125 Leading man

"SAMMIE! Table two!"

Mabilis na lumingon si Sammie nang tawagin ang pangalan niya ng bartender na si Brusko. Mabilisan niyang sinulat ang order ng table na kasalukuyan niyang kinatatayuan. Nang masigurong nakuha na niya lahat ng gusto ng dalawang lalaking customer, agaran siyang naglakad patungong bar counter.

Nilapag niya ang order sheet sa counter top. "Sa table six `to, okay na ba `yung sa table twelve? Bakit nauna pa itong table two? Eh, kanina pa `yon?"

Napakunot ang noo ni Brusko matapos pagmasdan ang mga nakadikit na order sheets gilid ng counter. Napamura ito at apologetic na tumingin sa kanya. Naningkit ang mga mata niya rito.

"Sorry, mamshie, nakalimutan ko. Ito gagawin ko na."

Umikot ang mga mata ni Sammie. Pasalamat ang baklang ito at super friendship silang dalawa kung hindi ay tatalakan niya ito sa katangahan nito.

"Bruhilda ka! Sige na bilisan mo na lang please, kasi kanina pa nakabusangot `yung mukha nung mga nasa table twelve."

"Got it!" matining na sabi ng matsong bading.

Umiiling na kinuha ni Sammie ang tray na may laman na isang bucket ng beer at isang platito ng mani. Agad niya itong dinala sa table two.

Isa lamang ito sa mga normal na gabi ni Sammie sa pinapasukang bar and grill sa Tomas Morato. Part time niya lang itong ginagawa since nag-aaral pa siya ng kursong journalism. Dalawang linggo na lang at matatapos nang unang taon niya sa kolehiyo. Hindi naman siya galing sa mayamang pamilya. Sa katunayan ay isang siyang probinsyana na lumaki sa Bicol.

Mahigit isang taon na rin ang nakalilipas simula nang naglakas loob si Sammie na lumipat ng Maynila upang dito mag-aral. Masyado kasing mataas ang pangarap niya at naniniwala siya na isang magandang edukasyon ang pundasyon para sa magandang kinabukasan.

"Okay na ba ang table twelve?" tanong niya kay Brusko pagbalik niya sa counter.

"`Eto na mamshie, ang dami naman pala kasing order niyang mga customer mo. Ano? Uhaw na uhaw sa alak? Halos buong menu na ang gustong tikman. Naka-crayola (cry) na ang beauty ng lola mo, ha! Kota kinabalu (nakadami) na aketch (ako) ngayong gabi!" tuloy-tuloy na reklamo ni Brusko habang natataranta sa pagmi-mix ng alak.

Natatawang sumandal na lang si Sammie sa counter top habang inaantay si Brusko na matapos sa ginagawa nito. Kasalukuyan siyang nakatulala sa kawalan. Biglang tumuwid ang likuran niya nang matanaw kung sino ang pumasok sa kanilang bar.

Tila nag-slow motion ang paligid ni Sammie at narinig niya sa tenga ang kantang "Saved" by Khalid. Dahil mas seksi pa sa boses ni Khalid ang lalaking nakikita niya ngayon. Hindi sapat ang salitang "perfect" para ma-define kung gaano ito kagwapo. The potential leading man is wearing a leather jacket and a sexy bad boy face. He has a well-defined jaw line that can surely cut any jewelry in the world. Kahit pa madilim tila HD sa paningin niya ang itsura nito. Thick eyebrows, deep seducing eyes, sexy manly lips at higit sa lahat sa sobrang tangos ng ilong nito mahihiyang dumikit ang mga pango kasi lalong magmumukhang flat dahil dito. Siguradong kung may olympics sa paramihan ng panty na mailaglag sa pamamagitan ng titig. Mananalo ang lalaking ito. End of the world na ba? Paano bumaba ang isang Greek God sa lupa?

"Ano, te? Pupulutin ko na ba ang panga mo sa sahig?" Naputol ang pagka-starstruck ni Sammie sa bagong dating na customer dahil kay Brusko. Pagtingin niya sa bakla, pinandidilatan na siya nito ng mata at nginunguso ang tray ng mga alak na kanina pa nag-aantay sa kanya. "Sino ba'ng tinitignan mo at kung makanganga ka riyan, eh, kakasya na ang buong paa ko?"

Nalukot ang mukha ni Sammie. "OA mo. Kadiri ka!" Pero agad din nagbago ang mood niya at hinila sa kwelyo si Brusko.

"Arouch! Ano ba, `te, dahan-dahan naman!"

"Shhh!" saway niya rito at agad bumulong sa tenga nito. "Tignan mo `yung lalaking umupo sa table four."

Kunot noong nilipat ni Brusko ang tingin sa kabilang korner ng bar at ganoon na lang ang eksaheradang pagsinghap nito nang masipat kung sino ang naka-upo doon ng mag-isa.

"Homaygulay! Masarap na kalamay! Papables of the century!" Impit itong tumili habang nanlalaki pa ang mga mata. Mas lalong lumaki ang ngisi ni Sammie.

"Mamshie, bilis! Mamaya mo na ihatid `tong orders ng table twelve at ako na ang bahala. Puntahan mo na si papables at kuhanan mo ng order at baka mamaya maunahan ka pa—ay shuta ka! Ayan na nga sinasabi ko naunahan ka na ni Candy! Hmp!"

Maagap na lumapit ang isa pa nilang kasamahang waitress sa lalaki at kinukuha na ang order nito. Nag buntong hininga na lang si Sammie. Sayang, chance na sana niya itong makita ng mas malapitan. `Di bale, mahaba pa ang gabi. Mamaya, sisimplehan niya ito ng ninja moves.

avataravatar
Next chapter