1 KABANATA 01

KABANATA 01

"Hay nako Alexa, mukang malabo na nga na mapasayo ang kababata natin." si Nikka, kababata at kasama niyang nagtatrabaho sa Esquivel Group of Companies.

Binigyan niya ito ng isang pilit na ngiti ngunit mahahalata ang kalungkutan sa kaniyang mukha.

"Ganoon talaga. Hindi naman ako umasa na magugustuhan ako ng isang 'yon."

Sinungaling ka Alexa! Buong buhay mo ay umasa ka na magugustuhan ka rin niya! Singhal niya sa kaniyang sarili. Eh paano ba naman kasi nuknukan naman ng manhid ng lalakeng iyon.

"Sus! Kunyare ka pa! Wag ako Alexa. Yang bibig mo makakapagsinungaling pero 'yang mga mata mo hindi! Etchosera! Para namang hindi tayo lumaking magkakasama. Dapat kasi sinunggaban mo na eh! Ikaw na nag-first move , di na uso ang Maria Clara , ang uso ngayon galawang Maria Ozawa, hubad agad! " natawa siya sa sinabi nito. Baliw talaga itong si Nikka . Hindi pa naman siya ganoon kadesperada para gawin iyon. Ayaw din naman niyang ipilit ang sarili , baka lalo lang siyang masaktan sa sasabihin ng binata.

"Tumigil ka na nga, loka ka rin talaga. Paano ko naman susundin 'yang payo mo eh hindi rin naman umubra kay irog mo 'yang Maria Ozawa way na 'yan." natigilan ang gaga! Natatawang sabi sa sarili ni Alexa. Hindi kasi nakakibo ang kaibigan sa sinabi niya.

"Tse!Hindi ako ang usapan dito. Puro supporting role na lang ang napupunta sa'yo, dapat ay ikaw naman ang bida. Mas bet kita para kay Benjie kaysa doon sa babaitang iyon. Mukha na siyang bilasang tilapia. " nakangusong wika nito na mas lalo niyang ikinangiti. Ayaw kasi talaga nito sa kasintahan ng kaniyang kababata. May pagkamaldita kasi ito at mataray talaga. Hindi niya nga alam kung ano ang nagustuhan ni Benjie sa babaeng iyon. Kung tutuusin ay make up lang naman ang lamang sa kaniya nito.

"Hoy! Bibig mo! May makarinig sa'yo yari tayo kay Benjie. Bakit ba mukang mas affected ka pa kaysa sakin? Tanggapin mo na, siya ang bet ni Benjie at hindi ako. Kaya ikaw, support mo na lang din. Baka mamaya biglang dumating si Alicia,marinig ka pa. Alam mo naman ang anak ni zuma na 'yon." sabay silang napahagikgik.

Tinatawag nila iyong anak ni zuma, dahil inahas lang daw nito si Benjie sa kaniya.

"Siya nga pala, mamaya na ang anniversary party ahh pupunta ka ba? May big announcement daw ang Benjie mo. Well, alam naman na natin kung ano iyon. Kung pupunta ka, pupunta ako. " pag-iiba ni Nikka sa usapan. Bumuntong hininga siya. Kung siya lang ay ayaw niya talagang dumalo dahil alam naman na niya kung ano ang announcement na 'yon, ngunit alam niyang malulungkot si Benjie kung wala siya doon, dahil ito pa mismo ang personal na nag-imbita sa kaniya.

"Oo naman. Dito rin ako nagtatrabaho at ako ang sekretarya ni Benjie, at kababata niya tayo kaya dapat lang nandoon ako, nandoon tayo." pwede naman siyang hindi dumalo kahit siya pa ang CEO, hindi lang siya talaga makatanggi.

"Sabagay, tsaka may mga investor daw na pupunta baka may mga makilala pa na bago, ikaw pa naman ang magaling sa pakikipag-deal. " ngiti lang ang isinagot niya rito.

"Ahh isa pa pala, bukod sa investor di ba dadating din ang mga pininsan niya at kapatid? Dadating din ba si Winston? Hindi kasi siya nag-a-update sa GC. " may ngiti at tila kinikilig pang tanong ni Nikka kay Alexa. Natawa naman siya sa itsura nito. Si Winston ay pinsan ni Benjie, at kapanabayan din nilang lumaki, ngunit pabalik balik ito ng ibang bansa, tuwing bakasyon lang at magpapalit ng taon umuuwi sa Pilipinas.

"Alam ko dadalo yung iba, pero si Winston di ako sure hindi pa yata siya nakakauwi eh, pero si Philip ,sure akong darating! " mas lalo siyang natawa sa itsura ni Nikka ng bigla na lamang itong sumimangot ng marinig ang pangalan ni Philip.

Si Philip ay kakambal ni Winston, dito sa Pilipinas lumaki dahil hindi niya gusto sa ibang bansa. Sa dalawa ay kay Winston may gusto si Nikka. Bwiset kasi ito kay Philip dahil walang ginawa kundi i-bully at asarin siya sa tuwing magkikita, para silang aso at pusa na may matinding allergy sa isa't isa.

"Huwag mong mabanggit banggit ang pangalan ng siraulong lalake na 'yon Alexa. Tumataas ang presyon ko kahit hindi ko siya nakikita!" humawak pa ito sa sentido na umarteng sumakit ang ulo na ikinatawa niya.

Parang bata.

"Alam mo ba yung kasabihang the more you hate ,the more you love? Baka magkatotoo sa inyo ni Philip 'yan?" panunukso niya rito na lalong ikinalukot ng mukha ni Nikka. Umarte pa na parang nandidiri.

"Stop it Alexa! Kilabutan ka nga sa mga sinasabi mo! Kung paanong ang uwak ay hindi na puputi, ay ganoon din kaimposible na magkagusto ako sa ungas na 'yon!"

Talaga ba?!

Natatawang untag ni Alexa sa sarili niya.

"Oops! Huwag kang magsalita ng tapos, hindi mo alam ang hinaharap. " dagdag pa niyang biro rito. Nakakatuwa itong inisin dahil mabilis mapikon at asar talo. Kaya tuwang tuwa rin si Philip kapag tinutukso ito. Para rin kasing may sapak ang isang iyon. Walang ginawa kundi asarin si Nikka. Kapag napikon naman ay susuyuin.

"Nako Alexa! Tumigil ka na nga riyan. Babalik na ako sa pwesto ko at tumataas na naman ang presyon ko sa usapan nating iyan. " nag-okay na lamang siya bilang sagot sa kaibigan. Iiling-iling niya itong pinagmasdan habang naglalakad pabalik sa pwesto nito.

Kung titignan ay mas bagay naman si Philip at Nikka. Pakipot lang kasi itong kaibigan niya at masyadong nabubulag ng pagkagusto kay Winston.

"Parang ikaw kay Benjamin." bulong niya sa sarili.

Isang buntong hininga ang pinakawalan niya sa isiping iyon. Si Nikka ay hindi rin naman nalalayo sa sitwasyon niya, hindi rin ito gusto ni Winston. Tulad ni Benjie na iba rin ang gusto.

Mga bata pa lamang sila ay magkakakilala na, magkakaibigan kasi ang kanilang mga magulang. Labing isang taon sila ng magsimula siyang magkaroon ng crush kay Benjie. Crush na sa paglipas ng panahon ay lalong lumalim at nauwi sa love. Love na hindi niya kayang sabihin at aminin kay Benjie. Natatakot kasi siya na baka hindi naman sila pareho ng nararamdaman. Lalo na ng makilala nito si Alicia, naging kasintahan ito ng lalake noong kolehiyo pa lamang sila. Hindi lang siguro isang tabong luha ang inubos niya noong malaman niyang may kasintahan na ito. Durog na durog ang puso niya. Muntik pa siyang malaglag sa pagiging cumlaude dahil nawalan siya ng interest sa pag-aaral. Ngunit ano naman ang magagawa niya? Hindi niya ugaling ipilit ang sarili sa mga taong ayaw sa kaniya, kaya mas minabuti na sarilinin na lang ang nararamdaman at maging masaya para sa taong mahal niya. Sabi niya sa sarili ay hahayaan na lang niya ang nararamdaman niya hanggang sa kusa itong mawala ngunit beinte seis anyos na sila, ay si Benjamin pa rin ang tinitibok ng puso niya. Maraming sumubok na manligaw ay hindi niya binibigyan ni katiting na pagkakataon. Ayaw din niya kasing pumasok sa isang relasyon na hindi pa siya nakaka-move on kay Benjie. Ayaw niyang makasakit. Tama na yung siya na lang ang nasasaktan ng siya lang ang nakakaalam.

SA ESQUIVEL 's Mansion ginanap ang anniversary party. Isang hapit na hapit na kulay pulang mermaid style evening gown ang suot ni Alexa, may pagka see-through ang ilang bahagi nito na dinesenyohan ng detalyadong lace para matakpan ang maseselang parte ng katawan. May napakalalim din na V neck cut na dahilan para sumilip ang halos kalahati na nitong bilugang dibdib, na sa kaliwang hita naman ay may napakahabang slit na halos isang dangkal na lamang ang pagitan mula sa kaniyang singit, ngunit hindi naman ito masisilip. Ang likod naman niyon ay pa-V shape din at bukas na bukas, tanging ang pang -upo pababa lamang ang natatakpan ng tela , ang bandang ibaba naman ay may see-through na tela. Halos lahat ng tao roon lalo na ang mga kalalakihan ay napapalingon sa kaniya. Lalong lumabas ang ganda niya, muka itong modelo. Bumagay pa rito ang nakalugay lamang na mermaid curl nitong buhok.

"Maglaway kayo!" Sa isip ni Alexa.

Gawa ito ng kanilang kababatang si Mik-mik. Halos lahat ng mga dinedesenyo nitong damit ay sa kaniya muna pinasusuot dahil nga sa mala-modelo nitong figure. At hindi naman bigo ito dahil talaga namang kapag si Alexa ang nag-suot ay wala yatang damit na hindi bumagay rito.

"OH.MY.GOD!" si Nikka na may hawak na wine glass, ang isang kamay ay nakatakip sa bibig na tila ba hindi makapaniwala sa nakikita.

Proud naman siyang ngumiti at tila modelo na nag-pose pa sa harap ng kababata bago sila nagyakap.

"Susmaryosep! Ito ang sinayang ni Benjamin! Fresh na fresh! Hindi tulad ni Ali na daig pa ang tahong na bagong lutong bukang buka na!" natatawang wika ni Nikka na kinalaki naman ng mata ni Alexa.

"Hoy! Bibig mo! May makarinig sa iyo! Pasaway ka!" tapos ay sabay na humagikgik.

"Hindi niyo naman sinabi sa akin na may pa-best dress at face of the night award pala, e di sana binonggahan ko na rin ang awra ngayong gabi! Ano na Alexa Martina? Bakit naman ginalingan mo masyado?!" si Wilfred, ang beki nilang katrabaho. Nakipag beso siya rito tapos ay pinaikot siya na may humahangang tingin.

"Wala na Nikka, uwian na talaga may nanalo na! Kabog kahit si Ma'am Ali!" sabay apir ni Nikka at Wilfred na sinaway naman niya.

Loko talaga ang mga ito. Mamaya ay bigla na lamang sumulpot si Ali, paniguradong bubulyawan sila nito. Ayaw pa naman ng isang iyon na natatalbugan sa kahit saan. Gusto siya lagi ang bida.

"Tama na kayong dalawa diyan. Kumain na lang tayo. Medyo gutom na rin ako." pupunta na sana siya sa buffet ng biglang may humawak sa kaniyang braso dahilan para matigilan siya, maging sila Nikka at Wilfred ay napahinto rin at nilingon siya na nagtataka.

Kunot noo naman niyang nilingon ang pumigil sa kaniya. Halos lumuwa ang mata nito ng mapag-sino ang pumigil sa kaniya.

"Beatrice?! Is that you?" si Nikka na hindi rin makapaniwala sa kaharap.

Ngumiti ito ng napakalapad.

Lalo itong gumanda.

"Oh my! Kailan ka pa nakabalik? My God! I missed you!" si Alexa na hindi napigilan ang pagkasabik sa dumating na si Beatrice. Kakambal ito ni Benjamin. Nasa lahi kasi nila ang kambal. Sila talagang tatlo nila Nikka ang magkakasama parati. Lalo na sa kalokohan na ito pa ang pasimuno. Doon kasi ito naka-base sa New York. Doon niya itinuloy ang kaniyang pag-aaral at kasalukuyang namamahala sa isang branch nila doon.

"Grabe! Mukang kailangan ko ng humanap ng ibang ka-bonding, nagmumuka na akong lamang lupa sa mala-dyosang mga babaeng ito!" si Wilfred na umarte pang tila nasisilaw. Natawa naman ang tatlo.

"No! Stay with us. Mas maganda ka! " dahil maputi si Wilfred ay halata ang pamumula ng pisnge nito sa sinabi ni Bea.

"Suus. Ikaw naman. Huwag mo na ko bolahin. Alam ko naman yon! Charot lang yung kanina!" biro nito ulit na ikinatawa naman nila. Gwapo rin naman itong si Wilfred. Kung hindi lang naman ito may pusong babae, malamang ay marami na itong pinaluha.

Bago pa man sila magkabolahan ay nag-aya na si Alexa para kumuha ng pagkain at doon na sa table nila ituloy ang naudlot na usapan.

Nasa gitna sila ng pagkukwentuhan ng bigla na lamang may sumulpot mula sa kung saan.

"There you are! Kanina pa kita hinahanap! Uyyy!!! Nandiyan pala si a-Nik-nik ah! " natatawa niyang nilingon si Nikka, nang makita ang itsura nito , gusto man niyang bumunghalit ng tawa ay hindi niya magawa dahil baka lalong masira ang gabi ng kaibigan.

"Ehem.. Baka naman gusto niyo akong ipakilala sa mala-adonis na bagong dating?" maharot na singit ni Wilfred.

"Philip, si Wilfredo, Wilfred for short--awww!" pinitik siya ni Wilfred sa kamay ng ipakilala siya nito sa tunay na pangalan. Halos isumpa niya nga ang pangalang iyon eh.

"Huwag mo kong ipahiya Alexa!" angil nito sa kaniya na silang dalawa lang ang makakarinig.

Nakangiti namang binalingan ni Wilfred si Philip at nag-abot ng kamay upang makipag-shake hands.

Nakisali naman sa umpukan nila itong si Philip na sinadya talagang gumitna kay Alexa at Nikka.

Natatawang nagkakatinginan na lamang sila ni Beatrice sa nakikitang itsura ni Nikka, hindi na maipinta ang mukha nito sa pagkainis kay Philip dahil sinisimulan na naman itong inisin ng lalake. Si Wilfred naman ay nagpaalam muna upang makipag tsismisan sa iba pa nilang katrabaho na isa-isa ng nagdaratingan.

"Oh, by the way, bago ko pa tuluyang masira ang gabi ni Niknik. Ikaw naman ang kakamustahin ko. Kamusta ka na ba Alexa?" baling nito sa kaniya na ikinatigil niya.

"Make it specific Philip. Ano ba ang kinakamusta mo? Ang tunay na Alexa o ang puso ni Alexa?" may banyagang tunog na tanong ni Beatrice. Napalunok naman siya ng makita ang mga tinging nakapukol sa kaniya.

Mukang maha-hot seat pa ko! Sabi nya sa sarili.

"Unahin na muna natin ang tunay na Alexa. " may nakakalokong tingin itong si Philip. Si Bea at Nikka naman ay parehong nakatingin at naghihintay ng kaniyang sagot.

"I'm good. Okay na okay naman ako." naiilang siya sa mga tingin ng mga ito, tila hindi kumbinsido sa kaniyang sagot.

"Eh ang puso mo? Tumitibok pa ba?" natatawang tanong ni Philip. Ito na nga ba ang sinasabi niya. Nakikita na niya kung saan patungo ang usapang ito.

"Tumitibok pa yan sa ngayon, pero baka mamaya tumigil na." si Nikka ang sumagot na may halong inis, saka tumusok ng steak na tila mananaksak. Tatango-tango naman si Philip na hindi pa rin nag-aalis ng tingin sa kaniya.

"Hahayaan mo na lang bang mapunta si Benjamin sa babaeng iyan?!" nabaling naman ang atensiyon kay Beatrice ng mag-salita ito. Magkasalubong ang kilay na tulad ni Nikka.

"Bakit ba kasi hindi pa hinihiwalayan ni Kuya ang isang 'yan? Hindi ko siya bet maging sister-in law no! Madudungisan ang magandang imahe ng pamilya namin dahil diyan!" nakasibangot ang magandang muka nito. Hindi maikakaila ang pagkainis.

Hindi naman kasi kaila sa mga ito ang nararamdaman niya para kay Benjie. Tanging si Benjie lang naman talaga ang hindi nakakahalata at nakakaramdam non.

"Huy! Ano ba kayo! Mamaya biglang dumating si Benjie. Siya ang pinili ng kakambal mo. Kung ang mga magulang nyo nga ay wala namang say, irespeto mo na lang din ang gusto niya." nakangiti niyang sagot ngunit mas lalo lamang tila nainis ang mukha ng dalawang babae, si Philip man ay mukhang hindi sang-ayon sa sinabi niya, na napapalatak pa at napakamot ng ulo.

"Masyado ka pa ring mabait Alexa Martina, baka lumagpas ka na sa langit niyan." natatawang biro ni Philip sa kaniya.

"Tanggap ko naman na." sagot niyang muli.

"Pero mahal mo pa!" natigilan sila at halos sabay-sabay na lumingon sa pinanggalingan na tinig ng babae.

"Maita! Miggy!" si Bea at Nikka na sinalubong ng yakap ang mga dumating.

Maita and Miggy Oliveros are one of their childhood friends. Magkapatid ang mga ito. Mas matanda lang ng isang taon si Miggy. Kaedad naman nila si Maita.

"Grabe! Nag-glow up na talaga tayong lahat!" si Maita nakiupo na rin sa pwesto nila .

"Si Benjamin lang naman ang walang pinagbago sa'tin, manhid at bulag pa rin." natatawang singit ni Beatrice na sinang-ayunan naman ng halos lahat maliban sa kaniya.

Masaya siya at boto ang mga ito sa kaniya para kay Benjie. Ngunit hindi lubos ang saya dahil hindi naman siya ang gusto ni Benjamin.

"Pareho naman sila ni Lexi, mukhang wala pa rin namang pagbabago sa nararamdaman niya." si Maita. Umiwas siya ng tingin rito. Bakit ba kasi siya ang pinag-uusapan ng mga ito?

"Don't cha worry guys, let Beatrice Esquivel handle this! Kampai" maliban sa kaniya ay sabay-sabay na nagtaas ng wine glass ang mga ito na dahilan para makaagaw ng atensiyon sa iba pang mga bisita.

"Ano'ng kalokohan na naman ang tumatakbo diyan sa isip mo Miss Esquivel?!" masamang tingin ang ipinukol niya kay Beatrice, ngunit ngumiti lang ito ng nakakaloko at nagkibit balikat. Mukhang hindi maganda ang mangyayari.

"GOOD evening ladies and gentlemen, families and friends. Thank you for coming! " si Benjamin na ang nasa entablado. Ang paningin ni Alexa ay tanging nasa kaniya lamang na wari ba'y wala ng ibang tao sa paligid bukod sa kanilang dalawa lamang. Napakaguwapo nito kaya hindi na siya magtataka kung bakit noon pa man ay marami na ang nagkakandarapa rito, dagdag pa na mayaman at may sinasabi ang pamilyang pinanggalingan. Magtataka pa ba siya eh kung maging siya mismo ay nahulog sa lalakeng ito, na kahit anong suway at pigil niya ay hindi nagpaawat at talagang nagpatianod pa sa nararamdaman.

Wala na siyang naiintindihan sa mga sinasabi nito, sinusulit niya ang bawat sandaling malaya niya pa itong matitigan kahit nasa malayo ito. Paniguradong sa oras na makasal na ang dalawa ay tuluyan na siyang makakalimutan ng minamahal. Hindi naman sila nagkakalayo ng estado sa buhay, kung tutuusin nga ay hindi na niya kailangan pang magtrabaho kay Benjamin dahil may sarili naman silang kumpanya, katwiran na lamang niya para payagan siya ay gusto niyang tumayo sa sariling mga paa. Sa ganda at ganda naman ay di hamak na mas lamang siya, lalo naman sa ugali, hindi naman siya nagbubuhat ng sariling bangko, ngunit totoo namang walang sinabi itong si Ali kay Alexa. Kay bakit ito pa at hindi na lang siya?

Ngayon ay mas lalo siyang dinudurog sa kaniyang mga nakikita at naririnig. Ang lalakeng minamahal ,na handang pag-alayan ng sarili at ibigay ang buong buhay ay masayang masayang nakangiti kay Ali sa gitna ng entablado, nakaluhod ang isang tuhod habang sa isang kamay nito ay hawak ang singsing na sinasabayan ng mga madamdaming salita. Mga salitang nagpapaluha sa tuwa kay Ali, na siya namang unti-unting dumudurog sa kaniyang puso. Hindi na niya namalayang may tumulo na palang luha mula sa kaniya, kung hindi pa pumatak ito sa kaniyang kamay ay hindi pa niya malalaman. Pinunasan niya agad ito upang hindi na makita pa ng mga kasama niya sa mesa ang itsura niyang nakakaawa.

"Haaayyyy nako...tuluyan na ngang tinakasan ng bait ang kakambal ko.." sabay tungga ni Beatrice ng natirang wine sa baso nito. Nakangiwi ito ng ibagsak ang wine glass. Hindi maipinta ang mukha, dahil kaya sa wine o dahil sa inanunsyo ng kakambal? Walang nakakaalam. Ang alam lang niya ay hindi ito natutuwa sa desisyon na iyon ni Benjamin.

"Ano ka ba naman Bea, ang asawa nga naagaw, ang fiancé pa kaya?" si Maita na may nakakalokong ngiti. Tinapunan siya ng tingin ng mga ito, mga tinging hindi niya gusto ang pinapahiwatig.

"Kung anoman yang mga tumatakbo sa utak niyo ay itigil niyo na! Hindi kayo nakakatuwa!" may pagbabanta sa tono niya.

Oo, mahal niya si Benjamin, ngunit sa paraan ng pag-uusap ng mga ito, paniguradong may pinaplanong kalokohan na naman ang mga ito. At hindi iyon tama.

"Okay...you're wish is my command! Inom pa tayo!" sabay angat muli ni Beatrice ng kaniyang puno na namang wine glass. Napapailing na lang siyang nakigaya sa mga ito.

Pero hindi pa rin siya kumbinsido sa sinagot sa kaniya ni Beatrice. Alam niya ang likaw ng bituka nito. Kaya hindi siya dapat magpakakampante.

avataravatar
Next chapter