CHAPTER 14

"YES! Yuri is my new girlfriend." Sunud-sunod na nagkinangan ang flash ng mga camera nang sagutin ni Lee ang tanong sa kanya ng isa sa reporter. Halos mabingi naman si Mariz sa kanyang narinig.

"These are all lies!" galit na galit na sabi ni Mariz habang pinanonood niya sa TV ang isinasagawang Press Conference ng 4MULA sa isang sikat na hotel sa Maynila.

"Imbis na mapahiya ang mang-aagaw na babaeng iyon ay ganito ang nangyayari!" Napapatiim-bagang ang aktres sa mga napapanood niya sa mga sandaling iyon. Nasira ang lahat ng plano ni Mariz upang mapalayo si Yuri kay Lee. Muling nagbalik sa alala ni Mariz ang ginawa niyang pag-iwan sa band leader.

Bago lisanin ni Mariz ang Pilipinas upang magtungo sa California ay palihim niyang kinausap ang personal assistant ni Ulysses na si Eunice. Kapalit ng pagiging mata nito sa loob ng dorm ng 4MULA ay ang buwanang pagpapagamot sa kanyang Lola. Nagpapadala ng karampatang halaga si Mariz sa kanyang bank account upang ito ay ma-ipadialysis. Madalas kinokontak ni Mariz si Eunice upang alamin ang kalagayan ng band leader. Sa tuwing naririnig niya ang balita tungkol sa kalungkutang nadarama ni Lee ay hindi niya mapigilian ang sisihin ang sarili. Ngunit mas pinili niya ang matagal niya nang pangarap - ang maging isang sikat na Hollywood actress.

Naging mahirap para kay Mariz na lisanin ang kanyang minamahal na si Lee. Ngunit kailangan niyang gawin iyon upang matupad ang kanyang mga pangarap. Ito ang nag-iisang kahilingan ng isang sikat na producer na si Calvin Anderson. Kinalaunan ay naging nobyo niya ito. Sinubukan niyang mahalin ang producer upang maging ganap ang kanyang mga pangarap.

Noong una ay naging maganda ang pagsasama nina Mariz at Calvin. Mabait, maalaga at maalalahanin ang producer. Sinubukan muna siyang isabak sa mga TV series sa U.S. Kadalasan niyang role ay madalas naaalis agad sa kwento o kaya naman ay namamatay. Nang lumaon ay kaibigan na siya ng mga bida sa kwento ang role niya. Sasabak na rin sana siya bilang kapatid ng bida sa kauna-unahan niyang pelikula nang biglang may hindi inaasahang pangyayari. Nadiskubre ng kanyang nobyong producer na may mga balita pang natatanggap si Mariz tungkol sa kanyang ex-boyfriend na si Lee. Dahil dito ay nagsimulang mag-iba ang trato ni Calvin sa kanya. Madalas na siyang sigawan at laitin nito. Kung anu-anong racial slurs din ang ibinabato nito sa kanya. Hindi na rin natuloy ang kanyang role sa naturang hollywood movie. Dahil dito ay naging bugnutin si Mariz. Hindi na maganda ang pakikisama ng aktres sa mga taong nakapaligid sa kanya. Lagi na siya iritable at naging masama na ang kanyang pag-uugali.

Nang marinig niya ang balita tungkol sa pagdating ng isang bagong personal assistant ni Lee ay naisipan niyang umuwi agad ng hindi nagpapaalam sa kanyang nobyo. Ayon sa mga kwento ni Eunice sa kanya, tila maganda ang pagsasama ng personal assistant at ni Lee at hindi tulad ng mga nagdaang personal maid nito. Naisip ni Mariz na muling bumalik sa Pilipinas at muling makipag-ayos kay Lee. Malaki na rin naman ang naipon niya sa U.S. dahil halos si Calvin ang bumibili lahat ng pangangailangan niya.

Pagbalik ni Mariz sa Pilipinas ay tila huli na ang lahat. Wala na ang Lee na hinahabul-habol siya. Oo nga't iniwan nito si Yuri sa restaurant ngunit hindi naman naging maganda ang muling pagsasama nila sa hotel.

Walang ibang nasa isip si Mariz kundi paghiwalayin si Lee at ang babaeng nang-agaw sa kanyang pinakamamahal.

"Maraming salamat sa mga tanong nyo." sabi ng host ng Press Conference. "Ngayon... Maririnig natin ang panig ni Yuri via teleconference."

Biglang sumulpot sa isang malaking TV screen sa gilid ng stage ang mukha ni Yuri. Napakaganda ng rehistro ng mukha nito sa TV. Artistang-artista ang dating. Ito ang unang araw niya sa kanyang acting workshop. Ang kanyang interview ay may pahintulot ng kanyang bagong talent manager at ni Kristoff. Makakatulong daw ang paglabas niyang ito sa TV upang mapabilis ang kanyang pagsikat.

"Yuri..." simula ng host. "Ikuwento mo nga sa amin kung paano kayo nagkakilala ni Lee."

Nagsimulang magkwento si Yuri tungkol sa unang pagtatagpo nila. Simula nang mabunggo siya ng gilid ng van ng 4MULA hanggang sa pag oober-da-bakod niya sa dorm ng mga ito. Kinuwento niya rin kung paano siya napagkamalang bagong personal assistant ni Lee. Hanggang sa maging sila na nga ng band leader.

"Isa po akong crazy fangirl ni Sir Lee... Noon po hanggang ngayon." pagsasalaysay ni Yuri.

"Pero bakit "Sir" pa rin ang tawag mo kay Lee?" takang tanong ng isang reporter.

Agad-agad na sinagot ni Lee ang tanong. "Na-nakasanayan niya na kase 'yun... Ka-kaya ako naman.... Ma'am Yuri ang tawag ko sa kanya..." pagpapalusot ni Lee. "Di ba Ma'am Yuri?"

"Ha? O-opo... tama po yun."

Kinilig naman ang lahat ng taong nasa loob ng conference room.

"Press release lang ang lahat ng yan!" naniningkit ang mga mata ng aktres. Naggalawan ang mga musles niya sa kanyang mukha. "Mamamatay muna ako bago mo tuluyang maagaw sa 'kin si Lee!" kinuyom ng aktres ang kanyang dalawang kamay.

Biglang nagtanong ang isa sa mga press.

"Hindi ba na-link ka kay Mariz dati na isang aktres? Ngayon anong masasabi mo at magiging isang artista na rin ang bago mong girlfriend?"

"Natatandaan ko ang sinabi sa 'kin ng girlfriend ko. Si Yuri ay si Yuri... kaya hindi ko siya dapat ikumpara kahit kanino." proud na sabi ni Lee. Dahil sa sagot niyang 'yon ay nagpalakpakan ang mga taong nakasaksi. Namula naman si Yuri sa sinabing iyon ni Lee.

"Humanda ka Yuri. Magsaya ka na ngayon. Dahil sisiguraduhin kong mararamdaman mo ang pait na nararamdaman ko ngayon!" tuluyan ng tumulo ang mga luha ng aktres. Kinuha nito ang kanyang telepono at idinayal ang numero ng isang kakilala.

Samantalang sa acting workshop ni Yuri...

"Girl!" bati ni Aika kay Yuri. Katatapos lang ng interview sa dalaga kaya naman agad tumawag si Aika sa kanya. "Artistang-artista ka na ha!" tuwang-tuwa ito sa achievements ng kaibigan. "Dati-rati para kang stalker ni Lee na sunod ng sunod sa kanya! Bukas-makalawa... ikaw naman ang susundan!"

"Loka-loka." natatawang sabi ni Yuri. "Pero girl... alam mo kung hindi dahil sa pagsupporta mo sa mga out-of-this-world kong kalokohan ay hindi mangyayari 'to! Maraming salamat sa 'yo girl!"

"Girl... 'wag kang magdrama.... hindi ka pa ganap na artista!" nagtawanan naman ang magkaibigan. "O sige na girl... Usap ulit tayo mamaya."

"Yuri!" Tinig ni Kristoff ang tumawag sa dalaga. "Nagpadeliver ako ng pagkain. I know you are already starving..." tumungin pa sa tiyan ni Yuri si Kristoff.

"Hindi pa naman nag-iingay ang mga alaga ko ha!" natatawang sabi ng dalaga. "Pero medyo nagugutom na rin ako. Tara kain tayo."

Naupo sila sa isang gilid at saka binuksan ang mga dalang pagkain ni Kristoff. Wala namang kaarte-arteng kinamay ni Kristoff ang pritong manok. Sinawsaw niya ito sa gravy at saka kinagatan. Natawa naman si Yuri dahil may natirang gravy sa gilid ng labi ng aktor.

"Why are you laughing?" nakangiting sabi nito. Lumabas na naman ang cute nitong dimples. "Ngayon ka lang ba nakakita ng artistang nagkakamay?" nakangiti pa rin ito.

Dahil may laman pang spaghetti ang bibig ni Yuri ay hindi ito nakapagsalita. Itinuro ng dalaga ang sarili niyang labi upang ipaalam kay Kristoff na may natirang gravy sa bibig nito.

"Gusto mo ng kiss ko? Sa lips?" maang na sabi ni Kristoff.

Halos mabulunan naman si Yuri sa sinabi ng aktor. Bigla itong namula. Mabilis namang kinuha ng dalaga ang soda at nilagok ito. Matapos nun ay biglang hinawakan ni Kristoff ang baba ni Yuri. Napalunok lang ang dalaga sa ginawa ng aktor. Dahan-dahan ay pinahid ni Kristoff ang hintuturo niya sa gilid ng labi ni Yuri at muli itong ngumiti.

"May spaghetti sauce ka pa sa bibig mo."

"Ah..Eh Sa-salamat." utal na sabi ng dalaga.

Agad naman bumawi si Yuri. Pero imbis na alisin niya ang gravy sa labi ni Kristoff ay pinahiran niya pa ito ng mas marami pang gravy.

"You are a bad girl..." natatawang sabi ni Kristoff.

"Mabait kaya ako.." nag-peace sign pa si Yuri.

Maya-maya pa ay sumeryoso si Kristoff.

"Totoo bang kayo ni Lee?" tumingin ito sa mga mata ni Yuri.

"'Yung mokong na 'yon?" simula ni Yuri habang iniikot niya ang tinidor sa spaghetti. "Eh nuknukan ng yabang yun e. Crush ko siya... Pero hindi totoong boyfriend ko siya... 'Wag kang maingay Tope ha!"

"Promise... No one will know about it." itinaas pa ng aktor ang kanyang kanang kamay habang hawak ang pritong hita ng manok at muling dumungaw ang ngiti sa labi nito. Matapos nun ay ibinaba niya ang kanyang kamay at napailing pa ito. "Welcome to our world. This is show business." may laman ang sinabing iyon ni Kristoff.

"Parang may gusto kang sabihin sa 'kin Tope..." kumunot ang noo nito dahil sa sinabing iyon ng binata.

"As much as posible, you should not give your full trust to anybody here." makahulugang sabi ni Kristoff.

"At sa iyo din ba?" tanong ng dalaga.

"Yes. I must say including me." tumingin ito sa mata ni Yuri.

"Pero Tope magkaibigan na tayo.... At nagpapasalamat ako sa 'yo dahil sa sobrang laki ng tulong na ibinigay mo sa 'kin..." sinabi ni Yuri. Ngunit naging isang malaking palaisipan sa kanya ang sinabi ni Kristoff.

"Hmmmm E ikaw naman... kumusta na pala kayo ni Athena Rodriguez? Yung lagi mong ka-love team... kayo ba?"

Napangiti lang si Kristoff sa naging tanong ni Yuri. Itinuon ng binata ang tingin sa kanyang kinakain.

"We need to show our fans that there's a connection between us. That we like each other on and off the camera. When we were newbies in the show business I really like her. Pero parang unti-unti na siyang kinakain ng kasikatan niya." lumungkot ang tinig ni Kristoff. "She even told me that without her.... I'm nothing."

"Sinabi niya 'yun sa 'yo?" nanlaki ang mga mata ni Yuri.

Tango lang ang sinagot ni Kristoff.

"I will tell you something Yuri and I hope that this will not discourage you from being a new artist." pinutol muna ni Kristoff ang kanyang sasabihin. Humugot ito ng isang malalim na buntong hininga. Si Yuri naman ay kumunot ang noo. "Gusto kong patunayan kay Athena na makakatayo ako sa sarili kong paa kahit wala siya.... at ikaw ang papalit sa lugar niya." tinitigan ni Kristoff si Yuri sa kanyang mga mata.

"Tope... willing akong tulungan ka dahil tinulungan mo rin ako... Pero sa totoo lang... kahit hindi mo sya ka-love team ay kaya mong tumayo sa sarili mong paa. Sikat na sikat na ang pangalan mo Tope at marami kang acting awards!"

"But I still need your help Yuri... Nagpapasalamat ako sa tulong mo Yuri... Salamat talaga... At dahil din sa 'yo kaya natutunan kong magpasalamat ng paulit-ulit to show my appreciation."

"Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko Tope..."

Kinagabihan sa Dorm ng 4MULA...

"Sa wakas natapos ko rin!" masayang sabi ni Lee. Lumabas siya sa music room dala ang piraso ng mga papel. "Guys... Let's include this song that I just composed..."

Tiningnan ni Ulysses ang mga papel na hawak ni Lee.

"Crazy Fangirl?" binasa ni Ulysses ang title ng kanta. "Are you serious Bro?" kumunot ang noo ng drummer ng grupo.

"What's the problem? We can have different genres in our album, right?" kumunot din ang noo ni Lee.

Binasa ni Ulysses ang laman ng kanta. "This is so cheesy!" napailing na lang ito.

"Lee!!! Come over here!! You must see something!" tawag ni Art sa band leader upang ipaalam ang news na ipinalalabas.

Sampung kabataang babae mga edad labingwalo pababa ang nahuling nag-oober-da-bakod sa dorm ng 4MULA. pag-uulat ng isang entertainment reporter.

"Is this true?" manghang sabi ni Lee.

"Kailangan siguro dagdagan pa natin ang security natin sa labas." suhestiyon ni Miggy. "Baka isa yung Asia Gonzales na yun sa mga nag-ober-da-bakod." natatawang sabi pa nito.

Samantala ang number 1 trending ngayon sa twitter ay hashtag LeeYuri at number 2 naman ang hashtag KristoffYuri. Alam naman natin na ang bagong girlfriend ngayon ni Lee ay si Yuri na dati niyang personal assistant. Ang hindi ko maintindihan ay bakit trending din sina Kristoff Pineda at Yuri Velasquez. May usap-usapan na si Yuri ang magiging bagong ka-love team ng aktor. Pero hindi kami kumbinsido kaya naghanap kami kung ano bang meron sa kanila. Nahalukay namin sa instagram ang dalawang larawan ni Kristoff at Yuri na naglalambingan habang kumakain. Pinakita pa sa screen ang dalawang larawan ni Yuri at Kristoff na kinunan sa lugar kung saan nag-woworkshop ang dalaga.

Hindi pa man din nagsisimula bilang artista ay marami nang kinahaharap na isyu itong si Yuri... Anong masasasbi nyo mga Ka-Choosy?

Biglang pinatay ni Lee ang TV at inihagis nito sa sofa ang remote.

"Wow Bro.... nanonood pa kami e..." natatawang sabi ni Ulysses balak na naman nitong asarin si Lee pero hindi na nito tinuloy dahil lumabas bigla si Lee at nagtungo sa hardin.

Kinuha ni Lee ang kanyang telepono at tinawagan niya si Yuri. Nakuha na nito ang numero ng dalaga kagabi.

"He-hello..." medyo inaantok pa ang tinig ng talaga.

"Ma'am Yuri... Si Sir Lee 'to...." bigla namang nawala ang antok ni Yuri. Everytime na lang na naririnig ng dalaga ang boses nito ay lagi siyang nabubuhayan ng dugo.

"O... Si-sir Lee... napatawag ka... gabi na ha..." niyakap pa ni Yuri ang kanyang unan.

"Napanood mo ba sa TV?"

"Ha? Yung Press Conference ba kanina?"

"Nope... Anyway... trending tayo sa twitter..." pinutol pa ng binata ang sasabihin niya. Humugot ito ng isang buntong-hininga. "at pati na kayo ni Kristoff..."

Napansin ni Yuri na may pagseselos sa tinig nito.

"Nagseselos ka ba Sir?" bigla namang kinilig si Yuri sa tila pagseselos ni Lee.

"Se-selos?" utal na sabi ni Lee. "Nagpapatawa ka ba MA'AM YURI?" inayos ng binata ang salita nito. Diniinan pa nito ang pangalan ng dalaga.

"Weh... Selos si Sir..." natatawang sabi ni Yuri.

"Ba-bakit naman ako magseselos." nautal na naman si Lee. "IDOL ako? Sila ang dapat magselos kung anong meron ako." pagmamayabang pa nito.

"Yabang mo talaga Sir! Kailangan na kailangan ko yan ngayon kase medyo mainit dito. Kailangan ko ng HANGIN!" pang-aasar ni Yuri.

"Baka gusto mong pumunta ang hangin diyan magulat ka..." pinatulan naman ni Lee ang pang-aasar nito.

"Huwag na Sir. Baka magiba ang bahay namin." natatawang sabi ng dalaga.

Tumawa na lang din si Lee. Pero muling sumeryoso ang tinig nito.

"Please... sana naman... huwag kayo maging masyadong close ng Kristoff na 'yun..." inalis ng binata ang bara sa kanyang lalamunan. "A-alam nilang lahat na girlfriend kita. Kaya hindi ka pwedeng makipag-flirt kahit kanino. OK?"

"Kaibigan ko lang naman yung tao. Isa pa, maraming bagay na ang naitulong niya sa 'kin... hmmmm nagseselos ka ba?"

"Pa-paano kung.... sabihin kong..." muling lumunok si Lee. "Nagseselos ako."

Para namang nabingi si Yuri sa sinabi ng band leader. Hindi ito makapaniwala sa narinig niya.

"Sir..."

"Forget it Yuri... May i-sesend akong text sa 'yo. Kailangan sundin mo yun... Bye..." bigla na lang pinatay ni Lee ang kanyang celphone.

"Ang weird naman ni Sir Lee." sinabi ni Yuri habang nakatingin ito sa kanyang celphone. Hinihintay ang text ng binata.

Maya-maya pa ay tumunog ang celphone ng dalaga.

Sender: Fafa Lee

My driver will pick you up in your house tomorrow at 7pm. Do not ask any questions, just follow my instructions.

Good Night.

Nagtaka naman si Yuri sa natanggap niyang message ni Lee. Gusto sana niyang magtanong pero sinunod niya na lang ang sinabi ng binata.

I'm becoming crazy! sa isip-isip ni Lee.

============================================

avataravatar
Next chapter