13 APPLE OF THE EYE!

*PORTUGUESE DANCER*

Isang araw nagkita kami ni Friend sa pilihan ng Wynn. Napag-usapan naming tumambay sa Sands Hotel and Casino mamayang gabi, may pakulo daw ang casino sa gabing darating. Noong sumapit ang gabi, tinawagan ko s'ya na sa plot nalang nila ako dederetso dahil napaaga ang pagpunta ko. Nagkita kami 'non sa labas ng kanilang plot, siguro mga 7pm ako nakarating sa kanila. Malapit lang din ang kanilang plot sa Sands, walking distance lang.

Nu'ng makaakyat na kami sa plot nila. ('Di ko na maalala kung anung floor sila.) Nakita ko ang isang bugkos ng mga damit sa gilid ng kabilang pintuan ng kanilang plot. Nakakalat 'yon sa labas. Sabi sa'kin ni Friend, mga gamit daw 'yon ng Indonesian na babae. Hindi daw ito nakakabayad sa renta ng bahay kaya pinadlockan na ng intsik. Naalala ko tuloy ang mga gamit kong napadlock. Masuwerte pa rin s'ya at nilabas pa ng intsik ang mga gamit n'ya, samantalang ako ay nasa loob ng bahay at naiwan.

Maliit lang ang plot nila friend, kung tutuusin isa lang itong kwarto na may isang kama at c.r sa loob. Tatlo lang silang babaeng magkakasama 'don at sapat na ang space na 'yon sa kanilang tatlo, kumpara naman sa'min na parang bahay na at may kalakihan. Mura lang din ang upa nila doon.

Bumaba kami ni friend sa kanilang plot, nakasalubong namin ang kanyang dalawang kasama sa baba. Sinabi ng isa dito na hintayin nalang sila at sabay-sabay na kaming pumuntang Sands kaya bumalik ulit kaming lahat sa kanilang kwarto, doon ay tumambay kami ng kaunting oras. Nagpaalam ako 'non kay friend kung pwedeng manigarilyo sa loob, pumayag naman sila kaya nagsindi na'ku ng yosi. Si ate na kasama nila ay humingi sa'kin ng isang stick samantalang ang isa pang babae ay naingganyong gumaya na din sa'min. Kumuha s'ya ng sigarilyong nakapatong sa munti nilang lamesa, habang si friend naman ay hindi naninigarilyo. Halos napuno ng usok ang kanilang kwarto dahil sa mga sigarilyong hinihithit buga namin. Parang nagkaroon ng instant fog sa loob ng kwarto. Si Friend 'non, maubo-ubo na, hanggang sumapit nalang ang oras ng aming pag-alis. Nakaubos din kami ng tigda-dalawang stick ng sigarilyo, andon na din ang konting kwentuhan at mga ilang tanong sa'kin ng mga kasama ni Friend. At napagkamalan pa ata nila akong boyfriend nito.

Dumating kami sa Sands hotel and casino 'nung gabing iyon, doon sobrang daming tao sa casino. Halos lahat ng pumipila sa Wynn na pamilyar sa'kin ang mukha ay nandon, maging ibang mga tao din. Hindi ko na matandanan kung anung pakulo ng casino basta ang alam ko lang namigay sila noon ng pera. Hindi na din ako noon humalo pa sa karamihan, dahil ayoko talagang makipagsiksikan sa mga tao. Umupo nalang ako noon sa isang sulok, habang sila friend ay nasa kompulan ng mga tao.

Pumunta ako noon sa stage ng casino, doon may pumukaw sa paningin ko. Nakita ko noon ang isang show ng mga Portuegese dancers, mapababae man o lalaki. Isang babaeng nagsasayaw ang kumuha sa'king atensyon. Nakadress na kulay pula na walang manggas ang suot nila. Ang kanyang buhok ay kulay itim na makintab at malambot na bagsag, at bob cut ang kanyang gupit. Sobrang puti nya at ang kinis ng kanyang balat. Meron din s'yang matangos na ilong at kaakit-akit na mga mata. Sobrang ganda n'ya talaga! Para s'yang modern version ni Marilyn Monroe. S'ya rin ang pinakamaliit sa kanila kaya kaunti lang din ang tangkad n'ya sa'kin.

Isang perpektong kagandahan at pangangatawan ng isang babae ang bumabalot sa kanya. Kung makikita mo s'ya, s'ya na rin siguro ang papangarapin mong mapapangasawa. Halos lahat ng tao 'don ay sa kanya nakatingin, maging mga intsik ay manghang mangha sa kanyang kagandahan. Ika nga, s'ya ang naging center of attraction nu'ng gabing iyon. Naaliw ako noon sa kanya at humanga na din. Siguro, kung marami akong pera tiyak na makikilala ko s'ya ngunit hanggang tingin na lang ako at pantasya na lang din sa kanya.

Hindi na'ku 'non umalis ng pwesto hanggang sa sila'y matapos nalang sa kakasayaw. Sobrang pawisan na n'ya noon, makikita mo 'yon sa kanyang balat habang sumasayaw ng kanilang katutubong sayaw. Ang ganda talaga n'ya at ako'y nabibighani sa kanya. Gumagapang ang kanyang mga pawis sa mga parte ng katawan n'ya maging sa kanyang mukha at maganda 'yon sa mga mata.

Umalis na lang kami ng Sands ng magyaya na sila friend na lumipat na lang kami ng ibang casino. Pumunta kami noon sa mga kalapit na casino. Sa Pharoh casino, doon kami tumambay ng ilang oras. Luma na ang casino na 'yon at 'di naman kalakihan, kung baga, parang small time na lang na casino na tinalo na ng mga malalaki at magagandang mga bagong casino. Ako'y nanigarilyo nalang sa loob ng casino. Hanggang sa ako'y inantok nalang at nagpasya ng magpaalam kila Friend. Umuwi ako nu'ng halos hating gabi na, naglakad nalang ako noon at malayo-malayo din ang aking nilakad.

Dumating nalang ako sa bahay at nahiga na sa'king kama. Pinapantasya ko ng gabing iyon ang isang Portuegese dancer. đŸ’ƒđŸ»

avataravatar
Next chapter