webnovel

Ang Kuwintas ni Nanay (Part I)

"IWAN MO NA lahat 'yan, 'nak," ang utos ni Rodel sa labimpitong taong gulang na si Dian. "Tulad ng dati, wala kang ibang dadalhin."

Pitong taon na ang nakalipas mula nang pumanaw ang nanay ni Dian, at mula noon ay hindi na napatigil sa iisang lugar ang mag-ama. Sa loob ng pitong taon, nalibot na nilang dalawa ang Pilipinas sa kahahanap ng matitirhan at mapapasukang eskwelahan para kay Dian. Paliwanag ni Rodel, kailangan niyang magpalipat-lipat ng probinsiya dahil sa kanyang trabaho. Ngunit kung ano ang trabahong iyon, hindi na nalaman ni Dian.

Hindi naman dahil sa wala siyang pakialam sa tatay niya. Kung tutuusin, ilang beses na rin niyang itinanong ito, ngunit laging ngiti lang ang tugon ni Rodel. Kaya ginaya na lang din niya ang kanyang tatay at ngiti na lang din ang isinasagot niya sa tuwing ini-interview siya sa bawat eskwelahang pinapasukan niya. Employee na lang din ang isinusulat ni Dian sa mga form na kailangang lagyan ng trabaho ng tatay. Nasanay na si Dian, kung kaya hindi na rin niya inungkat pa kay Rodel kung anong sinisikreto nito.

"Baka naman dealer ang tatay mo," ang biro ng best friend niya noong siya ay Grade 6 at nag-aaral pa sa Lucban.

Hindi na tinanong ni Dian kung anong klaseng dealer ang ibig ipahiwatig ng loka-loka niyang kaibigan. Hinila niya ang pigtail nito sabay sabing, "ikaw, dealer."

"Bes, 'yang mga ganyang klaseng lalaki – yung may mga sikreto – hindi dapat pinagkakatiwalaan," ang paliwanag naman ng isa pa niyang best friend noong siya ay Grade 9 sa Catarman. "Sasaktan ka lang niyan, makita mo," dagdag pa nito.

Siyempre sinapak niya ang babaitang iyon sabay tawa. "Ano naman tingin mo sa tatay ko, e ang tatay mo nga hindi umuwi nang isang buwan–"

At napatigil siya dahil sa biglang lumungkot ang mukha ng kaibigan niya. Ganoon sila lagi. Tapang-tapangan pero ang totoo, madaling masaktan ang mga damdamin.

Bawat taon ay may best friend si Dian. Naisip niya kasing sasama lang ang loob niya kung hindi niya ie-enjoy ang pag-aaral. May pinanood kasi siya noong pelikula tungkol sa isang teenager na palipat-lipat din ng paaralan kaya hindi na ito nag-effort na makipagkilala. Noong Grade 5 si Dian ay sinubok niyang gawin iyon, pero napatunayan niyang hindi siya masayang nag-iisa, kaya hayun, pitong eskwelahan, pitong grupo rin na mga best friend. Mabuti na lang nauso na ang Internet ngayon, kaya kahit pa nasaan si Dian, nakakausap niya ang mga best friend niya sa chat.

'Yun nga lang, isang beses lang sa isang linggo. At palihim pa.

Kailangan pang pumunta sa piso net ni Dian para lang makapag-online. Plano yata ng kanyang ama na tumira sa kweba dahil ayaw nitong magpakabit ng Internet o bumili ng pocket WiFi. Kaya kapag may assignment at kailangan niyang magpasa online, doon lang nakakagamit ng Internet si Dian. Ang masaklap lang nito, minsan, hindi niya natitiyempuhan ang mga kaibigan kung online. May mga araw na ni isa sa mga kaibigan niya ay hindi nagpaparamdam.

Sa mga pagkakataong iyon na tila nag-iisa siya, ilalabas niya ang isang maliit na kahon ng mga alaala ng kanyang ina. Sa tuwing lilipat sila ng tirahan, laging bilin ng kanyang tatay na huwag magdadala ng kahit ano. Iwanan ang lahat ng gamit. Ngunit maliit ang kahong ito para magkasya sa backpack niya, at suwerte namang hindi na tinitingnan ng tatay niya ang laman ng bag sa tuwing aalis sila. Matagal na niya itong inililihim sa ama, at ngayong paalis na naman sila, balak niyang dalhin pa rin ang kahon sapagkat ito lang ang natitirang pamana ng kanyang ina.

"'Tay, pa'no 'tong mga medal ko sa Arnis?" ang tanong ni Dian sa ama na noo'y nagbibilang ng pera sa kanyang wallet.

"Iwan mo na rin 'yan, anak," ang sagot ni Rodel habang busy pa rin ito sa pagkokompyut ng salapi. "Tutal may varsity naman dun sa papasukan mo… Tsaka pwede bang hindi na Arnis?" may halong inis ang boses ng tatay niya.

"Po?"

"Hindi ba pwedeng iba naman? Swimming, ganon?"

"'Tay, 'di naman po gano'n kadali na magbago ng sports. Ang tagal ko na kayang nagti-train ng Arnis. Kung kelan ako Grade 11 saka ako magbabago?"

"Suggestion lang naman," sabi ni Rodel, sabay buntong hininga.

Nilapitan ni Dian ang tatay niya sabay akbay.

"'Tay, ano po ba ang iniisip ninyo? Okay nga itong Arnis, Anyo lang naman. Hindi katulad ng swimming, baka malunod pa ako."

"E ng Boxing?"

"Magpapasapak ba ako sa mukha? Sayang ang ganda ko!"

"Volleyball?"

"Okey 'yan, 'tay, andun 'yung mga beki kong friends."

"Basketball?"

"Andun 'yung mga tomboy na kaibigan ko."

"Wala namang masama dun. Tatanggapin ko kung ano ka pa, anak. Anak kita e," ang sabi ni Rodel, sabay ngiti kay Dian.

"'Tay, alam naman ninyo na ito lang 'yung alam kong gawin," paliwanag ni Dian. "Tsaka ito po 'yung tinuro sa akin ni Nanay. Gusto ko po sanang makarating sa Palaro, tapos sa ibang bansa, gamit 'yung natutunan ko sa kanya. Kaya… okey lang po ba na ituloy ko na lang 'yung paga-Arnis ko?"

Napaisip si Rodel. Paano ba niya sasabihin sa anak na ang paga-Arnis niya ang magdadala sa kanya sa panganib?

~oOo~

Next chapter