2 Chapter 1

Chapter I

The Beginning

Dumating na ang araw ng Seremonya. Ang lahat ay nakatakda. Ang lahat ay mangyayari ayon sa nakasulat, ayon sa kagustuhan ng nakatataas at nakasanayan ng lahat sa loob ng Organisasyon.

Pinagmamasdan ko ang kabuuan ng silid kung saan ako naroroon. Akalain mong labing walong taon din pala akong nakakulong sa mansyong ito. Kung kaya't kahit na hindi na ako makabalik pa dito ay paniguradong maaalala ko pa din ang itsura ng silid na ito, maski sa pinakamaliit na detalye ng desenyo nito.

Mula sa aking malaking bintana ay kitang kita ko ang malaking hardin ng Mansyon. Ang mga buhay na buhay na kulay lilang rosas ay tila parang payapang nagpapahinga sa ilalim ng sinag ng araw gaya ng iba pang mga makukulay na bulaklak.

Napakapayapa sa pakiramdam.

Isinara ko ang aking mga mata at dinama ang paghaplos ng sariwang hangin sa aking balat. Nadadama ko ang kapayapaang lagi kong nararamdaman sa tuwing nakamasid ako sa malaking bintana ng silid na ito.

Ilang Sandali pa ay may narinig na akong kumakatok sa aking pintuan. Hudyat na kailangan ko ng lisanin ang lugar na ito.

Bago pa man ako tuluyang lumabas ay sinilip kong muli ang hardin at doon ko naisip na sana ay ito na ang huling beses na Makita ko ang tanawing ito.

***

Inihatid ako ng tagasundo sa silid-aklatan ng Mansyon at hindi pa man ako tuluyang nakakapasok ay sinalubong na agad ako ng hindi lang isa ngunit tatlong patalim na agad ko rin namang naiwasan.

"Talagang tumatanda na ba ako o sadyang bumibilis ka lang kamahalan".

Tinignan ko siya mula ulo hanggang paa atsaka ibinalik ang mga patalim na inihagis niya sa akin.

"Magandang araw sa iyo Master", yumuko ako bilang pagbibigay galang sa kanya.

"Akalain mo nga namang sa huling beses ay magpapakita ka pa rin ng paggalang sa akin kamahalan", aniya pa sa akin.

"Mapapalitan lamang ang aking rango Master pero hindi ibig sabihin ay mawawala na ang paggalang at pagrespeto ko sa inyo. Kayo pa rin ang nagturo sa akin ng mga bagay na kailangan kong matutunan, at higit sa iba ay kayo lamang ang tunay na nakakakilala kung sino talaga ako", sagot ko sa kanya na siyang dahilan ng kanyang pag-ngiti.

"Wag na wag mong kalilimutan ang lahat ng itinuro ko sa iyo kamahalan iba na kapag talagang naroroon ka na sa tunay na sitwasyon at hindi sa gawa gawa lamang", paalala niya pa sa akin.

"Lagi kong tatandaan ang mga sinabi mo Master".

May kinuha naman siyang isang maliit na kahon at ibinigay iyon sa akin.

"Maligayang kaarawan kamahalan, nawa'y maging makabuluhan ang buhay mo sa labas ng Mansyong ito. Naghihintay na sa inyo ang lahat".

Yumuko ulit ako at nagbigay ng pasasalamat sa lahat ng mga naituro niya sa akin. Ngayon ako nalang mag isa, walang ibang pwedeng pagkatiwalaan at maging kaibigan. Walang ibang pwedeng asahan kundi ang sarili ko na lang, dahil isang maling hakbang na magagawa ko ngayon ay paniguradong may kaakibat na kapahamakan.

***

Habang naglalakad ako palabas ng mansyon ay tahimik lang na nakayuko ang mga tauhan naming. Ni wala akong naririnig na kahit ano mula sa kanila kagaya ng nakasanayan. Pagdating ko sa dulo ng pasilyo ay doon sila sabay sabay na yumuko bilang paggalang at pagpapaalam.

Sinalubong ako ng isang kulay pulang Volvo. Pagkasakay ko mas lalong naramdaman ang nalalapit kong pagalis sa lugar na ito. Kagaya ng nakasanayan ko ay walang ingay at tanging paghinga ko lang ang naririnig ko. Mula sa rear-view mirror ay kita ko ang pagtingin sa akin ng tauhan naming nagdadrive ng sasakyan at ng makita niyang nahuli ko siyang nakatingin sa akin ay para siyang biglang naubusan ng dugo sa pamumutla.

Umirap lang ako at seryosong tumingin sa dinadaan ng sasakyan. Ilang sandali pa ay tumigil na ito sa tapat ng isang gubat. Ang gubat na nagsisilbing dead end para sa lahat ng tao sa loob ng Islang kinatatayuan ng mansion ng aming pamilya.

"Hanggang dito ko nalang po kayo maihahatid kamahalan", pagkasabi niya nun ay humarurot na pabalik ang sasakyan.

Mula sa kinatatayuan ko ay pinagmasdan ko ang kabuuan ng gubat at saka ko napagdesisyunang tahakin ang daan patungo sa loob nito. Hindi ko maiwasan ang pagkahumaling sa lugar. Iba talaga ang dulot sa akin ng mga halaman at ng mga puno. Kapansin pansin ang kaibahan ng gubat na ito sa lahat ng gubat sa loob ng Isla Reaño.

Pagkapasok ko ay naramdaman ko na ang bigat ng pakiramdam, ngunit hindi ko iyon pinansin at nagpatuloy lang sa paglalakad.

Napahinto ako ng sandaling dumilim ang paligid.

Nahirapan akong aninagin ang daanan dahil natatakpan ng makapal na hamog ang buong paligid. Ang mga puno dito ay kakaiba, sobrang tataas at iba iba ang kulay ng mga dahon nito. Iilan lamang sa mga iyon ang kaya kong pangalan at karamihan doon ay noon ko lamang nakita.

Habang patuloy ako sa paglalakad ay lalo akong namamangha sa mga bagay na nasa loob ng gubat. Kada dalawang minuto ay nagbabago ang kulay ng paligid pati narin ng mga dahon ng puno, ngunit habang patagal ng patagal ay lalong bumibigat ang pakiramdam ko. Mali, hindi lang ang aking pakiramdam ngunit pati narin ang aking buong katawan na tila tumataas ang gravity sa buong lugar.

Natigilan ako sandali sa pagiisip ng makaramdam ako ng mga matang nakamasid sa akin. Kanina ko pa iyon napapansin ngunit ipinagwalang kibo ko nalamang sapagkat wala pa naman silang ginagawa sa akin. Madami sila, sa aking tantsa ay mga nasa labing walong katao sila lahat lahat kasama na yung lalaking kanina pa ko pinagmamasdan mula sa itaas ng mga puno.

Ilang sandali pa ay nakarinig na ko ng mga kaluskos hudyat na magsisimula na ang kanilang pagkilos. Nagbago ang kulay ng paligid. Naging kulay pula ang mga bulaklak at mga dahon sa puno, kasabay ng pagbabagong iyon ang pagiiba ng emosyong nararamdaman ko. Nagsilabasan ang lahat ng nagtatago kanina at tama nga ako labing walo silang lahat.

Walang salita salita ay sabay sabay nila akong sinugod. Sipa, tadyak at suntok ang isinalubong nila sa akin ngunit nagawa kong sanggain ang lahat ng iyon at isa isang ibinalik sa pagmumukha nila.

"Anong kailangan niyo sakin?", pagtatanong ko sa kanila ngunit hindi sila nag-abala pang sumagot. Napatawa na lang ako sa sarili kong tanong. Ano pa nga ba sa tingin ko ang dahilan ng pagharang nila sa daraanan ko.

Isa isa ko silang sinugod. Tinadyakan ko sa tiyan ang isa at inihagis sa kasamahan niya at saka tumalon sa likod ng nasa harapan ko para makabwelo ng sipa sa apat niyang kasamahan. Nang humarap ako sa kanya ay nakaamba na siya ng suntok kaya lang ng dahil sa kanyang kabagalan ay naunahan ko siya ng suntok na siyang dahilan ng pagtama ng ulo niya sa puno. Ang mga mukha nila ay punong puno ng dugo. Nang lumingon ako ay nakita ko ang mga nakaratay nilang katawan.

Napairap nalang ako at nagpatuloy sa paglalakad ng parang walang nangyari.

Ilang sandali pa ay biglang nagbago ang kulay ng paligid. Sa di kalayuan ay nakita ko ang pamilyar na hugis ng punong Wisteria. Kulay lila ang mga dahon nito at ang mga bulaklak na nakatanim sa paligid ng kagubatan ay kakulay ng mga dahon nito. Kasabay noon ang pagbabago ng nararamdaman ko. Bigla akong nakaramdam ng kapayapaan, kagaya ng nararamdaman ko tuwing nasa loob ako ng aking silid at pinagmamasdan ang aking hardin at lumalanghap ng sariwang hangin.

Pagkalabas ko ng gubat ay may nakita akong kulay itim na Ducati. Mabuti nalang at marunong akong magmaneho ng iba't ibang klase ng mga sasakyan. Pagsakay ay agad kong tinahak ang nagiisang daan na makikita kasunod ng gubat. Pababa ang daan kaya naman di ako nahirapan pa sa pagmamaneho. Hindi naging alintana sa bilis ng pagpapatakbo ko ang pagiging unfamiliar ng lugar.

Habang palayo ako ng palayo ay kapansin-pansin ang pagkipot ng daanan. Doon ko lang din napansin ang pagsulpot ng ilog sa gilid ng dinadaanan ko. Kitang kita ang pagkislap ng tubig nito dahil sa pagtama ng sinag ng araw. May iba't ibang uri ng halamang tubig at bulaklak ang nasa gilid ng ilog na mas nagpapaganda sa lugar. Mga labing limang minuto na din akong nagmamaneho dito at di ko inakalang medyo may kalayuan pala ito. Mas lalo pang kumitid ang dinadaanan ko dahil sa presensya ng dalawang ilog sa magkabilang gilid ng daanan. Hanggang sa mas kumipot pa ito ng kumipot. Sa tantsa ko ay mga nasa sampung dangkal nalang ang lapad noon, ngunit hindi pa din iyon nagging alintana sa mabilis na pagpapatakbo ko.

Ilang sandali pa ay nakarinig ako ng kakaibang pagtunog na nagmumula sa gilid ng motor. Parang tunog ng timer.

"Tsk! Mga lapastangan!", mahinang sambit ko.

Tinignan ko ang gilid ng minamaneho kong motor at tama nga ang hinala ko. May nakakabit na bomba doon. Napapikit nalang ako ng mariin.

Ang matandang iyon ay wala talagang pagpapahalaga sa mga kayamanang gaya nito, pagtutukoy ko sa motor.

Nag-igting ang bagang ko at napailing nalang sa inis. Sino nga naman bang hangal ang makakaisip na ikulong ako dito ng labing walong taon at papalayasin na lang ako ng walang kahirap hirap? Para saan pa nga ba ang pagsasanay sakin kung hindi ako susubukin, Pabo Jhae!

Ilang sandali pa ay narinig ko ang pagbabago sa tunog ng timer hudyat ng nalalapit nitong pagsabog. Labag man sa loob ko ang pagiwan sa motor ay kailangan ko talagang umalis doon. Tinalon ko ang ilog na nasa kanan ko at buong lakas na sinipa papunta sa kaliwang ilog ang motor na sinasakyan ko. Kasabay ng paglubog ko ang pagsabog ng bomba. Sa lakas noon ay naramdaman ko pa ang paggalaw ng tubig at nasisigurado kong pagkaahon ko ay ang sirang mga halaman at bulaklak ang bubungad sa akin.

Nagpakalubog ako doon at dinama ang lamig ng tubig bago naisipang umahon. Pag-angat ko ay wala na akong nadatnan na kalsada. Napangiwi nalang ako atsaka nagpaanod sa tubig .

Nakakabilib ang pagkakagawa sa lugar mukhang pinagisipan at pinagplanuhang mabuti ang desenyo.

Hindi pa man ako nakakausad sa mga nangyari sa akin ay meron na naman akong panibago problema. Bumilis ang agos ng ilog at hindi maganda ang pakiramdam ko sa bagay na iyon. Sa ikatlong pagkakataon ay tumama na naman nga ang hinala ko. Sa di kalayuan ay nakita ko ang mabilis na paghulog ng tubig. Ang dulo ng ilog ay talon at dahil wala nang iba pang daanan bukod dito ay wala na akong pagpipilian pa kundi ang magpatianod sa tubig.

'Lagi nalang ba akong walang mapagpipilian?'

Kasabay ng pagbagsak ng tubig ang pagbagsak ng katawan ko sa ibabang bahagi ng ilog. Ramdam ko ang mabigat na paghampas ng tubig sa aking mukha kaya hindi ko kaagad nagawang imulat ang aking mga mata.

Nang makaahon ako ay doon ko nakita ang isang ginintuang pasilyo at mula sa kinatatayuan ko ngayon ay nakita kong nakatayo sa dulo nito ang isang pamilyar na tao.

Ang chairman ng mga Reaño at ang taong dahilan kung bakit may isang Milejhae Reaño na laging naiiwang walang pagpipilian.

avataravatar
Next chapter