3 Gift

"NAKU, LEXI! Nakakaloka naman `tong mga regalo mo. Mas mahal pa sa buhay ko!" matining na bulalas ni Belle. Halos hindi ito magkandaugaga sa pagbubukas ng mga regalo na nakasalansan sa ibabaw ng kama. Isa-isa pa nitong sinukat ang mga dress, shades at shoes habang nagfi-feeling fashion model na naglakad-lakad sa harapan niya.

Umikot ito ng full turn. "Hermes, pak!" Yumuko ito sabay hawak sa isang tuhod at sinundan ng flying kiss. "Valentino, pak!" Sunud itong nag-posing at nag-wave na tila nanalo sa Miss Universe. "Loui Vwi-twuan, pak!"

Ang lakas ng halakhak ni Lexine. "Loka-loka ka talaga! Sige na, kung may gusto ka riyan, kunin mo na."

Nagtitili si Belle at halos lumuwa ang mga mata na tumalon sa tabi niya. Umalog ang kamang kinauupuan nila. "Talaga? Naku! Nakakahiya naman sa `yo my friend. Pero sabi ng matatanda masama raw tanggihan ang grasya, kaya sige na nga, hindi kita tatanggihan tutal mapilit ka!"

Anak si Isabelle ng mag-asawang Rodriguez na matagal ng naninilbihan sa kanilang pamilya. Magka-edad sila at dahil na rin sa masayahin nitong personalidad ay mabilis silang nagkasundo. Parang magkapatid nang turingan nilang dalawa kaya naman kung anung mayroon si Lexine ay binabahagian niya rin ito.

Kakatapos lang ng kanyang Sweet Sixteen birthday party na ginanap sa grand ballroom ng Golden Archangel Resorts and Casino na isa sa mga property na pagmamay-ari ng kanilang angkan. Nag-hire pa ang lolo niya ng tanyag na event production company upang masigurong magiging mala-fairy tale ang espesyal na okasyon. Dinumog ng mga bisita ang party ni Lexine. Nangunguna na roon ang mga kamag-anak nila mula sa alta sociedad at mga kaibigan ni Alejandro sa negosyo at politika. Nagpunta rin ang mga classmate ni Lexine at ang ballet group na kinabibilangan niya. Inabot ng humigit-kumulang dalawang oras ang program. Gusto na sana niyang magpahinga kung hindi lang siya kinulit na Belle na buksan ang gabundok niyang regalo.

Nagpatuloy si Belle sa pagiging fashionista habang nagse-selfie sa hawak nitong smartphone. Nagtungo naman si Lexine sa pantry at kinuha ang pinatabi niya sa waiter na isang box ng favorite niyang red velvet cupcake. Kumuha siya ng isang piraso at kinagatan `yon. Halos mapaungol siya sa tamis ng icing at malambot nitong dough na nalusaw sa kanyang bibig.

Lexine checked her iPhone. It's already 1:11 am. Inabala niya ang sarili sa pag-scroll ng Facebook habang maganang nginangata ang cupcake. Isa-isa niyang tinignan ang mga tagged pictures mula sa mga kaibigan. Isang picture ang pumukaw ng kanyang atensyon; kuha iyon habang sumasayaw sila ni Ansell. Malaki ang kanyang ngiti at nakaharap sa camera habang si Ansell naman ay taimtim na nakatitig sa kanya. They both looked very happy. Who would've thought na magiging ganito sila ka-close samantalang tila aso't pusa sila noong grade school?

Ilang minuto pa ang lumipas nang sumigaw si Belle at inaaya siyang sumayaw. Biglang umugong ang malakas na tugtog ng "Into You by Ariana Grande." Kahit malalim nang gabi ay hindi pa rin ito nauubusan ng energy sa katawan na tila nakalaklak ng isang bote ng Vitamin C. Samantalang si Lexine ay nasagad nang lakas dahil sa haba ng program na i-ni-arrange ng event organizers. Halos makatulog na nga siya sa sariling party. Buti na lang at makulit ang escort niyang si Ansell at kahit papaano ay nawala ang antok niya sa kadaldalan ng binatilyo.

Ibinalik ni Lexine ang box sa loob ng mini fridge habang hawak sa isang kamay ang kinagatang cupcake. Lumipat ang tingin niya sa alcoholic beverages sa gilid. Nakainom na siya ng wine noon. Hindi naman siguro magagalit ang lolo niya kung titikim siya ng beer ngayong gabi. Muli niyang nilingon si Belle na gumigiling-giling at tumatalon na sa ibabaw ng kama.

Well, it's my birthday and I have all the rights to celebrate tonight.

Kinuha ni Lexine ang isang bote ng San Miguel nang biglang umugong ang door bell. Lumingon siya sa gawi ng kwarto at sumigaw, "Belle, nagpatawag ka ba ng room service?"

Subalit dahil sa lakas ng speaker kaya hindi siya nito naririnig. Nagtungo si Lexine sa pintuan, sumilip sa peep hole at naaninag ang dalawang lalaking hotel staff na nag-aantay sa labas. Ang isa sa mga ito ay may hawak na trolley. Tinanggal niya ang kawit ng door chain at bahagyang binuksan ang pinto.

Una niyang napansin ang matangkad na lalaki sa tabi ng binatang may hawak ng trolley. Namumutok ang katawan nito na mukhang batak sa gym. Parang magnet na hinila ang atensyon ni Lexine ng ekis na peklat sa kaliwa nitong mata. Tumirik ang mga balahibo niya sa batok at isang maingay na sirena ng bumbero ang umugong sa kanyang isipan na nagbabanta ng papalapit na panganib. Somehow the man looks familiar but Lexine can't pinpoint when exactly she saw him. Humigpit ang kapit niya sa gilid ng pinto.

Nababalutan ang trolley ng itim na tela na malapit ng sumayad sa sahig; isang may takip na round metal tray ang nasa ibabaw niyon. Nagsalubong ang kilay ni Lexine. Muli siyang lumingon sa gawi ng kwarto. Hanggang sa labas ay naririnig ang sintunadong boses ni Belle.

Binalik niya ang atensyon sa dalawang lalaki. "Anu ho `yan?"

"Birthday gift ng hotel management para sa inyo," sagot ng lalaking may peklat.

Para bang yelo na mabilis nalusaw sa ilalim ng araw ang kabang nararamdaman ni Lexine. Her face brightened like a little girl that's thrilled to receive her present. Tinanggal ng binata ang takip ng tray at isang maliit na box ang nasa loob niyon. May pink ribbon pa `yon sa ibabaw. Ang kanina niyang naninigas na balikat ay unti-unting nag-relax. Lexine almost laughs at herself for being too paranoid. Their family owns this hotel, of course, she should be safe here.

"Thank you," aniya at tuluyang binuksan ang pintuan. Tinulak ng binata ang trolley papasok sa loob ng suite. Inabot nito ang box sa kanya.

"Buksan niyo po," udyok nito. Cute ito at may dimples sa magkabilang pisngi. Mas bata rin ito at mas payat ang katawan kumpara sa kasama nito.

Hindi maalis ang ngiti sa labi ni Lexine. Pinatong niya ang hawak na cupcake sa ibabaw ng tray at dahan-dahang binuksan ang box. Agad nalusaw ang kanyang ngiti. What is this? Bakit walang laman ang kahon?

"Happy birthday, princess," bulong ng malalim na boses sa kanyang tainga at kasabay niyon ang makirot na tusok sa kanyang leeg.

Pumihit si Lexine sa kanyang likuran. May hawak na syringe ang lalaking may peklat. Lumapad nang husto ang ngiti ng dalawang staff ngunit sa pagkakataong iyon ay nakita na niya ang nagtatagong sikreto. Mabilis na bumigat ang ulo ni Lexine kasabay ng unti-unting paglabo ng kanyang paningin. Pinanood lang siya ng mga ito habang nanlalambot na tila gulay ang dalawa niyang tuhod. Nabitawan niya ang kahon. "A-anung g-gina—"

Mabilis na gumapang ang pamamanhid sa buong katawan ni Lexine na tila isang ahas na pumupulupot sa kanyang binti pataas sa leeg. Tumama ang kamay niya sa tray; nahulog iyon kasabay ng cupcake na nagpagulong-gulong sa pulang carpet. Tuluyan siyang natumba. Agad sinalo ng lalaking may peklat ang bewang niya. Diretsong nasubsob ang ulo niya sa matigas nitong dibdib at tuluyan siyang nilamon ng kadiliman.

avataravatar
Next chapter