webnovel

Chapter 2 - JOSH

Mabilis na tinahak ng pawisang binata ang makipot na iskinita patakbo sa isa pang iskinita at sa isa pa hanggang marating ang isang sulukang bahagi na walang mg tao. Hingal na sumandal sa dingding at mula sa kaliwang bulsa ay inilabas ang isang kahang yosi na iilan na lamang ang laman, at ang lighter at nagsindi ng sigarilyo... nakailang hiti't buga ito sa gitna ng paghingal, pawisan, nang mula sa kanang bulsa nito ay inilabas ang wallet ng kanyang pinatripan. Di siya umaasa ng maraming pera mula dito, basta makabili lang ng yosi ay sapat na...

Laman ng wallet ay isang lumang ID ng binatilyong iyon na ni hindi niya binigyang pansin. Patuloy ang pagbuklat ng wallet nang makita niyang may isang daang piso ito at iilang bente pesos at barya. Ayos na to! Usal niya sa sarili, masasagot na nito ang ilang bisyo niya tulad ng sigarilyo at alak.

Isasara na niya ang hawak na wallet nang mula dito ay may nahulog na mga banig ng gamot... medyo marami ito at masasabing higit sa limang piraso. Dinampot niya mula sa pagkakahulog sa sahig ang mga piraso ng gamot at sandaling tiningnan pa ang mga ito. Alam niya na hindi ito mga pangkaraniwang gamot tulad ng paracetamol para sa ubo at sipon.

May kung anong tusok ng konsiyensya ito sa binata. Ano tong mga 'to at para saan? Tanong niya sa sarili. Alam niya na di ito basta-basta mga gamot lamang. Buwiset! Ito ang mga bagay na ayaw na ayaw niya. Yung mga bagay na pagiisipan niya at kumikintil-kintil na mga katanungan sa utak niya.

Inipon nya ang mga ito at muling ibinalik sa loob ng wallet. At patabog na nagpatuloy sa paglalakad. Makabili na nga ng yosi!

Alam niyang huli na siya sa unang klase ngunit hindi niya ito binigyang halaga tulad na rin ng mga araw na nagdaan kung saan di niya pinapasukan ang mga ito at pinili na lamang maglarga.

"Pare!"

May tumawag sa kanyang ilang mga kalalakihang mga estudyante ring tulad niya na naglalakad sa kabilang kalsada. Nilingon nya ang mga ito at tinanguan saka nagpatuloy sa paglalakad. Mga tropa niya ang ilan sa mga ito. Sa inuman at ang iba ay sa bilyaran. Wala siyang ganang harapin ang mga lokong to ngayon.

Huminto siya sa tapat ng isang botika kung saan kilala niya ang pharmacist dito. Isa ito sa mga naging kababata niya noon na graduate na at ngayon ay nagtatrabaho na.

"Josh." Bati sa kanya ng babae.

Lumapit siya dito at tinantya ang sarili bago magsalita pagkatapos ng isang malalim na paghinga. Di nakaligtas sa pang-amoy ng babae ang amoy yosing hininga ng binata na palihim na inismiran ng babae. Ke aga-aga amoy yosi... bulong nito sa sarili.

"May tatanong ako." bungad ni Josh.

"Ano 'yun?" tanong naman agad ng babae.

Mula sa bulsa ay inilabas niya ang wallet at saka niya ipinakita ang mga gamot... "Tatanong ko kung para san 'tong mga 'to."

Bumakas ang pangamba sa mukha ng babaeng kaharap. Kinuha ang iilan at sinigurado ang mga pangalan ng mga gamot at muling humarap sa kanya. "M-may sakit ka ba? Sa'yo ba tong mga gamot na to, Josh?" tanong nito na may himig ng pag-aalala.

"Hindi. B-bakit ba?"

"Hindi pangkaraniwang pain reliever ang mga ito. Kalimitan ito ang mga pinapainom sa mga taong grabe ang pain dahil sa cancer." Sagot ng babae. "Kanino ba itong mga gamot? Bakit meron ka? M-may sakit ka ba?" puno ng pag-aalalang tanong muli sa kanya.

Kinuha ni Josh ang mga gamot mula sa kausap at muling isinilid sa wallet. "Hindi ito akin." Sagot niya na di nakatingin sa babae at abala sa pag-aayos ng wallet. Yun lang at kumaripas na ng alis ang binata.

Huminto siya at sumandal sa isang pader at mula doo'y binuksan ang wallet ng binatilyong pinagnakawan niya. Nakita niya ang lumang ID laman ng wallet. Elijah B. Mariano. Nakangiti ang ang binatilyo sa larawan . Malayo sa naalala niyang takot sa mga mata nito, dahil doon sa larawan ay maging ang mga mata nito ay nakangiti rin. Napaisip tuloy su Josh na tila nakasakit siya ng isang taong wala na ngang kalaban-laban ay may malala pa yatang karamdaman.

Sobrang gulo ng utak nya ngayon.

Magpapatuloy na sana siya sa kanyang paglakad nang may tumawag sa kanyang ilang barkada.

"Pre! Tara berdey ni PJ sama ka may inuman sa bilyaran."

At alam ni Josh na kailangan nya ang alak ng mga sandaling iyon...

-

Hapon pa lang ay lunod na sa alak ang binata. Tuluyan na rin siyang di pumasok sa eskwelahan.

Nag-umpisa sa bilyaran at nagtapos sa bahay ng isa sa mga tropa ang inuman. Di na rin niya napansin na nagalaw niya ang pera sa wallet nang magtawag ng ambagan ang barkada sa kainitan ng inuman.

Halos dis-oras na ng gabi nang maalimpungatan ang lasing na binata. May iilan pa siyang tropa na tulad niya ay mga nakahandusay din at ang iba pang mas may edad sa kanya ay matatag pa rin na tumatagay... maiingay na mga ito at ang ilan ay paulit-ulit na sa mga kwento...

Lumabas ang binata at nagpatuloy sa paglalakad. May mga iilang mga tao na lamang sa kalsada. Karamihan ng mga bahay ay patay na ang mga ilaw. Ang bigat ng kanyang ulo pero di pa rin naaalis sa isipan niya ang mga gamot sa wallet. Kinapa-kapa niya ang wallet sa bulsa at muli itong inilabas. Ito ang buwiset eh. Galit na sabi niya sa sarili. Kasunod nito ay itinapon ang hawak na wallet at bumalandra ang mga gamot sa gitna ng kalye.

Para naman siyang nahimasmasan sa nagawa at kahit hilo man ay pilit niyang nilapitan ang ibinatong wallet at isa-isang pinulot ang mga gamot. Bumagsak pa siya ng isang beses sa kalsada sa hilo na rin gawa ng kalasingan na nagbigay putik sa kanyang puting polo at sando at ang ilan ay sa pisngi at braso.

Habang ibinabalik niya ang mga gamot ay muli niyang nakita ang ID at sa unang beses ay binigyang pansin ang nakalagay na address dito.

Nang tumayo si Josh at muling nag-umpisa sa kanyang paglalakad ay tiyak na ng kanyang mga paa ang patutunguan.

Isasauli niya ang wallet...

Next chapter