalakad at bumalik sa kung saan nakasabit ang mga sulat. Namumuong muli ang mga luha sa mata ko kaya gusto kong kumpirmahin kung tama ba ang nabasa ko. Kumuha ako ng isa pang sulat na nakasabit at binasa ito.

You evil girl. Alam mo ba kung gaano kasakit na itinutulak mo ako sa iba? Alam kong nasasaktan ka sa ginagawa mo. Nakikita ko, Mia. I'm not that dense. But you are. You can't even see through me.

Tuluyan nang tumulo ang luha ko at umabot pa ako ng ilan pang mga sulat.

Maalala mo nung mga bata pa tayo? Yung araw na pinagsisisipa ko yung mga trashcan, may isang babaeng lumapit sa akin hawak ang isang pink at maarteng ballpen. Sabi niya, hindi ko mailalabas ng mabuti ang nararamdaman ko sa simpleng pagsipa lang ng trashcan kaya isulat ko na lang. Simula nung araw na yun, sinabi ko sa sarili ko, sa babaeng yun na lang ako manghihiram ng ballpen sa buong buhay ko.

"Mia…" Nilingon ko siya na ngayon ay mapupungay ang mga matang nakatitig sa akin. Naglakad siya para bang pinapakiramdaman kung papayagan ko siyang lumapit.

"Clark..." Hindi ako umiwas. Bumuntong hininga siya at dinampian ng panyo ang mga luha ko. Inabot sa akin ang panyo na ginamit niya. Pinagmasdan ko ito at nagpatuloy sa pagtulo ang mga luha ko. Yung panyo, akin yun. Hiniram niya sa akin nung minsang sabuhusan siya ng softdrink sa cafeteria.

"Mia, ikaw na rin ang nagsabi, sa tuwing may hinihiram ako sa iyo, hindi na bumabalik. Na sa tuwing gamit mo ang hinihiram ko, automatic nang sa akin yun. Sa totoo lang, sa ilang bagay, gusto kong ganun ang mangyari. Alam ko nakita mo lahat ng nasa tree-house."

"Sabi mo—"

Naputol ang sasabihin ko dahil bumuntong hininga siya.

"Mia, diba sa ating dalawa ang tree-house? Ibig sabihin lahat ng laman nun, atin. Mia, I've returned everything I borrowed." Iniabot niya sa akin ang isa pang papel.

I finished fixing our house today. God, I don't know what's happening to me. This is so gay and I'm getting addicted to the idea of conjugal property, Mia. I want to think of it as our own house and that everything in it is our shared-property. You still don't notice it but I continue to fall.

Humahagulgol na ako sa pag-iyak habang tahimik lang siyang nakatayo sa harapan ko.

"Bakit yung ballpen?" Hindi ko na kasi alam kung anong sasabihin ko. Hindi siya umumik at pumikit.

"Clark…" Dumilat siya at hinaplos and butil ng luhang kumawala sa mata ko. Bumuntong hininga siya at tinignan ako sa mata.

"Maalala mo nung una tayong nagkita? Sabi mo, mas mailalabas ko ang nararamdaman ko kung isusulat ko. Kaya ballpen ang lagi kong hinihiram sayo dahil ang dami kong love letters na gustong isulat para sayo. Nakikita mo ba yang mga yan? Lahat niyan para sayo." Parang ilog na ulit ngayon ang pag-agos ng mga luha ko at hindi siya magkandaugaga sa pagpunas nito.

"Mia..." Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko.

"Mia, may huling bagay pa sana akong gustong hiramin sa iyo. Pero sa pagkakataong ito, hindi ko na maibabalik sa'yo dahil hindi ko pwedeng basta na lang iwan sa tree-house."

Kahit lawa na ang luha ko, nginitian ko pa rin siya. "Ano yun?"

"Pwede ko bang hiramin ang puso mo?" Para akong nabato sa kinatatayuan ko. Aangal na sana ako pero bigla niyang pinisil ang pisngi ko.

"Wag ka nang umangal, hinihiram ko na nga e."

Nginitian ko siya at tumango kaya naman hinila niya ako para yumakap. "Mahal kita, matagal na."

"Mahal din kita." At lalong humigpit ang yakap niya.

~end

avataravatar