2 2

DUMAPA si Desiree sa kama. Nakauwi na siya. Nagbukas siya ng ilang libro, magazines na nakakalat lang doon pero ewan niya at wala roon ang isip niya. Ilang araw na ba siyang ganito? Kinatok-katok niya ang ulo at iyon ang naabutan ng boardmate niyang si Alena.

"Lalo ka lang matatanga niyan. Sabi sa 'yong move on na." Umupo ito sa kama at hinagis kung saan ang sling bag tapos hinilig ang ulo sa likuran si Desiree.

"Hindi. Hindi na 'to tungkol kay Theodore!"

Napangising umusog si Alena at tumabi ng higa sa kanya. "At sino 'yan? Taga-South ba o iba? Alam na ba ni Karina? Siguruhin mong hindi bakla ha."

"Ha? Wala akong alam diyan!" Si Karina naman na kadarating lang din galing trabaho. Nakakunot ang noo nitong piniling sumandal sa pintuan kaysa umupo.

"Oh! Welcome home, Rinrin!" ang napabangon na bati naman ng nobya nitong si Alena. Mabilis pang nakalapit para sumalubong ng yakap at halik.

At siyempre, heto si Desiree sa bitterness niya sa buhay binato na niya ng magazine ang dalawa.

"Nananadya talaga kayo sa single na kagaya ko."

Tinawanan lang siya at lalong nagyakapan. "Nakipaghiwalay ka pa kasi abroader mong boyfriend," susog ni Karina.

"Oo nga! Dapat siniguro mo muna ang feelings sa 'yo ni Theo bago mo iniwan si Reynold."

Ngayong ipinaalala sa kanya ng magkasintahan ang tungkol doon ay bigla siyang napatalukbong ng kumot. Ang tinutukoy na Reynold ay kaklase nilang tatlo sa sekondarya. Halos tatlong taon din silang on and off ng lalaki kaso nga lang nang tumungo itong Japan nagkagusto naman siya sa iba at nauwi nga sa pakikipagkalas niya.

"Ayiee! Nagbabalik-tanaw siya." Si Alena.

Kilalang-kilala na talaga siya ng dalawa kahit wala siyang sabihin. Kunsabagay, matagal na rin silang magkakaibigan.

"Eh, anong magagawa ko... mabilis akong magkagusto lalo na sa matatangkad." Iyon talaga ang problema niya kaya wala ring nagtatagal sa kanya.

Mayamaya, nasa magkabilang tabi na niya ito at nakayakap sa kanya.

"Ayun na nga! Huwag ka kasi sa panlabas tumingin. Doon tayo sa nababasa ang panty natin." Humagalpak si Alena. Hinampas tuloy ito ni Karina.

"Huwag kang makinig diyan, Des. Ano bang hapunan natin ngayon? Nagugutom na ako."

Napabalikwas siya ng bangon. Palit-palitan sila sa kusina kada buwan. Ganoon ang naging usapan nila mula nang makitira siya rito. Palipat-lipat siyang trabaho dati at ganoon din ang pagpalit niya ng nobyo. Kapag dumating kasi ang break up, aalis siya upang makaiwas. Sa pare-parehong dahilan ang hiwalayan, may nagustuhan siyang bago.

"Sige, sige, tortang talong na lang siguro," aniyang mabilis narating ang refrigerator.

"Ikaw, basta may kamatis ha," request ni Alena na sumunod pala sa kanya.

Madali lang naman ang proseso. Imbes na ihawin ang talong, nilaga na lang niya. Nagbati ng itlog na tinimplahan ng asin at paminta tapos doon na niya nilublob ang nabalatan ng talong tapos ipriprito na niya iyon. Lalagyan ng toppings na hiniwang kamatis. Solve na. Iyon na ang kakainin nila kasama ng sinangag na kanin.

"Kuhang-kuha mo talaga, umm!" Halos sabay pa ang magkasintahan.

Maiiling na lang siya. Tuwing gabi lang sila may ganitong salu-salo. Magkakasundo naman sila na parang magkakapatid. Sa kanilang tatlo sina Alena at Karina ang mas maraming manliligaw noong nag-aaral pa sila. Wala nga lang pinansin ni isa. Nitong nakaraan lang mga buwan lang niya nalaman ang dahilan. Sorry pa nang sorry ang mga ito nang ipagtapat sa kanyang lesbian talaga sila at matagal na silang may gusto sa isa't isa.

"Ang ku-cute ninyo! Tutusukin ko na kayo ng tinidor," sarkastiko niyang sabi sa nagsusubuang couple sa harapan niya.

Tatawa-tawa ang mga ito sabay sabing, "Hindi na, hindi na," at saka hinarap ang kanya-kanyang plato.

Pagkatapos ng seremonyas sa kusina, hihiga na sila sa oras na alas nueve y media. Doon sa iisang kama. Pero madalas sa lapag siya lalo na kapag may mga babasahin siyang comics. Kaso bibihirang-bihira lalo na kapag taglamig.

"Des, akyat ka kaya dito. Wala kaming kayakap."

Sumampa na nga siya sa kama. Sa gitna siya habang mauunang matulog ang mga itong nakayakap sa kanya. Pagkagising sa umaga, bakante na ang inokupa ng mga ito.

Laging makalat ang buong bahay kahit na tatlo silang babaeng nakatira roon. Wala rin siyang panahon mag-ayos dahil late siya laging magising. Mabuti at malinis naman siya sa sarili.

Isang sakay ng dyip, isang tren at isang traysikel ang layo ng tinutuluyan niya sa condominium kung saan siya namamasukan. Minsan, bus ang sinasakyan niya o di kaya'y taxi. Malakas sa pamasahe pero mas okay na ito kaysa sa wala. Ang mahalaga, sapat sa kanya ang kinikita.

Isa siyang diyanitres ng Housekeeping Department ng South Filinvest, 39-storey condominium. Nakapag-aral naman siya ng Hotel and Restaurant Management pero hindi niya natapos. Hindi rin niya iyon malagay-lagay sa resumé. Ewan niya at gusto niyang ilihim ang ibang nalalaman niya maging sa mga kaibigan niyang graduate sa kursong iyon. Hindi siya kasing talino ng dalawa. Maykaya ang mga ito. At ang renta nila ay sagot pa ng mga magulang nito. Close sila kung closeness lang ang pag-uusapan. Kumbaga, gusto ng mga itong lagi siyang kasama. Kahit pa naiba ang eskuwelahan niya sa kanya sa kolehiyo noon ay lagi pa rin siyang pinaglalaanan ng panahon. Nililimitahan lang dahil siya itong laging may nobyo.

Nakababa na siya ng dyip. Maglalakad siya nang ilang minuto bago at mararating ang isa sa pinakamataas na gusali ng South.

Pagkapasok ng lobby, binati siya ni Karina tapos nag-flying kiss. Natawa tuloy siya.

"Sa taas na ako," iyon lang ang sabi niya at pagkatango nito ay saka lang siya nagpatuloy papuntang elevator. Nakasabay pa niya ang magkasintahang kilala sa tawag na Soto at Theo. Hindi niya pinansin pero sa gilid ng mata niya ay nakita niya ang magkahawak-kamay.

Medyo awkward sa kanya ang sitwasyon dahil nga siya itong nagtapat kay Theo na ilang linggo na ang nakakaraan tapos heto at nasa iisa silang elevator. Gusto pa rin niya ang lalaki. Humahanga pa rin siya sa tangkad nito. May height fetish talaga siya, iyon ang unang dahilan kung bakit madali siyang mapasagot. Kahit hindi pogi basta matangkad, sige lang.

Pinauna niyang lumabas ang dalawang binata. Pero nagulat siya nang pagkasunod niya sa locker room ay makita ang mga itong naghahalikan. Intense. Nakalambitin si Soto sa batok ni Theo.

Napatalikod siya. Nakakadama siya ng inggit. Kailan ba siya huling nahalikan ng ganoon? Nag-init ang pisngi niya nang maalala si Reynold, ang pinakamagaling humalik sa lahat ng dumaan sa buhay niya. Dito niya ipinagkaloob nang ilang ulit ang pagkababae.

Napatakbo siya sa rest room. Pinaligaya niya ang sarili gamit ang daliri. Iyon ang kauna-unahan niyang ginawa. Ginaya lang niya ang bawat galaw ng kamay ni Reynold pati ang sinasabi nito ay inalala niya, ang mga paanas nito, ang panuksong mga tanong.

"Nasasarapan ka ba kapag ginagawa ko 'to?"

Napapikit siya. Naiyak pa siya nang marating ang rurok. Sa edad na beinte cinco, ngayon lang siya nagkaganito pero hindi siya nagsisisi.

avataravatar
Next chapter