19 Chapter 19 - ATE KO YATA ‘YAN

Hindi nakapasok sa kanyang trabaho si Rachael nang araw na 'yun dahil gabi pa lamang ay sinugod na si Elijah sa ospital sa hirap sa paghinga at iniindang sakit.

Galit man dahil hindi agad nasabihan ay sumunod naman agad si Josh sa hospital kinaumagahan para kumustahin ang lagay ng kaibigan.

"Ate..."

"Hm?" Abala si Rachael nun sa binabasa, ilang araw na lang kasi ay midterm na niya at eto mukha na naman mang-iistorbo ang kapatid sa pegrereview niya.

"Tingnan mo "yung ginagawang building oh."

Medyo inis na inilapag ni Rachael ang hawak na reviewer at saka nilingon ang kapatid na nakaupo sa tabi niya. Halata ang inis sa mukha niya saka paismid na tinapunan ng tingin ang tinuturo ng nakababatang kapatid sa labas ng bintana.

Nakaupo sila noon sa labas ng clinic room ng doctor sa loob mismo ng ospital na iyon. Hinihintay ang tawag ng receptionist. Dala ang mga resulta ng tests para mabasa.

"Oh? Anong meron?" Medyo masungit niyang tanong na hindi naman inintindi ng kapatid.

Nakangiti noon si Elijah nang muling magsalita.

"Okay kasi, ate, yung pundasyon, saka sakto sa taas at lapad mukhang matibay. Ang galing, ate." patuloy nito.

Hindi malilimutan ni Rachael ang araw na iyon, dahil ito ang araw nang sabihin sa kanya ni Elijah ang pangarap nitong maging architect balang araw. At nang araw din na 'yun naalala niya ay  kung kailan siya simulang balutan ng takot sa dibdib. Dahil maya-maya pa ay tinawag na sila ng receptionist at saka kinuasap ng doctor base sa mga resulta ng tests. Naalala niya na ang daming sinabi ng doctor nung araw na iyon... imaging tests, such as x-rays... imaging tests para makita ang loob ng katawan... na ang tumor daw ay may dalawang klase... kapag round at medyo smooth... benign daw na ibig sabihin hindi nakamamatay... ang tanging natatandaan niya nung araw na iyon ay nabanggit ng doctor na medyo irregular growth ang tubo ng tumor ng kapatid niya at marami pang diagnosis ang kailangan... tinanong niya kung ano ang ibig sabihin ng irregular growth... at 'yun ang unang pagkakataon na narinig niya ang pinakakinatatakutang salita... "Maaaring cancer ang tumor na nasa kapatid mo..."

Ngayon, ang building na ginagawa noon ay matibay nang nakatayo. Tama ang kapatid ko, bulong niya sa sarili, dahil mula sa kinatatayuan niya ay hagip ng tanaw ang building sa labas ng bintana ng ospital. Gusto niya tuloy tawagin si Elijah at sabihin, "tingnan mo, oh, naaalala mo ito 'yung building na ginagawa nun na sabi mo mukhang matibay. Mukhang matibay nga tama ka." At ngingiti siya sa kapatid at makikita ang mga ngiti ni Elijah pabalik sa kanya. Pero wala ang mga ngiting iyon ngayon sa harapan niya. Ni wala ang kapatid niya ngayon sa tabi niya. Naroon sa loob ng kwarto si Elijah... nakapikit... tahimik na lumalaban...

"Rachael..."

Nilingon niya ang nagboses. Si Josh. Papalapit ang binata sa kinatatayuan niya.

"Nasan siya?" mahina ang boses nito nang nagtanong, halata ang takot.

"Nasa loob." Parang hindi niya boses ang nadinig ni Rachael. Ganun pala yun sa mga ganung sitwasyon na hindi mo na alam kung ano ang nararamdaman mo.

Aktong lalapit pa sa kanya sana si Josh nang lumabas mula sa loob ng kwarto ang isang nurse. Agad itong hinarap ng binata at nag-usap ang dalawa sa mahinang mga boses.

Hindi nagtagal ang pag-uusap ng dalawa. Tinapunan siya ng tingin ni Josh. Nag-usap ang kanilang mga mata. Hindi kinailangan pa ng mga salita. Alam ng bawat isa ang nararamdamang takot sa kanilang puso. Tumango sa kanya ang lalaki senyales na papasok muna ito sa kwarto upang makita ang kaibigan.

Bago tuluyang pumasok si Josh ay napuna pa ni Rachael na naka-uniporme ang binata. Ito ang mga tipikal na araw na masayang papasok ang dalawa sa eskwelahan. Darating pa kaya ang araw na 'yun? Parang kelan lang ganoon lamang sila. Pero bakit parang ang tagal na nun. Parang bigla ay naging bahagi na lamang iyon ng matatagal ng mga ala-ala. Pilit iwinawaksi ni Rachael ang mga isiping iyon.

"Ate... masakit..." iyak ni Elijah habang nakakapit ito sa braso niya. Sakay sila noon ng ambulansiyang tinawag ng kanilang kapit-bahay.

"Oo... hayaan mo malapit na tayo..." pinapalakas niya ang loob nun ng kapatid.

Tiningnan nya ang mukha ng kapatid nung mga oras na 'yun. Humimpis na rin pala ang mga mukha ni Elijah... maputla na rin ang mga labi nito... basa ng mga luha ang mga nanalalalim nang mga mata at humpak na mga pisngi...

Patuloy ang pag-iyak at pagdaing ng kapatid. Pero wala siyang magawa kundi hayaang kumapit lamang ito sa kanya. Parang tumutusok din sa puso niya ang bawat daing at sakit na nagmumula sa kaisa-isa niyang kapatid dahil umaaray na rin ito sa anumang pagdampi sa katawan gawa ng cancer.

Naalala niya tuloy ang sinabi ng doctor kagabi... pati na rin ng ibang mga taong nakasaksi ng sitwasyon nilang... "Tatagan mo ang loob mo ah... ipagdasal mo siyang mabuti..." at kung anu-ano pang pampalakas ng loob... pero iba ang gusto niya. Gusto niya ang kapatid niya makausap tulad dati. Kahit mangkulit pa ito okay lang...

Bumukas bigla ang pinto ng kwarto. Nagulat pa si Rachael dahil pabalabag itong bumukas. Mabilis ang mga pangyayari... si Josh... sumisigaw... Doc! Doc! Nurse! Doc dali!" Bakit? Nakita niya ang mga nakaputing nurse tumatakbo... ayun si Doc... bakit siya tumatakbo? Bakit sila tumatakbo?

Nabigla na lang si Rachael nang yakap na siya ni Josh ng mahigpit. Tumingala siya dito at nagtanong... "Bakit?" Ang hina ng boses niya halos di niya marinig ang sarili. Ay hindi pala... sobrang lakas siguro ng kabog ng kanyang dibdib kaya parang nabibingi siya... Tiningala niyang muli ang binata mula sa pagkakayakap nito sa kanya ng mahigpit... nakita niyang umiiyak si Josh... ngayon lang niya nakitang lumuha ng ganun ang lalaki... Bigla siyang natakot dahil nagiging malinaw na ang lahat. Nakita niya ang mga aparatong pang revive na minamadaling maipasok ng iba pang mga nurse sa kwarto ni Elijah... pambomba yung mga yun sa dibdib tulad ng napapanood niya sa mga pelikula.

"R-Rachael..." garalgal ang boses ng lalaki sa gitna ng pag-iyak nito. "... si Elijah..."

Tama na yung narinig niya. Pilit siyang kumawala sa pagkakayakap sa kanya nito ngunit nanatiling lamang ito sa kanya na tila ba ayaw siyang bitiwang mag-isa... nahampas niya tuloy ng mga ilang beses ang lalaki sa dibdib... at nang sandaling makawala buong lakas niyang tinakbo ang kapatid sa loob ng silid...

Naroroon ang kapatid niya, si Elijah... pinagigitnaan ng mga doctor at mga nurses habang pilit na inire-revive gamit ang mga aparato.

Malakas ang boses ng doctor na lalake... doctor iyon ni Elijah.

"One! Two! Three! Pump!"

Kitang-kita niya ang pag-igtad ng dibdib ng kapatid niya sa bawat pagpump dito. Sa gilid nito ay may maliit na puting monitor upang makita ang heartbeat ni Elijah. Naririnig niya ang paputuol-putil ng tunog nito... bawat mahihinang pintig nagsasabi buhay pa ang kapatid niya. Nandyan pa at nandyan lang si Elijah... pero bakit parang ang layo-layo ng kapatid niya.

"One! Two! Three! Pump!"

Nanatiling nakapikit ang kapatid... tila ba mahimbing na natutulog habang patuloy ang paghina ng pulso nito sa monitor.

"Elijah..."

"One! Two! Three! Pump!"

Parang bingi ang kapatid niya. Hindi nagrerespond sa tawag niya. Nananatiling nakapikit. Nilakasan niya ang pagtawag.

"Elijah!" Na tila ba maririnig siya ng kapatid.

"One! Two! Three! Pump!"

Tuloy ang pag-igtad ng dibdib ng kapatid niya sa bawat pag-pump ng aparato.

"Tingan mo nga matatalo tayo nyan sa agawang base eh ang liit-liit nyang kapatid mo eh." Sabi ng batang kalaro nila.

Tiningnan ng batang si Rachael ang mas nakababatang kapatid na nakatayo sa di kalayuan. Malungkot ang mukha nito dahil ayaw isama ng iba nilang kalarong bata sa kanilang laro. Nakita niya ito at hindi nakaligtas sa kanya ang nagbabadyang pagluha nito na pilit pinipigil ng batang Elijah.

"M-manonood na lang ako, ate." nagawa pa nitong sabihin sa kabila ng lungkot sa mura nitong puso.

Galit ang mukha ng batang si Rachael nang hinarap ang mga kalaro. "Eh 'di 'wag! Ayoko na rin sumali!" bulyaw niya sa mga 'to sabay baling sa kapatid. " Tara, iba na lang laruin natin." At kinuha niya ang kamay ng kawawang kapatid at inalalayan sa paglalakad.

"Paano 'yan ate di ka na kasama sa laro nila?" walang muang na tanong ng batang si Elijah.

Nakangiti na si Rachael nang humarap dito at nang magsalita, " Ayos lang... ayoko na rin na naman sumali eh."

"Talaga ate?" pagtataka ng kapatid niya, habang namimilog ang malalaki ngunit mapupungay na mga mata nito.

"Oo naman." mabilis na sagot niya, na di nawawala ang mga ngiti, "Gusto ko kasama ka lagi sa mga laro. Pag wala ka.. ayoko na rin."

One! Two! Three! Pump!"

Cancer? Cancer ika mo? Sari-saring emosyon ang nag-uunahang kumawala sa kanyang dibdib ng mga oras na iyon sa kanya nang marinig iyon mula sa doctor. Unang-una niyang tinapunan ng tingin ang kapatid niya na nakaupo sa tabi niya. Gusto niya makita ang reakson nito at maging handa sa anuman. Ngunit taliwas sa inaasahan, pagbaling niya dito ay  nakita niyang nakatingin ang kapatid niya sa kanya. Nandun ang mga ngiti nito sa labi. Na para bang nagsasabing, Okay lang ako, ate. 'Wag kang matakot.

Lingid sa kaalaman niya ng mga oras na iyon. Abot-langit ang pagpigil ni Elijah sa sarili dahil ayaw niyang ipakita sa ate niya ang takot... dahil sa kung tutuusin, mas natatakot siya sa isiping maiiwan ang ate Rachael niyang mag-isa.

Ganun pala 'yun kapag alam mong ikaw ang mauuna. Ang iisipin mo na lamang ay ang mga taong maiiwan mo. Yung isipin na aalis ka na at di mo na sila muling makakasama. Ang sakit. Sobrang sakit. Nakikita nya na mag-iisa ang ate nya sa lungkot. At wala siya sa tabi nito para gawin ang lahat para maibangong muli ang ate nya at magpatuloy sa buhay.

"Lalaban tayo, ate. Hanggang sa huli ah." Bulong sa kanya ni Elijah habang yakap-yakap niya ito...

Pero hindi na pumabor sa kanila ang condition ng kapatid. Matapos ang unang subok sa chemo ay sinabi na ng doctor na masyado ng lumala ang pagkalat ng cancer sa katawan ng kapatid niya. At binigyan na ang binata ng taning ng doctor.

Isang umaga, nakita na lamang ni Rachael ang kapatid niyang bumaba ng haldan. Nakangiti sa kanyang ate. Nakasuot ng uniporme. Plantsado ang puting polo at itim na slacks. Bitbit sa isang balikat ang kulay asul nitong bag. Maayos ang pagkakasuklay ng buhok. Handang-handa na sa paspasok sa school.

Hindi na kailangan pa ni Rachael ng mga paliwanag. Alam na niya sa mga oras na 'yun na nais ng kapatid magpatuloy sa buhay. Kung hanggang saan ay walang nakakaalam. Pero simula ng araw na 'yun ay magpapatuloy sila.

Hinandaan niya tuloy na masarap na baon ang kapatid. Yumakap pa ito sa kanya at nagpasalamat.

"Elijah." tawag niya dito bago pa ito tuluyang lumabas ng pinto.

Nilingon siya ng kapatid, nakangiti.

"Mag-iingat ka."

Tumango sa kanya ang kapatid tanda ng pag-oo nito, na hindi nawawala ang mga ngiti sa labi.

"Sige na baka ma-late ka na nyan."

Muling ningitian siya ng kapatid,

"Okay... Bye, ate..."

One!Two!Three!Pump!

"Elijah!" pilit pa rin niyang tinatawag ang kapatid. Ang lakas-lakas na ng pagtawag niya dito. Buong lakas na niyang isinisigaw ang pagtawag sa pangalan ng kapatid na til ba maririnig siya nito mula sa napakalalim na kawalan.

One!Two!Three!Pump!

Elijah!!!

One!Two!Three!Pump!

Plaaaank!!!

Isang malakas na basag ng pinggan ang nagpagising sa kanya mula sa pagkakatulog dun sa kanilang sofa. Maggagabi nun... Kakauwi lamang nila mula sa libing ng namayapa nilang ina. Makalipas lamang ng ilang taon mula ng namatay ang kanilang ama sa magkaibang karamdaman. Ngayo'y ay masasabing ulila na sila ng lubos. Nasa highschool pa lamang siya noon at nasa elementarya pa lamang si Elijah.

Bumalikwas siya ng bangon mula sa pagkakahiga upang puntahan ang pinanggagalingan ng ingay sa kusina.

At doo'y nakita niya ang nakababatang kapatid na isa-isang pinupulot ang nabasag na pinggan.

"S-sorry ate nadulas sa kamay ko." pagpapaumanhin pa nito. Nakita niya may konting dugo sa kamay ang kapatid. Nasugatan din pala ito gawa ng mga basag na bubog.

Bigla tuloy siyang nahabag dito. Ito siya na tinatakasan ng tatag ng loob, pero eto, si Elijah, na pilit tinatatagan ang sarili at handang maging karamay niya at sandalan upang magpatuloy sa buhay.

Sa kabila pala ng lahat. Kahit nung mga bata pa sila. Si Elijah pala ang malakas ang loob. Si Elijah pala ang tumitiyak na okay ang ate niya sa lahat ng bagay. Kahit na dumating dito ang karamdaman. Sa kabila ng lahat, kay Elijah pala siya kumukuha ng lakas ng loob humarap sa hamon ng buhay. Siya pala itong mahina... pero ngayon ay nagbabadya ng mamaalam ang taong nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob...

Elijah!

Gusto niyang makita muli ang malalaking mga mata nitong puno ng buhay...

Elijah!!

Gusto niya muli marinig ang boses ng kapatid niya.

Elijah!

Ate. Sino na ang tatawag sa kanya ng ate?

Elijah!

Sumisigaw ang isip niya. Tawagin mo ko. Sabihin mo nandyan ka pa. Huwag mo ko iwan.

Elijah!!!

One!Two!Three!Pump!

"Ate..."

Eto na naman 'to isip-isip niya. Ano na naman kaya ang pumasok sa isip nito at may sasabihin na naman. Ano na naman kayang pangarap ang pumasok sa utak nito. Sanay na kasi siya sa kapatid sa mga ganitong pagkakaton.

"Ano 'yun." Tiningnan niya ang kapatid na nakaupo sa tabi niya.

Iba ang mga ngiti nito ngayon. Mukhang ngiting may yabang.

"Alam mo ba ate?-"

"Hindi ko pa alam." Mabilis niyang putol dito. Ganito siya pag sinusumpong na mang-asar minsan dito.

"Ate naman eh." nagmaktol tuloy ito.

Natatawa tuloy siya sa pagkapikon ng kapatid, "Oh ano 'yun dali na." wika niya, at baka maasar pa 'to ng tuluyan sa ate niya.

Umayos ng upo ito na tila ba kailangan pang paghandaan ang sasabihin. Bumalik na naman ang mga ngiti nito.

"Balang araw, ate, pag naging architect ako... ipare-renovate ko itong bahay natin. Sisiguraduhin kong ito ang pinakamalaking bahay dito sa atin." pagyayabang nito na umaaksyon-aksyon pa ang mga kamay na tila ba nananakop.

"Saka ate..."

Hindi pa pala tapos ito naisip ni Rachael.

"Hmm?"

"Saka nga, ate, ito pa... papagawa ako ng piiiiinaka-malaking kwarto!" pagyayabang ng kapatid. "At alam mo kung kanino 'yun" biglang tanong nito sa kanya na namimilog pa ang mga mata.

Humana ang nguso ni Rachael at kumunot ang dalawang kilay na tila ba nag-isip panandali...

"Sa 'yo?" sagot ni Rachael dito na medyo nakataas ang isang kilay.

Lumuwang ang mga ngiti ng kapatid at tiningnan siya nito na tila ba sinusukat ang magiging reaction nya, sabay nagsabing, "Syempre sa'yo yun, ate." Pagmamalaki nitong sagot. At nagpatuloy pa si Elijah, " Gusto ko ikaw ang mah piiiiiiinaka-malaking kwarto sa buong barangay natin."

"Hhmm, totoo? Sa akin?" nangingiting baling niya sa kapatid, na tila may himig na pagdududa na gagawin nga ba ng kapatid niya ang pangako nito.

"Totoo 'yun ate... Gusto ko ang ate ko ang may pinakamalaking kwarto sa buong barangay. Syempre pa..." malakas at masayang pagpapatuloy ni Elijah, at bumaling pa itong muli sa kanya, at malambing na yumakap ng mahigpit sa kanyang nagiisang ate...

"Ate ko yata 'yan!"

One!Two!Three!Pump!

Elijah!!!!!!

Patlang.... Napaka-habang patlang...

***

Ilang araw matapos ang pasko at bagong taon ay binawian na ng buhay si Elijah. Ni hindi na nga siya umabot sa kanilang Graduation Day. Ngunit hindi naman siya nakalimutan ng kanyang mga guro at kaklase na bigyan ng munting dasal at pag-alala sa yumaong mag-aaral.

Naging simple lamang ang kanyang libing na dinaluhan ng ilang mga kamag-anak at kaklase. Nandun din ang pamilya ni Josh, ang amang si Jaime at ang batang si John...

Tatlong beses nahimatay si Rachael pero hindi ni segundo na iniwan siya ni Josh na laging nandoon nakaalalay sa kanyang tabi.

Umulan nang araw na iyon kaya basa ang mga damo at lupa ng pinaglibingan ng namayapang binata. Tila pati ang langit ay nakidalamhati sa mga taong naiwan niya.

Laging naroon lamang si Josh sa tabi ni Rachael na para bang mapupunan niya ang pagkawala ni Elijah sa tabi ng kanyang ate. Nang gabing iyon ay paputol-putol ang tulog ng dalaga, pinuputol ito ng kanyang pag-iyak... mga panaginip sa kapatid... pero laging nandoon ang binata sa kanyang tabi at hindi siya iniwan. Nilibot ni Josh ng tingin ang paligid ng kwarto ni Rachael. Naalala niya ang pangarap ni Elijah na palakihin ito. Tinapunan niya ng tingin ang nakapikit na dalaga sa kanyang tabi. Na halos tinakasan na ng buong lakas. Tahimik niya itong pinagmasdan... at sa mga oras na iyon... nabuo sa binata ang kanyang mga pangarap... hindi mga pangarap ng isang binata kundi mga pangarap ng isang lalaki... na handa ng harapin ang bukas. Hawak ng mahigpit si Rachael sa kanyang kamay... at ang mga ala-ala ng kanyang kaibigan...

Ganoon pala yun... may mga pangyayari sa ating buhay na makakapagpabago sa atin sa loob lamang ng isang nagdaang araw o gabi...

At natuyo ang mga basang damo sa libingan ng binata... pinalitan ng mga hamog na dala ng bagong umaga. Sumikat ang araw, at nagbigay init sa bawat isa... dumating ang tag-init at sandaling namaalam sa paparating na tag-ulan... may mga bulaklak na bagong sibol na nagpakulay sa paningin ng bawat isa... umihip ang hangin hanggang maramdaman ng lahat ang paglamig ng paligid... tanda ang papalapit na kapaskuhan... Nagpatuloy ang paghulog ng mga dahon mula sa mga sanga ng puno... at nagpatuloy din ang mga bagong sibol...

Lumipas at dumating ang marami pang tag-araw at tag-ulan... at kapaskuhan...

Tulad din pala ng mga panahon... minsan babalutin tayo ng kalungkutan... kung saan sandaling mamaalam sa ngayon ang kasiyahan mula sa puso natin... pero babalik at babalik din ito kahit ano pang mangyari...

At nang umaga iyon... mabilis ang mga paghakbang ng mag-iisang taon ng batang lalaki sa mga pinong damuhan sa parkeng sa di-kalayuan mula sa kanilang tahanan. Tawa pa ng tawa itong bata habang tumatakbo...

"Josh! Ang anak mo oh kunin mo dali." Si Rachael iyon kay Josh. Nakaupo sila noon sa isang blanket na nakalatag sa damuhan. Sa tabi nila ay ang dala-dalang basket ni Rachael na may mga nakabaong pagkain.

Nilingon siya ng lalaki at nagtama ang kanilang mga mata. Nakita ni Josh ang magagandang mga mata na tinatabunan ng mahahabang pilik-mata ni Rachael.

"Dali." utos pa rin nito.

Nabigla si Rachael nang bigla siyang halikan sa pisngi ni Josh at saka muling nasilayan ang mga pilyong ngiti nito bago pa man tuluyang tumayo at habulin ang tumatakbong bata. Hindi pa rin nawawala ang kapilyuhan  nito sa paglipas ng mga panahon.

"Ang bilis mo na tumakbo ah manang-mana ka kay Daddy." Masayang sambit ni Josh habang binubuhat ang bata. Nakangiti ito na tila ba naiintindihan ang sinasabi niya.

Tumayo na rin si Rachael at lumapit sa kanyang mag-ama dala ang bimpo sa isang kamay.

"Baka basa na ng pawis yan." wika nito habang nakangiti sa tanawin ng dalawang mag-ama.

Dinampi ng kanyang kamay ang likuran ng bata, wala itong pawis dahil na rin marahil ay malamig ang simoy ng hangin ng umagang iyon kahit na may sikat ang araw. Sumandal siya sa isang braso ni Josh habang masaya nilang pinagmamasdan ang bata.

Nakangiti ito sa dalawa. At sa suot nitong puting t-shirt ay naka-burda ang pangalan ng bata. Naka-burda sa kulay asul na mga sinulid ang pangalang "Elijah".

Itinaas ni Josh sa pagkakabuhat ang bata na tila ba lilipad. Gustong-gusto kasi ito ng bata pag ginagawa ito sa kanya ng ama. Sa pagkakataas dito ay sumigaw pa ang ama ng "Superman!"

Nakatingala sila Josh at Rachael sa kanilang anak. Nasa likuran ng bata ang mga puting ulap sa asul na langit... habang ang mga sikat ng araw ay naglalaro sa masayang mukha ng bata... nagbibigay liwanag... at naroron ang mga bilugan at mapupungay na mga mata ng bata na halos kasing liwanag ng umaga.

*****

Malamig ang umagang iyon... isa sa mga araw ng huling linggo ng buwan ng November. Marahang naglalakad si ELIJAH papasok sa kanyang eskwelahan na di kalayuan sa kanilang bahay. Masarap sa kanyang pakiramdam ang paglanghap ng hangin sa umaga. Iba na ang simoy nito... malamig sa pakiramdam, hudyat na nalalapit na ang kapaskuhan.

Tumingala si Elijah upang makita ang mga puting ulap. Malamyos pa ang tama ng liwanag sa mga ito. May ngiti sa mga bilugan ngunit maamong mga mata ng binatilyo. Malimit niyang sinasabi sa sarili na ang buhay ay mahiwaga, na hindi mo alam kung ano ang pangako ng bukas.

Pero malakas ang kutob ni Elijah... na laging may hatid na bagong simula ang bawat umaga.

At hindi siya nagkamali...

         

WAKAS

avataravatar